Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nang Umatras ang Agos ng Ilog

Nang Umatras ang Agos ng Ilog

Nang Umatras ang Agos ng Ilog

TULAD ng isang linya sa mapa ng Estados Unidos, hinahati ng Ilog Mississippi sa dalawa ang bansa. Mula sa pinagmumulan ng agos nito sa Minnesota, tatlong metro lamang ang lapad nito. Subalit agad itong lumalawak yamang napakaraming sangang-ilog ang humuhugos sa ilog na ito na 3,700 metro ang haba at patungong timog. Malapit sa New Orleans, Louisiana, ang ilog ay umaabot ng 60 metro ang lalim at isang kilometro ang lapad. Sa delta nito, 15,000,000 litro ng tubig ang humuhugos sa Gulpo ng Mexico bawat segundo. Kapag baha, maaaring tumaas iyan nang mahigit sa 80,000,000 litro bawat segundo.

Alam ng mga taong nakatira sa tabing-ilog kung ano ang kayang gawin ng lahat ng tubig na iyan. Nakita nilang pinabaha nito ang mga bukirin, winasak ang mga prinsa, tinangay ang mga bahay, at pinatay ang mga tao. Subalit kakaunting tao sa ngayon ang makaguguni-guni sa nangyari sa ilog di-kukulangin sa 200 taóng nagdaan.

Noong Disyembre 1811, isang di-nakikitang puwersa ang sumakmal sa libis ng sentral Mississippi at hindi ito humupa sa loob ng maraming linggo. Ang sunud-sunod na malalakas na lindol ang nagpataas at nagpalubog sa sahig ng ilog na gaya ng nagngangalit na dagat. Gayon na lamang kalakas ang pag-umbok ng lupa anupat noong Pebrero 7, 1812, sa bandang itaas lamang ng ilog mula sa New Madrid, * Missouri, ang napakalaking ilog ng Mississippi ay umagos pahilaga sa halip na patimog.

Mga Araw ng Pagkatakot at Pangangatal

Ang pangyayaring iyan ang pinakasukdulan ng isang nakasisindak na panahon na kilala bilang mga lindol ng New Madrid. Alas 2:00 n.u., noong Disyembre 16, 1811, niyanig ng unang lindol ang tinatawag sa ngayon na pinakasulok ng timog-silangang bahagi ng estado ng Missouri. Nagising ang mga magsasaka at mga taganayon dahil sa pag-uga ng kanilang mga muwebles at pagkabasag sa sahig ng kanilang porselanang mga gamit. Natanggal sa kanilang pundasyon ang mga bahay. Nagtakbuhan ang mga tao sa labas ng bahay at nanatili roon, na nangangatal sa ginaw at pagyanig ng lupa. Ang kani-kanilang mga tahanan, na dating lugar ng pahingahan at kaligtasan, ay naging panganib sa kanila.

Patuloy ang pagyanig ng lupa, subalit hindi na gaanong malakas, hanggang sa mag-uumaga. Noong mga alas 7:00 n.u., isa na namang malakas na pagyanig ang naganap. Pagkatapos, noong malapit nang mag-alas 11:00 n.u., isa pang mas malakas na lindol ang yumanig. Nagkabitak-bitak ang lupa. Pumulandit ang putik, tubig, at baga mula sa nakatatakot na mga bitak na ito. Umalingasaw ang mabahong gas ng asupre mula sa ilalim at bumaho ang kapaligiran. Nakita ng mga nakasaksi ang libu-libong di-magkamayaw na mga ibon na nagliparan palayo sa lugar na iyon. Nang humupa ang pagngangalit ng lindol, nawasak ang bayan ng Little Prairie, Missouri.

Maunos na Paglalayag sa Ilog

Habang lumilindol noon, ang bagong steamboat na New Orleans ay naglalayag sa Ilog Ohio patungong Mississippi​—ang destinasyon ay sa New Orleans, Louisiana. Ang pagsasaya ay napalitan ng matinding pagkabalisa habang papasók ang barko sa katubigan na pinaalimbukay ng mga lindol. Ang mga pampang ay nayanig at nagguhuan sa ilog. Ang mga trosong matagal nang nakabaon sa ilalim ng ilog ay naglutangan, anupat nanganganib na sumalpok sa kasko ng barko. Siniklut-siklot ng malalaking alon ang barko gaya ng isang tapón. Nawalang-saysay ang mga mapa sa nabigasyon na inihanda para sa paglalakbay, sapagkat inilihis ng mga lindol ang agos ng ilog. Ang kaayaayang paglalakbay ay nauwi sa kakila-kilabot na pagbibiyahe.

