Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Napakalaking Amazon—Mahalagang Kawing sa Buhay ng Milyun-milyon

Ang Napakalaking Amazon—Mahalagang Kawing sa Buhay ng Milyun-milyon

Ang Napakalaking Amazon​—Mahalagang Kawing sa Buhay ng Milyun-milyon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

ITO ang pinakamalaki sa mga ilog. Binabagtas nito ang pinakamalaking tropikal na maulang kagubatan sa lupa. Sinasabi ng mga mananaliksik na mahalaga ito sa ating planeta. Paraiso naman ito para sa mga manggagalugad at mahihilig sa kalikasan. Subalit para sa milyun-milyong taga-Brazil, mahalaga rin ito sa kanilang komunikasyon. Ang ating inilalarawan ay ang Ilog Amazon, ang pundasyon ng rehiyon ng Amazon.

Pagsusuri sa ‘Ilog na Dagat’

Mula sa maliit na pinagmulan nito sa kaitaasan ng Andes ng Peru, na mga 160 kilometro ang layo sa Karagatang Pasipiko, ang Amazon​—na lumaki nang husto dahil sa pagsanib ng tubig mula sa iba pang ilog na dinadaluyan nito​—ay bumubulusok sa taas na mga 5,000 metro patungong Karagatang Atlantiko. Ilang beses na nagpapalit ito ng pangalan bago pa man makarating sa teritoryo ng Brazil, kung saan ito unang tinatawag na Solimões. Pagkatapos sumanib sa pinakamalaking sangang-ilog nito, ang Ilog Negro na malapit sa Manaus, saka ito nagiging ang napakalaking Amazon.

Dito nagaganap ang pambihirang kagandahan ng tinatawag na pagtatagpo ng katubigan. Ang maitim na kulay-kapeng tubig ng Ilog Negro at ang maputik na tubig ng Solimões ay nagtatagpo at magkasabay na umaagos nang hindi naghahalo sa haba na halos sampung kilometro. Ang kababalaghang ito ay nagaganap bunga ng iba’t ibang dahilan, kasali na ang pagkakaiba ng mga sangkap, ng densidad ng mineral at organikong latak, at ng temperatura ng dalawang ilog.

Mahirap malaman kung saan talaga ang pasimula at dulo ng Amazon dahil sa magkakaibang palagay tungkol sa pinakamalalaking sangang-ilog at pinagmumulan ng daloy ng Amazon at sa masalimuot na heograpiya ng delta nito. Batay sa pinakamalayong labasan nito sa wawa ng Pará, na nagsisilbing pasukán ng mga barko, ang haba nito ay humigit-kumulang 6,750 kilometro. * Ngunit sa pagtiyak ng kabuuang haba nito, “mas mahalagang malaman kung saan ang pasimula at dulo nito kaysa sa aktuwal na pagsukat dito,” ang sabi ng edisyon ng The Guinness Book of Records ng Brazil.

Gayunman, hindi mapag-aalinlanganan ang laki ng Ilog Amazon. Di-hamak na mas malaki ito kaysa sa pinagsama-samang ilog ng Mississippi, Nilo, at Yangtze. * Sa mahigit na 200,000 metro kubiko ng tubig na umaagos bawat segundo sa katamtaman, ang pagkalaki-laking ilog na ito na may 15 hanggang 20 porsiyento ng lahat ng tubig-tabang na umaagos sa mga karagatan sa daigdig ay humuhugos sa Karagatang Atlantiko. Sa loob lamang ng 30 segundo, maaari nitong mapatid ang uhaw ng sangkatauhan sa loob ng isang araw​—isang litro ng tubig sa bawat isa sa anim na bilyong naninirahan sa lupa!

Ang kakaibang pagbuhos na ito ang “nagtutulak” sa dagat at siyang dahilan ng pagbuo ng suson ng tubig-tabang na kumakalat nang 200 kilometro sa Karagatang Atlantiko. Nang mamataan ang bukana ng ilog, hindi nga nakapagtatakang tawagin ito ni Vicente Yáñez Pinzón, isang Kastilang manggagalugad na nakapasok sa Amazon noong Hunyo 1500, na Mar Dulce (ang Tubig-Tabang na Dagat).

