Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo

Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo

Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo

Inilahad ng Isang Doktor ang Kaniyang Salaysay

NASA awditoryum ako ng ospital, at ibinubuod ko ang mga resulta ng isang awtopsiya sa isang grupo ng mga doktor. Ang pasyenteng namatay ay may malignant na tumor, at sinabi ko, “Mahihinuha natin na ang kagyat na sanhi ng pagkamatay ng pasyenteng ito ay hemolysis [pagkasira ng mga pulang selula ng dugo] at acute renal failure [kagyat na paghinto ng mga bato] dahil sa maraming dugong isinalin.”

Tumayo ang isang propesor at pagalít na sumigaw, “Ang ibig mo bang sabihin ay mali ang dugong isinalin namin?” Sumagot ako, “Hindi po iyan ang ibig kong sabihin.” Ipinakita ko ang ilang slide ng maliliit na bahagi ng bato ng pasyente, at pagkatapos ay idinagdag ko, “Makikita natin ang lysis [pagkasira] ng maraming pulang selula ng dugo sa bato at sa gayo’y ating mahihinuha na iyan ang sanhi ng kagyat na paghinto ng mga bato.” * Naging maigting ang kapaligiran, at nanuyo ang bibig ko. Bagaman isa akong kabataang doktor at siya ay isang propesor, nadarama kong hindi ko maaaring bawiin ang aking sinabi.

Nang mangyari ang insidenteng ito, hindi pa ako isang Saksi ni Jehova. Isinilang ako noong 1943 sa Sendai, isang lunsod sa hilagang bahagi ng Hapon. Dahil ang aking ama ay naging isang patologo at saykayatris, nagpasiya ako na mag-aral ng medisina. Noong 1970, sa aking ikalawang taon ng pag-aaral ng medisina, pinakasalan ko ang isang kabataang babae na nagngangalang Masuko.

Pagpasok sa Larangan ng Patolohiya

Nagtrabaho si Masuko para tumulong sa pagsustento sa amin habang tinatapos ko ang aking pag-aaral. Nabighani ako sa larangan ng medisina. Manghang-mangha ako sa kung gaano kahusay ang pagkakagawa sa katawan ng tao! Magkagayunman, hindi ko inisip ang hinggil sa pag-iral ng isang Maylalang. Akala ko, ang pagsasaliksik sa medisina ay makapagbibigay ng kahulugan sa aking buhay. Kaya pagkatapos na maging isang doktor, pinili kong ipagpatuloy ang aking pag-aaral sa medisina sa pamamagitan ng pagpasok sa larangan ng patolohiya​—ang pag-aaral hinggil sa mga katangian, sanhi, at epekto ng sakit.

Habang gumagawa ng mga awtopsiya sa mga pasyenteng namatay dahil sa kanser, nagsimula akong magduda sa pagiging mabisa ng pagsasalin ng dugo. Ang mga pasyenteng may malala nang kanser ay maaaring maging anemik dahil sa pagdurugo. Yamang pinalalala ng chemotherapy ang anemya, kadalasan nang inirerekomenda ng mga doktor ang pagsasalin ng dugo. Gayunman, nagsuspetsa ako na baka kumalat lamang ang kanser dahil sa pagsasalin. Anuman ang kalagayan, napag-alaman sa ngayon na ang pagsasalin ng dugo ay nagdudulot ng immunosuppression, na maaaring makaragdag sa posibilidad ng paglitaw ng tumor at makabawas sa antas ng pagkaligtas ng mga pasyenteng may kanser. *

Noong 1975, napaharap ako sa kasong binanggit sa pasimula. Ang propesor ang may hawak sa kasong iyon, at isa siyang espesyalista sa hematology. Kaya hindi kataka-taka na nagalit siya nang kaniyang marinig na sabihin kong ang pagsasalin ng dugo ang sanhi ng kamatayan ng pasyente! Gayunman, itinuloy ko ang aking presentasyon, at unti-unti naman siyang kumalma.

