Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Sakit

Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Sakit

Pag-asa Para sa mga Pinahihirapan ng Sakit

NOON, karaniwan nang iniiwasan ng mga tao ang mga nakararanas ng mood disorder. Bunga nito, marami sa pinahihirapan nito ang itinakwil sa lipunan. Ang ilan ay nakaranas pa nga ng pagtatangi sa trabaho. Ang iba naman ay iniwasan ng kanila mismong mga pamilya. Kadalasan, pinalalala lamang nito ang problema at pinipigilan na humingi ng tulong ang mga maysakit.

Gayunman, nitong nakalipas na mga dekada, malaki na ang nagawang pagsulong sa pag-unawa sa clinical depression at bipolar disorder. Sa ngayon, alam na alam na magagamot na ang mga kalagayang ito. Subalit hindi madaling makakuha ng tulong. Bakit?

Pagkilala sa mga Sintomas

Ang mood disorder ay hindi basta nasusuri sa pamamagitan ng simpleng pagsusuri sa dugo o X ray. Sa halip, ang paggawi, pag-iisip, at pagpapasiya ng isang tao ay sinusubaybayan sa loob ng isang panahon. Ang ilang sintomas ay dapat makita para mabuo ang isang diyagnosis. Ang problema kung minsan ay na hindi natatanto ng mga kapamilya at mga kaibigan na ang kanilang naoobserbahan ay katibayan ng mood disorder. “Kahit na sumasang-ayon ang mga tao na hindi normal ang paggawi ng isang tao,” ang sulat ni Dr. David J. Miklowitz, “maaari silang magkaroon ng magkakaibang paniwala sa kung ano ang mga sanhi ng pagiging gayon ng tao.”

Karagdagan pa, bagaman nadarama ng mga kapamilya na malubha ang situwasyon, maaaring mahirap kumbinsihin ang maysakit na kailangan niyang magpagamot. O kung ikaw mismo ang maysakit, baka ayaw mong humingi ng tulong. Ganito ang isinulat ni Dr. Mark S. Gold: “Marahil ay naniniwala ka sa iniisip mo kapag may depresyon ka​—na wala kang kuwentang tao, kaya ano pa ang silbi ng paghingi ng tulong kung wala nang pag-asa ang mga taong gaya mo. Baka gusto mong ipakipag-usap sa isang tao ang tungkol sa problema mo pero iniisip mo na nakahihiyang bagay ang depresyon, na kasalanan mong lahat iyon. . . . Marahil ay hindi mo maintindihan na ang nadarama mo ay depresyon.” Magkagayunman, para sa mga taong nakararanas ng matinding depresyon, mahalaga ang pagpapagamot.

Sabihin pa, ang lahat ay nakadarama ng kawalang-pag-asa paminsan-minsan, at hindi naman ito nagpapahiwatig ng mood disorder. Ngunit paano kung ang damdaming ito ay mas matindi kaysa sa panandaliang kalungkutan lamang? At paano kung tumagal ito sa di-pangkaraniwang haba ng panahon​—marahil ay dalawang linggo o higit pa? Karagdagan pa, ipagpalagay nang dahil sa mga sumpong ng depresyon ay hindi ka na makakilos nang normal, sa trabaho man, sa paaralan, o sa pakikisalamuha mo sa iba. Sa gayong kaso, maaaring isang katalinuhan na magpatingin sa isang propesyonal na kuwalipikadong magsuri at gumamot ng mga sakit sa depresyon.

Kapag di-timbang ang mga kemikal sa katawan, maaaring ireseta ang gamot. Sa ilang kaso, baka irekomenda ang isang programa ng pagpapayo upang matulungan ang maysakit na matutuhan kung paano haharapin ang kaniyang kalagayan. Kung minsan, maganda ang resulta kapag parehong pinagsama ang dalawang pamamaraan. * Ang mahalagang bagay ay magkusa at humingi ng tulong. “Maraming beses na natatakot at nahihiya sa kanilang kalagayan ang mga maysakit nito,” ang sabi ni Lenore, isang maysakit ng bipolar na binanggit sa naunang artikulo. “Pero, ang talagang nakahihiya ay naghihinala ka na ikaw ay may sakit ngunit hindi ka humihingi ng tulong na kailangang-kailangan mo.”