Noong Disyembre 19, 1811, nakarating ang New Orleans sa New Madrid, na umaasang makakakuha ng mga panustos. Ngunit ang dating buháy na buháy na bayan sa tabing-ilog ay wala na sa kalagayan para tumulong. Ang mangilan-ngilang tao na naroon pa ay nagmamakaawang pinababalik ang barko upang kunin sila mula sa nagbabagang labí ng kanilang mga bahay at negosyo.

Subalit nagpatuloy sa paglalakbay patungong Mississippi ang steamboat, na ang mga pasahero ngayon ay nangangatal sa takot gaya ng mga nag-i-skate sa manipis na yelo. Nadaanan nito ang bayan ng Point Pleasant, na naging tiwangwang na bayan. Ang Little Prairie ang kasunod na bayan ayon sa mapa. Hindi rin huminto ang barko roon, yamang naglaho na ang kalakhang lugar ng Little Prairie at nawasak na ang natirang mga gusali.

Sa banda pa roon ng timog, di-inaasahang tumambad sa steamboat ang naglalakihang troso na nakabara sa ilog. Binunot ng mga lindol ang napakaraming puno at inihagis ang mga ito sa ilog. Pagkatapos alisin at sibakin nang buong lakas ang mga punong nakaharang sa kanila, ipinugal ng tripulante nito ang New Orleans para magpalipas ng gabi sa Island #32, malapit sa Osceola, Arkansas, sa ngayon. Nang bandang alas 4:30 n.u., noong Disyembre 21, naramdaman ng isang pasahero ang kakaibang paghila sa barko mula sa pagkakapugal nito. Nakita kung ano ang nangyari nang mag-umaga na. Labis na nabanat ang tali anupat halos bumulusok na ito sa tubig. Wala nang makitang tuyong lupa. Noong magdamag, ang pinakasahig ng ilog ay bumaba at ang Island #32 ay lumubog na, isa na namang nawasak ng mga lindol ng New Madrid.

Ligtas na natapos ng New Orleans ang paglalayag nito, ang kauna-unahang barko na pinatatakbo ng singaw na nakapaglayag sa kahabaan ng Ilog Mississippi. Marahil ang mas malaking tagumpay nito ay ang mismong pagdating sa destinasyon nito.

Higit Pang Pagyanig

Nagpatuloy ang mahihinang paglindol hanggang noong Enero 1812. Noong Enero 23, mga alas 9:00 n.u., naramdaman ng mga tao ang isa na namang nakapanghihilakbot at malakas na lindol. Ang wasák nang bayan ng Point Pleasant, Missouri, ay malapit sa epicenter ng lindol, at lumikas na ang mga nakatira roon. Nang magbalik ang ilan noong Pebrero 1812, natuklasan nila na hindi lamang nawasak ang bayan kundi naglaho na ang lahat ng bakas nito. Dahil sa lindol noong Enero 23, natangay ng Ilog Mississippi ang lupang kinatatayuan ng Point Pleasant.

Palibhasa’y natatakot na baka katapusan na ng mundo, maraming tao sa pinakasulok ng timog-silangang rehiyon ng Missouri ang bumaling sa relihiyon. Natuwa ang ilang klero sapagkat napuno ngayon ng mga nagsisisi ang matagal nang nabakanteng mga simbahan. Pinag-alinlanganan naman ng iba ang motibo ng mabilis na dumaraming kawan, anupat tinawag silang mga Kristiyanong lindol. Nagbigay ng maapoy na sermon ang ministrong si James B. Finley na sumipi sa Apocalipsis 6:17 mula sa bersiyon ng Bibliya na King James: “Sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kaniyang poot; at sino ang makatatayo?” Sa pisikal sa halip na sa espirituwal na diwa, ang pagtayo ay mahirap dahil yumayanig ang lupa.

