Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Natuklasang Bagong Uri ng Ibon
“Sa kabuuan, 28 bagong uri [ng mga ibon] na ang nailarawan sa mga babasahing para sa siyensiya mula pa noong 1998, at dahil sa pananaliksik, marami pang maidaragdag sa kabuuang bilang na mga 9,700 sa buong daigdig,” ang sabi ng The Independent ng London. Ayon kay Steve Gantlett, editor ng magasing Birding World, “marami sa mga ito ay natuklasan dahil sa napakadali nang maglibot sa daigdig—ang mga ornitologo ay nakapupunta na sa liblib na mga lugar na halos hindi marating noong nakalipas na mga dekada.” Ang mga natuklasang ito, ang sabi niya, “ay nagpapahiwatig din na mas eksperto na sila sa pagkilala ng mga uri sa pamamagitan ng mga huni nito—na kadalasang tanging paraan ng pagtuklas sa kanila sa makakapal na kagubatan sa tropiko.” Naniniwala ang mga siyentipiko na marami pang uri ang matutuklasan. Subalit kung wawasakin ang pinamumugaran ng mga ito, maaaring manganib ang mga bagong-tuklas na uring ito “sapagkat kakaunti lamang sila at matatagpuan lamang sa maliliit na lugar,” ang paliwanag ng The Independent.
Maiingay na Isda
Natuklasan ng mga mananaliksik sa Australian Institute of Marine Science (AIMS) na ang isda, “pati na ang damselfish, soldierfish at cardinalfish . . . ay nag-uusap sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga pag-igik, pag-irit at pagsipol,” ang ulat ng pahayagang The West Australian. Nakatulong ang tuklas na ito na ipaliwanag kung paano nakauuwi ang mga batang isda matapos matangay palayo mula sa batuhan. Inirekord ng mga mananaliksik sa AIMS ang mga ingay sa batuhan at pinatugtog ito sa loob ng mga pambitag sa isda. Sinabi ng siyentipikong si Dr. Mark Meekan sa pahayagan na “mas maraming batang isda ang nahuli sa mga bitag na may tumutugtog na rekording kaysa sa mga bitag na walang ingay, anupat nagpapahiwatig [na] naaakit ang mga isda sa partikular na mga tunog.” Natuklasan ng mga mananaliksik na ang mga huni ng adultong mga isda ay naririnig hanggang sa layong 15 kilometro. “Sa takipsilim at bukang-liwayway,” ang sabi ni Meekan, “ang koro ng huni ng mga isda ay umaabot sa isang kresendo na katumbas ng hugong ng libu-libong tinig sa isang istadyum ng football.” Gayunman, ang ganitong “koro” ay hindi naririnig ng mga tao.
Bawas na Timbang o Bawas na Salapi?
“Mga 231 milyon katao sa European Union ang sumubok na magdiyeta noong 2002,” ang sabi ng International Herald Tribune ng Paris. Ayon sa ulat ng Datamonitor, isang grupo na sumusubaybay sa pag-unlad ng industriya, ang mga nagdidiyeta sa Europa ay gumugol ng 100 bilyong dolyar sa mga produktong pampapayat noong isang taon—“ang katumbas ng gastusin ng Morocco.” Pero “wala pang 4 na milyon ang magtatagumpay na manatiling payat nang mahigit na isang taon,” at “wala pang isa sa 50 kataong nagdidiyeta sa Europa ang permanenteng nabawasan ng timbang,” ang sabi ng pahayagan. Ang Alemanya ang nangunguna sa paggastos ng salapi, anupat ang mga nagdidiyeta ay nagbabayad ng halos 21 bilyong dolyar para sa mga produktong pampapayat, samantalang ang mga taga-Britanya naman ay gumastos ng halos 16 na bilyong dolyar. Ang mga mamimili naman sa Italya at Pransiya ay gumastos ng mga 15 bilyong dolyar at 14 na bilyong dolyar ayon sa pagkakasunod. Ayon sa Datamonitor, ang sabi ng Tribune, “ang mensaheng dapat ipaunawa sa mga nagpapapayat ay na hindi lamang pagdidiyeta ang magdudulot ng pangmatagalang solusyon sa sobrang timbang.”
