Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking mga Magulang?

Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking mga Magulang?

“Ang aking tatay ay isang kilalang elder sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Iginagalang ko siya, pero kung minsan ay nagtatampo ako dahil saanman ako pumunta, kilala lamang ako bilang anak ni Bill.”​—Larry. *

“Dahil prominenteng elder ang tatay ko, nararamdaman kong malaki ang inaasahan ng lahat sa akin, at napakahirap para sa akin na kumilos nang natural.”​—Alexander.

HABANG nagkakaedad ka, natural lamang para sa iyo na maghangad ng kalayaan​—makagawa ng sariling pangalan, o reputasyon. Pagkapanganak sa iyo, pumipili ang iyong mga magulang ng ipapangalan sa iyo na gusto nila. Ngayong ikaw ay nagbibinata o nagdadalaga na, gusto mong magkaroon ng pagkakataong pumili ng iyong sariling “pangalan”​—samakatuwid nga, gumawa ng sarili mong reputasyon.

Sumulat si Haring Solomon: “Ang [mabuting] pangalan ay mas mabuting piliin sa halip na saganang kayamanan; ang lingap ay mas mabuti kaysa sa pilak at ginto.” (Kawikaan 22:1) Kahit bata ka pa, marahil ay gusto mo nang gumawa ng iyong sariling pangalan.

Ang Buhay sa Likod ng Kanilang Anino

Tulad nina Larry at Alexander, nadarama ng ilang kabataan na sila’y nabubuhay sa anino ng pangalan o tagumpay ng kanilang mga magulang. Marahil ang kanilang mga magulang ay prominente sa kanilang komunidad dahil sa kanilang trabaho o pinag-aralan. O maaaring sila’y kilalang-kilala sa kongregasyong Kristiyano. Alinman dito ang totoo sa iyong mga magulang, baka nadarama mo paminsan-minsan na parang nakatingin silang lahat sa iyo at palaging binabantayan ang iyong ginagawa. Baka maghinanakit ka sapagkat napipilitan kang gumawi sa isang partikular na paraan dahil lamang sa iyong mga magulang.

Halimbawa, ang ama ni Ivan ay naglilingkod bilang isang elder sa isang lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang sabi ni Ivan: “Dahil kilalang-kilala at iginagalang ang tatay ko, lagi akong nakadarama na dapat akong maging halimbawa sa paaralan at sa bahay. Nadarama kong ginagamit akong sukatan ng ibang mga magulang sa inaasahan nilang dapat igawi ng kanilang mga anak. Bagaman nakapagpapataba ng puso, inilalagay naman ako nito sa matinding panggigipit na magpakitang-gilas sa harap ng iba. Dahil dito, nawawalan na tuloy ako kung minsan ng kababaang-loob at hindi ko na nakikita ang mga depekto sa aking personalidad.” Ang sabi naman ni Alexander: “Pakiramdam ko’y palagi akong binabantayan anupat kapag nagkamali ako, nakaturo na agad sa akin ang kanilang mga daliri.”

Sinubukan ni Larry, sinipi sa pambungad, na iwasang maging tampulan ng pansin sa pamamagitan ng pagtatago ng kaniyang apelyido. Ang sabi niya: “Kapag nakakatagpo ako ng bagong kakilala sa mga pagtitipon, sinasabi kong, ‘Hi, ako si Larry,’ at hanggang doon na lang​—nang hindi binabanggit ang aking apelyido. Kung puwede, ipinipirma ko lamang ang aking unang pangalan. Nangangamba akong baka maiba ang pakikitungo sa akin ng mga tao kapag nalaman nila kung sino ang aking tatay. Gusto kong maging normal ang pakikitungo sa akin ng aking mga kasamahan.”

