Milyun-milyon ang Dadalo—Naroon Ka Ba?
Milyun-milyon ang Dadalo—Naroon Ka Ba?
◼ SAAN? Sa isa sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon na ginaganap sa daan-daang lugar sa buong daigdig. Ang tatlong-araw na programa, na isinaayos ng mga Saksi ni Jehova, ay dinisenyo upang tulungang mamuhay ang lahat ng umiibig sa Diyos sa paraang magdudulot ng nararapat na karangalan sa kanilang Maylalang.
Ang unang araw ng kombensiyon ay magtutuon ng pansin sa temang “Ikaw ang Karapat-dapat, Jehova, . . . na Tumanggap ng Kaluwalhatian.” (Apocalipsis 4:11) Ang pahayag na pinamagatang “Ipinahahayag ng Sangnilalang ang Kaluwalhatian ng Diyos” ay tutulong upang maintindihan natin kung paanong ang mga katangian ni Jehova ay “malinaw na nakikita,” o “napag-uunawa . . . sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa.” (Roma 1:20) Ang nakapagpapasiglang pinakatemang pahayag na “Pinasisigla Tayo ng Maluwalhati at Makahulang mga Pangitain!,” ay hihimok sa lahat ng dadalo na laging isaisip ang napakahalagang mga pangyayari na inihula sa Salita ng Diyos para sa ating panahon. Idiriin ng tatlong-bahaging simposyum na pinamagatang “Ang Hula ni Amos—Ang Mensahe Nito Para sa Ating Panahon” ang makabagong-panahong pagkakapit sa mga babala ng sinaunang propetang ito. “ ‘Ang Mabuting Lupain’—Isang Patikim sa Paraiso” ang magpapasidhi sa ating pagpapahalaga sa rehiyon na ibinigay ni Jehova sa kaniyang sinaunang bayan.
Itatampok ng ikalawang araw ng kombensiyon ang temang “Ipahayag Ninyo ang Kaniyang Kaluwalhatian sa Gitna ng mga Bansa,” na nakasalig sa Awit 96:3. Kabilang sa tampok na mga bahagi ang isang simposyum na pinamagatang “Ipaaninag ang Kaluwalhatian ni Jehova Tulad ng mga Salamin.” Ipaliliwanag ng tatlong-bahaging presentasyong ito kung paano natin mas mabisang maisasakatuparan ang ating ministeryo. Ang pahayag na “Kinapopootan Nang Walang Dahilan” ay susundan ng pahayag sa pag-aalay at ng bautismo—isang tampok na bahagi sa lahat ng kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Sa hapon, ang pahayag na “Mag-ingat sa ‘Tinig ng Ibang mga Tao’ ” ay magbibigay ng napapanahong babala hinggil sa “mga bulaang guro” na nagsisikap na linlangin ang bayan ng Diyos sa pamamagitan ng “huwad na mga salita.” (2 Pedro 2:1, 3) Ang programa sa araw na iyon ay matatapos sa pahayag na “Ang Ating mga Anak—Isang Mahalagang Pamana.” Ito ay magiging isang maligayang okasyon para sa mga magulang at sa mga bata.
Bubuuin ng huling araw ng kombensiyon ang temang “Gawin Ninyo ang Lahat ng Bagay sa Ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31) Isang serye ng mga panayam ang kalakip sa pahayag na pinamagatang “Kung Paano Pinupuri ng mga Kabataan si Jehova.” Kalakip din sa pang-umagang sesyon ang 45-minutong drama na pinamagatang “Pagpapatotoo Nang May Katapangan sa Kabila ng Pagsalansang.” Yamang ang relihiyon ay laging laman ng balita, sasagutin ng pahayag pangmadla ang tanong na “Sinu-sino ang Nagbibigay ng Kaluwalhatian sa Diyos sa Ngayon?” Ang pahayag na “ ‘Patuloy na Mamunga Nang Sagana’ sa Ikaluluwalhati ni Jehova” ang magiging hudyat ng nakapagpapasiglang pagwawakas ng kombensiyon.
Ilan lamang ito sa nakagaganyak na mga presentasyon na maririnig sa “Magbigay ng Kaluwalhatian sa Diyos” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova. Tiyak na nanaisin mong daluhan ang buong tatlong araw. Kung gusto mong malaman ang lokasyon ng kombensiyon na pinakamalapit sa inyo, makipag-alam sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar o sumulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.