Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagliligtas sa Kapaligiran—Gaano Na ba Tayo Katagumpay?

Pagliligtas sa Kapaligiran—Gaano Na ba Tayo Katagumpay?

Pagliligtas sa Kapaligiran​—Gaano Na ba Tayo Katagumpay?

CHERNOBYL, Bhopal, Valdez, Three Mile Island. Malamang na nagpapagunita sa iyo ang mga pangalang iyan ng mga kasakunaan sa kapaligiran na naganap sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Ipinaalaala sa atin ng bawat isa sa mga sakunang iyan na ang kapaligiran ng lupa ay sinasalakay.

Iba’t ibang awtoridad at indibiduwal ang nagpahayag na ng mga babala. Kumilos ang ilan sa harap ng madla upang ipahayag ang kanilang pananaw. Isang librarian na Ingles ang nagkadena ng kaniyang sarili sa isang buldoser upang salansangin ang paggawa ng isang kalsada na daraan sa isang maselang ekolohikal na lugar. Dalawang babaing Aborigine sa Australia ang nanguna sa isang kampanya laban sa pagmimina ng uranyum sa loob ng isang pambansang parke. Inihinto ang pagmimina rito. Bagaman maganda naman ang motibo, ang mga pagsisikap na ito ay hindi palaging sinasang-ayunan. Halimbawa, isang kapitan ng hukbong pandagat sa ilalim ng rehimeng Sobyet ang nabahala sa mga tagas ng radyasyon mula sa mga reaktor ng lumubog na mga submarinong nuklear. Nang inilathala niya ang mga lokasyon ng mga ito, inaresto siya.

Nagbababala rin ang iba’t ibang organisasyon hinggil sa mga banta sa kapaligiran. Kabilang dito ang United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization; ang United Nations Environment Programme; at Greenpeace. Ang ilan naman ay nag-uulat lamang ng mga problema sa kapaligiran kailanma’t nauugnay ito sa kanilang trabaho. Ang iba ay nagtalaga ng kanilang sarili sa paghahayag sa madla ng mga isyu hinggil sa kapaligiran. Kilalang-kilala ang Greenpeace sa pagpapadala ng mga aktibista sa mga lugar kung saan may mga kontrobersiyal na usapin hinggil sa kapaligiran at sa pag-akit ng atensiyon ng publiko sa mga paksang gaya ng pag-init ng globo, papaubos na uri ng hayop, at mga panganib na dulot ng mga hayop at halamang binago ang henetikong kayarian.

Sinasabi ng ilang aktibista na ginagamit nila ang “malikhaing komprontasyon upang ilantad ang mga pangglobong problema sa kapaligiran.” Kaya gumagamit sila ng mga taktika na gaya ng pagkakadena ng kanilang mga sarili sa mga tarangkahan ng isang lagarian (sawmill) bilang pagpoprotesta sa pagsira sa matatagal nang kagubatan. Ang isa pang grupo ng mga aktibista ay nagprotesta sa harap ng mga embahada ng isang bansa dahil sa paglabag nito sa kasunduan hinggil sa suspensiyon sa paghuli ng mga balyena, anupat nagsuot ng malalaking mata upang ipakita na ang mga pagkilos ng bansang iyon ay minamanmanan.

Hindi mauubos ang mga usaping maaaring talakayin. Halimbawa, paulit-ulit na nagbababala ang mga indibiduwal at mga organisasyon hinggil sa mga panganib ng polusyon sa tubig. Gayunpaman, lubhang mapanglaw ang situwasyon. Isang bilyong tao ang walang ligtas na tubig na maiinom. Ayon sa magasing Time, “3.4 milyon ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nauugnay sa tubig.” Isa ring problema ang polusyon sa hangin. Iniuulat ng The State of World Population 2001 na ang “polusyon sa hangin ay pumapatay ng tinatayang 2.7 milyon hanggang 3.0 milyong tao taun-taon.” Idinagdag pa nito na ang “polusyon sa hangin sa labas ng bahay ay nakapipinsala sa mahigit na 1.1 bilyong tao.” Bilang espesipikong halimbawa, iniuulat nito na ang “maliliit na partikulang polusyon ang sanhi ng mga impeksiyon sa palahingahan ng umaabot sa 10 porsiyento ng mga bata sa Europa.” Oo, sa kabila ng mga babala at anumang pagkilos na nagawa na, ang mga problemang nauugnay sa pinakapangunahing mga elementong kailangan sa buhay ay lalo lamang lumalalâ.

Para sa marami, kakatwa ang situwasyon. Mas maraming impormasyon ang makukuha higit kailanman tungkol sa kapaligiran. Mas maraming indibiduwal at mga organisasyon ang interesado na makitang malinis ang kapaligiran higit kailanman. Nagtatag ang mga pamahalaan ng mga kagawaran upang tumulong sa paglutas sa mga problema. Mas marami tayong teknolohiya higit kailanman upang tumulong sa pagharap sa mga problema. Subalit waring hindi bumubuti ang mga bagay-bagay. Bakit kaya?

