Tumitinding Pagkayamot sa mga Buwis?
Tumitinding Pagkayamot sa mga Buwis?
“Kahit na magbanat ako ng buto, inaagaw naman sa akin ang pinagpagalan ko.”—Kawikaan sa Babilonya, mga 2300 B.C.E.
“Sa mundong ito, ang tiyak na mga bagay lamang ay kamatayan at mga buwis.”—Estadista ng Estados Unidos, Benjamin Franklin, 1789.
SI Reuben ay isang ahente. Taun-taon, halos sangkatlo ng kaniyang pinaghirapang kita ay nauuwi sa mga buwis. “Hindi ko maintindihan kung saan napupunta ang lahat ng perang ito,” ang reklamo niya. “Palibhasa’y napakaraming ginawang pagbawas sa badyet ng mga kagawaran ng gobyerno, mas kakaunting serbisyo ang natatanggap namin higit kailanman.”
Sa ayaw at sa gusto mo, bahagi na ng buhay ang mga buwis. Ganito ang sabi ng manunulat na si Charles Adams: “Matagal nang binubuwisan ng mga gobyerno ang kita sa maraming paraan sapol nang magsimula ang sibilisasyon.” Kadalasan nang ang mga buwis ay nakapupukaw ng pagkayamot at kung minsan ay nagpapasiklab ng paghihimagsik. Nakipaglaban ang mga Britano sa mga Romano, na ganito ang sabi: “Mas mabuti pa ang mapatay kaysa sa mabuhay na may pataw na buwis sa aming mga ulo!” Sa Pransiya, pinasiklab ng gabelle, buwis sa asin, ang Rebolusyong Pranses, na noong panahong iyon ay pinupugutan ng ulo sa gilotina ang mga maniningil ng buwis. Ang mga paghihimagsik dahil sa buwis ay may mahalaga ring ginampanang papel sa pakikipagdigma laban sa Inglatera para sa kasarinlan ng Estados Unidos.
Hindi nakapagtataka, ang pagkayamot sa pagbabayad ng mga buwis ay patuloy na nag-aalab hanggang sa ngayon. Sinasabi ng mga eksperto na ang mga sistema ng pagbubuwis sa papaunlad na mga bansa ay madalas na “hindi maaasahan” at “di-makatarungan.” Ayon sa isang mananaliksik, may isang naghihirap na lupain sa Aprika na may “mahigit na 300 lokal na buwis, na imposibleng mapangasiwaan maging ng pinakamahuhusay na tauhan. Ang wastong mga paraan sa pangongolekta at pagsubaybay ay hindi umiiral o hindi ikinakapit, . . . anupat lumilikha ng mga pagkakataon para lustayin ito.” Iniulat ng BBC News na sa isang lupain sa Asia, “ang lokal na mga opisyal ay nagpapataw ng pagkarami-raming . . . ilegal na mga bayarin—mula sa mga bayad sa pagtatanim ng saging hanggang sa mga buwis para sa pagkatay ng mga baboy—upang [madagdagan] ang lokal na pananalapi o para pakapalin ang kanilang mga bulsa.”
Ang agwat ng mayayaman at mahihirap ay nagpapaalab sa pagkayamot. Sinabi ng publikasyon ng UN na Africa Recovery: “Ang isa sa maraming pagkakaiba sa ekonomiya ng mauunlad at papaunlad na mga bansa ay na tumutulong ang pamahalaan ng mauunlad na bansa sa pananalapi ng mga magsasaka nila samantalang pinagbubuwis naman ang mga magsasaka sa papaunlad na mga bansa. . . . Ipinahihiwatig ng mga pag-aaral ng World Bank na ang mga subsidyo lamang ng Estados Unidos ay makababawas ng $250 [milyon] sa taunang buwis ng Kanlurang Aprika mula sa pagluluwas ng bulak.” Kaya maaaring ikayamot nga ito ng mga magsasaka sa papaunlad na mga bansa kapag ang kanilang gobyerno ay nagkakaltas ng buwis sa kanilang napakaliit na kita. Isang magsasaka sa isang lupain sa Asia ang nagsabi: “Sa tuwing pumupunta rito ang [mga opisyal ng gobyerno], alam na alam na naming manghihingi sila ng pera.”
Makikita ang gayunding pagkayamot kamakailan sa Timog Aprika nang magpataw ng amilyar ang gobyerno sa mga magsasaka. Nagbanta ang mga
magsasaka na magsasampa sila ng demanda. Ang buwis ay “magdudulot ng pagkabangkarote sa mga magsasaka at mas maraming magsasaka ang mawawalan ng trabaho,” ang iginiit ng tagapagsalita ng mga magsasaka. Kung minsan, ang pagkayamot laban sa buwis ay humahantong pa rin sa karahasan. Ganito ang pag-uulat ng balitaan ng BBC: “Dalawang magsasaka sa [Asia] ang napaslang noong nakaraang taon nang lusubin ng mga pulis ang isang nayon na may mga magsasakang nagpoprotesta laban sa napakalalaking buwis.”Subalit, hindi lamang ang mahihirap ang nayayamot sa pagbabayad ng buwis. Isiniwalat ng isang surbey sa Timog Aprika na maraming mayayamang nagbabayad ng buwis ang “ayaw magbayad ng karagdagang mga buwis—mangahulugan man ito na hindi mapahuhusay ng gobyerno ang mga serbisyo na mahalaga sa kanila.” Ang bantog na mga tao sa daigdig na nasa larangan ng musika, pelikula, isport, at pulitika ay nalagay na sa mga ulong balita dahil sa paglihis sa pagbabayad ng buwis (tax evasion). Ganito ang obserbasyon ng aklat na The Decline (and Fall?) of the Income Tax: “Nakalulungkot, ang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno natin, ang ating mga pangulo, ay malayung-malayo rin sa pagiging mga huwaran para himukin ang karaniwang mga mamamayan na sumunod sa mga batas ng buwis.”
Marahil ay nadarama mo rin na ang pagbabayad ng buwis ay labis-labis, di-makatarungan, at napakalaki. Kung gayon, paano mo dapat malasin ang pagbabayad ng buwis? May layunin ba talaga ang mga ito? Bakit ang mga sistema sa pagbubuwis ay napakasalimuot at waring di-makatuwiran? Susuriin ng kasunod na mga artikulo ang mga tanong na ito.
[Larawan sa pahina 4]
Sa papaunlad na mga bansa, maaaring ang mahihirap ang nagpapasan ng di-makatarungang pagbabayad sa buwis
[Credit Line]
Godo-Foto