Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagpasyal sa Maiinit na Bukal ng Hapon

Pagpasyal sa Maiinit na Bukal ng Hapon

Pagpasyal sa Maiinit na Bukal ng Hapon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

ANO ang sumasagi sa isip mo kapag naiisip mo ang Hapon? Ang maringal na Bundok Fuji? Ang napakatulin na bullet train? Ang napakalaking lunsod ng Tokyo? Higit pa sa mga kilaláng lugar na iyan na umaakit ng turista ang makikita sa lupain ng sumisikat na araw. Ito man ay para sa paggagamot o pagrerelaks, milyun-milyon taun-taon ang pumapasyal sa mga onsen​—ang maiinit na bukal ng Hapon. Sa isang kamakailang taon, tinatayang 140 milyon katao ang tumuloy sa isang bahay-panuluyan o otel sa Hapon na may mainit na bukal. Pero bakit ba napakapopular ng mga bukal na ito?

Kasaysayan ng Onsen

Sa loob ng maraming siglo, nasisiyahan na ang mga Hapones sa paliligo sa mainit na tubig na galing sa lupa. Binabanggit sa mga akda noong ikawalong siglo C.E. ang paliligo sa maiinit na bukal. Lumilitaw na itinaguyod ng ika-16 na siglong panginoong piyudal na si Takeda Shingen ang mineral na mga bukal bilang gamot. Pagkatapos makipagdigma, siya at ang kaniyang mga mandirigmang samurai ay naliligo sa maiinit na bukal para makatulong sa paggaling ng mga sugat dahil sa tagâ, nabaling mga buto, hiwa, at mga pasâ. Kapaki-pakinabang din ang mga tubig sa pagbibigay ng kaginhawahan mula sa kaigtingan at paghahanda sa mga lalaki para sa susunod na pakikipaglaban.

Siyempre pa, malalagay sa alanganing situwasyon ang mga samurai kapag naliligo sila​—yamang wala silang armas kapag sinalakay sila nang biglaan. Upang maiwasang mangyari ang problemang ito, naliligo si Takeda Shingen sa isang kalipunan ng liblib at nakabukod na mga bukal, na nang maglaon ay nakilala bilang natatagong mga paliguan ni Shingen. Kapansin-pansin na ang mga bukal na ito mismo ang ginagamit ngayon ng propesyonal na mga atleta, kasama na ang mga sumo wrestler at mga manlalaro ng beysbol, sa paniniwalang ibinabalik ng mga tubig ang lakas ng kanilang katawan para sa mga larong pampalakasan sa hinaharap.

Kakaibang Katangian ng Lupain

Ang mga katangian ng lupain ng Hapon ay angkop na angkop para sa maiinit na bukal. Ang ibabaw ng kapuluan ay nalalatagan ng mga 245 bulkan, kung saan 86 nito ay aktibo. Ang mga bulkang ito ay nagsisilbing paalaala sa atin upang pag-isipan ang nangyayari sa kaila-ilaliman ng lupa. Ano ba ang makikita natin doon?

Ang mga isla ng Hapon ay masusumpungan sa ibabaw ng nagsasalubong na mga suson ng matitigas na lupa, o mga tipak sa pinakabalat ng lupa. Ang lusaw na mga batong materyal ay pinaniniwalaang nabubuo sa lugar kung saan nagsasalubong ang dambuhalang mga suson na ito. Masusumpungan sa pinakaibabaw ng mga ito​—at nagsisilbing mga nakikitang labasan​—ang mga bulkan. Ang mainit na lugar na ito sa lupa ang siya ring nagbibigay ng init sa mga bukal sa ilalim ng lupa. Palibhasa’y may interaksiyon sa lusaw na mga batong materyal, umiinit ang tubig sa lupa at sumisipsip ito ng mga mineral, na nagdudulot ng tamang-tamang mga kalagayan para mabuo ang mga onsen. May makatuwirang dahilan kung bakit sinabi ng aklat na The Hot Springs of Japan ang ganito: “Walang ibang bansa sa daigdig ang lubhang pinagpala ng likas na maiinit na bukal na gaya ng Hapon.” Sa katunayan, naitala ng isang pag-aaral noong 1998 na may 2,839 na maiinit na bukal ang bansang ito.

