Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Paracas National Reserve—Isang Paglalakbay Tungo sa Pagtuklas

Ang Paracas National Reserve—Isang Paglalakbay Tungo sa Pagtuklas

Ang Paracas National Reserve​—Isang Paglalakbay Tungo sa Pagtuklas

Mula sa manunulat ng Gumising! sa Peru

SA LOOB ng maraming taon, maraming turista mula sa buong daigdig ang naaakit pumasyal sa Peru. Karaniwan nang kasama sa kanilang itineraryo ang Lima; Cuzco, ang kabisera ng Inca; ang maririlag na guho ng Machu Picchu; ang maringal na Andes; at marahil ang pagsakay pa nga sa bangka sa Amazon. Kamakailan, isa pang karagdagang atraksiyon ang idinagdag sa listahang ito​—ang Paracas National Reserve. Ito ay mga 250 kilometro sa timog ng Lima kung daraan sa Pan-American Highway.

Sinasaklaw ng Paracas National Reserve ang humigit-kumulang 335,000 ektarya ng baybaying lugar at ang Paracas Peninsula. Ito ay itinatag ng pamahalaan ng Peru noong 1975 upang maingatan ang saganang buhay-iláng na permanenteng naninirahan o taun-taong nandarayuhan sa lugar na iyon. Pinasisigla ng reserve ang paggalang sa kapaligiran, habang itinataguyod din ang turismo. Mahigit sa 100 arkeolohikal na lugar ang natuklasan hanggang sa kasalukuyan, patotoo ng kultura ng Paracas noong nakalipas na maraming siglo. Ang lugar ng karagatan ay nagsisilbing tahanan ng mga sea lion, sea otter, lumbalumba, mahigit sa dalawang daang uri ng ibon, at apat na uri ng pawikan.

Sa mapa, ang Paracas Peninsula ay parang isang butones lamang sa isang mas malaking umbok ng kontinenteng lupain. Bunga ng heograpikong posisyon nito, ang lugar na ito ay hinahampas ng malalakas na tropikong hangin (trade wind), na tinatawag sa lugar na iyon na paracas. Humihihip ang hanging ito pahilaga, anupat ipinapadpad sa direksiyong iyon ang malamig na Peru Current, o Humboldt Current. Ang kombinasyon ng malamig na katubigan, mabababaw na baybayin, at mga pag-alimbukay ng karagatan ang siyang dahilan kung bakit ang peninsulang ito ang isa sa mga pinakasaganang sona ng buhay-iláng sa dagat sa buong daigdig. Kulay berde ang Karagatang Pasipiko rito na namumutiktik sa mga mikroorganismo, kasama kapuwa ang phytoplankton at zooplankton, at nagsisilbing pagkain ang mga ito para sa milyun-milyong dilis at iba pang maliliit na isda na dumaragsa sa saganang katubigang ito. Ang piging na ito sa karagatan, lalo na ang mga dilis, ang sumusustine sa maraming ibong-dagat, penguin, at mga mamalya sa dagat na inaalagaan sa reserve.

Pagdalaw sa mga Isla ng Ballestas

Nagsimula ang aming paglalakbay sa daungan sa look ng Paracas. Maraming maliliit na bangkang pangisda ang naglulutangan doon habang nakaangkla ang mga ito, na ang tanging mga pasahero ay mga lokal na pelikano na nakaupo habang nag-aayos ng kanilang mga balahibo at nagmamasid sa ginagawa ng mga taong nasa palibot nila. Dumating ang aming lantsa, at may-kasabikan kaming sumakay roon at isinuot ang aming mga life jacket. Nang makaalis kami sa masikip na trapiko ng mga barko sa daungan, tumulin ang takbo ng aming lantsa, anupat naging kapana-panabik ang aming pagsakay habang mabilis kaming bumabagtas sa gitna ng maliliit na alon ng look.

Una kaming huminto malapit sa dulo ng peninsula. Doon ay nagkomento ang aming guide hinggil sa isang malaking disenyo sa gilid ng burol. Tinatawag itong Candelabra, bagaman baka isipin mong mukha itong kaktus na may tatlong sanga. Ipinahihiwatig ng iba na ang disenyong ito ay bahagi ng mga drowing ng bantog na Nazca Lines. * Ipinapalagay naman ng iba na ito ay iginuhit ng mga pirata o na ito ay isang sagisag ng mga Mason na ginawa ng mga sundalong sumunod sa lider ng rebolusyon noong 1820 na si José de San Martín. Anuman ang pinagmulan nito, kamangha-manghang pagmasdan ang gawang-sining na ito sa disyerto.