Mas Maraming Kabiguan Kaysa sa Tagumpay

Ang pagsulong sa industriya ay nilayon upang higit na guminhawa ang ating buhay. Sa ilang paraan ay ganoon nga ang nangyayari. Subalit ang mismong “pagsulong” na ito ang siyang nagpapalubha sa mga problema sa kapaligiran ng lupa. Pinahahalagahan natin ang mga imbensiyon at pagsulong na inilaan sa atin ng industriya, ngunit ang mismong paggawa at paggamit natin sa mga ito ang madalas na nagiging dahilan ng pagkasira sa maraming bahagi ng ating daigdig.

Ang isang halimbawa nito ay ang mga sasakyang de-motor. Naging mas madali at mas mabilis ang paglalakbay dahil sa mga ito. Iilang tao lamang ang magnanais na bumalik sa panahon ng mga kabayo at karwahe. Magkagayunman, nakapagdulot ng maraming problema ang makabagong transportasyon. Ang isa rito ay ang pag-init ng globo. Binabago ng mga tao ang kemikal na komposisyon ng atmospera sa pamamagitan ng paggamit ng mga imbensiyon na nagbubuga ng milyun-milyong tonelada ng mga gas. Ang mga gas na ito ay sinasabing nagdudulot ng tinatawag na greenhouse effect, na nagiging dahilan ng pag-init ng atmospera. Tumaas ang mga temperatura noong nakalipas na siglo. Iniuulat ng U.S. Environmental Protection Agency na “ang lahat ng 10 pinakamaiinit na taon ng ika-20 siglo ay naganap noong huling 15 taon ng siglong iyon.” Naniniwala ang ilang siyentipiko na sa ika-21 siglo, ang katamtamang temperatura ng globo ay maaaring tumaas nang 1.4 hanggang 5.8 digri Celsius.

Inaasahan na ang mas maiinit na temperatura ay magdudulot ng iba pang mga suliranin. Numinipis na ang niyebeng bumabalot sa Hilagang Hemisperyo. Isang 3,250 kilometro-kuwadradong ice shelf (makapal na suson ng yelo) sa Antartiko ang gumuho maaga noong 2002. Maaaring malaki ang itaas ng kapantayan ng dagat sa siglong ito. Yamang ang sangkatlo ng populasyon ng daigdig ay naninirahan malapit sa dagat, maaaring magresulta ito sa pagkasira ng mga tahanan at bukirin sa dakong huli. Maaari rin itong magdulot ng malulubhang suliranin para sa mga lunsod sa baybayin.

Naniniwala ang mga siyentipiko na ang mas mataas na temperatura ay magbubunga ng higit na presipitasyon, na may kaakibat na mas madalas na pagkakaroon ng matinding lagay ng panahon. Nadarama ng ilan na ang malalakas na bagyo katulad niyaong pumatay ng 90 katao at sumira ng 270 milyong puno sa Pransiya noong 1999 ay mga patikim lamang ng mga bagay na darating. Ipinapalagay ng ibang mga mananaliksik na ang mga pagbabago sa klima ay magbubunga ng paglaganap ng mga sakit kagaya ng malarya, dengge, at kolera.

Ipinakikita ng halimbawa hinggil sa sasakyang de-motor kung gaano kasalimuot ang resulta ng teknolohiya​—ang mga imbensiyong nakatutulong sa mga tao sa pangkalahatan ay maaaring magdulot ng napakaraming nauugnay na problema na makaaapekto sa maraming pitak ng buhay. Totoo ang sinabi sa Human Development Report 2001: “Ang bawat pagsulong ng teknolohiya ay nagdudulot ng potensiyal na mga pakinabang at panganib, na ang ilan sa mga ito ay hindi madaling mahulaan.”

Kadalasan nang teknolohiya ang binabalingan para sa mga solusyon sa mga problema sa kapaligiran. Halimbawa, matagal nang sinasalungat ng mga environmentalist ang paggamit ng mga pestisidyo. Nang magawa ang mga halamang binago ang henetikong kayarian, na siyang makababawas o makaaalis sana ng pangangailangang gumamit ng pestisidyo, waring ang teknolohiya ay nakapaglaan ng isang magandang solusyon. Gayunman, sa kaso ng mais na Bt, na dinisenyo upang makontrol ang mga stem borer (isang uri ng peste) nang walang pestisidyo, nasumpungan sa mga pagsubok na maaari rin nitong patayin ang mga paruparong monarch. Kaya ang “mga solusyon” ay nagkakaroon kung minsan ng kabaligtarang epekto at maaaring magdulot ng karagdagan pang mga problema.

