Langis—Kung Paano Ito Nakaaapekto sa Iyo
Langis—Kung Paano Ito Nakaaapekto sa Iyo
NAPAG-ISIP-ISIP mo na ba kung ano ang magiging buhay ng marami kung walang petrolyo at mga produkto nito? * Ang langis mula sa petrolyo ay ginagamit na panggrasa sa mga sasakyang de-motor, bisikleta, stroller, at iba pang bagay na may gumagalaw na mga parte. Binabawasan ng langis ang pagkikiskisan ng mga parte ng makina, upang hindi agad masira ang mga ito. Pero hindi lamang iyan.
Ang langis ay ginagamit na gatong sa mga eroplano, kotse, at mga sistema ng pang-init. Maraming kosmetiko, pintura, tinta, gamot, abono, at mga plastik at napakarami pang ibang bagay ang nagtataglay ng mga produktong petrolyo. Ang pang-araw-araw na buhay para sa marami ay magiging ibang-iba kung walang langis. Hindi nga kataka-takang sabihin ng isang reperensiya na ang petrolyo at ang mga sangkap nito ay may “mas maraming gamit kaysa marahil sa alinmang iba pang sangkap sa daigdig.” Paano tayo nakakakuha ng langis? Saan ito nanggagaling? Gaano na katagal itong ginagamit ng sangkatauhan?
Sinasabi sa atin ng Bibliya na noong mahigit na dalawang milenyo bago si Kristo, si Noe, bilang pagsunod sa mga instruksiyon ng Diyos, ay gumawa ng isang napakalaking sasakyan na ginamitan ng alkitran—na maaaring sangkap ng petrolyo—upang ito’y hindi pasukin ng tubig. (Genesis 6:14) Ang mga sangkap ng petrolyo ay ginamit ng mga taga-Babilonya para sa kanilang mga ladrilyong pinatuyo sa pugon, ng mga Ehipsiyo sa pag-eembalsamo, at ng iba pang mga tao noon para sa panggagamot.
Sino nga ba ang makaiisip na ang produktong ito ay magiging ganito kahalaga sa ating daigdig sa ngayon? Walang sinuman ang makatatanggi na nakadepende sa petrolyo ang industriya ng modernong sibilisasyon.
Ang paggamit ng langis mula sa petrolyo para sa artipisyal na mga ilawan ay naging tulay upang mapabantog ang langis. Sing-aga noong ika-15 siglo, ang langis mula sa mabababaw na balon ay ginamit sa mga ilawan sa Baku, ngayo’y kabisera ng Azerbaijan. Noong 1650, nahukay sa Romania ang mababaw na mga deposito ng langis, kung saan ang langis, bilang gaas, ay ginamit sa mga ilawan. Pagsapit ng kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang bansang ito at iba pa sa Silangang Europa ay nagkaroon na ng isang maunlad na industriya ng langis.
Sa Estados Unidos, pangunahin nang dahil sa paghahanap ng isang de-kalidad na pang-ilaw noong ika-19 na siglo kung kaya itinuon ng isang grupo ng mga lalaki ang kanilang pagsisikap na makakuha ng langis. Tama ang mga lalaking iyon sa pagsasabi na upang makapaglaan ng sapat na gaas na isusuplay sa pamilihan, dapat silang humukay ng langis. Kaya noong 1859, matagumpay na nakahukay ng langis sa Pennsylvania. Nagsimula na ang pagkahumaling sa langis. Ano ang sumunod na nangyari?
[Talababa]
^ par. 2 Ang salitang “petrolyo” ay galing sa wikang Latin at nangangahulugang “batong langis.” Karaniwan nang ginagamit ito upang alamin ang pagkakaiba ng dalawang halos magkaparehong sangkap—ang likas na gas, na kilala rin bilang methane, at ang langis. Kung minsan, ang mga sangkap na ito ay parehong tumatagas sa ibabaw mula sa mga bitak ng lupa. Kung tungkol sa langis, ito’y maaaring likido o nasa anyong aspalto, pitch (matigas na alkitran), bitumen, o alkitran.
[Kahon sa pahina 3]
PETROLYO AT LANGIS—ANO ANG PAGKAKAIBA?
Bagaman karaniwan nang nanggagaling sa tinatawag na mga balon ng langis, ang langis ay sa katunayan, petrolyo, o krudong langis, na lumalabas mula sa ilalim ng lupa. Ang petrolyo ay binibigyang-kahulugan bilang “isang malapot, madaling magsiklab, madilaw o maitim na pinaghalong gas, likido, at solidong mga hydrocarbon na likas na masusumpungan sa ilalim ng lupa.” Ito’y “maaaring pagbaha-bahaginin tungo sa iba’t ibang sangkap lakip na ang likas na gas, gasolina, naphtha, gaas, mga langis na panggatong at panggrasa, parapina, at aspalto at ginagamit bilang likas na materyales para sa iba’t ibang produktong sangkap.”—The American Heritage Dictionary of the English Language.