Wala Nang Sakit o Kamatayan

Noong mga panahong iyon, dinalaw ng isang may-edad nang babaing Saksi ni Jehova ang aking asawa. Ginamit niya ang salitang “Jehova” sa kaniyang presentasyon, at tinanong ng aking asawa kung ano ang ibig sabihin nito. Sumagot ang Saksi, “Jehova ang pangalan ng tunay na Diyos.” Binabasa na ni Masuko ang Bibliya mula noong bata pa siya, ngunit pinalitan ng Bibliyang ginagamit niya ang pangalan ng Diyos ng “PANGINOON.” Nalaman na niya ngayon na ang Diyos ay isang persona na may pangalan!

Kaagad-agad na nakipag-aral ng Bibliya si Masuko sa may-edad nang Saksi. Nang umuwi ako galing sa ospital mga ala 1:00 n.u., may-pananabik na sinabi ng asawa ko, “Sinasabi sa Bibliya na ang sakit at kamatayan ay papawiin na!” Sumagot ako, “Aba, maganda iyan!” Nagpatuloy siya, “Yamang malapit nang dumating ang bagong sanlibutan, ayokong mag-aksaya ka ng panahon.” Inakala ko na gusto niyang ihinto ko ang aking pagdodoktor, kaya nagalit ako at naging maigting ang aming ugnayan.

Subalit hindi sumuko ang asawa ko sa akin. May-pananalangin siyang naghanap ng naaangkop na mga kasulatan at ipinakita niya ang mga ito sa akin. Ang mga salita ng Eclesiastes 2:22, 23 ang lalo nang umantig sa aking puso: “Ano ang natatamo ng isang tao sa lahat ng kaniyang pagpapagal at sa pagpupunyagi ng kaniyang puso na pinagpapagalan niya sa ilalim ng araw? . . . Sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito rin naman ay walang kabuluhan.” Kapit ito sa aking ginagawa​—araw at gabi ay pinagbubuhusan ko ng panahon ang siyensiya ng medisina nang walang nasusumpungang tunay na kasiyahan.

Isang umaga ng Linggo noong Hulyo 1975, nang umalis ang aking asawa patungo sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, bigla akong nagpasiya na pumunta rin doon. Gulat na gulat ang aking asawa na makita ako roon, at magiliw akong tinanggap ng mga Saksi. Mula noon, dumadalo na ako sa pulong tuwing Linggo. Pagkalipas ng halos isang buwan, nagsimulang makipag-aral sa akin ng Bibliya ang isang Saksi. Pagkalipas ng tatlong buwan mula noong unang dalawin ng mga Saksi ni Jehova ang aking asawa, binautismuhan siya.

Pagtanggap sa Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo

Di-nagtagal, natutuhan ko na sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na sila’y ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29; Genesis 9:4) Yamang nagdududa na ako hinggil sa pagiging mabisa ng pagsasalin ng dugo, hindi ako nahirapang tanggapin ang pangmalas ng Diyos hinggil sa dugo. * Inisip ko, ‘Kung may isang Maylalang at iyan ang sinabi niya, tiyak na tama iyon.’

Natutuhan ko rin na ang sanhi ng sakit at kamatayan ay ang Adanikong kasalanan. (Roma 5:12) Noong panahong iyon, pinag-aaralan ko ang arteriosclerosis. Habang tumatanda tayo, tumitigas at kumikipot ang ating mga arteri, na nagdudulot ng mga sakit na kagaya ng sakit sa puso, mga sakit na cerebrovascular, at sakit sa bato. Makatuwiran na ang sanhi nito ay ang ating minanang di-kasakdalan. Pagkatapos niyan, nagsimulang maglaho ang aking sigasig sa medisina. Ang Diyos na Jehova lamang ang makapag-aalis ng sakit at kamatayan!

Noong Marso 1976, pagkalipas ng pitong buwan nang ako’y magsimulang mag-aral ng Bibliya, inihinto ko ang aking pag-aaral sa ospital ng unibersidad. Nangamba ako na baka hindi na ako muling makapagtrabaho bilang isang doktor, subalit nakakita ako ng trabaho sa ibang ospital. Nabautismuhan ako noong Mayo 1976. Nagpasiya ako na ang pinakamagaling na paraan upang gamitin ko ang aking buhay ay ang maglingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador, o payunir, na siya namang sinimulan kong gawin noong Hulyo 1977.

