Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Di-malilimutang Pagbubukas ng Pasilidad sa Publiko

Isang Di-malilimutang Pagbubukas ng Pasilidad sa Publiko

Isang Di-malilimutang Pagbubukas ng Pasilidad sa Publiko

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MEXICO

NOONG Marso 15, 2003, nagtipun-tipon malapit sa Mexico City ang mga delegado mula sa mahigit na 40 bansa para sa pag-aalay ng katatayong mga gusali na makikita sa ibaba. Ang mga gusaling tirahan at pasilidad ng pag-iimprenta ay bahagi ng pinakabagong pagpapalawak ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico.

Noong 1974, nang humigit-kumulang 65,000 pa lamang ang mga Saksi sa Mexico, inialay ang unang mga gusali ng sangay sa lugar na ito. Yamang napakabilis ng pagdami ng mga Saksi sa Mexico, idinaos ang mga pag-aalay ng karagdagang mga gusali noong 1985 at muli noong 1989. Kasama sa pinakabagong karagdagan, na binubuo ng mahigit sa isang dosenang bagong gusali, ang isang malaking imprentahan at mga tirahan na maaaring tuluyan ng mga 1,300 tauhan ng sangay.

Dalawang linggo pagkatapos ng pag-aalay, binuksan sa publiko ang pasilidad upang mapuntahan ito ng mga kapitbahay ng sangay. Kasama sa mga pinadalhan ng nasusulat na imbitasyon ang mga lokal na awtoridad gayundin ang mga estudyante at guro ng isang katatatag na unibersidad na malapit sa sangay. Marami sa sangay ang nag-iisip kung gaano kaya karami ang tatanggap sa paanyaya.

Isang Kasiya-siyang Pagtugon

May kabuuang 272 ang tumugon, kasama na ang mga estudyante at mga opisyal ng estado at munisipalidad. Nagkomento ang mga panauhin sa kagandahan at kalinisan ng mga pasilidad at nagpasalamat sila sa pagkamapagpatuloy na ipinakita ng mga Saksi. Ganito ang isinulat ng isang bisita sa talaan ng panauhin: “Ngayon pa lamang ako nakapasyal sa inyong pasilidad. Maganda ito. Dati ko na kayong hinahangaan at iginagalang, ngunit lalo na ngayon.”

Ganito ang sinabi ng isa pang panauhin: “Nagkaroon kami ng maling impresyon sa kung ano ang ginagawa rito. Kumalat ang mga sabi-sabi tungkol sa inyo. . . . Ngunit nagtitiwala na ako sa inyo ngayon dahil sa nakita ko. Malugod ko kayong tatanggapin sa aking tahanan dahil sa palagay ko ay makabuluhan ang inyong ginagawa.”

Isinama ng isa sa mga propesor ng unibersidad, na ang ina ay Saksi, ang dalawang buong klase ng mga estudyante upang pumasyal. Sinabi niya: “Gusto kong malaman ng mga kabataan ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig. May matututuhan sila sa pagpunta rito.” Paano naapektuhan ang mga estudyante sa pagdalaw na ito?

Sumulat ang isa: “Salamat sa inyong pagkamapagpatuloy. Isa itong di-malilimutang araw para sa akin at sa mga kaklase ko.” Sinabi naman ng isa pang estudyante na hindi nalalaman ng mga taong ayaw makinig sa mga Saksi kung sino talaga sila. “Dapat tayong maging mapagparaya at bukas ang isip sa ibang mga bagay,” ang konklusyon niya. Sinabi ng isang kabataang lalaki: “Ibang-iba dati ang tingin ko sa inyo, pero ngayon ay nakita kong nagtutulungan kayo sa isa’t isa. Para kayong maliliit na langgam​—abalang-abala kayo.”