Inilahad ni Lenore ang kaniyang sariling karanasan. “Talagang naratay ako sa banig ng karamdaman sa loob ng isang taon,” ang sabi niya. “Pagkatapos, isang araw nang medyo maganda na ang pakiramdam ko, ipinasiya kong tumawag at makipagkita sa isang doktor.” Nasuri na may bipolar disorder si Lenore, at niresetahan siya ng gamot. Naging malaking pagbabago ito sa kaniyang buhay. “Normal ang pakiramdam ko kapag nakaiinom ako ng gamot,” ang sabi ni Lenore, “bagaman kailangan kong patuloy na paalalahanan ang aking sarili na kung hihinto ako sa pag-inom ng gamot, babalik ang lahat ng dating mga sintomas.”

Gayundin ang nangyari kay Brandon, na nakaranas ng depresyon. “Bilang isang tin-edyer,” ang sabi niya, “madalas na naglalaro sa isip ko ang pagpapatiwakal dahil sa nalilipos ako ng damdamin ng kawalang-halaga. Saka lamang ako nagpatingin sa doktor nang lumampas na ng 30 ang edad ko.” Tulad ni Lenore, si Brandon ay umiinom ng gamot para makayanan ang kaniyang sakit, subalit higit pa rito ang nasasangkot. “Para bumuti pa ang aking kalusugan sa pangkalahatan,” ang sabi niya, “kailangan kong ingatan ang aking isipan at katawan. Nagpapahinga ako at nag-iingat sa aking pagkain. Pinupuno ko rin ang aking isip at puso ng positibong mga bagay mula sa Bibliya.”

Gayunman, sinabi ni Brandon na ang clinical depression ay isang sakit sa kalusugan​—hindi sa espirituwal. Ang pagkabatid sa bagay na ito ay mahalaga sa paggaling. Ganito ang inilahad ni Brandon: “Minsan ay sinabihan ako ng isang kapuwa ko Kristiyano, na may mabuti namang hangarin, na yamang sinasabi sa Galacia 5:22, 23 na isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos ang kagalakan, malamang na ang depresyon ko raw ay dahil sa may ginagawa ako na humahadlang sa espiritung iyan. Lalo akong nakadama ng pagkakasala at depresyon dahil diyan. Pero pagkatapos na matulungan ako, parang nahawi ang maitim na ulap na lumalambong sa akin. Mas bumuti na ang pakiramdam ko! Sana noon pa ako humingi ng tulong.”

Pagwawagi sa Pakikipagpunyagi

Kahit na pagkatapos na masuri at masimulan ang paggamot, malamang na ang mood disorder ay patuloy na magiging hamon sa nakararanas nito. Si Kelly, na nakikipagpunyagi sa matinding depresyon, ay nagpapasalamat sa propesyonal na tulong na nagbigay-pansin sa medikal na aspekto ng kaniyang kalagayan. Bukod pa rito, nasumpungan niya na napakahalaga ng suporta ng iba. Noong una, atubili si Kelly na humingi ng tulong sa iba dahil ayaw niyang isipin ng iba na siya ay pabigat. “Kailangan kong matutuhan hindi lamang ang humingi ng tulong kundi ang tumanggap din naman nito,” ang sabi niya. “Nang ipagtapat ko ang aking nararamdaman, saka ko lamang napatigil ang paglala ng aking depresyon.”

