Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Isang Kotse na Pinatatakbo ng Basura

Isang may-ari ng bukid sa Finland ang may kotse na pinatatakbo ng gas na nagmumula sa nabubulok na basura. “Ang panggatong ng kotse ay biogas, na nagmumula sa mga basurang nilinis at na-pressurize sa isang biogas reactor na masusumpungan sa bukid ng may-ari ng kotse,” ang ulat ng magasing Suomen luonto ng Finland. Ang biogas ang pinakamalinis na panggatong ng sasakyan na ginagamit sa ngayon, at yamang maaari itong gawin kapag nireresiklo ang basura, hindi ito nakapipinsala sa kapaligiran. Sa katunayan, ang isang kakambal na produkto sa paggawa ng biogas ay mahalagang pataba sa agrikultura. Ang mga kotse na dinisenyong patakbuhin ng natural na gas​—mga dalawang milyon sa buong daigdig​—ay maaari ring patakbuhin ng biogas. Sa Sweden, maraming bus sa lunsod ang pinatatakbo ng biogas, at ang ilang gasolinahan doon ay nag-aalok na rin ng biogas bilang karagdagan sa iba pa nilang mga panggatong. Binanggit ng artikulo ang huling bentaha: “Mas mura ang biogas kaysa sa gasolina o krudo.”

Kung Paano Nakaliligtas sa Baha ang mga Langgam

Ano ba ang ginagawa ng mga langgam kapag umuulan? Bagaman hindi lahat ng uri ng langgam ay nakatira sa ilalim ng lupa, ang ilang nakatira rito ay may kamangha-manghang mga pamamaraan upang makaligtas sa baha, ang sabi ng The New York Times. “Kahit isang patak lamang [ng tubig] ang lumagpak sa pasukan ng pugad, tumutugon na [ang ilang langgam sa tropikal na kagubatan] sa pamamagitan ng pagtakbo at paghudyat sa buong pugad, at madalas na umaabot sila sa dulo ng iba’t ibang pasukan,” ang paliwanag ng mga espesyalista sa langgam na sina Dr. Edward O. Wilson at Bert Holldobler. “Nagpapalabas sila ng mga amoy upang akayin ang kapuwa mga langgam tungo sa mga di-nahaharangang daanan at kung minsan ay sa labas na mismo ng pugad.” Sa loob ng wala pang 30 segundo, napakikilos nila ang karamihan sa kolonya. At sa timog-kanlurang Estados Unidos at hilagang Timog Amerika, ulat ng The Times, ang ilang fire ant (isang uri ng langgam) “ay umaakyat mula sa pugad tungo sa ibabaw ng lupa, nagsasama-sama upang bumuo ng isang limpak, na kinabibilangan ng mga adulto, ng reyna at ng kaniyang supling, at nagpapalutang-lutang sa tumataas na tubig. Marami ang nakaliligtas . . . Ang tulad-balsang pulutong ng mga langgam ay dumirikit sa mga damo o palumpong, at ang mga nakaligtas ay maaaring bumalik sa pugad kapag bumaba na ang tubig.”