“Krisis sa Ikaapat na Bahagi ng Buhay”
Ang pagiging “nasa ginintuang edad-beinte” ang dapat na maging “pinakahuwarang panahon para sa isang maligaya at maginhawang buhay,” ang sabi ng pahayagang Gießener Allgemeine sa Alemanya. “Lampas na ang pagbibinata at pagdadalaga, at malayo pa ang krisis sa kalagitnaan ng buhay.” Subalit sa halip na maging maligaya at maginhawa, ang lumalaking bilang ng mga nasa edad-beinte ay napapaharap sa tinatawag ng mga espesyalista na krisis sa ikaapat na bahagi ng buhay. Ang terminong ito ay “nagpapahiwatig ng kalituhan sa kanilang pagkatao na dinaranas ng mga kabataan kapag sila’y magtatapos na sa pag-aaral at dapat nang magpasiya kung ano ang gusto nilang gawin sa natitirang bahagi ng kanilang buhay,” ang sabi ng pahayagan. Ipinaliwanag ng sikologo sa Mannheim na si Christiane Papastefanou na ang pag-unlad ng lipunan nitong nakalipas na mga taon ay nakaragdag sa kabalisahan tungkol sa kinabukasan. Bukod dito, sa dami ng posibleng mapapasukan at mapagpipiliang istilo ng pamumuhay sa ngayon, nangangamba ang mga kabataan na baka sila magkamali sa pagpili. Gayunman, naniniwala si Papastefanou, sinipi sa pahayagang Aleman, na ang mga desisyon ay maaari pa rin namang baguhin at na hindi maling gumawa ng “ilang pagbabago sa buhay.”
Isinisiwalat ng Bagong Teknolohiya ang Paglalakwatsa
“Dahil sa bagong teknolohiya, ang mga guro ay nakapagpapadala na ng mga text message sa mga magulang kapag naglalakwatsa ang mga estudyante,” ang sabi ng edisyong Ingles ng pahayagang El País ng Espanya. Sa 200 paaralan sa Espanya, ikinabit ang isang pantanging sistema ng computer para gamitin upang iulat ng mga guro ang mga resulta sa eksamen, irekord ang mga lumiban sa klase, at ilagay ang mga parusang inilapat sa mga estudyante. Tuwing umaga, tinatawag ng mga guro ang mga pangalan hawak ang isang yunit na kasinlaki ng isang pambulsang calculator. Pagkatapos, ikokonekta nila ang yunit sa pangunahing computer, na nagpoproseso sa impormasyon. “Kung minsan, awtomatikong ipinadadala ang mga mensahe sa mga cellphone ng mga magulang,” ang sabi ng pahayagan. Dahil sa teknolohiyang ito, ang pagliban sa klase na dati’y hindi napapansin ay nakarekord na ngayon. Ayon sa edisyong Kastila ng El País, 400 pang paaralan ang interesadong magpakabit ng sistemang ito ng computer.
Maaaring Makasamâ sa Kalusugan ng Sanggol ang Pagbabago ng Dekorasyon sa Bahay
“Kapag binago ng mga tao ang dekorasyon sa kanilang tahanan sa panahon ng pagdadalang-tao o halos pagkasilang na pagkasilang ng kanilang anak,” ang sabi ng newsletter na Medi-Netz sa Alemanya, “posibleng magkaroon ang sanggol ng iritasyon sa palahingahan o sakit pa nga sa palahingahan sa unang ilang buwan ng kaniyang buhay. Natuklasan ngayon na ang sistema ng imyunidad ng bata ay apektado rin, kahit nasa loob pa ng sinapupunan, anupat ang bata ay madaling mahawa sa sakit at maalerdyik.” Natuklasan ng mga mananaliksik sa ilang klinika at mga surian sa Alemanya na yaong mga sumisingaw mula sa mga pandikit, karpet, basang pintura, at bagong muwebles ay kabilang sa mga kemikal na nagdudulot ng problema. “Pinahihina ng mga sumisingaw na kemikal ang mga selula mismo ng ating sistema ng imyunidad na nagsasanggalang sa atin mula sa pagkakaroon ng alerdyi,” ang sabi ng Medi-Netz. Iminumungkahi ng isang katulad na ulat sa magasing GEO na huwag munang magbago ng dekorasyon sa bahay ang mga magulang “hanggang sa magdalawang taon na ang bata,” kapag mas malakas na ang sistema ng imyunidad nito.