Pagkaalis namin sa peninsula, naging mas maalon ang aming paglalakbay. Nakikita namin ang mga isla na puting-puti at nasisikatan ng araw sa umaga. Gayunman, hindi ito bato at buhangin kundi ito ay guwano​—dumi ng ibong-dagat​—na tumatakip sa mga isla.

Dumaong kami sa mga Isla ng Ballestas, o Busog, na siyang ipinangalan ng mga Kastila dahil sa likas na mga arkong daan ng isla na katulad sa isang busog. Pinabagal ng piloto ang motor. Ang unang pumasok sa isip namin ay, ‘Sino ba talaga ang nagmamasid?’ yamang nakadapo sa malalaking bato at pinakaitaas na mga gilid ng isla ang di-mabilang na mga ibong-dagat​—mga pelikano, tern, golondrinang-dagat, booby, grupo ng mga kormoran, at maging mga penguin na Humboldt. Bagaman waring kakatwa na makakita ng mga penguin sa isang tropikong lugar, ang napakalamig na tubig at saganang isda ang dahilan kung bakit nabubuhay sila rito. Sumunod ay nakakita kami ng mga sea lion na nagpapaaraw sa bawat malapad na bato na puwedeng sampahan. Sa kalakhang bahagi, ang mga isla ay namuong mga bato na tuwirang bumulusok sa dagat, at hinangaan namin kung paanong ang mga penguin at mga sea lion, na napakabagal sa lupa, ay nakaaakyat sa kanilang mga lugar ng pahingahan.

Nalibang kami sa mga impormasyon at estadistikang ikinuwento ng aming guide. “Ang isang lalaking sea lion ay tumitimbang ng mahigit sa 300 kilo at maaaring magkaroon ng mga 20 asawa,” ang paliwanag niya. Bagaman mababanaag sa mga babae ang hugis ng isang sea lion, ang malalaking lalaki naman ay mukhang mga sako na namimintog sa taba. Nalaman namin na ang mga lalaking ito ay malalakas at nakatatakot na mga mamalya na naglalabanan sa isa’t isa para sa pagkakaroon ng kapangyarihan sa mga asawa at sa teritoryo. Kadalasan nang malubhang nasusugatan ang talunan, sa gayo’y nagiging pagkain ng mga turkey vulture at condor na bahagi rin ng kawing ng pagkain sa katubigang ito sa baybayin. Napakalakas kumain ng isang sea lion, anupat kadalasan nang nakalalamon ng sampung kilo ng isda sa isang kainan lamang sa gabi. Pero hindi naman agresibo sa amin ang mga nilalang na ito​—lubhang mausisa lamang.

Habang may-kabagalang inililibot kami ng aming piloto sa bawat isa sa tatlong isla at sa mga arkong daan sa mga bato, napansin namin ang matapang na amoy ng guwano. “Nakatira sa mga arkong daan,” ang paliwanag ng aming guide, “ang mga bampirang paniki na nanginginain sa mga sea lion habang natutulog ang mga ito.” Sa malayo, nakikita namin sa pinakamalaking isla ang waring isang malaki at maitim na batik. Ito pala ay mga guanay, o mga kormoran, mga ibong-tubig na mahilig na magsama-sama. Nagkukulumpon silang mabuti, samantalang nagpapahinga at naglalabas ng guwano. Bumubulusok ang mga booby patungo sa dagat, samantalang ang iba namang mga ibon ay sumasalimbay at lumilipad sa harapan lamang namin.

Sa wakas, dumating kami sa ‘paanakan,’ ang pinakamalaking dalampasigan sa mga isla. Tuwang-tuwa kaming makita ang maraming sea lion na kasama ang di-mapakaling mga grupo ng maliliit pang sea lion na matitingkad ang kulay at nagkikikislot sa palibot ng mga babae. Maingay ang dalampasigan dahil sa malalakas na ungol, impit, at matitinis na huni. Sinabi sa amin na ang maliliit pang sea lion ay maaaring sumuso nang hanggang anim na buwan at natututong lumangoy sa likod ng kanilang ina.

Habang pabalik kami sa daungan, sinabi ng aming guide: “Animnapung porsiyento ng maliliit pang sea lion ang mamamatay bago pa sila maging isang taóng gulang. Ang ilan ay naiipit o sadyang pinapatay ng mga lalaki. Ang iba naman ay nalulunod. Nakapagdudulot din ng pinsala ang El Niño, yamang ang mga dilis ay sapilitang itinataboy nito patimog sa mas malalamig na tubig. Walang lakas ang mga batang sea lion na sundan ang mga adulto sa bagong mga lugar ng panginginain.”