Mangyari pa, makatuwiran lamang na posibleng malaki ang asahan sa iyo ng iba kung ang iyong tatay ay naglilingkod bilang isang Kristiyanong matanda o isang ministeryal na lingkod. Kung sa bagay, ang mga lalaking may gayong atas na posisyon ay dapat na “namumuno sa mahusay na paraan sa mga anak at sa kanilang sariling mga sambahayan.” (1 Timoteo 3:5, 12) Hindi nga kataka-takang asahan ka ng mga tao na maging huwaran! Subalit masama ba ito? Hindi nga, kung iisipin mo na ang kabataang Kristiyanong si Timoteo, na marahil tin-edyer pa noon, ay pinili ni Pablo na maglakbay kasama niya at makibahagi sa mahalagang gawaing pagmiministro. (1 Tesalonica 3:1-3) Kaya nga dapat kang magsikap na maging isang huwaran, inatasang matanda man o hindi ang iyong tatay.

Pagrerebelde Isang Maling Pagpili

Magkagayunman, sinisikap pa rin ng ilang kabataan na takasan ang anino ng kanilang mga magulang sa pamamagitan ng pagrerebelde. Ang sabi ni Ivan: “May mga panahon na kinaiinisan kong maging isang halimbawa. Nagrebelde ako sa pamamagitan ng pagsubok kung hanggang saan ko puwedeng pahabain ang aking buhok nang walang sumisita.”

Si Absalom, isa sa mga anak ni Haring David, ay nagrebelde rin. Kilala ang kaniyang ama sa kaniyang debosyon kay Jehova at marami ang nagmamahal sa kaniya sa bansang Israel. Malaki ang inasahan kay Absalom bilang anak ni David. Subalit sa halip na mamuhay ayon sa makatuwirang inaasahan, pinili ni Absalom na gumawa ng sariling pangalan sa pamamagitan ng pagrerebelde sa kaniyang ama. Yamang si David ay pinahirang kinatawan ni Jehova, ang totoo’y si Jehova ang pinagrerebeldehan ni Absalom. Ang kaniyang mga iginawi ay nagdulot ng kahihiyan sa pamilya at kapahamakan sa kaniyang sarili.​—2 Samuel 15:1-15; 16:20-22; 18:9-15.

Maaari ka ring ipahamak ng pagrerebelde. Tingnan natin ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Nehemias. Isinubo siya ng ilan sa kaniyang mga kaaway na gumawa ng di-makadiyos na bagay. Bakit? “Upang sirain nila ang aking reputasyon at hiyain nila ako,” ang sabi ni Nehemias. (Nehemias 6:13, Today’s English Version) Ang pagrerebelde ay magbibigay sa iyo ng masamang pangalan​—isa na mahirap malimutan ng mga tao.

Hindi dapat kaligtaan ang maaaring maging epekto sa iba ng rebelyosong paggawi. Sa paanuman, bibigyan mo ang iyong mga magulang ng di-kinakailangang kapighatian. (Kawikaan 10:1) Posible ring magbigay ng masamang epekto sa ibang kabataan ang iyong mga paggawi. Inamin ni Ivan: “Nagkaroon ng masamang epekto sa aking kapatid ang aking paggawi. Sandaling panahon na lubusan niyang tinalikuran ang kongregasyong Kristiyano, at nagpakaabala sa lahat ng bagay na alam niyang hindi kasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya. Mabuti na lamang, natauhan siya at ngayo’y naglilingkod nang muli kay Jehova at siya’y maligaya.”

Mas Mabuting Landasin

Si Solomon, kapatid sa ama ni Absalom, ay tumahak sa ibang landasin. Handa siyang matuto nang may pagpapakumbaba mula sa kaniyang amang si David. (1 Hari 2:1-4) Sa halip na itaas ang sarili, sinikap ni Solomon na makagawa ng isang magandang pangalan sa Diyos. Habang ginagawa niya ito, nagdudulot siya ng karangalan sa kaniyang pamilya at nakilala siya bilang isa sa pinakadakilang hari ng Israel.​—1 Hari 3:4-14.