Para sa mga nakapaglayag na sa napakalaking ilog na ito, waring gayon nga ito​—isang dagat na umaapaw sa napakalawak na kagubatan. May mga lugar na gayon na lamang kalawak anupat hindi makikita ng isang taong nasa isa sa mga pampang nito ang kabilang pampang. Kapag bumabaha, may mga lugar sa ilog na lumalapad nang hanggang 50 kilometro! Ang lalim nito, na tinatayang mula 50 hanggang 80 metro sa ilang lugar, ay nagbabago depende sa lapad nito. Sa pinakamakipot na bahagi nito, sa Óbidos sa Estado ng Pará, ang ilog ay 130 metro ang lalim.

Ang kalakhang bahagi ng Amazon ay bahagyang-bahagyang nakadalisdis​—mga dalawang sentimetro lamang bawat kilometro. Ang bahagyang pagdalisdis ng wawa nito ang dahilan kung kaya tumataas at kumakati rin ang tubig sa bandang itaas na bahagi ng ilog. Nararamdaman pa nga ang epekto nito sa Óbidos, 800 kilometro mula sa bukana ng ilog.

Yamang kahilera ng agos nito ang ekwador, malaki ang naitutulong sa Amazon ng mga tag-araw ng dalawang hemisperyo. Nagsasalitan ang pagbaha ng mga sangang-ilog sa kaliwa’t kanang pampang. Habang tumataas at bumababa ang tubig sa ilog, una muna sa bandang hilaga pagkatapos sa bandang timog naman, ang buong Amazon ay pumipintig na gaya ng isang napakalaking puso. Taun-taon, ang pagbaba at pagtaas ng tubig ng Amazon ay nasa pagitan ng 9 at 12 metro. Mahalaga ang pagbaha sa agrikultura ng rehiyon. Dahil sa dami ng mineral at organikong latak na natatangay ng ilog at naidedeposito sa mga pampang nito, napatataba nito ang malaking bahagi ng mababang lupain.

Sino ang Nakatuklas Nito, at Paano Nakapanirahan ang mga Tao sa Rehiyon?

Ang Kastilang manggagalugad na si Francisco de Orellana ang kauna-unahang Europeo na nakarating sa Amazon, at pinangalanan niya ito noong 1542. * Pero bakit Amazon? Sinabi ni Orellana na nasaksihan niya ang mga labanan ng mga tribo ng mga babaing mandirigma na nagpaalaala sa kaniya ng mga Amazona sa Griegong mitolohiya! May iba pang ekspedisyong sumunod, kasali na ang panggagalugad ng mga Kastila, Ingles, Olandes, at Portuges. Ayon sa Enciclopédia Mirador Internacional, ang mga Portuges “ang malalakas ang loob na lumusob nang maraming beses upang sakupin [ang lupain] sa kahabaan ng [mga ilog ng] Negro, Solimões, at Branco at opisyal na umangkin sa rehiyon sa utos ng monarka ng Portugal.”

Para mapatibay ang impluwensiya nito, ang Portugal ay nagtatag ng gawaing misyonero sa lugar na iyon. Sinabi ng ensayklopidiya ring iyon na sa pagtatangkang mapalaganap ang Katolikong pananampalataya at mapaunlad ang kalakalan ng “droga sa liblib na mga lugar”​—kahoy, resin, yerba, at espesya​—“malimit na nagpapalipat-lipat ng kanilang mga misyon ang mga miyembro ng relihiyosong orden, ngunit hindi sila lumalayo sa mga pampang ng ilog. Nagsulputan ang napakaraming maliliit na nayon mula sa maraming pamayanang ito.”

