Ang Pangmalas ng Bibliya
Kapag Hindi Mo Kapananampalataya ang Iyong mga Mahal sa Buhay
AYON sa isang pagtantiya, may mahigit na 10,000 relihiyon at sekta sa daigdig. Sa isang bansa, mga 16 na porsiyento ng adultong populasyon ang lumipat sa ibang relihiyon sa isang yugto ng kanilang buhay. Hindi kataka-taka kung gayon, na may mga di-pagkakaunawaan hinggil sa mga relihiyosong paniniwala sa gitna ng mga kamag-anak at ng mga kaibigan. Kung minsan ay nagbubunga ito ng maiigting na ugnayan. Kaya ang tanong ay, Paano dapat pakitunguhan ng mga Kristiyano ang kanilang mga mahal sa buhay na hindi nila kapananampalataya?
Isang Pantanging Ugnayan
Halimbawa, isaalang-alang ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa pantanging ugnayan sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak. Walang ipinahihiwatig na panahon kung hanggang kailan dapat sundin ang utos sa Exodo 20:12 na “parangalan mo ang iyong ama at ang iyong ina.” Sa katunayan, nang tinatalakay ni Jesus ang utos na ito, na nakaulat sa Mateo 15:4-6, maliwanag na ang sinasabi niya ay tungkol sa karangalang iuukol ng mga adultong anak sa kanilang mga magulang.
Nagbabala ang aklat ng Kawikaan sa Bibliya laban Kawikaan 23:22 na “huwag mong hamakin ang iyong ina dahil lamang sa tumanda na siya.” May-pagdiriing nagbabala ang Kawikaan 19:26 na ang isa na “nagmamalupit sa ama at nagtataboy sa ina ay isang anak na gumagawi nang kahiya-hiya at kadusta-dusta.”
sa pagpapakita ng kawalang-galang sa mga magulang. Ipinapayo ngMaliwanag mula sa Kasulatan na hindi natin dapat pabayaan ang ating mga magulang. Ang bagay na hindi tinatanggap ng ating mga magulang ang ating relihiyon ay hindi nagpapawalang-bisa sa ating ugnayan sa kanila. Kumakapit din ang mga simulaing ito ng Bibliya sa iba pang mga kamag-anak at sa asawa ng isa. Maliwanag, ang mga Kristiyano ay may moral at maka-Kasulatang obligasyon na ibigin ang kanilang mga kamag-anak.
Mahalaga ang Pagkamakatuwiran
Siyempre pa, nagbababala ang Bibliya hinggil sa masasamang kasama, at ang impluwensiyang ito ay maaaring magmula sa malalapít na kamag-anak. (1 Corinto 15:33) Maraming tapat na lingkod ng Diyos noon ang nanindigan sa kung ano ang tama kahit na salungat ang kanilang mga magulang. Maliwanag na totoo ito sa mga anak ni Kora. (Bilang 16:32, 33; 26:10, 11) Hindi dapat ikompromiso ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya para palugdan ang iba, kahit ang kanilang mga kamag-anak.—Gawa 5:29.
Sa ilang situwasyon, may-kalupitang sinasalansang ng mga magulang o ng ibang mga mahal sa buhay ang mga paniniwala ng isang Kristiyano. Baka ang ilan ay nagiging mga kaaway pa nga ng tunay na Kristiyanismo. Sa gayong mga kaso, gumagawa ng makatuwirang mga hakbang ang mga Kristiyano upang ipagsanggalang ang kanilang espirituwalidad. Angkop na sinabi ni Jesus: “Ang magiging mga kaaway ng isang tao ay mga tao sa kaniyang sariling sambahayan. Siya na may higit na pagmamahal sa ama o sa ina kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at siya na may higit na pagmamahal sa anak na lalaki o sa anak na babae kaysa sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin.”—Mateo 10:36, 37.
Gayunman, kadalasan namang hindi napapaharap ang mga Kristiyano sa matinding pananalansang mula sa kanilang mga mahal sa buhay. Basta hindi lamang tinatanggap ng kanilang mga kamag-anak ang kanilang pagkaunawa sa mga turo ng Bibliya. Pinasisigla ng Banal na Kasulatan ang mga tagasunod ni Kristo na pakitunguhan ang mga di-sumasampalataya nang “may kahinahunan” at “matinding paggalang.” (2 Timoteo 2:25; 1 Pedro 3:15) Angkop na nagpapayo ang Bibliya: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat.” (2 Timoteo 2:24) Pinayuhan din ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman, huwag maging palaaway, maging makatuwiran, nagpapakita ng buong kahinahunan sa lahat ng tao.”—Tito 3:2.
Makipag-ugnayan sa Kanila at Ipahayag ang Iyong Pag-ibig
Sa 1 Pedro 2:12, ganito ang paghimok sa mga Kristiyano: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa [mga di-sumasampalataya] upang . . . luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagsisiyasat bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” Kadalasan, nakikita ng mga mahal sa buhay na hindi natin kapananampalataya ang mga pagbabagong idinulot ng Bibliya sa ating buhay. Tandaan na maraming hindi interesado o sumasalansang pa nga sa katotohanan ng Bibliya ang nagbago ng kanilang isip. Maaaring gumugol ng maraming taon ng maingat na pagmamasid sa mabuting paggawi ng isang kabiyak o ng isang anak para ang ilang indibiduwal ay magsuri sa dahilan ng paggawing iyon. Kapag hindi tinatanggap ng mga tao ang mga katotohanan sa Bibliya, huwag sanang ang dahilan niyaon ay napabayaan sila ng isang Kristiyanong mahal sa buhay.
Sabihin pa, iba-iba ang mga kalagayan, at ang ilang Kristiyanong Saksi ay malayo sa piling ng kanilang mga magulang. Maaaring hindi posible na dalawin sila nang madalas na gaya ng ninanais. Ngunit ang pagsulat ng mga liham, pagtawag sa telepono, o regular na pakikipag-ugnayan sa kanila sa iba’t ibang paraan ay titiyak ng ating pagmamahal sa ating mga kamag-anak. Iniibig ng maraming hindi tunay na mga Kristiyano ang kanilang mga magulang at iba pang mga kamag-anak at regular na nakikipag-ugnayan sa kanila anuman ang kanilang relihiyon. Hindi ba dapat na gayundin ang gawin ng mga Kristiyanong Saksi?
[Larawan sa pahina 26]
Ang pakikipag-ugnayan sa iyong mga mahal sa buhay ay titiyak ng iyong pagmamahal sa kanila