Ang magandang halimbawa ni Solomon ay nagtatampok ng dalawang mahahalagang bagay: Una, gumagawa ka ng iyong sariling pangalan, hindi sa pamamagitan ng paglayo mo sa inyong pamilya, kundi sa pamamagitan ng pagkatuto mula sa magagandang katangian ng inyong pamilya. Ang babasahing Adolescence ay nagsasabi: “Ang pagbibinata at pagdadalaga ay hindi dapat na maging panahon ng paghiwalay sa mga magulang upang maipagmalaki ng kabataan na siya’y may sariling pangalan.” Ang kakayahan mong makagawa ng sariling pangalan “ay hindi nahahadlangan ng suporta ng magulang,” nagpatuloy ang babasahin, “kundi nakatutulong pa nga ito.”

Kapansin-pansin, nagpayo mismo si Solomon: “Makinig ka sa iyong ama na nagpangyari ng iyong kapanganakan, at huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” (Kawikaan 23:22) Maliwanag na hindi mga bata ang sinusulatan dito ni Solomon sapagkat kapag “tumanda na” ang mga magulang, malamang na malaki na ang anak nito. Ang punto? Kahit nagkakaedad ka na at mayroon nang sariling pamilya, makikinabang ka pa rin sa karunungan ng iyong mga magulang. Napatunayan ito ni Ivan mismo. Ang sabi niya: “Habang nagkakaedad ako, sinisikap kong matularan ang magagandang katangian ng aking mga magulang habang iniiwasan naman ang kanilang mga pagkakamali.”

Ang ikalawang punto na dapat isaalang-alang ay na ang priyoridad ni Solomon, ay hindi ang pagkakaroon ng “sariling pangalan,” kundi ang pagpapalugod kay Jehova. Tunay ngang malaki ang inaasahan sa kaniya bilang anak ni David. Subalit ang pananalig ni Solomon kay Jehova ang tumulong sa kaniya upang maisabalikat ang kaniyang mga pananagutan. Tinularan ni Alexander ang ganitong pangmalas. Ang sabi niya: “Tanggap ko na ngayon ang katotohanan na talagang karaniwan nang mas malaki ang inaasahan sa mga anak ng mga elder. Minalas ko ito sa positibong paraan, at napatunayan kong ito’y isang proteksiyon sa akin. Napag-isip-isip kong ang pinakamahalagang bagay ay ang pangmalas ni Jehova sa akin. Kilala niya ang aking pagkatao at hindi lamang dahil sa anak ako ng kung sino.”

Nakayanan na rin ni Daryn, na ang ama ay nagtapos sa Watchtower Bible School of Gilead *​—isang paaralang nagsasanay ng mga misyonero​—ang pagkakaroon ng popular na mga magulang. Ang sabi niya: “Nang magpabautismo ako, inialay ko ang aking sarili kay Jehova at hindi sa kanino pa man. Sa pagtupad sa aking pag-aalay sa abot ng aking makakaya, nakadarama ako ng panloob na kapayapaan dahil alam kong nalulugod si Jehova sa akin, kahit na hindi ko magawa ang lahat ng bagay na nagawa ng aking mga magulang.”

Ganito ang napansin ni Haring Solomon: “Sa pamamagitan nga ng kaniyang mga gawa ay ipinakikilala ng isang bata kung ang kaniyang gawain ay dalisay at matuwid.” (Kawikaan 20:11) Matapos maisaalang-alang ang lahat, maaalaala ka ng mga tao sa iyong sinasabi at ginagawa. Maging halimbawa ka “sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” Kung gayon, mamahalin ka at igagalang ng mga tao dahil sa ikaw ay ikaw!​—1 Timoteo 4:12.

Subalit sa ibang kabataan naman, ang hamon ay kung paano makatatakas sa anino ng mga kapatid nilang nagtagumpay. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano mo haharapin ang hamong ito.

[Mga talababa]

^ par. 3 Pinalitan ang ilang pangalan.

^ par. 22 Ang Gilead School ay pinangangasiwaan at pinapatnugutan ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 26]

Ang pagrerebelde ay magdudulot lamang sa iyong mga magulang ng pighati at sisira sa iyong reputasyon

[Larawan sa pahina 26]

Maaaring makinabang ang iba sa iyong magandang halimbawa