Ang panimulang gawaing ito noong ika-17 at ika-18 siglo at ang pagkakaroon noong dakong huli ng mga taniman ng goma sa pagtatapos ng ika-19 na siglo ang naging dahilan ng eksaktong paraan ng paninirahan sa rehiyon. Yamang ang mga ilog ang likas na paraan upang mapasok ang kagubatan, nanirahan ang mga tao sa mga pampang nito, anupat nagkaroon tuloy ng maliliit na bayan at mga nayon. Ang mga lugar na pinaninirahan ng mga tao sa bandang gitna ng Amazon sa ngayon ay ang sinaunang mga bayan na umiiral noong nakalipas na mga siglong ito.

Paano Nakapaglalakbay ang mga Tao?

Ang lunas ng Amazon ang pinakamalaking lunas sa daigdig, na sumasaklaw ng halos anim na milyong kilometro kuwadrado. Mas malaki pa ito sa buong Europa, hindi kasali ang Russia. Kasama ang 1,100 sangang-ilog nito at iba pang maliliit na daanang-tubig, ang Amazon ay nakabubuo ng isang masalimuot na kawing ng komunikasyon na maihahambing sa sistema ng sirkulasyon ng dugo ng katawan ng tao, na dito’y maihahalintulad ang Amazon sa aorta, ang pinakamalaking ugat sa katawan. Nasa kawing ng mga daanang-tubig na ito ang dalawang-katlo ng lahat ng tubig-tabang sa lupa. Ang napakalawak na kawing na ito ng mga ilog, na may mahigit na 25,000 kilometro ng mapaglalayagang katubigan, ay may mahalagang bahaging ginagampanan sa transportasyon at pamumuhay ng mga tagaroon.

Dito dumaraan sa likas na superhighway na ilog na ito ang milyun-milyong naninirahan sa rehiyon ng Amazon. Iba’t ibang laki ng mga barko ang naglalayag dito, kasali na ang naglalakihang mga sasakyang-dagat na tumatawid ng atlantiko na naglalakbay ng 1,500 kilometro sa bandang itaas ng Manaus. Ang mas maliliit na pangkargada at pampasaherong barko ay nakararating hanggang sa kasinlayo ng Iquitos, sa Peru, 3,700 kilometro mula sa bukana ng ilog. Ang napakaraming kayamanan mula sa kalikasan sa rehiyon ng Amazon ay idinaraan sa Amazon, at dito rin idinaraan ang mga produktong nanggagaling sa ibang panig ng daigdig. Abalang-abala rin sa kalakalan ang Ilog Madeira, ang pinakamalaking sangang-ilog nito at mahigit na 3,000 kilometro ang haba. Halos dalawang milyong tonelada ng kargamento ang idinaraan sa lunas ng Amazon bunga ng malakas na kalakalang ito. Ang pinakaabalang bahagi ng ilog ay nasa pagitan ng Manaus at Belém, na nasa bukana ng ilog.

Ano ang Buhay sa Tabing-Ilog?

Ang kalat-kalat na paninirahan ng mga taong nasa tabing-ilog ay nagpapakita na nakadepende sila sa ilog para sa transportasyon at mas nagugustuhan nila ang matabang lupa sa mabababang lupain. Ayon kay Altomir, isang tagaroon, “sa mga lugar na ito, ang mga taong nakatira sa tabing-ilog ay naglilinang ng maliliit na bukirin na pangunahin nang tinatamnan ng kamoteng-kahoy​—ginagamit sa pagluluto ng pagkaing balinghoy​na siyang pangunahing pagkain na inuulaman ng isda. Nagtatanim din sila ng mga pakwan, saging, at mais, at nag-aalaga rin sila ng mga baka.” Subalit kapag bumaha, kailangang ilipat agad ang mga baka sa ibang lugar, kung minsan sa pamamagitan ng mga balsa.

Para makatagal sa pabagu-bagong kalagayan ng ilog, ang mga bahay sa tabing-ilog ay itinatayo sa mga tayakad, at ang lumulutang na mga bahay ay itinatayo sa mga balsa na nakapugal malapit sa kabayanan. Ang mga tao ay “labis na mapagpatuloy at laging nakangiti sa mga di-kilala,” ang sabi ni Belarmino, na madalas dumaan sa ilog.

