Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?

Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?

“Gusto kong makilala bilang isang indibiduwal, ngunit lagi kong nadarama na kailangan kong kumilos ayon sa reputasyon ng aking mga ate. Pakiramdam ko’y hinding-hindi ko magagawa ang mga bagay na nagawa ng aking mga kapatid.”​—Clare.

IKAW ba ay may kapatid na lalaki o babae na waring nagtatagumpay sa lahat halos ng gawin niya? Lagi ka bang pinapayuhan ng iyong mga magulang na tularan ang kapatid mong iyon? Kung gayon, baka nangangamba ka na ikaw ay lagi na lamang nasa anino niya​—na ang iyong halaga ay laging susukatin sa kung paano ka nakaaabot sa mga nagawa ng iyong kapatid.

Ang mga kuya ni Barry * ay kapuwa mga nagtapos sa lubhang iginagalang na Ministerial Training School * at may mahusay na reputasyon bilang mga Kristiyano. Ganito ang inamin ni Barry: “Bumaba ang tingin ko sa aking sarili, yamang alam kong hinding-hindi ko maaabot ang kanilang mga pamantayan sa gawaing pangangaral o maging kasinghusay nila sa pagpapahayag sa madla. Nahirapan akong magkaroon ng sarili kong mga kaibigan sapagkat sumasama lamang ako sa aking mga kapatid kapag sila ay inaanyayahan. Pakiramdam ko’y kinakaibigan lamang ako ng mga tao dahil sa aking mga kapatid.”

Natural lamang na manibugho ka kung may kapatid kang laging pinupuri. Noong panahon ng Bibliya, ang kabataang si Jose ay natatangi sa kaniyang mga kapatid na lalaki. Ano ang epekto nito sa kaniyang mga kapatid? “Sila ay nagsimulang mapoot sa kaniya, at hindi sila makapagsalita sa kaniya nang mapayapa.” (Genesis 37:1-4) Sabihin pa, mapagpakumbaba si Jose. Ngunit maaaring pukawin ng iyong kapatid ang pagpapaligsahan at hinanakit sa pamamagitan ng palaging pagpapaalaala sa iyo ng kaniyang mga nagawa.

Ang reaksiyon ng ilang kabataan sa lahat ng ito ay pagrerebelde​—marahil ay hinahayaan nilang bumaba ang kanilang marka sa paaralan, hindi gaanong nakikibahagi sa mga gawaing Kristiyano, o gumagawi sa nakagigitlang paraan. Maaaring iniisip nila na kung hindi rin lamang naman nila matutularan ang kanilang kapatid, walang-saysay na magsumikap pa sila. Subalit sa kalaunan, ang pagrerebelde ay makapipinsala lamang sa iyo. Paano ka kaya makatatakas sa anino ng iyong kapatid sa paraan na makadarama ka ng paggalang sa iyong sarili?

Huwag Mo Silang Ilagay sa Pedestal

Dahil sa nakikita mo ang lahat ng atensiyong tinatanggap ng iyong kapatid, baka maniwala ka tuloy na siya ay perpekto at na imposibleng maging gaya niya. Subalit talaga bang totoo iyan? Tuwirang binabanggit ng Bibliya ang bagay na ito nang sabihin nito: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.”​—Roma 3:23.

Oo, anuman ang kakayahan o talino ng mga kapatid, sila pa rin ay “mga tao na may mga kahinaang” katulad ng sa atin. (Gawa 14:15) Walang dahilan upang ilagay sila sa pedestal o gawin silang mga idolo. Si Jesu-Kristo lamang ang taong nag-iwan ng isang sakdal na halimbawa.​—1 Pedro 2:21.

Matuto Mula sa Kanila!