Apat na miyembro ng lokal na pulisya ang kabilang sa mga panauhin. Ganito ang sinabi ng isa sa kanila, na isang babae: “Kahanga-hanga ito. Walang diskriminasyon dito. Pantay-pantay ang lahat, ang naglilinis, ang hardinero. . . . Kamangha-mangha ito.”

Dalawang batang lalaki na siyam at sampung taóng gulang na nakatira sa malapit, ang nagsabi: “Maganda ito​—napakalaki nito.” “Ang pinakapaborito ko ay ang mga makina. Napakabilis ng mga ito. Ang talagang gustung-gusto ko ay ang mga makinang pumuputol ng papel.”

Kabilang sa mga panauhin ang isang traumatologist, ang kaniyang asawa, at ang kanilang anak na babae, na isang estudyante sa unibersidad. Sa panahon ng paglilibot, maraming itinanong hinggil sa Bibliya ang asawa ng doktor. Sinabi niya na napukaw ang kaniyang interes noong dinalaw ng mga Saksi ang kaniyang ama, na miyembro ng isang ebanghelikal na relihiyon. Nagagalit daw ito, habang nananatiling kalmado naman ang mga Saksi. “Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit,” ang sabi niya.

Sinabi ng doktor at ng kaniyang pamilya na nagbago ang kanilang opinyon hinggil sa mga Saksi dahil sa kanilang pagdalaw. Palibhasa’y nakita ang kanilang interes, inanyayahan sila ng kanilang guide, si José, sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo at inalukan sila ng pag-aaral sa Bibliya. Pumayag naman sila, na sinasabing malulugod silang pumunta sa sangay para mag-aral.

Dumating sila nang sumunod na linggo, at tuwang-tuwa si José at ang kaniyang asawa na si Beatriz na tanggapin sila sa kanilang kuwarto. Napakarami nilang tanong anupat ang unang pag-aaral ay umabot ng tatlo at kalahating oras! Dumalo ang pamilya sa Memoryal noong Abril 16​—kasama ang ama ng asawa ng traumatologist​—oo, ang mismong tao na nagagalit noon sa mga pagdalaw ng mga Saksi!

Ang isang natatanging dahilan upang magalak ay ang naiulat na dami ng literatura sa Bibliya na iniuwi ng mga panauhin​—500 piraso, lalo na ang mga Bibliya. Sinabi ng ilan na hindi pa sila kailanman nagkaroon ng Bibliya.

Isang babaing naninirahan sa malapit ang nagsabi kay Armando, na nangangasiwa sa istante ng literatura sa Bibliya: “Mula ngayon, sasama na ako sa mga pulong ninyong mga Saksi, sapagkat alam kong ito ang katotohanan.” Pagkalipas ng ilang linggo, natuwa si Armando na makita ang babaing ito sa Kingdom Hall. Sinabi niya: “Dala-dala niya ang aklat na nakuha niya noong binuksan sa publiko ang pasilidad. Nang batiin ko siya, sinabi niya sa akin: ‘Kita mo, ginagawa ko ang sinabi ko sa iyo na gagawin ko.’ ”

Mabilis na lumipas ang tatlong araw ng pagbubukas ng pasilidad sa publiko. Ngunit ang mga ito ay talagang nakapagpapatibay. Ang mapakinggan ang mga komento ng mga panauhin na noon pa lamang nakapasyal sa mga pasilidad ng sangay ay nakatulong sa mga miyembro nito na higit na pahalagahan ang kanilang pribilehiyo na maglingkod sa isa sa mga sangay ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

1. Gusali para sa pagkukumpuni ng mga sasakyan, 2. gusali ng mga serbisyo, 3. gusali sa pagmamantini, 4. mga tirahan, 5. imprentahan, 6. awditoryum, 7. gusali para sa mga panauhin

[Mga larawan sa pahina 25]

Daan-daan ang tumugon sa paanyayang dumalaw sa sangay nang binuksan sa publiko ang pasilidad, kalakip na ang mga estudyante at lokal na pulisya