Makatutulong Kaya ang mga Pamahalaan?

Yamang ang pagkawasak ng kapaligiran ay isang napakalaking problema, kailangan ang pakikipagtulungan ng mga pamahalaan sa daigdig upang magkaroon ng matagumpay na solusyon. Sa ilang kaso, kapuri-puring ipinakita ng mga kinatawan ng pamahalaan ang kinakailangang lakas ng loob upang magmungkahi ng positibong mga pagbabago na makatutulong sa kapaligiran. Gayunman, kakaunti at bibihira ang tunay na mga tagumpay.

Ang isang halimbawa nito ay ang internasyonal na komperensiya na naganap sa Hapon noong 1997. Nagtalu-talo ang mga bansa sa mga kondisyon ng isang kasunduan hinggil sa pagbabawas ng mga ibinubugang gas na sinasabing nagiging dahilan ng pag-init ng globo. Ikinagulat ng marami na sa wakas ay nabuo ang isang kasunduan. Ang kasunduang ito ay tinawag na Kyoto Protocol. Ang mauunlad na rehiyon, kagaya ng European Union, Hapon, at Estados Unidos, ay magbabawas ng mga ibinubugang gas sa katamtamang 5.2 porsiyento pagsapit ng 2012. Tila magandang balita ito. Subalit noong unang bahagi ng 2001, sinabi ng pamahalaan ng Estados Unidos na bumibitiw na ito sa Kyoto Protocol. Marami ang nagulat dito yamang ang Estados Unidos, na bumubuo ng wala pang 5 porsiyento ng populasyon ng daigdig, ang nagbubuga ng humigit-kumulang sa sangkapat ng mga gas sa daigdig. Bukod pa rito, mabagal ang ibang mga pamahalaan sa pagpapatupad ng kasunduang ito.

Ipinakikita ng nabanggit na halimbawa kung gaano kahirap para sa mga pamahalaan na makasumpong ng makabuluhang mga solusyon. Mahirap na mapagsama-sama ang iba’t ibang pamahalaan upang gumawa ng kasunduan, at mahirap para sa kanila na magkasundu-sundo sa kung paano haharapin ang mga isyu tungkol sa kapaligiran. Kahit nga napirmahan na ang mga kasunduan, ang ilang pumirma rito ay umaatras pa rin sa mga pangako sa dakong huli. Nahihirapan naman ang iba na ipatupad ang mga kasunduan. Sa ibang kaso, nadarama ng ilang pamahalaan o korporasyon na hindi nila kakayanin ang mga gastusing nasasangkot sa paglilinis ng kapaligiran. Sa ilang lugar, ang pinakaugat ng suliranin ay kasakiman, anupat ginagamit ng malalaking kompanya ang kanilang makapangyarihang impluwensiya sa mga pamahalaan upang hindi nito ipatupad ang mga tuntunin na makababawas sa kanilang kinikita. Kilala ang mga negosyo at mga korporasyon sa lubusang pagsasamantala sa lupain nang hindi iniisip ang mga epekto nito sa hinaharap.

Lalo pang naging komplikado ang mga bagay-bagay dahil hindi lahat ng siyentipiko ay nagkakasundo hinggil sa kung gaano kalubha ang magiging mga epekto ng polusyon sa lupa. Kaya ang mga gumagawa ng patakaran sa gobyerno ay maaaring di-nakatitiyak kung hanggang saan nila lilimitahan ang pag-unlad ng ekonomiya upang makontrol ang isang problema na maaaring malaki o hindi naman ganoon kalaki na gaya ng iniisip ng ilan.

Totoong nagigipit ang sangkatauhan. Alam ng lahat na may problema at na may kailangang gawin upang lutasin ito. Puspusan namang nagsisikap ang mga bansa, ngunit sa kalakhang bahagi, ang mga problema sa kapaligiran ay lumalalâ. Nakatadhana ba talaga ang lupa na maging isang lugar na hindi na matitirhan ng mga tao? Susuriin natin ang tanong na ito sa susunod na artikulo.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

POLUSYONG INGAY

Ang isa pang uri ng polusyon ay hindi nakikita kundi naririnig​—polusyong ingay. Sinasabi ng mga eksperto na ito ay dapat ikabahala dahil maaari itong maging sanhi ng pagkabingi, kaigtingan, mataas na presyon ng dugo, di-pagkakatulog, at kabawasan ng produksiyon. Ang mga batang pumapasok sa paaralan na nasa maiingay na kapaligiran ay maaaring magkaroon ng mga problema sa pagbasa.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

ANG PAGKALBO SA KAGUBATAN AY NAGBUBUNGA NG PAGDAGSA NG MGA DAGA

Nang maranasan ng 15 bayan sa Samar, Pilipinas, ang malawakang pagdagsa ng mga daga, isinisi ng isang pinagkukunan ng impormasyon ng pamahalaan ang kaganapang ito sa pagkakalbo sa kagubatan sa rehiyon. Ang pagkawala ng kagubatan ay naging dahilan ng pag-unti ng mga hayop na maninila ng daga gayundin ng pinagkukunan ng pagkain ng mga daga. Lumipat ang mga daga sa mga lugar na may mas maraming tao upang makahanap ng pagkain.