Kakatwa naman, posibleng ang pinakamalaking banta sa kaligtasan ng buhay-iláng dito ay ang tao. Napakaraming sea lion ang pinapatay ng mga mangangaso dahil sa balahibo nito at ng mga mangingisda na nagtuturing sa mga ito bilang mga peste. Ang mga pawikan ay hinuhuli dahil sa karne nito, na itinuturing na masarap na pagkain, at sa mga bahay nito, na ginagawang mga collector’s item. Naaapektuhan ng mga taong kumukuha ng guwano ang mga populasyon ng ibon. Nauubos ang suplay ng pagkain dahil sa labis-labis na pangingisda. Sinabi sa amin na ang mga pamamaraan ng konserbasyon ng buhay-iláng ay ginawa nang batas sa ngayon. Marahil ay maiimpluwensiyahan ng gayong mga batas ang mga tao na maging higit na palaisip sa konserbasyon.

Isang Paglalakbay sa Nakaraan ng Paracas

Pagtapak namin sa lupa, handa na kami sa huling bahagi ng aming pamamasyal, na siyang pagpunta sa Julio C. Tello Museum sa peninsula.

Noong 1925, natuklasan sa kauna-unahang pagkakataon ng arkeologong taga-Peru na si Julio C. Tello at ng isang kasama niya ang peninsula. Pinanganlan nila ang lugar na Mahabang Ulo, dahil sa pahabang mga bungo ng tao na nakabaon nang kalahati sa ibabaw ng tiwangwang na lupain. Ang mga ito ay mga labí ng kultura ng Paracas, na sa pagtantiya ng mga iskolar ay umiral mula 1000 B.C.E. hanggang 200 B.C.E. Walang nasusulat na wika ang mga tao ng Paracas. Kaya bagaman alam na alam kung paano pinahaba ng mga taong ito ang mga bungo​—na gumagamit ng mga kutson, tungkod na kahoy, at pisi​—walang nakaaalam kung bakit. Sa lugar ding ito, may natuklasan uli si Tello​—mga libingang yungib na ang hugis ay parang nakabaligtad na mga saro. Ang mga katawang binalutan ng tela, na nakayukyok na parang sanggol na hindi pa naisisilang, ay pinagtabi-tabi, anupat handa nang “ipanganak muli” sa kabilang buhay. Nasumpungan din sa mga yungib ang mais, mani, at kamote, gayundin ang mga instrumento sa musika at seremonya.

Pagkalipas ng dalawang taon, si Tello at ang isa pang kasamahan ay nakatuklas ng isang malaking libingan, na pinanganlan nilang Sementeryo ng Paracas. Naglalaman ito ng 429 na bungkos na inilibing, na ang ilan ay mahigit sa 1.6 metro ang taas. Ang bawat isa sa nakayukyok na mga momyang ito ay nakalagay sa isang basket. Nababalutan ang mga ito ng kahanga-hanga, makukulay, mararangya at mahahabang damit na binurdahan ng mga disenyong may iba’t ibang kulay, kadalasan nang may tema ng mahika at relihiyon.

Ang mga sampol ng mahahabang damit na ito na panlibing, kasama ang daan-daang iba pang kawili-wiling sinaunang bagay mula sa kultura ng Paracas, ay makikita sa Julio C. Tello Museum.

Umaasa kami na ang aming paglalakbay sa Paracas National Reserve ay nagpasabik sa iyo para galugarin ang mas marami pang kayamanan ng Peru.

[Talababa]

^ par. 8 Ang mga ito ay mga drowing ng mga hayop at heometrikal na disenyo sa mga kapatagan ng Nazca, Peru, na napakalaki para makita sa kapantayan ng lupa. Tingnan ang artikulong “The Nazca Lines​—A UFO Spaceport?” sa Enero 8, 1982, isyu ng Awake!

[Larawan sa pahina 17]

Penguin na Humboldt

[Larawan sa pahina 18]

“Tern” na Inca

[Larawan sa pahina 18]

Ang Candelabra

[Mga larawan sa pahina 18]

Mga sinaunang bagay ng kultura ng Paracas​—isang mahabang damit na panlibing, isang momya, at isa sa pahabang mga ulo

[Picture Credit Lines sa pahina 16]

Pelikano: © Archivo de PromPerú; mga sea lion: © Michael Tweddle/PromPerú

[Picture Credit Lines sa pahina 17]

Baybayin: © Carlos Sala/PromPerú; mga flamingo: © Heinz Plenge/PromPerú; penguin: © Arturo Bullard/PromPerú

[Picture Credit Lines sa pahina 18]

Kaliwa sa itaas dagat at tern: © Archivo de PromPerú; mga sinaunang bagay: Museo Nacional de Arqueología, Antropología e Historia del Perú