Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Gintong Kaloob Mula sa Malayong Hilaga

Isang Gintong Kaloob Mula sa Malayong Hilaga

Isang Gintong Kaloob Mula sa Malayong Hilaga

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA SWEDEN

‘Ano kaya ang maipapasalubong natin na pangkaraniwan sa ating bansa?’ ang tanong naming mag-asawa bago kami umalis sa Sweden upang dalawin ang ilang kaibigan sa Inglatera. Yamang gusto naming nakapagtuturo ang aming pasalubong na Nordic cloudberry jam na ginawa sa bahay, gumawa kami ng isang etiketa na may impormasyon salig sa amin mismong mga obserbasyon at ilang lokal na reperensiya. Ito ang naging resulta ng aming pagsasaliksik.

Ano ba ang mga Cloudberry?

Ang cloudberry, Rubus Chamaemorus sa Latin, ay tumutubo sa mga halamang wala pang 30 sentimetro ang taas. Ang bawat halaman ay nagkakaroon lamang ng isang puting bulaklak at isang bunga. Kapag hindi pa ito hinog, mapula at matigas ang bunga, ngunit habang gumugulang ito, nagiging kulay ginintuang dilaw o amber ito at nagiging malambot at makatas. Ang pangalan nito, cloudberry, ay maaaring galing sa katotohanan na ang mga cloudberry sa hilagang Inglatera ay tumutubo sa mga bundok na may mabababang ulap. Makikita mo rin ang mga ito sa mahalumigmig na mga lugar, pangunahin na sa mga tundra at mga latian sa buong timugang Artiko. Sa Sweden, karaniwan nang nahihinog ang mga ito kung Agosto, kapag papalapit na ang taglagas sa hilagang Europa.

Ang Ginto ng mga Latian

Sa loob ng maraming siglo, ang mga katutubong Lapp ay nagtitipon ng mga cloudberry para kainin nila sa taglamig. Mayaman ang mga cloudberry sa bitamina C at iba pang mga bitamina, at yamang nagtataglay ito ng natural na preserbatibo, hindi masisira ang cloudberry jam sa loob ng maraming taon kung pananatilihin itong malamig. Yamang halos puro karne at isda lamang ang kinakain ng sinaunang mga naninirahan sa mga hilagang rehiyong ito, nagiging mahalagang kapupunan sa bitamina ang mga cloudberry. Hindi kataka-taka na tinawag ang mga ito na ginto ng mga latian!

Sa ngayon, napakaraming cloudberry ang inaani para dalhin sa mga supermarket at industriya. Halimbawa, sa Sweden, sa isang pangkaraniwang taon, maaaring magbenta ang pamilihan ng mahigit sa isang libong toneladang cloudberry​—lahat ng ito ay pinitas nang manu-mano! Ang masisipag na tagapitas ng mga cloudberry, kadalasan nang mga batang mag-aarál na nasa bakasyon, ay maaaring kumita sa ganitong paraan. Pinarangalan pa nga ng mga taga-Finland ang cloudberry sa pamamagitan ng paglalagay ng larawan nito sa kanilang bagong baryang dalawang euro!

Isang Masarap na Karanasan

Ang cloudberry ay may nakalulugod na lasa na nag-aagaw ang tamis at asim. Maaari kang makakita ng jam o minatamis na cloudberry at kahit mga alak na tinimplahan ng cloudberry sa mga tindahan ng mga lutong pagkain o sa iba pang mga pamilihan sa malalaking lunsod sa Europa at Estados Unidos. Madalas gawing panghimagas ang cloudberry ice cream parfait sa taunang piging para sa mga nanalo ng Nobel Prize, na idinaraos sa Stockholm, Sweden. Ang mamahaling mga restawran ay maaaring maghanda ng sorbetes na banilya na nilagyan ng mainit na cloudberry jam. Isa pa, bagay na bagay ang jam sa Swedish cheesecake o piniritong kesong Camembert at ito rin ay isang masarap na palaman sa tart. Gumagawa ang Finland ng gintong alak na tinimplahan ng cloudberry, at kamakailan lamang, ang alak na ito ay makikita na sa mga pamilihan ng alak sa Sweden.

Kung nagkataong nasa lugar ka kung saan tumutubo ang mga cloudberry, mamitas ka at masiyahan sa pagkain nito nang sariwa, lalong mabuti kung binudburan ito ng pinong asukal, na may isang sandok ng whipped cream sa ibabaw. Sasang-ayon kang kasinghalaga ito ng ginto​—at mapakikilos ka na pasalamatan ang iyong Maylalang sa masarap na kaloob na ito.