Mga Epekto ng Labis na Pag-inom ng Inuming De-alkohol

“Ang labis na pag-inom ng mga babae at mga kabataan ay umaakay sa lubhang pagdami ng mga kamatayang nauugnay sa inuming de-alkohol sa Britanya,” ang ulat ng pahayagang The Independent ng London. “Ang mga kamatayang dulot ng labis na pag-inom ay dumoble sa loob ng 20 taon, kadalasan nang dahil sa malubhang sakit sa atay at cirrhosis.” At pabata nang pabata ngayon ang mga biktima. “Noong nakaraang dekada, ang pinakamatanda sa mga namamatay ay nasa edad na mga 70 hanggang 75 taon para sa mga lalaki’t babae. Ipinakita ng pinakabagong mga estadistika para sa 1998-2000 na ang pinakamatandang edad ay bumaba na ngayon sa gulang na magsisisenta,” ang sabi ng ulat. Ngunit hindi lamang sakit ang epekto ng pag-abuso sa inuming de-alkohol. Sa Pransiya, “lumilitaw na ang inuming de-alkohol ang pangunahing dahilan ng 10 hanggang 20 porsiyento ng mga aksidente sa trabaho,” ang ulat ng pahayagang Le Monde. Karagdagan pa, taun-taon sa Pransiya, 2,700 katao ang namamatay at 24,000 ang napipinsala sa mga aksidente sa daan na nauugnay sa pag-inom, at nasasangkot ang inuming de-alkohol sa humigit-kumulang 30 porsiyento ng mga gawa ng karahasan. Ang pag-abuso sa alkohol ay nagdudulot din ng malaking gastusin. Sinasabi ng Le Monde na noong 1996 sa Pransiya, ang pag-abuso sa inuming de-alkohol ay nagbunga ng tinatayang kalugihan na katumbas ng 17.6 bilyong euro (19.2 bilyong dolyar).

Kaigtingan at Karamdaman

“Pinalalaki ng kaigtingan sa trabaho at pagkapagod ang tsansa na magkaroon ng matinding mga impeksiyon gaya ng sipon, tulad-trangkasong mga karamdaman at gastroenteritis,” ayon sa isang pagsusuri ng mga Olandes sa mahigit na 8,000 empleado, na iniulat ng Netherlands Organisation for Scientific Research. “Isinisiwalat ng pagsusuri na ang mga empleadong maraming pananagutan sa trabaho ay 20 porsiyento na mas madalas magkasipon kaysa sa mga empleadong may mga posisyon na walang gaanong pananagutan.” Ang iba pang salik na nagdudulot ng mas malaking panganib na maimpeksiyon ay ang pagtatrabaho sa gabi at kawalan ng katiwasayan dahil sa muling pag-oorganisa ng kompanya. “Ang mga empleadong nagrerelyebo sa trabaho ay mas malaki ang tsansa na magkaroon ng mga impeksiyon kaysa sa mga empleadong nagtatrabaho sa araw,” ang sabi ng ulat.

Mga Bata at Pagkanta

Ang pagkanta ay “isang mahalagang paraan ng paghahayag ng emosyon na nagpapaunlad sa personalidad ng mga bata,” ang sulat ng espesyalista sa tainga, ilong, at lalamunan na si Dr. Michael Fuchs ng Leipzig University sa magasing pangkalusugan na Gesundheit ng Alemanya. Gayunman, ikinalulungkot ni Fuchs na “ang taas ng boses ng mga bata ay maliwanag na nabawasan mula noong nakalipas na 20 taon. Nagbago na rin ang kanilang mga tinig.” Nagpanukala si Fuchs ng dalawang dahilan. Una, “hindi na gaanong kumakanta ang mga bata sa tahanan sa ngayon. Kung noon ay ginugugol ng mga pamilya ang kanilang oras ng pamamahinga sa pagkanta at pagtugtog ng instrumento, nauupo sila ngayon sa harap ng telebisyon nang sama-sama, at nasisiyahan na lamang sa pakikinig ng musika.” Ikalawa, kapag kumakanta naman sila, may hilig ang mga bata na gayahin ang waring malat na mga boses ng mga mang-aawit ng rock at pop. “Masyadong sinasagad ng mga bata ang kanilang mga kuwerdas bokales kapag sinisikap nilang tularan ang gayong mga mang-aawit,” ang sulat ni Fuchs. Kapag gayon ang ginagawa nila, nagdudulot ito ng tensiyon sa mga kalamnan ng kanilang babagtingan at leeg. Ang karagdagang tensiyon ay maaari ring maging sanhi ng paglitaw ng maliliit na bukol sa kanilang kuwerdas bokales, na lalong nakababawas sa kalidad ng kanilang boses.

