Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano ba Kalubha ang Sakit ng Ating Planeta?

Gaano ba Kalubha ang Sakit ng Ating Planeta?

Gaano ba Kalubha ang Sakit ng Ating Planeta?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PILIPINAS

Malubha ang kalagayan ng pasyente. Maraming sintomas. Mabaho ang kaniyang hininga. Nilalagnat siya at mas mataas pa ito kaysa rati. Walang epekto ang mga pagsisikap na pababain ito. May natagpuang lason sa mga likidong nagmula sa katawan. Kapag ginagamot ang mga sintomas sa isang bahagi, marami pa ang sumusulpot sa ibang bahagi ng katawan. Kung ito ay isang karaniwang pasyente, malamang na sasabihin ng mga doktor na malalâ na at wala nang pag-asa ang maraming karamdaman nito. Yamang hindi na alam kung ano pa ang maaaring gawin, gagawa na lamang sila ng mga hakbang upang maging komportable ang pasyente hangga’t maaari hanggang sa mamatay na ito.

GAYUNMAN, hindi ito isang taong pasyente. Ito ay ang ating tahanan​—ang lupa. Angkop na angkop na inilalarawan ng kalagayan sa itaas kung ano ang nangyayari sa ating planeta. Ang maruming hangin, pag-init ng globo, maruming tubig, at nakalalasong mga basura ay ilan lamang sa mga karamdaman ng ating lupa na may napakalubhang sakit. Gaya ng mga doktor na binanggit sa itaas, nalilito ang mga eksperto kung ano ang gagawin.

Palaging binibigyang-pansin ng media ang masamang kalusugan ng lupa sa mga ulong balita at kapsiyon na kagaya ng: “Waring nagkaroon ng masaker sa sahig ng dagat dahil sa paggamit ng dinamita sa pangingisda.” Isang “Bilyong Taga-Asia ang Maaaring Mawalan ng Maiinom sa Loob ng 24 na Taon.” “Apatnapung milyong tonelada ng nakalalasong basura taun-taon ang iniluluwas sa buong globo.” “Halos dalawang-katlo ng 1,800 balon sa Hapon ang may lason.” “Butas sa Ozone sa Ibabaw ng Antartiko, Nagbabantang Muli at Mas Malaki Pa.”

Ang ilang tao ay nasasanay na sa madalas na mga balita hinggil sa panganib sa kapaligiran, anupat marahil ay iniisip pa nga na ‘Hindi naman ito dapat ikabahala basta hindi ako naaapektuhan nito.’ Gayunman, natatanto man natin ito o hindi, ang lansakang pagsira sa kapaligiran ng lupa ay nakaaapekto sa napakaraming tao. Yamang ang kontaminasyon sa ating planeta ay napakalaganap na, malamang na nakaaapekto na ito hindi lamang sa iisang aspekto ng ating buhay. Kaya dapat mabahala ang lahat hinggil sa kalusugan at pag-iingat ng tahanan natin. Tutal, may matitirhan pa ba tayong iba?

Gaano ba kalaganap ang problemang ito? Gaano kalubha ang sakit ng lupa? Paano naaapektuhan ang buhay ng mga tao? Tingnan natin ang ilan lamang sa mga salik na tutulong sa atin na maunawaan kung bakit ang ating lupa ay hindi lamang basta may sinat kundi sa halip ay talagang malalâ ang karamdaman.

MGA KARAGATAN: Ang malalaking bahagi ng karagatan ay bugbog na sa pangingisda. Isang ulat ng United Nations Environment Programme ang nagsabi na “70 porsiyento ng mga palaisdaan sa dagat ang halos masaid anupat hindi na nito makayanan o masabayan ang pagpaparami ng isda.” Halimbawa, ang dami ng isdang gindara, hake, haddock, at flounder sa Hilagang Atlantiko ay bumaba nang hanggang 95 porsiyento mula 1989 hanggang 1994. Kapag nagpatuloy ito, ano na kaya ang magiging epekto nito sa milyun-milyong umaasa sa dagat bilang pangunahing pinagmumulan ng pagkain nila?

Karagdagan pa, taun-taon, tinatayang 20 milyon hanggang 40 milyong tonelada ng buhay-dagat ang nahuhuli at itinatapon muli sa karagatan​—karaniwan nang sugatán o patay. Bakit? Bagaman hindi nila ito gustong hulihin, napapasama ito sa mga hinuhuli nilang isda.

MGA KAGUBATAN: Maraming nakapipinsalang epekto ang pagkalbo sa kagubatan. Ang pagkawala ng mga punungkahoy ay nagpapahina sa kakayahan ng lupa na sumipsip ng carbon dioxide, at ito ang sinasabing isang sanhi ng pag-init ng globo. Ang ilang uri ng halaman, potensiyal na mapagkukunan ng mga gamot na nakapagliligtas ng buhay, ay maglalaho. Magkagayunman, nagpapatuloy ang walang-humpay na pagsira sa kagubatan. Sa katunayan, bumilis ang pagsira rito nitong kamakailang mga taon. Ipinapalagay ng ilang awtoridad na kapag nagpatuloy ito, maaaring maglaho ang tropikong kagubatan sa loob ng mga 20 taon.

NAKALALASONG MGA BASURA: Ang pagtatapon ng nakapipinsalang materyal kapuwa sa lupa at sa dagat ay isang malubhang problema na posibleng magdulot ng malaking pinsala sa milyun-milyon. Ang mga basurang radyoaktibo, mga heavy metal, at mga kakambal na produkto ng plastik ay ilan sa mga elementong nagdudulot ng mga abnormalidad, sakit, o kamatayan sa mga tao at hayop.

MGA KEMIKAL: Sa nakalipas na isang daang taon, halos 100,000 bagong kemikal ang ginamit. Ang mga kemikal na ito ay napupunta sa ating hangin, lupa, tubig, at pagkain. Medyo kakaunti lamang sa mga ito ang nasuri kung ano ang magiging epekto nito sa kalusugan ng tao. Gayunman, sa mga kemikal na nasuri, marami-rami ang nasumpungang nagdudulot ng kanser o ng ibang sakit sa paanuman.

Marami pang mga panganib sa ating kapaligiran: polusyon sa hangin, hindi naprosesong dumi sa imburnal, asidong ulan, at kakulangan ng malinis na tubig. Ang ilang nabanggit ay sapat na upang ipakita na talagang may sakit ang ating lupa. Maililigtas pa kaya ang pasyente, o wala na ba talaga itong pag-asa?