Ang Huling Pagngangalit

Bagaman nagsumamo sa langit ang mga klero para humingi ng tulong, patuloy na dinaluhong ng kasakunaan ang rehiyon. Bago magbukang-liwayway noong Pebrero 7, 1812, ang mga nakatira sa pinakasulok ng timog-silangang rehiyon ay muling niyanig mula sa kanilang paidlip-idlip na pagtulog yamang nagkaroon ng napakalakas na mga along sismiko mula sa epicenter sa ilalim nila. Gayon na lamang kalakas ang lindol na ito, na siyang pinakamatindi sa lahat, anupat gumuho ang mga tsiminea sa Cincinnati, Ohio, na 650 kilometro ang layo. Pinatunog nito ang mga kampana ng simbahan sa Boston, Massachusetts, na 1,600 kilometro ang layo. Sa banda naman ng Montreal, Canada, kumalantog ang mga pinggan at platito sa mga mesa. Isang lalaking taga-Kentucky, na nakatira mga 130 kilometro ang layo mula sa epicenter, ay sumulat sa kaniyang talâ: “Kung hindi tayo makatatakas sa lugar na ito, lalamunin tayo nang buháy ng lupa.” Subalit nakaabang ang kakaibang pagngangalit ng lindol sa bayan sa tabing-ilog ng New Madrid.

Labis na winasak ng naunang mga lindol ang New Madrid, anupat pinatay ang ilang naninirahan doon at pinalikas ang karamihan sa mga nakaligtas. Noong Pebrero 7, lubusang winasak ng lindol ang lugar. Nang lumindol, ang natitirang mga naninirahan doon ay nagsitakas​—at tamang-tama ang kanilang pagtakas. Ang mataas na pampang na kinaroroonan ng bayan ay gumuho at tinangay ng Ilog Mississippi, kung saan inanod ng umaalimbukay na agos ang mga tabla, laryo, at mga bato ng New Madrid. Sa sandaling panahon, naglaho ang bawat pagkakakilanlan ng bayan.

Ang mga Epekto sa Ilog

Ang mga lindol ng New Madrid ay nakagawa ng pansamantalang mga talon sa Mississippi malapit sa New Madrid. Napakaraming bangka ang tumaob habang naglalayag dito. Nagawa ng lindol noong Pebrero 7 na tumaas at lumubog ang lupa, na sapilitang nagpabaligtad sa takbo ng agos. Nagkaroon ng malalaking bitak sa ilalim ng ilog, na lumikha ng napakalalakas na alimpuyo sa tubig kung saan hinigop ang marami pang bangka. Binago ng mga lindol ang lagusan ng ilog at pinabaha ang mga bayan at mga homisted. Inilihis din ng mga ito ang tubig sa ilog, na lumikha sa Lawa ng Reelfoot, isang malaking lawa sa Tennessee na wala naman doon bago 1812. Ang mga puno na dating nakatanim sa tuyong lupa ay nasa gitna ngayon ng Lawa ng Reelfoot, na nangungunyapit sa lupang binaha.

Walang makuhang eksaktong sukat ng lakas ng mga lindol na ito, yamang wala pa namang mga sismograpo noong 1812. Tinataya ng mga siyentipiko na di-kukulangin sa tatlong lindol ng New Madrid ang lumampas sa 8.0 sa Richter scale. Ang mga ito ang pinakamatitinding lindol na naobserbahan sa magkakaratig na estado ng Estados Unidos at kabilang sa pinakamalalakas na lindol na naitala kailanman sa lupa. Bagaman kakaunti ang nakatira sa sinalantang lugar, maraming tao​—baka nga daan-daan pa​—ang namatay sa sakuna.

Sa ngayon ang Ilog Mississippi ay dumadaloy sa pinakasulok ng timog-silangan ng Missouri na para bang walang nangyari. Subalit kung makapagsasalita lamang ang ilog, ilalahad nito ang kapana-panabik na kuwento tungkol sa panahon na umatras ang agos nito.

[Talababa]

^ par. 4 Ang pagbigkas sa pangalan ay Madʹrid, na naiiba sa kabisera ng Espanya, Ma·dridʹ.

[Mga mapa sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

MISSOURI

Ilog Mississippi

New Madrid

[Larawan sa pahina 19]

Ang “steamboat” na “New Orleans”

[Credit Line]

Used by permission, State Historical Society of Missouri, Columbia

[Larawan sa pahina 20]

Nalikha ng mga lindol ang Lawa ng Reelfoot

[Picture Credit Line sa pahina 18]

U.S. Fish & Wildlife Service, Washington, D.C./Dave Menke