Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sinaunang Pormula ng Toothpaste ng mga Ehipsiyo
“Ang pinakamatandang kilaláng pormula ng toothpaste sa daigdig, na ginamit mahigit na 1,500 taon na ang nakalilipas bago simulang ipagbili ng Colgate ang kauna-unahang komersiyal na toothpaste noong 1873, ay natuklasan sa isang piraso ng maalikabok na papiro sa silong ng isang museo sa Vienna,” ang ulat ng Electronic Telegraph. “Sa kupás na tintang itim na gawa sa abo at gum arabic na may halong tubig, inilarawan ng isang sinaunang eskribang Ehipsiyo ang tinatawag niyang ‘pulbos para sa mapuputi at napakagagandang ngipin.’ Kapag humalo sa laway sa bibig, lumilikha ito ng ‘malinis na tooth paste.’” Itinala ng dokumentong ito noong ikaapat na siglo C.E. ang mga sangkap na asin, yerbabuena, pinatuyong bulaklak ng iris, at mga butil ng paminta—lahat ay dinurog at pinaghalu-halo. Ang pagkakatuklas ay lumikha ng pananabik sa isang pagpupulong ng mga dentista na ginanap sa Vienna. “Walang kamalay-malay ang sinuman sa mga dentista na may umiral na palang gayon kasulong na pormula ng toothpaste noong sinaunang panahon,” ang sabi ni Dr. Heinz Neuman, na sumubok nito at nasumpungan na ang kaniyang “bibig ay mabango at malinis.” Ganito ang sabi ng artikulo: “Natuklasan ng mga dentista kamakailan ang kapaki-pakinabang na mga katangian ng iris, na natuklasang mabisa laban sa sakit sa gilagid at ginagamit na ngayon sa komersiyal na paraan.”
Pinatatagal ang Pagiging Sariwa ng Prutas
“Ang inyong suplay ng prutas ay maaaring manatiling sariwa nang mas matagal—sa tulong ng substansiya na itinuturing na isa sa nakapagpapalusog na sangkap ng pulang alak,” ang ulat ng New Scientist. “Ang paglulubog ng mga mansanas sa timplada ng ‘trans-resveratrol,’ isang antioxidant na matatagpuan sa mga ubas, ay nagpapatagal sa pagiging sariwa ng mga ito mula dalawang linggo hanggang tatlong buwan. Ang mga ubas na inilubog din sa gayong timplada ay hindi gaanong tumagal na sariwa na gaya ng mansanas, ngunit ang tagal ng pagiging sariwa ng mga ito ay nadoble pa rin nang hanggang dalawang linggo.” Natuklasan ng mga mananaliksik na kaunti lamang ng antioxidant na ito ang kailangan upang mahadlangan ang pagkasira ng himaymay ng prutas at mapigilan ang yeast at amag na lumuluoy sa maraming prutas. “Sa sumunod na pagsasaliksik, naingatan ng grupo ng mananaliksik ang iba pang ani, kabilang na ang mga kamatis, abokado at mga berdeng sili,” ang sabi ng magasin. “Humahanap sila ngayon ng mas murang mga pamamaraan sa paggawa ng ‘trans-resveratrol.’”
Mga Video Game na Nagsasapanganib sa Kalusugan
Maaaring hindi natatanto ng mga magulang kung gaano kapanganib sa kalusugan ng kanilang mga anak ang mga video game, ang ulat ng pahayagang El Universal ng Mexico City. Ayon kay Antonio González Hermosillo, presidente ng Mexican Society of Cardiology, hanggang 40 porsiyento ng mga batang palaging naglalaro ng mga video game ang magkakaroon ng mataas na presyon ng dugo. Bakit? Sapagkat bukod sa kawalan ng ehersisyo, ang mga bata ay sumasailalim sa kaigtingan dahil sa pagiging labis na kasangkot sa mga situwasyon na itinuturing na mapanganib, gaya ng mga pagsalakay, parang totoong mga labanan, at iba pang pakikibaka. “Nagbabala ang espesyalista na ito ay magdudulot ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng sakit sa puso sa bansa, ang pangunahing dahilan ng kamatayan sa Mexico,” ang sabi ng diyaryo.
“Pangunahin Nang May Depekto”
“May isang bagay na pangunahin nang may depekto sa paraan ng pangangasiwa sa ating daigdig,” ang sabi ni Dr. Jacques Diouf, punong direktor ng Food and Agriculture Organization ng UN. Sa pagsasalita sa Kennedy School of Government sa Harvard University, E.U.A., sinabi ni Diouf: “Ang isa sa pinakamalalaking tagumpay sa ikadalawampung siglo ay ang bilis ng pagsulong sa produksiyon ng pagkain na malaki ang itinaas kaysa sa di-mapapantayang bilis ng pagdami ng populasyon. . . . May kakayahan tayo na maglaan ng sapat na pagkain upang ang lahat ng nasa planeta ay mapakain nang sapat.” Magkagayunman, 800 milyon katao, sa papaunlad na mga bansa pa lamang, ang hindi na nakakakuha ng sapat na pagkain, at mga 6 na milyong bata na wala pang limang taóng gulang ang namamatay taun-taon dahil sa malnutrisyon at gutom. “Marami sa kanila ang namamatay dahil sa mga sakit na gaya ng pagtatae, malarya o tigdas, pero nakaligtas sana kung sila ay higit na natustusan ng pagkain,” ang sabi ni Diouf. “Ang problema ng daigdig sa gutom ay maliwanag na pulitikal at hindi teknikal.” Idinagdag pa niya: “Malibang may gawing hakbang sa pulitika, walang garantiya na magbabago ang kalagayan sa hinaharap.”