Bilang isang Saksi ni Jehova, dumadalo si Kelly sa mga pulong sa Kingdom Hall kasama ng kaniyang mga kapananampalataya. Subalit, kung minsan, maging ang masasayang okasyong ito ay nagiging hamon. “Kadalasan, ang mga ilaw, ang pagkilos ng mga tao, at ang ingay ay maaaring maging napakabigat para sa akin. Pagkatapos ay makadarama na ako ng pagkakasala, at saka titindi ang depresyon sapagkat nadarama ko na ang sakit ko ay pahiwatig ng aking kakulangan sa espirituwalidad.” Paano napakitunguhan ni Kelly ang ganitong situwasyon? Ang sabi niya: “Natutuhan ko na ang depresyon ay isang sakit na kailangan kong paglabanan. Hindi ito sukatán ng lalim ng aking pag-ibig sa Diyos o sa aking mga kapuwa Kristiyano. Hindi ito ang tunay na larawan ng aking espirituwalidad.”

Si Lucia, na binanggit sa naunang artikulo ng seryeng ito, ay nagpapasalamat sa napakahusay na medikal na pangangalaga na kaniyang tinanggap. “Talagang napakahalaga ng pagpapatingin sa isang propesyonal sa mental na kalusugan para malaman ko kung paano pagtitiisan at matagumpay na pakikitunguhan ang pabagu-bago kong damdamin na kasama ng sakit na ito,” ang sabi niya. Idiniin din ni Lucia ang kahalagahan ng pagpapahinga. “Ang tulog ay isang mahalagang bagay para mapakitunguhan ang nagbabagong damdamin ng labis na kasiyahan,” ang sabi niya. “Miyentras kaunti ang tulog ko, lalong tumitindi ang damdamin ng labis na kasiyahan ko. Kahit na hindi ako inaantok, sa halip na bumangon, sinasanay ko ang aking sarili na mahiga at magpahinga.”

Natuklasan ni Sheila, na binanggit din sa naunang artikulo, na nakatutulong ang pagsusulat ng isang talaarawan kung saan naibubuhos niya ang kaniyang nararamdaman. Nakikita niya ang pagbuti ng kaniyang pangmalas. Subalit may mga problema pa rin. “Sa di-malamang kadahilanan, ang pagkahapo ay nakalilikha ng negatibong mga kaisipan sa aking utak,” ang sabi ni Sheila. “Pero natutuhan kong supilin ang mga ito o sa paanuman ay kontrolin ang mga ito.”

Kaaliwan Mula sa Salita ng Diyos

Ang Bibliya ay nakapagpapalakas na tulong para sa maraming nakararanas ng “mga nakababalisang kaisipan.” (Awit 94:17-19, 22) Halimbawa, natuklasan ni Cherie na talagang nakapagpapatibay-loob ang Awit 72:12, 13. Binabanggit doon ng salmista ang tungkol sa hinirang ng Diyos na Hari, si Jesu-Kristo: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya.” Napatibay rin si Cherie ng mga salita ni apostol Pablo na nakaulat sa Roma 8:38, 39: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anupamang ibang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.”

Nasumpungan ni Elaine, na may sakit na bipolar, na parang isang angkla ang kaniyang kaugnayan sa Diyos. Labis siyang naaliw ng mga salita ng salmista: “Ang pusong wasak at durog, O Diyos, ay hindi mo hahamakin.” (Awit 51:17) “Talagang nakaaaliw na malaman na nakauunawa ang ating mapagmahal at makalangit na Ama, si Jehova,” ang sabi niya. “Nakapagpapalakas na mapalapít sa kaniya sa panalangin, lalo na sa panahon ng matinding kabalisahan at kapighatian.”

Gaya ng makikita, ang pamumuhay nang may mood disorder ay naghaharap ng kakaibang mga hamon. Gayunman, nasumpungan nina Cherie at Elaine na ang may-pananalanging pananalig sa Diyos kalakip na ang angkop na paraan ng paggamot ay nagpangyari sa kanila na mapahusay ang kalagayan ng kanilang buhay. Subalit paano makatutulong ang mga kapamilya at mga kaibigan sa mga pinahihirapan ng bipolar disorder o depresyon?

[Mga talababa]

^ par. 8 Ang Gumising! ay hindi nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot. Dapat tiyakin ng mga Kristiyano na ang anumang paraan ng paggamot na kanilang pipiliin ay hindi salungat sa mga simulain ng Bibliya.