Pagkatapos, sikaping malasin ang iyong kalagayan bilang isang pagkakataon upang matuto ng isang bagay. Halimbawa, isaalang-alang ang mga kapatid na lalaki at babae ni Jesu-Kristo. (Mateo 13:55, 56) Isip-isipin kung ano sana ang natutuhan nila mula sa kanilang sakdal na kapatid! Gayunpaman, “ang kaniyang mga kapatid, sa katunayan, ay hindi nananampalataya sa kaniya.” (Juan 7:5) Marahil ay nakahadlang sa kanilang pananampalataya ang pagmamapuri at paninibugho. Ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus​—ang kaniyang mga alagad​—ang tumugon sa kaniyang magiliw na paanyaya: “Matuto kayo mula sa akin.” (Mateo 11:29) Pagkatapos lamang ng pagkabuhay-muli ni Jesus saka siya pinahalagahan sa wakas ng kaniyang mga kapatid sa laman. (Gawa 1:14) Bago nito, napalampas nila ang maraming mahahalagang pagkakataon na matuto mula sa kanilang natatanging kapatid.

Gayundin ang pagkakamali ni Cain. Ang kaniyang kapatid na si Abel ay isang natatanging lingkod ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya na “si Jehova ay nagpakita ng paglingap kay Abel at sa kaniyang handog.” (Genesis 4:4) Gayunman, sa ilang kadahilanan, ang Diyos ay “hindi nagpakita ng anumang paglingap kay Cain at sa kaniyang handog.” Maaari sanang nagpakita si Cain ng kapakumbabaan at natuto mula sa kaniyang kapatid. Sa halip, “si Cain ay nag-init sa matinding galit” at pinatay si Abel.​—Genesis 4:5-8.

Tiyak na hindi ka kailanman magagalit nang gayon katindi sa iyong kapatid. Subalit baka makalampas din sa iyo ang mahahalagang pagkakataon kung hahayaan mong hadlangan ka ng pagmamapuri at paninibugho. Kung may kapatid kang magaling sa matematika, mahusay sa kasaysayan, dalubhasa sa iyong paboritong isport, nagtataglay ng natatanging kaalaman sa Kasulatan, o magaling magpahayag, dapat mong labanan ang paninibugho! Sapagkat ang “paninibugho ay kabulukan ng mga buto” at makapipinsala lamang sa iyo. (Kawikaan 14:30; 27:4) Sa halip na maghinanakit, sikaping matuto mula sa iyong kapatid. Tanggapin ang katotohanan na siya ay may mga kakayahan o kasanayan na hindi mo taglay. Masdan kung paano ginagawa ng iyong kapatid ang mga bagay-bagay​—o, mas mabuti pa, magpatulong sa kaniya.

Si Barry, na nabanggit kanina, ay nakinabang mula sa mabubuting halimbawa na ipinakita ng kaniyang mga kapatid. Ang sabi niya: “Nakikita ko kung gaano kaligaya ang aking mga kapatid sapagkat handa silang tumulong sa mga tao sa kongregasyon at sa gawaing pangangaral. Kaya nagpasiya akong sundan ang halimbawa ng aking mga kapatid, at ako’y nakibahagi sa gawaing pagtatayo ng Kingdom Hall at Bethel. Ang karanasang natamo ko ay nagbigay sa akin ng pagtitiwala at tumulong sa akin na sumulong sa aking kaugnayan kay Jehova.”

Alamin ang Iyong Sariling mga Kagalingan

Marahil ay ikinatatakot mo na ang pagtulad sa mabubuting katangian ng iyong kapatid ay nangangahulugang mawawala mo ang iyong sariling pagkakakilanlan. Subalit hindi kailangang mangyari iyan. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano noong unang siglo: “Maging mga tagatulad kayo sa akin.” (1 Corinto 4:16) Nangangahulugan ba ito na gusto ni Pablo na mawala nila ang kanilang sariling pagkakakilanlan? Hindi naman. Maraming pagkakataon para maipakita nila ang kanilang iba’t ibang katangian. Kung hindi ka kasinghusay ng iyong kapatid sa matematika, hindi ito nangangahulugan na ikaw ay may diperensiya. Ibig sabihin lamang niyan na ikaw ay naiiba.

