Ang Iyong Balat—Isang “Pader ng Lunsod”
Ang Iyong Balat—Isang “Pader ng Lunsod”
Ang mga residente ng sinaunang mga lunsod ay nagtatayo ng pananggalang na mga pader upang hindi makapasok ang mga kalaban. Ang pader ng lunsod ay nagsisilbing balwarte upang pigilan ang kaaway at isa ring muralya kung saan makapupunta ang mga tagapagtanggol upang ipagsanggalang ang lunsod. Sa katulad na paraan, ang iyong katawan ay pinagkalooban ng isang pananggalang na “pader”—ang iyong balat. Paano ka ipinagsasanggalang ng iyong balat laban sa mga mananalakay?
Ang ibabaw ng iyong balat ay punung-puno ng baktirya at iba pang mikroorganismo, na ang ilan ay nakapagdudulot ng impeksiyon at sakit. Lumilitaw na hindi lamang pala pananggalang ang iyong balat. Waring itinataboy rin nito ang mga mananalakay sa pamamagitan ng paggawa ng mga protinang panlaban sa mikrobyo, na nagsisilbing mga tagapagtanggol. Ang ilan sa mga ito ay palaging nakahanda. Ang iba naman ay lumilitaw kapag nasira ang balat.
Ang natuklasang unang dalawang grupo ng mga protinang panlaban sa mikrobyo, na tinatawag na mga defensin at cathelicidin, ay napatunayang mga tagapagtanggol na laging handa kapag kailangan. Ang dalawang grupong ito ay inilalabas ng mga selula sa pinakaibabaw na suson ng balat bilang tugon sa mga sugat o pamamaga. Pinapatay nila ang mga mananalakay sa pamamagitan ng pagbutas sa lamad ng mga selula nito.
Noong 2001, natuklasan ng isang pangkat ng mga mananaliksik sa University of Tübingen, Alemanya, ang isa pang uri ng protinang panlaban sa mikrobyo, na tinatawag na dermicidin at aktibo sa lahat ng panahon. Di-tulad ng dalawang grupo na naunang binanggit, ang dermicidin ay inilalabas ng malusog na balat, sa glandula ng pawis. Hindi pa nalalaman kung paano nagtatrabaho ang protinang ito. Pero ang bagay na nakatutulong ang pawis sa paglaban sa sakit ay maaaring siyang dahilan kung bakit madaling tablan ng mga impeksiyon sa balat at ng eksema ang mga taong sobra-sobrang maglinis ng kanilang sarili.
Kagaya ng pader ng isang sinaunang lunsod, ang ating balat ay isang pananggalang laban sa mga mananalakay. Tiyak na sasang-ayon ka sa salmista na nagsabi: “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon.”—Awit 104:24.