Pagtatanggol sa Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo

Noong Nobyembre 1979, lumipat kami ni Masuko sa isang kongregasyon sa Chiba Prefecture kung saan may malaking pangangailangan ukol sa mga mangangaral. Nakakita ako ng isang ospital kung saan maaari akong magtrabaho nang part-time. Sa unang araw ng pagtatrabaho ko, pinalibutan ako ng isang grupo ng mga siruhano. Paulit-ulit nila akong tinatanong, “Bilang isang Saksi ni Jehova, ano ang gagawin mo kapag ipinasok sa ospital ang isang pasyente na kailangang salinan ng dugo?”

May-paggalang kong ipinaliwanag sa kanila na aking susundin ang sinasabi ng Diyos hinggil sa dugo. Ipinaliwanag ko na may mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo at na gagawin ko ang aking buong makakaya upang tulungan ang aking mga pasyente. Pagkatapos ng isang oras na pag-uusap, sumagot ang punong siruhano, “Nauunawaan ko. Pero kung may ipapasok na pasyenteng nawalan ng maraming dugo, kami na ang bahala.” Kilalá ang punong siruhano bilang isang tao na mahirap pakitunguhan, ngunit pagkatapos ng pag-uusap na iyon, nagkaroon kami ng mabuting ugnayan, at palagi niyang iginagalang ang aking mga paniniwala.

Nasubok ang Paggalang sa Dugo

Noong kami’y naglilingkod sa Chiba, isang bagong punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon ang itinatayo sa Ebina. Kaming mag-asawa ay nagpupunta roon minsan sa isang linggo upang pangalagaan ang kalusugan ng mga boluntaryong Saksi na nagtatayo ng pasilidad na ito, na tinatawag na Bethel. Pagkatapos ng ilang buwan, nakatanggap kami ng paanyaya na buong-panahong maglingkod sa Ebina Bethel. Kaya noong Marso 1981, nagsimula kaming manirahan sa pansamantalang mga gusaling ginagamit upang tirhan ng mahigit sa 500 boluntaryong manggagawa. Sa umaga, tumutulong ako sa paglilinis ng mga paliguan at palikuran sa lugar ng konstruksiyon, at sa hapon naman ay gumagawa ako ng mga medikal na pagsusuri sa mga pasyente.

Ang isa sa mga pasyente ko ay si Ilma Iszlaub, na nagmula sa Australia at nagpunta sa Hapon bilang isang misyonera noong 1949. May lukemya siya at tinaningan siya ng mga doktor ng ilang buwan. Tumanggi si Ilma na magpasalin ng dugo upang pahabain ang kaniyang buhay, at pinili niyang bumalik sa Bethel upang manirahan doon hanggang sa siya’y mamatay. Noong panahong iyon, wala pang makukuhang mga gamot na nagpapasigla sa produksiyon ng pulang selula ng dugo, kagaya ng erythropoietin. Kaya may mga panahon na ang kaniyang hemoglobin ay bumaba nang 3 hanggang 4 na gramo! (Ang normal ay 12 hanggang 15.) Ngunit ginawa ko ang aking buong makakaya upang gamutin siya. Patuloy na ipinakita ni Ilma ang kaniyang di-natitinag na pananampalataya sa Salita ng Diyos hanggang sa kaniyang kamatayan noong Enero 1988​—pagkalipas ng mga pitong taon!

Sa loob ng maraming taon, ilang boluntaryo sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Hapon ang kinailangang operahan. Kapuri-puri naman, ang mga doktor sa kalapit na mga ospital ay nakikipagtulungan sa pamamagitan ng pag-oopera nang walang dugo. Madalas akong naanyayahan sa silid ng operasyon upang magmasid sa pag-oopera, at kung minsan, tumutulong pa nga ako sa operasyon. Nagpapasalamat ako sa mga doktor na iyon na nagpakita ng paggalang sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa dugo. Ang paggawang kasama nila ay nagbigay sa akin ng maraming pagkakataon na ibahagi ang aking mga paniniwala. Kamakailan ay naging isang bautisadong Saksi ang isa sa mga doktor.

