Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Northwest Passage—Isang Pangarap na Nagkatotoo?

Ang Northwest Passage—Isang Pangarap na Nagkatotoo?

Ang Northwest Passage​—Isang Pangarap na Nagkatotoo?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FINLAND

ANG pag-init ng globo ay karaniwan nang iniuugnay sa masasamang epekto. Subalit, makatutulong ito upang tuparin nito ang isa sa pinakamimithing pangarap ng mga magdaragat​—isang lagusan sa Northwest Passage na madaling paglayagan. Ang daang ito sa pagitan ng Atlantiko at mga karagatan sa Pasipiko sa bandang itaas ng kontinente ng Hilagang Amerika ay maaari nang paglayagan ng mga barkong regular na nagbibiyahe sa siglong ito, ayon sa magasing Science. “Mapaiikli niyan nang [11,000 kilometro] ang ruta mula Europa hanggang Asia sa pamamagitan ng pagdaan sa Panama Canal at mababawasan naman ng [19,000 kilometro] ang ruta ng mga supertanker na hindi magkasya sa kanal anupat dumaraan pa sa Cape Horn,” ang paliwanag ng Science.

Nakinikinita na ang daanang iyon mahigit na 500 taon na ang nakalilipas. Ang mga pagtatangka noon na tuklasin ang hilagang daanan ay ginawa di-nagtagal pagkatapos matuklasan ni Christopher Columbus ang Amerika. Noong 1497, inutusan ni Haring Henry VII ng Inglatera si John Cabot na maghanap ng ruta sa dagat patungong Silangan. Tulad ni Columbus, si Cabot ay naglayag pakanluran mula sa Europa, subalit mas napadpad siya sa hilaga. Nang dumaong si Cabot, marahil ay sa Newfoundland sa Hilagang Amerika, natiyak niya na nakarating siya sa Asia. Bagaman naunawaan noong bandang huli na may Bagong Daigdig na matatagpuan sa pagitan ng Europa at Asia, hindi nalimutan ang ideya hinggil sa isang hilagang daanan patungong Silangan. Maaari kayang ikutin sa hilaga ang bagong natuklasang kontinente na ito?

Nakaharang na Yelo

Sa teoriya, parang madali lang ang paghanap at pagtawid sa Northwest Passage. Subalit sa katotohanan, ang di-kaayaayang mga kalagayan sa Artiko ang higit na nagpahirap dito kaysa sa inaakala ng sinuman noong panahong iyon. Ang pinakamalaking sagabal ay ang yelo. “Ang mga ito ay nagpapalipat-lipat, inaanod, naghihiwa-hiwalay para makaraan ang mga barko, pagkatapos ay magsasarang gaya ng patibong, anupat kinukulong ang mga barko at tripulante nito, o iniipit at winawasak sila,” ang sulat ni James P. Delgado sa kaniyang aklat na Across the Top of the World.

Nakaharap ni Sir Martin Frobisher, na nanguna sa unang ekspedisyon na nagtungo sa bandang hilaga ng kontinente ng Hilagang Amerika para hanapin ang Northwest Passage sa Artiko, ang yelo. Isang plota ng dalawang barko at isang bangka ang umalis ng London noong 1576. Nakatagpo rin ni Frobisher ang mga Inuit, ang mga katutubo sa Artiko. Ang akala niya noong una ay mga poka o isda ang mga ito, “subalit habang papalapit siya, natuklasan niya na mga tao pala ito na nakasakay sa maliliit na bangka na yari sa katad,” ang salaysay ng aklat tungkol sa paglalayag ni Frobisher. Lahat-lahat, nakatatlong paglalakbay si Frobisher sa Artiko, subalit wala ni isa man sa mga ito ang humantong sa pagkatuklas ng Northwest Passage. Gayunman, mapalad si Frobisher dahil nakauwi siya nang hindi nasaktan mula sa lahat ng kaniyang ekspedisyon sa Artiko. Hindi gayon ang kalagayan ng ibang mga manggagalugad na naghanap sa bantog na daanan. Para sa marami, ang Artiko​—ang yelo, ginaw, kawalan ng sariwang pagkain​—ay di-mapagtatagumpayan. Gayunman, nang sumunod na mga taon pagkatapos ng ekspedisyon ni Frobisher, napakaraming barko at libu-libong lalaki ang pumunta sa hilaga, na nagsikap maglayag sa gitna ng yelo.

Nasaan si Franklin?

