Langis—Isa Bang Pagpapala at Sumpa?
Langis—Isa Bang Pagpapala at Sumpa?
HANGGANG saan kaya nakadepende sa langis at sa mga produkto nito ang mga bansang industriyalisado? Ang langis—at likas na gas—ay mahalaga sa kanila, at nakalikha ito, gaya ng sabi ni Daniel Yergin sa kaniyang aklat na The Prize, ng isang “Lipunan ng Hydrocarbon.” Isip-isipin na lamang ang pang-init na langis, grasa, pagkit, aspalto, at mga bagay na gawa sa mga petrochemical—eroplano, kotse, bangka, pandikit, pintura, damit na polyester, sapatos, laruan, tina, aspirin, deodorant, pang-makeup, recording disc, computer, TV, telepono. Sa araw-araw, maraming tao ang gumagamit ng ilan sa mahigit 4,000 produkto o bagay mula sa langis na umuugit sa modernong buhay. Subalit kumusta naman ang pinsalang dulot nito sa kawing ng buhay na siyang makikita sa kasaysayan ng langis mula pa sa pasimula nito?
Isang Haring “Hindi Namamahala Nang May Kabaitan”
Sa pagtatapos ng 1940, nang waring malapit nang magdigmaan ang Romania at Hungary, ang diktador ng Nazi na si Adolf Hitler ay mabilis na kumilos bilang tagapamagitan. Isa ba itong pagpapamalas ng kabaitan? Ang totoo’y ayaw lamang ni Hitler na makontrol ng Unyong Sobyet ang mga balon ng langis ng mga Romaniano. Langis din ang isang pangunahing salik sa paglusob ng Iraq sa Kuwait noong 1990 at ng pakikilahok ng ibang mga bansa sa pagsalakay sa Iraq bilang ganti. Tiyak na hindi ito pailan-ilang pangyayari lamang. Napakaraming ulit nang naging dahilan ng alitan at pagdurusa ang paghahangad na makontrol ang langis.
Hindi lamang mahalaga ang langis sa modernong buhay kundi ito’y isa ring pangunahing isyu sa pulitika at pantanging interes ng ilang makapangyarihang tao. Gaya ng sinabi kamakailan ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC), ang langis daw ay hindi basta isang ordinaryong produkto kundi “isang estratehikong bentaha.” Ang langis ay ginagamit sa pagitan ng mga bansa bilang bentaha sa pulitika, sa pamamagitan ng pag-eembargo at paglalapat ng mga restriksiyon. Bukod diyan, ang mga balon ng langis, dalisayan, at mga tangker ang naging puntirya ng mga pag-atake ng mga terorista—na malimit na nagdudulot ng napakalaking pinsala sa kapaligiran.
Ang industriya ng langis ay inaakusahang nakadaragdag sa pinsalang dulot ng pagbubuga ng carbon dioxide sa kapaligiran, na maaaring nagiging dahilan ng pagbabago ng pangglobong lagay ng panahon. Ayon sa ulat ng PEMEX (Mexicanong Petrolyo), isa sa pinakamalaking kompanya ng langis sa daigdig, nagbubuga ng mga dumi ang iba’t ibang yugto ng pagpoproseso ng petrolyo. Bagaman mas malinis na ngayon ang mga gasolina—halos anim na taon na pagkatapos ng Kyoto Protocol, nang magpulong ang 161 bansa upang gumawa ng mga paraan para mabawasan ang banta ng pangglobong pag-init ng lagay ng panahon—marami ang nagsasabing wala pa ring gaanong pagbabago. Sa kabilang dako naman, sinasabi ng OPEC na “ang langis ang lumikha ng kasaganaan at kaunlarang tinatamasa ngayon” ng maraming bansa. Subalit lagi bang ganito ang pangyayari?
Itinuturo ng ilan ang pinsalang dulot ng paghuhukay sa mga balon ng langis at ng paglalagay ng mga tubo. Maaaring itinuturo naman ng iba ang tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa Saudi Arabia, ang bansang pinakamayaman sa mga deposito ng langis. Sinabi ni Alí Rodríguez Araque, presidente ng OPEC: “Lubhang sinasamantala ng mga pamahalaan ng industriyalisadong mga bansa ang mga sakripisyong ipinag-uutos nila sa mga tagagawa, tagadalisay at tagabili.”
Ang CorpWatch, isang organisasyon na ang trabaho’y papanagutin ang mga korporasyon sa mga isyung gaya ng katarungang pangkapaligiran, ay nagsabi: “Ang langis ay Hari pa rin. Pero hindi namamahala nang may kabaitan.”
Ano kaya ang magiging kinabukasan ng langis?