[Credit Line]

© Michael Harvey/Panos Pictures

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

MGA BIKTIMA NG NAKALALASONG BASURA?

Sa edad na tatlo at kalahating buwan, nasumpungang si Michael ay may neuroblastoma, isang anyo ng kanser. Kung ito lamang ang kaso ng kanser sa lugar na iyon, hindi sana ito kakaiba. Ngunit, nasumpungan nang maglaon na mga 100 iba pang bata mula sa maliit na lugar ding iyon ang nagkaroon din ng kanser. Nabahala rito ang maraming magulang. Iniisip ng ilan na baka ang mataas na bilang ng may kanser ay nauugnay sa mga kompanya ng kemikal sa rehiyon. Nasumpungan sa imbestigasyon na isang hiwalay na tagahakot ng basura ang nagdadala noon ng mga dram ng nakalalasong likido mula sa isa sa mga kompanya at pagkatapos ay itinatambak ang mga ito sa isang dating manukan, anupat ibinubuhos pa nga kung minsan ang mga laman ng dram. Natuklasan ng mga mananaliksik na may polusyon sa mga balon ng tubig doon. Hindi mapigilan ang mga magulang na mag-isip kung ito nga ba ay isang salik sa pagkakaroon ng kanser ng kanilang mga anak.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

MGA NAKALALASONG KEMIKAL

Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, 120,000 tonelada ng nakalalasong materyal, na karamihan ay gas na phosgene at mustard, ang inilagay sa selyadong mga barko at pagkatapos ay pinalubog ang mga ito sa dagat, ang ilan sa gawing hilagang-kanluran ng Hilagang Ireland. Nagbabala ang mga Rusong siyentipiko na ang mga materyal na ito ay nanganganib na ngayong tumagas.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

NAKAMAMATAY ANG POLUSYON SA HANGIN

Sinasabi ng World Health Organization na 5 hanggang 6 na porsiyento ng mga pagkamatay sa buong daigdig taun-taon ay resulta ng polusyon sa hangin. Sa Ontario, Canada na lamang, iniuulat na ang mga mamamayan ay gumagastos ng mahigit sa $1 bilyon taun-taon para sa pagpapagamot at dahil sa di-pagpasok ng mga tao sa trabaho o paaralan dahil sa polusyon sa hangin.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

NAMAMATAY NA MGA BAHURA NG KORALES

Gumagamit ang ilang mangingisda sa Timog-silangang Asia ng timplada ng cyanide para mahilo ang mga isda, anupat nagiging madaling hulihin ang mga ito. Madali namang nawawala ang lason sa katawan ng isda kaya nakakain pa rin ang mga ito. Subalit nananatili pa rin ang lason sa dagat, anupat pinapatay ang mga bahura ng korales.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

MAGSUOT NG SURGICAL MASK?

Iniuulat ng magasing Asiaweek na ang karamihan ng polusyon sa hangin sa mga lunsod sa Asia ay nagmumula sa usok ng mga sasakyan. Kadalasan nang ang mga makinang diesel at two-cycle ang pinakamalalakas na magbuga ng polusyon, anupat naglalabas ng maraming napakaliliit na partikula na lumulutang sa hangin. Maaari itong magdulot ng maraming sakit. Iniuulat din ng magasing iyon: “Ang nangungunang eksperto sa Taiwan hinggil sa mga epekto ng polusyon, si Dr. Chan Chang-chuan, ay nagsabi na ang usok na dulot ng diesel ay isang sanhi ng kanser.” Ang ilang tao sa mga lunsod sa Asia ay nagsusuot ng mga surgical mask upang protektahan ang kanilang sarili. Nakatutulong ba ang mga maskarang ito? Ganito ang sabi ni Dr. Chan: “Bale-wala ang mga maskarang ito. Ang karamihan sa polusyon na nasa anyong gas at mga partikula ay napakaliliit anupat hindi ito kayang salain ng isang simpleng maskara. Bukod pa rito, . . . napapasukan ang mga ito ng hangin. Kaya nagbibigay ito ng maling seguridad.”

[Larawan sa pahina 7]

Muling pagtatanim sa isang gubat upang makatulong sa pagliligtas ng kapaligiran

[Picture Credit Lines sa pahina 8]

AFP/Getty Images; kaliwa sa itaas: Published with the permission of The Trustees of the Imperial War Museum, London (IWM H 42208); kanan sa itaas: Howard Hall/howardhall.com