Ito ang praktikal na payong ibinigay ni Pablo: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.” (Galacia 6:4) Bakit hindi mo tuklasin ang iyong natatanging mga kasanayan at kakayahan? Ang pag-aaral na magsalita ng isang wikang banyaga, pagtugtog ng isang instrumento sa musika, o paggamit ng computer ay maaaring makatulong sa iyo na magkaroon ng higit na paggalang sa sarili, at makatutulong din sa iyo na magtaglay ng kapaki-pakinabang na mga kasanayan. Huwag kang mabahala na kailangan mong gawin nang perpekto ang mga bagay-bagay! Matutong gumawa nang puspusan, maingat, at may kahusayan. (Kawikaan 22:29) Baka nga wala kang gaanong likas na kakayahan sa isang bagay, subalit “ang kamay ng mga masikap ang siyang mamamahala,” ang sabi ng Kawikaan 12:24.

Gayunman, ang iyong espirituwal na pag-unlad ang lalo nang kailangan mong linangin. Ang mga kasanayang nauugnay sa espirituwal na mga gawain ay mas mahalaga kaysa sa anumang talino na madaling makaakit ng pansin ng iba. Isaalang-alang ang kambal na sina Esau at Jacob. Si Esau ay labis na pinapurihan ng kaniyang ama sapagkat siya ay “lalaking marunong mangaso, isang lalaki sa parang.” Sa pasimula, maaaring hindi napapansin ang kaniyang kapatid na si Jacob sapagkat siya ay “isang lalaking walang kapintasan, na tumatahan sa mga tolda.” (Genesis 25:27) Hindi nalinang ni Esau ang kaniyang espirituwalidad anupat hindi siya tumanggap ng mga pagpapala. Nilinang ni Jacob ang pag-ibig sa espirituwal na mga bagay at sa gayo’y saganang pinagpala ni Jehova. (Genesis 27:28, 29; Hebreo 12:16, 17) Ano ang aral dito? Linangin ang iyong espirituwalidad, ‘pasikatin mo ang iyong liwanag,’ at ang iyong ‘pagsulong ay mahahayag sa lahat ng mga tao.’​—Mateo 5:16; 1 Timoteo 4:15.

Ganito ang sabi ni Clare na nabanggit kanina: “Kontento na akong mamuhay sa anino ng aking mga ate. Subalit pagkatapos ay nagpasiya akong sundin ang maka-Kasulatang payo na ‘palawakin’ ang aking pagmamahal. Gumawa ako sa ministeryo sa larangan na kasama ang iba’t ibang kapatid sa kongregasyon, at humanap ako ng praktikal na mga paraan upang tulungan ang mga nangangailangan sa kongregasyon. Inanyayahan ko rin sa bahay namin ang mga kapatid na iba’t iba ang edad at ipinagluto ko sila. Nasisiyahan ako ngayon sa pagkakaroon ng mas maraming kaibigan, at mas may kumpiyansa ako.”​—2 Corinto 6:13.

Sa pana-panahon, baka makalimot ang iyong mga magulang at mapagsabihan ka na naman na tularan mo ang iyong kapatid. Subalit dahil sa batid mong hangad ng mga magulang mo ang para sa iyong ikabubuti, maiibsan ang hinanakit. (Kawikaan 19:11) Gayunman, makabubuting sabihin nang buong galang sa iyong mga magulang kung ano ang nadarama mo sa gayong mga paghahambing. Marahil ay hahanap sila ng ibang paraan upang ipahayag ang kanilang ikinababahala.

Huwag kalilimutan kailanman na napapansin ka ng Diyos na Jehova mismo kung naglilingkod ka sa kaniya. (1 Corinto 8:3) Ganito ito binuod ni Barry: “Nasumpungan ko na habang tumatagal ako sa paglilingkod kay Jehova, mas maligaya ako. Tinatanggap ako ngayon ng mga tao kung sino ako at pinahahalagahan ako, kung paanong pinahahalagahan nila ang aking mga kapatid.”

[Mga talababa]

^ par. 5 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 5 Isinaayos para sa mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 25]

Madalas bang sentro ng atensiyon ang iyong kapatid?

[Larawan sa pahina 26]

Tuklasin mo ang iyong sariling mga talino at interes

[Larawan sa pahina 26]

‘Pasikatin mo ang iyong liwanag’ sa pamamagitan ng paglinang ng iyong espirituwal na mga kasanayan