Mga Asosasyong Pang-isport at Nakasusugapang mga Substansiya
“Mas madalas uminom ng alak at malasing ang mga kabataang kabilang sa mga asosasyong pang-isport kaysa sa iba,” ang sabi ng balita ng Finnish Broadcasting Company sa Internet. Ayon sa mga resulta ng imbestigasyon, na inilathala ng Research Center of Health Promotion sa University of Jyväskylä, ang “alak, serbesa, at sigarilyo ay kadalasan nang kaugnay ng isport sa pamamagitan ng pag-aanunsiyo at pagtataguyod sa mga ito,” ang sabi ng pahayagang Helsingin Sanomat sa Helsinki. “Ginagaya ng mga kabataan ang nakatatandang mga atletang hinahangaan at tinutularan. Ang pagbaha ng champagne at sigarilyo sa mga selebrasyon ng pagiging kampeon ay napapansin ng mga kabataan.” Ang pagsinghot ng snuff, tinimplang pulbos ng tabako, ay isa pang problema. “Wala pang 4 na porsiyento ng mga batang lalaki na 15 taóng gulang na hindi kasali sa mga asosasyong pang-isport ang sumisinghot ng snuff linggu-linggo, subalit halos 10 porsiyento ng mga nasa asosasyong pang-isport ang nakasinghot na,” ang sabi ng pahayagan.
Pagkurap ng Mata
“Libu-libong neuron na kabilang sa mahigit na 30 iba’t ibang grupo ang kailangan upang mapagalaw ang talukap ng ating mata,” ang paliwanag ng pahayagang El País ng Espanya. Ang mga grupong ito ng neuron, na siyang nag-uugnay “sa talukap mismo ng mata sa cerebral cortex,” ay lalong nakilala higit kailanman ng isang pangkat na pinangungunahan ng mga Kastilang neuroscientist, na nangasiwa sa kanilang pag-aaral sa mga hayop. Bakit kaya kailangan ng talukap ng mata ang gayon karami at kakumplikadong hanay ng mga neuron? Dahil hindi pare-pareho ang paraan o dahilan ng pagsara ng mga ito. Kabilang sa trabaho ng talukap ng mata ang kusang pagkurap—mga 15 ulit sa isang minuto upang mapanatiling basâ ang cornea—gayundin ang biglang pagkurap kapag may biglang nápalapít sa mata at boluntaryo, o kusang, pagkurap. Puwede ring bahagyang sumara ang mga talukap, marahil dahil sa ilang emosyon, o lubusang sumara sa iba’t ibang haba ng panahon.
Mga Computer—Ang Epekto Nito sa Kapaligiran
“Napagtatakpan ng malinis at magandang impresyon na iniuukol sa modernong computer ang tunay na epekto nito sa kapaligiran,” ang sabi ng magasing New Scientist. Ang paggawa lamang ng isang simpleng memory chip at paggamit nito sa isang computer na tumatagal nang apat na taon ay “umuubos na ng fossil fuel na 800 ulit ng timbang mismo ng chip,” ang paliwanag ng magasin. Tinataya ng mga analista sa Hapon, Pransiya, at Estados Unidos na para makagawa at makagamit ng isang 32-megabyte memory chip na may timbang na dalawang gramo, kailangan ang di-kukulangin sa 1.6 kilo ng fossil fuel, saka ng di-kukulangin sa 32 kilo ng tubig at 72 gramo ng nakalalasong kemikal gaya ng amonya at hydrochloric acid. Sa pagtatapos ay sinabi ng analista: “Napakalaki ng epekto ng maliliit na memory chip sa kapaligiran.”