Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagharap sa mga Hamon sa Naiibang Teritoryo

Pagharap sa mga Hamon sa Naiibang Teritoryo

Pagharap sa mga Hamon sa Naiibang Teritoryo

SA LOOB ng ilang dekada, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral na sa mga nakalaang lupa (reservation) para sa mga Navajo Indian, na makikita sa mga bahagi ng Arizona, New Mexico, at Utah, E.U.A. Sa wikang Navajo, kilala ito bilang Diné Bikéyah (bansang Navajo). Mahigit na 220,000 Katutubong Amerikano ng bansang iyon, na tinatawag na Diné (ang mga tao) sa kanilang wika, ang bumubuo sa isa sa pinakamataong tribo ng mga Indian sa Hilagang Amerika.

Noong mga taóng iyon nabuo ang iba’t ibang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa gitna ng mga lalaki’t babaing Navajo na interesado sa Bibliya. Sa kasalukuyan, may apat na kongregasyon sa nakalaang lupa para sa mga Navajo Indian​—sa Tuba City, Kayenta, Keams Canyon, at Chinle. (Tingnan ang mapa sa ibaba.) Kamakailan lamang, nagkaroon ng sariling Kingdom Hall ang bawat kongregasyon maliban sa Chinle, na kailangang magtipon sa inupahang mga silid-aralan. Nagbago na ngayon ang mga kalagayan.

Isang Kingdom Hall Para sa Isang Naiibang Teritoryo

Sabado, Hunyo 7, 2003, ang petsa ng pag-aalay ng Kingdom Hall ng Chinle. Ang pahayag sa pag-aalay ay binigkas ni Gerrit Lösch, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Sa kaniyang pahayag, inilarawan niya ang malaking paglawak na nagaganap sa buong daigdig sa bilang ng mga Kingdom Hall, gayunman, ipinaliwanag niya, libu-libo pang karagdagang mga bulwagan ang kinakailangan upang paglingkuran ang mahigit na 94,600 kongregasyon. Ipinaliwanag din niya sa 165 tagapakinig ang 15 dahilan kung bakit dapat nilang ipagpasalamat ang kanilang bagong Kingdom Hall at ang mga pakinabang ng regular na pagdalo sa mga pulong Kristiyano. Tinapos niya ito sa pamamagitan ng isang panalangin sa pag-aalay, na hinihiling ang pagpapala ni Jehova sa paggamit ng ekselenteng dakong-pulungan na ito.

Ang kongregasyong ito ay dating isang grupo na kaugnay sa Kongregasyon ng Keams Canyon, mga 100 kilometro sa timog-kanluran. Ngayon ang Kongregasyon ng Chinle ang may atas na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa isang teritoryo na nakakalat sa mahigit na 11,000 kilometro kuwadrado! Marami sa mga Navajo ang nakatira sa mga mobile home o sa mga hogan, mga tirahan na hugis eksagonal o oktagonal. Upang marating ang nabubukod na mga lugar, mahalaga ang isang sasakyang four-wheel-drive. Totoong-totoo ito sa nakakalat na mga tirahang nasa Canyon de Chelly (binibigkas na d’Shay), isang kawili-wiling bahagi ng teritoryo ng kongregasyon.

Canyon de Chelly​—Sagrado sa mga Navajo

Ang matataas na talampas ng Arizona ay kilala sa tila walang-katapusang tanawin, na ang mga haywey ay tuluy-tuloy at parang walang hangganan. Ang Canyon de Chelly ay mga ilang kilometro lamang ang layo sa haywey mula sa Kingdom Hall. Paliku-liko at umiikot ang canyon (malalim na bangin) sa 40 kilometro ng mapulang mga dalisdis na nagsisimula sa taas na 9 na metro at unti-unting tumataas hanggang sa umabot ng 300 metro. Ang lugar, na nakatala bilang isang pambansang monumento, ay pinapasyalan ng libu-libong turista taun-taon. Ang canyon na ito, sa kahabaan ng Canyon del Muerto, ay itinuturing na sagradong lupa ng mga Navajo. Nakatira rito ang ilang pamilya, na nakabukod sa kanilang mga hogan na yari sa mga troso at lupa. Gayunman, ang lahat ay nadadalaw ng mga Saksi ni Jehova, na nagdadala sa kanila ng literatura sa Bibliya sa kanilang sariling wika.

Upang makapasok sa canyon, ang isa ay dapat na may kasamang awtorisadong giya na Navajo. Ang ilang panauhin ay naglalakad, at ang iba naman ay nakasakay sa kabayo; subalit ang karamihan ay naglalakbay sakay ng sasakyang four-wheel-drive. Kailangan ang uring ito ng sasakyan sapagkat ang daan ay kadalasang tumatawid sa Chinle Wash. Alam din ng mga giya kung paano iiwasan ang kumunoy na kung minsan ay kayang humigop ng isang kabayo o isang trak na pickup. Subalit ano ba ang dahilan kung bakit lubhang kawili-wili ang Canyon de Chelly?

Ang kasaysayan ng canyon ay nakasulat sa mga inukit at ipinintang larawan sa bato sa makikintab na dingding ng dalisdis. Naniniwala ang mga arkeologo na ang kilalang mga tirahan sa dalisdis, na ginawa sa malalaking kuweba sa nakahantad at matarik na bahagi ng dalisdis, ay itinayo sa pagitan ng 350 C.E. at 1300 C.E. Marahil ang pinakabantog ay ang White House Ruin, tinatawag na gayon dahil sa puting dingding ng isa sa mga gusali. Pinabayaan ito ng mga Anasazi (pangalang Navajo para sa “sinaunang kaaway”) noong mga 1300 C.E. Pinaniniwalaang ang mga Navajo ay lumitaw lamang sa rehiyong ito noong ika-18 siglo.

Kung papasyal ka sa Canyon de Chelly, ikaw ay maglalakbay sa Navajo Route 7. Doon, sa isang kurbada ng daan na malapit lamang sa National Monument, huwag kang kukurap para makita mo ang karatulang nagsasabing “Jiihōvah Yádahalne’í bi Kingdom Hall” at “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.” Malugod kayong inaanyayahan na pumasyal doon.

[Mga mapa sa pahina 22]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

COLORADO

BANSANG NAVAJO

ARIZONA

CANYON DE CHELLY NATIONAL MONUMENT

Chinle

Kayenta

Tuba City

BANSANG HOPI

Keams Canyon

NEW MEXICO

UTAH

[Larawan sa pahina 23]

Sinasabi ng mga arkeologo na marahil ay maraming pamilyang Anasazi ang sama-samang tumira sa bahay na ito sa dalisdis

[Larawan sa pahina 24]

“Hogan”

[Larawan sa pahina 24]

Canyon del Muerto

[Larawan sa pahina 24]

Spider Rock sa Canyon de Chelly