[Blurb sa pahina 10]

“Pagkatapos na matulungan ako, parang nahawi ang maitim na ulap na lumalambong sa akin. Mas bumuti na ang pakiramdam ko!”​—BRANDON

[Kahon sa pahina 9]

Obserbasyon ng Isang Asawa

“Bago magkasakit si Lucia, nakatulong siya sa buhay ng maraming tao dahil sa malalim na pagkaunawa niya sa mga bagay-bagay. Kahit na sa ngayon, kapag bumibisita ang mga tao sa aking asawa kung panatag ang kaniyang kalagayan, waring napapalapít sila sa kaniya dahil sa kaniyang kabaitan. Ang hindi nababatid ng marami ay na nagsasalitan ang nararamdaman ni Lucia na depresyon at labis na kasiyahan. Gayon ang sintomas ng bipolar disorder, ang sakit na kaniyang pinagtitiisan sa loob ng apat na taon na.

“Kapag nasa yugto ng labis na kasiyahan, karaniwan nang gising si Lucia hanggang ala una, alas dos, o maging alas tres ng umaga, anupat pagkarami-raming malikhaing mga ideya ang naglalaro sa kaniyang isipan. Nag-uumapaw ang kaniyang kasiglahan. Nagiging labis ang reaksiyon niya sa walang-kabuluhang mga bagay at walang patumangga sa paggastos. Sinusuong niya ang pinakamapanganib na mga situwasyon, anupat ang pakiramdam niya’y walang makagagapi sa kaniya, na para bang walang panganib​—sa moral, pisikal, o iba pang paraan. Kaugnay ng padalus-dalos na paggawing ito ay ang panganib na magpakamatay. Palaging nakabuntot sa labis na kasiyahang ito ang depresyon, na karaniwan nang kasintindi ng kasiyahang nadama niya bago nito.

“Napakalaki ng ipinagbago ng buhay para sa akin. Kahit na ginagamot na si Lucia, ang magagawa namin sa kasalukuyan ay maaaring ibang-iba sa magagawa namin noon o sa hinaharap. Nagbabagu-bago ito habang nagbabago ang aming mga kalagayan. Napilitan akong makibagay nang higit sa inaakala kong magagawa ko.”​—Mario.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Kapag Niresetahan ng Gamot

Inaakala ng ilan na tanda ng kahinaan ang pag-inom ng gamot. Subalit pag-isipan mo ito: Ang isang taong may diyabetis ay kailangang sumunod sa isang programa ng paggamot, na maaaring kasali rito ang pag-iiniksiyon ng insulin. Tanda ba ito ng kabiguan? Hinding-hindi! Isang paraan lamang ito ng pagbalanse sa mga sustansiya ng katawan para manatiling malusog ang maysakit.

Ganiyang-ganiyan ang kalagayan kapag umiinom ng gamot para sa depresyon at bipolar disorder. Bagaman maraming tao ang natulungan ng programa ng pagpapayo na nagpangyaring maunawaan nila ang kanilang sakit, angkop lamang na mag-ingat. Kapag di-timbang ang mga kemikal sa katawan, hindi basta-basta mapapawi ng pangangatuwiran ang sakit. Sinabi ni Steven, isang maysakit ng bipolar: “Ganito ito inilarawan sa akin ng propesyonal sa medisina na gumamot sa akin: Puwede mong ituro sa isang tao ang lahat ng bagay hinggil sa pagmamaneho, pero kung bibigyan mo ang taong iyon ng isang kotse na walang manibela o preno, mawawalang-saysay ang mga itinuro mong iyon sa kaniya. Sa katulad na paraan, ang basta pagpapayo salig sa kaalaman sa isang taong may depresyon ay maaaring hindi makapagdulot ng hinahangad na resulta. Ang pagbalanse sa kemistri ng utak ang unang mahalagang hakbang.”

[Larawan sa pahina 10]

Ang Bibliya ay isang nakapagpapalakas na tulong para sa maraming nakararanas ng negatibong mga kaisipan