Noong ika-19 na siglo, nag-organisa ng ilang malalaking ekspedisyon ang Hukbong-Dagat ng Britanya upang hanapin ang Northwest Passage. Isa sa mga ito ang humantong sa pinakamalaking kasakunaan sa kasaysayan ng mga paglalayag sa Artiko. Si Sir John Franklin, isang bihasang manggagalugad sa Artiko, ay napili upang manguna sa ekspedisyon. Nilagyan ng mga makinang pinatatakbo ng singaw ang dalawang malalaking barko. Ang dalawang barko ay inugitan ng pinakamagagaling na tauhan sa hukbong-dagat at pinaglaanan ng sapat na mga panustos para sa tatlong taon. Isa pa, labis na pinagtuunan ng pansin ang emosyonal na kapakanan ng tripulante. Halimbawa, ang mga barko ay may malawak na aklatan, at nilagyan pa nga ang mga ito ng mga organo. Isang opisyal na sumama sa ekspedisyon ang sumulat: “Walang bagay na magagamit ang nakaligtaan at talagang sa palagay ko’y wala na akong kakailanganin pa kahit sakaling dumaong ako sa London sa loob ng isa o dalawang oras!” Nagpasimula ang ekspedisyon sa Inglatera noong Mayo 1845, at nakarating ito sa Baffin Bay noong Hulyo.

Isang taon ang lumipas. At isang taon pa ang nagdaan. Sa wakas, lumipas ang tatlong taon na iniisip nilang pinakamatagal na panahong gugugulin kung sakaling may masamang mangyari, subalit wala nang nabalitaan pa tungkol sa ekspedisyon ni Franklin. Biglang dumami ang mga naglakbay sa Artiko dahil sa misteryosong paglaho ng dalawang barko at ng mga tripulante nito. Napakaraming ekspedisyon ang nagbigay ng liwanag hindi lamang tungkol sa sinapit ng ekspedisyon ni Franklin kundi tungkol din naman sa misteryo ng Northwest Passage.

Si Kapitan Robert McClure ang kumandante ng isa sa dalawang barko na ipinadala upang hanapin si Franklin. Umalis ang mga barko sa London noong 1850, at nakarating sa hilagang baybayin ng Amerika mula sa Pasipiko na dumaan sa Bering Strait. Pinaiwan ng determinadong si McClure ang isang barko at buo ang loob na nagpatuloy sa paglalayag sa Karagatang Artiko. Hindi nagtagal, naglalayag na siya sa katubigan na hindi pa kailanman narating ng kahit sinong Europeo. Pagkatapos na makipagsapalaran nang husto, sa wakas ay narating niya ang baybayin ng Banks Island, kung saan nagkaroon siya ng ganitong kapana-panabik na obserbasyon. Ang islang ito ang mismong namataan ni Edward Parry mga ilang taon na ang nagdaan nang hinahanap niya ang Northwest Passage mula sa silangan. Kung makapaglalayag si McClure sa kabilang panig ng isla, madaraanan na niya ang buong Northwest Passage!

Subalit nakulong ng yelo ang kaniyang barko. Pagkalipas ng dalawang taon, si McClure at ang kaniyang tripulante ay naipit pa rin sa yelo. Gayunman, nang tila wala na talagang pag-asa, nakakita sila ng mga tao sa abot-tanaw na patungo sa barko. Parang himala iyon. Natagpuan ni Henry Kellett, kapitan ng isang hiwalay na ekspedisyon, ang mensaheng iniwan ni McClure sa Melville Island at nagpadala siya ng mga tauhan upang sagipin sila. Ang tripulante ni McClure, na halos naghihingalo na, ay isinakay sa barko ni Kellett, upang iuwi sila​—na dumaan sa silangang ruta. Akalain mo, nakarating si Kellett sa hilagang baybayin ng Amerika mula sa Atlantiko! “Kaya [si McClure] ang kauna-unahang nakadaan sa Northwest Passage, bagaman nilakbay niya ito sakay ng mahigit sa isang barko at bahagi nito’y nilakad niya,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica.

Pero anong nangyari sa ekspedisyon ni Franklin? Iba’t ibang pahiwatig ang nagbigay ng ilang impormasyon hinggil sa mga pangyayari pagkatapos ng 1845. Naipit sa yelo ang dalawang nag-ekspedisyong barko sa Victoria Strait. Nang makulong sa yelo ang mga barko sa loob ng 18 buwan, ilang lalaki, kasama na si Franklin, ang namatay. Ang mga naiwan ay nagpasiyang lisanin na ang mga barko at nagtungo sa timog nang naglalakad, subalit ang mga lalaki, na mahina na, ay namatay sa daan. Wala isa man sa tripulante ang nakaligtas. Ang kinahinatnan ng ekspedisyon ay nananatiling haka-haka. Maging ang pagkalason dahil sa tingga mula sa mga lata ay nabanggit na sanhi ng mabilis na pagkamatay ng mga lalaki.