Kapansin-pansin, ang mga pagsisikap ng mga doktor na gamutin ang mga Saksi ni Jehova nang walang dugo ay nagdulot ng malaking pakinabang sa medisina. Pinatotohanan ng mga operasyong walang dugo ang mga pakinabang ng pag-iwas sa pagsasalin ng dugo. Ipinakikita ng mga pagsusuri na mas mabilis gumaling ang mga pasyente at mas kakaunti ang mga problema pagkatapos ng operasyon.

Patuloy na Natututo sa Pinakadakilang Doktor

Pinagsisikapan kong umalinsabay sa pinakabagong mga pamamaraan sa medisina. Gayunman, patuloy rin akong natututo kay Jehova, ang pinakadakilang Doktor. Hindi lamang niya nakikita ang panlabas na hitsura natin kundi pati ang ating buong pagkatao. (1 Samuel 16:7) Bilang doktor, pinagsisikapan kong gamutin ang pasyente sa kabuuan bilang isang persona, anupat hindi lamang nagtutuon ng pansin sa kaniyang sakit. Dahil dito, naibibigay ko sa pasyente ang mas mainam na paraan ng pangangalaga sa kalusugan.

Naglilingkod pa rin ako sa Bethel, at ang tulungan ang iba na matutuhan ang hinggil kay Jehova​—kasama na ang kaniyang pangmalas hinggil sa dugo​—ay isa pa rin sa pinakamalaking kagalakan ko. Dalangin ko na di-magtatagal ay wawakasan ng Dakilang Doktor, ang Diyos na Jehova, ang lahat ng sakit at kamatayan.​—Ayon sa salaysay ni Yasushi Aizawa.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ayon sa aklat-aralin na Modern Blood Banking and Transfusion Practices ni Dr. Denise M. Harmening, maaaring maganap ang “delayed hemolytic transfusion reaction [naantalang pagkasira ng mga pulang selula ng dugo dahil sa pagsasalin ng maling uri ng dugo] . . . sa isang pasyente na naging sensitibo dahil sa naunang pagsasalin, pagdadalang-tao, o paglilipat ng sangkap ng katawan.” Sa gayong mga kaso, ang mga antibody na nagpapangyari sa pasyente na magkaroon ng masamang reaksiyon sa isang pagsasalin ay “hindi nakikita sa karaniwang mga paraan ng pagsusuri bago ang pagsasalin.” Ayon sa Dailey’s Notes on Blood, ang hemolysis “ay maaaring maganap kahit na kaunti lamang ng hindi magkabagay . . . na dugo ang maisalin. Kapag hindi na nga gumana ang mga bato, unti-unting nalalason ang pasyente dahil hindi na kayang alisin ng mga bato ang mga dumi sa dugo.”

^ par. 8 Iniulat ng Journal of Clinical Oncology noong Agosto 1988: “Ang mga pasyenteng sinasalinan ng dugo sa panahon ng operasyon ay kapansin-pansing may mas masamang prognosis kaysa sa mga pasyenteng inooperahan dahil sa kanser nang hindi sinasalinan ng dugo.”

^ par. 16 Para sa higit pang impormasyon sa mga turo ng Bibliya hinggil sa dugo, tingnan ang brosyur na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 14]

“Ipinaliwanag ko na may mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo at na gagawin ko ang aking buong makakaya upang tulungan ang aking mga pasyente”

[Blurb sa pahina 15]

“Pinatotohanan ng mga operasyong walang dugo ang mga pakinabang ng pag-iwas sa pagsasalin ng dugo”

[Mga larawan sa pahina 15]

Itaas: Pagbibigay ng isang lektyur sa Bibliya

Kanan: Kasama ang aking asawa, si Masuko, sa ngayon