Kaligtasan sa Apuyan

“Ang apoy sa isang apuyan ay maaaring maging sanhi ng polusyon sa loob at labas ng bahay, at maaari ring pagmulan ng sunog,” ang sabi ng UC Berkeley Wellness Letter. Upang tulungan ang mga tao na makaiwas sa mga panganib ng apoy gayundin sa mga suliranin sa kalusugan na madalas na nauugnay sa mga polusyon mula sa apuyan, ganito ang mga iminungkahi ng Wellness Letter:

● “Tiyaking nasa mabuting kondisyon ang tsiminea . . . , malinis at maayos.”

● “Isaalang-alang ang paglalagay ng isang carbon monoxide detector . . . , lalo na kung saradung-sarado ang inyong tahanan.”

● “Magpaningas lamang ng maliit at mainit na apoy sa halip na malaki at mausok na apoy.”

● “Gumamit ng matatagal nang kahoy​—kahoy na nakaimbak at natuyo sa loob ng di-kukulangin sa anim na buwan. Mas maganda at mas nagtatagal ang apoy na nagmumula sa hardwood.”

● “Buksan nang mga ilang sentimetro ang isang bintana para pumasok ang hangin.”

● “Tiyaking nasa wastong lugar ang iyong apuyan, di-kukulangin sa isang metro ang layo mula sa mga nasusunog na pader at muwebles.” Gumamit ng isang “heat shield para protektahan ang sahig.”

● “Huwag gumamit ng mga kahoy, plywood, particle board na pinahiran ng gamot, kahoy na pininturahan o binarnisan, may kulay na papel, o plastik. Maaari itong lumikha ng mga nakalalasong usok.”

● “Palaging gumamit ng firescreen sa harap ng apoy.”

Taglamig at Bitamina D

“Kailangan ang bitamina D para masipsip ng mga buto ang kalsyum at palakasin ang kalansay ng katawan laban sa pagkabali,” ang paliwanag ng Tufts University Health & Nutrition Letter. “Sa pangkalahatan, 90 porsiyento ng ating bitamina D ay ginagawa sa ating balat kapag nahantad ito sa sikat ng araw. Ngunit sa panahon ng taglamig sa malalamig na rehiyon, hindi gayon katindi ang sinag ng araw para mapasimulan ang paggawa ng bitamina D. Masahol pa rito, bihira sa sinumang nasa katanghaliang gulang o mas matanda pa ang nakakakuha ng kinakailangang 10 porsiyento ng ating bitamina D na nagmumula sa pagkain.” Kung gayon, inirerekomenda ng U.S. National Institutes of Health na kapag taglamig sa hilagang mga latitud, lalo nang dapat dagdagan ng mga taong mahigit sa edad na 50 ang kanilang pagkuha ng bitamina D sa pamamagitan ng pagkain ng mga pagkaing tulad ng matatabang isda at pag-inom ng cod-liver oil o ng pag-inom ng mga suplementong bitamina D, na hindi naman lalampas sa 2,000 international units, 50 mikrogramo, bawat araw.

Mga Kabataang Manginginom sa Timog Aprika

“Maaaring gumagawa ang Timog Aprika ng isang bansa ng mga lasenggo, yamang ang mga bata ay nagsisimulang mag-abuso sa inuming de-alkohol sa napakamurang edad,” ang babala ng pahayagang The Star ng Johannesburg. Sinasabi na ang mga batang siyam na taóng gulang ay pumapasok sa ilang paaralan na may matitinding hangover, at ang pag-abuso ay lalong lumalala. Bakit may gayong problema sa pag-inom? Binabanggit ng pulis ang “mga anunsiyo [na] naghaharap ng isang istilo ng pamumuhay na kaakit-akit sa mga tin-edyer.” Ang iba pang mga dahilang sinabi ng pahayagan ay ang madaling pagkuha ng inuming de-alkohol, ang pagiging katanggap-tanggap nito sa lipunan, pagiging maluwag ng mga magulang, at ang kalayaan at salapi na tinataglay ng mga bata ngayon. “Nariyan din ang kawalang-kakayahan ng magulang na supilin ito at kawalan ng paggalang sa awtoridad​—pangunahin nang isang ganap na pagbagsak ng lipunan,” ang sabi ng isang clinical psychologist.