Pangkaraniwan nang makakita ng maliliit na bangka na lumalapit sa mas malalaking barko upang magbenta at mangalakal ng paninda​—o para magpahila sa bandang itaas ng ilog. Ihahagis ang lubid sa bangkero, at itatali naman niya ito sa kaniyang bangka. Ang mga ani sa lugar na iyon, gaya ng cabbage palm, tubâ ng Brazil, balinghoy, nuwes, at isda, (kasali na ang ulang sa tubig-tabang), ay ipinagbibili o ipinagpapalit sa binutil at industriyalisadong mga paninda.

Ang ilog ang pinagkukunan ng kabuhayan ng libu-libong taga-Brazil na kumikita sa paghahatid ng mga kargamento at mga pasahero. Ito rin ang likas na paraan ng transportasyon para sa pinutol na mga troso sa lagarian na nasa looban ng kagubatan.

Ang maraming pagkain sa rehiyon na sagana sa protina ay nagmumula sa ilog. “Tinataya na ang Amazon ay may halos 2,000 uri ng isda, mas marami kaysa sa alinmang ilog sa lupa,” ang sabi ng Portuges na edisyon ng aklat na Vida Selvagem nos Rios (Tirahan ng Buhay-Ilang). Pagkatapos ng kaniyang ekspedisyon sa rehiyon ng Amazon, sinabi pa nga ng kilalang oseanograpo na si Jacques-Yves Cousteau na ‘mas marami pang uri ng isda sa Amazon kaysa sa Karagatang Atlantiko.’

Kabilang sa mga hayop na nabubuhay sa tubig ay ang hayop na manatee na kumakain ng halaman, na nanganganib malipol. Pinaglulunggatian ang paghuli rito, yamang maaaring makakuha ng mahigit sa 100 litro ng langis sa isang manatee na katamtaman ang laki. Ang mamal na ito ay may katamtamang haba na dalawa at kalahating metro at tumitimbang ng halos 350 kilo. Isa pa, nariyan din ang pirarucu, isang ubod ng laki na isdang tabang na kilala bilang bakalaw ng Brazil (Brazilian cod). Sa katamtaman, mahigit na dalawang metro ang haba nito at tumitimbang ng halos 70 kilo. Ang bouto, o ang lumbalumba sa ilog ng Amazon, at ang lumbalumbang tucuxi ay nakabibighani sa mga tao dahil sa pasulput-sulpot na paglitaw ng mga ito.

Ang Pambihirang Paglalakbay Sakay ng Barko

Ang mga barko ay matagal nang mahalagang bahagi ng buhay sa rehiyon ng Amazon. Dito nakasalalay ang ikinabubuhay ng libu-libong nagtitinda ng kanilang mga produkto roon at sa gayo’y medyo natuturuan nilang maging sibilisado ang mga nasa liblib na pamayanan ng ilog. Naglalaan din ito ng murang transportasyon patungo sa kabayanan at sa mga nayon sa liblib na lugar na hindi nararating sa pamamagitan ng lansangan. Nagsisiksikan sa maliit na lugar ang karamihan sa mga pasaherong naglalakbay na may dalang mga duyan. Ito ang dahilan kung bakit nag-uunahan sila kapag may dumaong na barko​—gusto ng lahat na makakita ng magandang puwesto na mapagsasabitan ng kanilang duyan. Ang ilang naglalakbay na nasa mas mababang kubyerta ay kailangang makisiksik kasama ang sari-saring kargamento. Yamang matatabil ang nagbibiyahe, madaling makipagkaibigan sa kanila​—at napakaraming panahon para gawin ito, dahil karaniwan nang tumatagal nang ilang araw ang biyahe.

Napakabigat ng trapiko sa ilog malapit sa Manaus dahil ang daungan nito ang pinakaabala sa rehiyon ng Amazon. Ito ang bagsakan ng lahat ng produkto mula sa malalaking lugar, kasali na ang mga lugar ng Peru, Bolivia, at Colombia. Maunlad din ang ekoturismo, anupat dinarayo ito ng mga bisita mula sa Timog Amerika at sa iba pang panig ng daigdig.