Kauna-unahang Mahalagang Tuklas

Bagaman napatunayan na ang pag-iral ng Northwest Passage, nito lamang ika-20 siglo nakapaglayag dito. Pinangunahan ng kabataang si Roald Amundsen ang grupo ng pitong Norwego na naglakbay. Ginamit nila ang maliit na bapor sa pangingisda na pinanganlang Gjøa, na ibang-iba sa naglalakihang barkong pandigma ng Britanya. Gayunman, napatunayan na ang maliit na sasakyang pandagat na ito na mababaw ang kasko ay mainam na transportasyon sa Karagatang Artiko, na may makikipot na daanan at mga batuhan at buhanginan. Noong Hunyo 16, 1903, pinasimulan ni Amundsen at ng kaniyang tripulante ang mahabang paglalakbay mula Oslo patungong Artiko sa bandang Hilagang Amerika sa pamamagitan ng silangang ruta. Pagkalipas ng mahigit na dalawang taon, noong Agosto 27, 1905, ang tripulanteng sakay ng Gjøa ay nakakita ng isang barkong nanghuhuli ng balyena na nagmula sa Karagatang Artiko na bumagtas sa kanlurang ruta at dumaan sa Bering Strait. May kinalaman sa pagtatagpong ito, sumulat si Amundsen: “Sa wakas ay narating din ang Northwest Passage. Ang pangarap ko mula sa aking pagkabata​—nagkatotoo sa mismong sandaling ito . . . napaluha ako.”

Subalit maging sa ngayon ay hindi pa posibleng pasimulan ang regular na paglalayag ng mga barko sa daanang ito. Sapol noong panahon ni Amundsen, marami nang barko ang naglayag sa bandang itaas ng Hilagang Amerika, subalit mahirap pa rin ang pagbibiyahe roon. Subalit, baka hindi na magtagal ang ganiyang kalagayan.

Isang Di-inaasahang Solusyon?

Nakagugulat ang bilis ng pagtunaw ng yelo sa ngayon sa Artiko. Dahil dito, noong taóng 2000, isang barko ng pulis sa Canada ang bumagtas sa Northwest Passage sa loob halos ng isang buwan. Nang kapanayamin ng The New York Times ang kapitan ng barko, si Sarhento Ken Burton, pagkatapos ng matagumpay na paglalayag, nagtaka siya dahil hindi sila nagkaproblema sa yelo. “May mga iceberg, pero wala naman kaming nakitang pagmumulan ng problema. May nakita kaming ilang mahahaba’t makikitid na lumulutang na yelo na nabuo sa loob ng maraming taon, lahat ay maliliit at hiwa-hiwalay, at nagawa naming makaikot sa palibot ng mga ito,” ang sabi ni Burton. Ayon sa magasing Science, “lumiit nang 5% ang saklaw ng yelo sa Artiko sa nakalipas na 20 taon, naging manipis ito, at inihula ng mga programa sa computer para sa lagay ng panahon ang patuloy na pagliit nito habang lalong umiinit ang globo.” Tinutukoy ng artikulo ang isang report na inilabas ng U.S. Arctic Research Commission na humuhula na sa loob ng isang dekada, ang Northwest Passage “ay maaari nang daanan ng mga barkong walang panlaban sa yelo, sa loob ng kahit man lamang isang buwan kapag tag-araw.”

Balintuna naman, “dahil lamang sa pamamalagi sa loob ng tahanan at pagsusunog ng bilyun-bilyong tonelada ng mga fossil fuel,” ang pangarap ng sangkatauhan na minsang nag-udyok sa kanila na magpagal nang husto ay matutupad na ngayon, ang sabi ng magasing Science. Subalit nababahala pa rin ang mga mananaliksik tungkol sa mga epekto ng pagkatunaw ng yelo at ng regular na paglalayag ng mga barko sa mga oso sa polo, walrus, at mga katutubo sa Artiko. Bukod dito, maaaring humantong sa pulitikal na mga alitan ang pagdaan sa Northwest Passage. Ano pa kaya ang mangyayari sa posibleng pagbubukas ng Northwest Passage? Panahon lamang ang makapagsasabi.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ruta ni Martin Frobisher 1578

Ruta ni John Franklin 1845-48

Ruta ni Robert McClure 1850-54

Ruta ni Roald Amundsen 1903-5

(Ipinahihiwatig ng mga tulduk-tuldok na linya ang paglalakbay papaloob mula sa baybayin)

Polong Hilaga

RUSSIA

ALASKA, E.U.A.

CANADA

GREENLAND

[Larawan sa pahina 23]

John Cabot

[Credit Line]

Culver Pictures

[Larawan sa pahina 23]

Sir Martin Frobisher

[Credit Line]

Painting by Cornelis Ketel/Dictionary of American Portraits/ Dover Publications, Inc., in 1967

[Larawan sa pahina 23]

Sir John Franklin

[Credit Line]

National Archives of Canada/C-001352

[Larawan sa pahina 23]

Si Robert McClure at ang kaniyang barkong “Investigator” (ibaba)

[Credit Lines]

National Archives of Canada/C-087256

National Archives of Canada/C-016105

[Larawan sa pahina 23]

Roald Amundsen

[Credit Line]

Brown Brothers

[Larawan sa pahina 24]

Ang pag-init ng globo ang nagpapaging posible na makapaglayag sa mga lugar na mayelo

[Credit Line]

Kværner Masa-Yards

[Picture Credit Line sa pahina 21]

From the book The Story of Liberty, 1878