Anak sa Ligaw
Sa European Union, “25 porsiyento ng lahat ng bata ay anak sa ligaw,” ang ulat ng pahayagang Kastila na La Vanguardia. Habang nagbabago ang tradisyonal na mga pamantayan, “dumarami ang mga anak sa ligaw sa buong Europa.” Ayon sa Statistical Office of the European Communities, ang Sweden, Denmark, at Pransiya ay nangunguna sa listahan na may 54 na porsiyento, 46 na porsiyento, at 39 na porsiyento ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Sumusunod ang Finland at Gran Britanya, na parehong may 37 porsiyento ng mga batang anak sa ligaw. Napapansin ang gayunding kalakaran sa mga bansa sa Mediteraneo, kung saan dating nananaig ang matatag na mga tradisyon sa pamilya. Halimbawa, ipinakikita ng estadistika para sa Espanya kamakailan na 19 na porsiyento ng mga bata ay isinilang ng di-kasal na mga ina, at sa ilang pook, gaya ng Catalonia, ang bilang ay 22 porsiyento—100-porsiyentong pagtaas sa loob lamang ng sampung taon.
Ang Kalahati ng Lupa ay Ilang
“Sa kabila ng tumitinding mga banta sa kapaligiran sa loob ng isang siglo, 46 na porsiyento ng katihan ng Lupa ang nananatili pa ring halos ilang,” ang ulat ng publikasyong World Watch. Isang pag-aaral na kinabibilangan ng 200 siyentipiko sa buong daigdig ang “nakatuklas na [68 milyong kilometro kuwadrado] ng katihan ang nakaaabot pa rin sa pamantayan ng pagiging ‘ilang,’ na nangangahulugang taglay pa rin nila ang 70 porsiyento ng kanilang orihinal na pananim, pinaninirahan ng [5] katao bawat [kilometro kuwadrado] sa mga lugar sa labas ng lunsod, at ang lawak ng bawat ilang ay di-kukulangin sa [10,000 kilometro kuwadrado].” Ang 37 lugar na ito na ilang ay pinaninirahan lamang ng 2.4 porsiyento ng kabuuang populasyon ng lupa—144 na milyon katao, hindi pa kasali ang mga lunsod—gayunma’y katumbas ng lawak ng lupaing ito ang pinagsama-samang anim na pinakamalalaking bansa: Australia, Brazil, Canada, Estados Unidos, Russia, at Tsina. Ngunit sinasabi ng World Watch na “mahigit sa sangkatlo ng ilang na ito ay yelo sa Antartiko o tundra sa Artiko, at 5 lamang sa 37 lugar ang priyoridad na dako para sa konserbasyon—na nangangahulugang bawat isa sa pinangangalagaang lugar na ito ay nagtataglay ng mahigit na 1,500 katutubong uri ng hayop at pinaninirahan ng maraming iba’t ibang uri ng buhay-ilang.”
Ang Kabiserang Bilangguan ng Kanlurang Europa
“Ang Britanya ngayon ang kabiserang bilangguan ng kanlurang Europa, na may katamtamang dami ng nabibilanggo na 139 sa bawat 100,000 sa populasyon ng Inglatera at Wales,” ang sabi ng Guardian Weekly. “Ang populasyon ng bilangguan ay tumaas mula 42,000 noong 1991 tungo sa 72,000.” Hindi lamang sinisentensiyahang mabilanggo ng mga korte sa Britanya ang mas maraming tao kundi binibigyan din sila ng mas mahahabang sentensiya. Noong 1992, 45 porsiyento ng nahatulang mga adulto ang ibinilanggo, kung ihahambing sa 64 na porsiyento noong 2001. Gayunman, mas maraming nabibilanggo sa ibang bansa. Sa katunayan, mga kalahati ng tinatayang 8.75 milyon kataong nakabilanggo sa buong daigdig ay masusumpungan sa tatlong bansa lamang: sa Estados Unidos (1.96 milyon), Tsina (1.4 milyon), at Russia (900,000).
Ang mga Panganib ng Pagiging Labis ang Timbang
“Ang mga taong labis ang timbang pagsapit sa edad na 40 ay malamang na mamatay nang mas maaga ng tatlong taon kaysa sa mga balingkinitan, na nangangahulugang ang pagiging mataba sa katanghaliang gulang ay nakapipinsala sa inaasahang haba ng buhay na gaya ng paninigarilyo,” ang sabi ng The New York Times. “Sinasabi ng pag-aaral na ito na kung labis ang timbang mo pagsapit ng edad 35 hanggang edad 45, kahit na mabawasan ang timbang mo sa kalaunan, mas mataas pa rin ang tsansa mong mamatay,” ang sabi ni Dr. Serge Jabbour, direktor ng klinik sa pagpapapayat sa isang ospital. “Ang mensahe ay na kailangan mong magbawas ng timbang habang bata ka pa. Kung maghihintay ka nang matagal, maaaring napinsala ka na.” Ang pagbabawas ng timbang ay makahahadlang din sa pagkamatay dahil sa kanser. Pagkatapos ng 16-na-taóng pagsusuri sa 900,000 katao, sumapit sa konklusyon ang American Cancer Society na “ang labis na timbang ay maaaring naging dahilan ng 14 na porsiyento ng pagkamatay ng kalalakihan dahil sa kanser at 20 porsiyento sa kababaihan,” ang sabi ng Times. Iniugnay ng mga pag-aaral ang labis na timbang sa maraming uri ng kanser.