Isang Di-malilimutang Pamamasyal

Baka magkaroon ka ng pagkakataong pasyalan ang kamangha-manghang lugar na ito na nakalulugod sa mga manggagalugad subalit marami pa ring mga lihim. Bukod pa sa nakatatawag-pansin ang likas na kagandahan ng maulang gubat, ang pamamasyal sa rehiyon ng Amazon ay nakapupukaw ng pagpipitagan sa Maylalang ng lahat ng bagay​—kasali na ang napakalaking ilog na ito.​—Awit 24:1, 2.

[Mga talababa]

^ par. 7 Ito ang dahilan kung bakit mas mahaba nang 80 kilometro ang Ilog Amazon kaysa sa Ilog Nilo noon bago itinayo ang Aswan Dam anupat itinuring ang Amazon na siyang pinakamahabang ilog sa daigdig. Ipinakikita ng ibang pag-aaral na ang kabuuang haba nito ay 7,100 kilometro.

^ par. 8 Ang ikalawa sa pinakamalaking ilog ay ang Congo, sa kanlurang-sentral Aprika. Ngunit dalawa sa mga pangunahing sangang-ilog ng Amazon, ang Negro at Madeira, ay naglalabas bawat isa ng tubig na kasindami ng sa Congo.

^ par. 14 Tingnan ang Gumising! ng Marso 22, 1997, pahina 3.

[Kahon/Larawan sa pahina 17]

ANG KABABALAGHAN NG POROROCA

Sa wawa ng Amazon, ang pagsasalubungan ng katubigan sa Amazon na sumasalpok sa dagat ay lumilikha ng maingay at labis na mapangwasak na kababalaghan. Ang paglaki at pagkati ng tubig-dagat ay napipigilan ng mabilis at palabas na agos ng ilog. Tumataas ang antas ng dagat sa labas ng bukana ng ilog hanggang sa hindi na makayanang pigilan ito ng ilog. Pagkatapos, ang ilog ay sinasalpok ng tubig-dagat na ubod ng laki, rumaragasa, at may tulad-pader na alon, anupat sinasalungat ang agos ng ilog, tinutungkab ang mga piraso sa tabing-ilog, binubunot ang mga punungkahoy, at nag-iiwan ng bakas ng pagkawasak. Ang pagkalalaking alon na nalilikha ng puwersa ng dalawang magkasalungat na agos na ito ay umaabot sa taas na apat na metro, at ang nakabibinging ingay na bunga ng pagsasalpukang ito ay maaari pa ngang marinig kahit sa napakalayong lugar. Iyon ang tunog ng pororoca, o pagsalpok ng malalaking alon.

[Mga mapa sa pahina 13]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANDES

Pinagmumulan ng Amazon

Machu Picchu, Peru

LUNAS NG AMAZON

Iquitos, Peru

Amazon (Solimões)

MANAUS

Negro

Madeira

Óbidos

Amazon

Pará

BELÉM

[Credit Line]

Globo: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Mga larawan sa pahina 15]

1. Isang katutubong batang babae na taganayon

2. Mga bahay na nakatayo sa mga tayakad sa tabing-ilog

3. Nagtatagpo ang maitim na katubigan ng Negro at ang maputik na Solimões malapit sa Manaus

4. Ang Ilog Negro ay dumadaloy patungo sa Amazon

[Credit Lines]

Larawan 1 at 2: Ricardo Beliel/Social Photos; larawan 3 at 4: Lidio Parente/SocialPhotos

[Mga larawan sa pahina 16, 17]

1. Ang daungan ng Manaus

2. Mga pasahero sa barko na may dalang mga duyan

3. Pangingisda gamit ang maliit na bangka

[Credit Lines]

Larawan 1: Lidio Parente/SocialPhotos; larawan 2 at 3: Ricardo Beliel/SocialPhotos

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Paglubog ng araw: Ricardo Beliel / SocialPhotos; surfer: AP Photo/Paulo Santos