Iba-iba ang istilo, laki, hugis, at kulay ng maiinit na bukal ng Hapon. Upang mauri ang terapeutikong halaga ng mga bukal, iniayos ng Japanese Environment Agency ang mga ito sa siyam na kemikal na kategorya. Ang mga pangalang ibinibigay sa maiinit na bukal ay kadalasan nang tumutukoy sa mga katangian nito. Halimbawa, maaaring magkulay pula at kahel ang iyong tuwalya kapag ang mga bukal ay mayaman sa iron. Kaya ang salitang “pula” ay isinasama sa pangalan ng mga ito. Ang mga bukal naman na napakaalat ay tinatawag na mga paliguang asin. At kumusta naman ang paliligo sa isang paliguang igat? Tunay na hindi ito kaakit-akit pakinggan. Pero huwag mag-alala. Wala naman talagang makikitang mga igat sa mga bukal na ito. Ito ang napiling pangalan dahil kapag umahon ang mga tao mula sa mga bukal na ito, nararamdaman nila na ang kanilang balat ay waring kasindulas ng balat ng igat​—ito ay dahil sa taglay na alkalino ng tubig.

Sa Gitna ng Magagandang Tanawin

Ang paliligo sa maiinit na tubig sa gitna ng magagandang tanawin kagaya ng mga bundok, libis, ilog, baybay-dagat, at mga kapatagan ay nagdudulot ng isang kakaiba at kalugud-lugod na karanasan at nag-iiwan ng impresyon na hindi madaling malilimutan. Dahil ang marami sa maiinit na bukal ng Hapon ay masusumpungan sa labas ng gusali, kitang-kita ng mga naliligo ang pambihirang kagandahan ng kalikasan. Ang pinakakisame ay ang matingkad na asul na kalangitan, samantalang ang nakapalibot na kabundukan ay nagsisilbing mga pader. Ang mga tunog na maririnig sa “silid sa labas” na ito ay ang koro ng mga umaawit na ibon sa umaga o ang himig ng marahang daloy ng batis. Sa totoo lamang, waring walang katapusan ang kalugud-lugod na mga katangian ng maiinit na bukal.

Kaakit-akit ba sa iyo ang paliligo sa ilalim ng talon? Maaari mong maranasan ito. Para kang minamasahe ng lumalagaslas na katubigan, na isa pang aspekto sa paraan ng paliligo ng mga Hapones. Posible ring maligo sa isang yungib, kung saan bumabalong ang maiinit na mineral na tubig mula sa malalim at nakatago na namuong mga bato. Ang ilang bukal ay masusumpungan sa mga baybayin, na may napakagandang tanawin ng paglubog ng araw, samantalang ang iba namang bukal ay matatagpuan sa mga tabing-ilog.

Saanmang lugar o anumang uri ng mainit na bukal ang mapili mo, isang bagay ang tiyak: Kung maliligo ka sa mga bukal na pinainit ng bulkan, mararanasan mo ang kaginhawahan, kahit sandali man lamang, mula sa kaigtingan ng araw-araw na pamumuhay. Tunay na marerepreskuhan ka pag-ahon mo at marahil ay medyo magiging pamilyar ka sa paraan ng pamumuhay ng mga Hapones. Kaya kung may pagkakataon kang pumasyal sa bahaging ito ng daigdig, pakisuyong subukan mo ang mga onsen​—ang maiinit na bukal ng Hapon!

[Kahon/Larawan sa pahina 14]

MAIINIT NA BUKAL AT MGA SHOGUN

Lubhang pinahahalagahan ang mineral na tubig noong yugto ng Edo (1603-​1867). Aktuwal na iniutos ng mga diktador ng militar, na tinatawag na mga shogun, na mag-igib ng tubig sa pamamagitan ng mga bariles na kahoy na sinusuportahan ng mga pingga na pinapasan sa balikat ng mga taong tagapagdala, mula sa Atami patungo sa Edo (Tokyo)​—na 110 kilometro ang layo. Sa ilang bahagi ng ruta, ang pinakaiingat-ingatang tubig ay ipinapasa sa iba namang pangkat ng mga tagapagdala, at sila naman ang magpapasan nito sa yugto ng paglalakbay na iniatas sa kanila. Sa ganitong paraan, mabilis na nadadala ang mineral na tubig. Halos kumukulo ang maiinit na tubig sa lugar ng pinag-iigiban nito. Sa nakapapagod na paglalakbay na ito na halos 15 oras, ang tubig mula sa mga bukal ay lumalamig sa tamang-tamang temperatura para masiyahan ang shogun sa isang nakapananariwang paliligo sa kaniyang kastilyo sa Edo!

[Credit Line]

A Chronological Table of the History of Atami

[Kahon/Larawan sa pahina 16]

Kabutihang-asal sa Paliligo sa Onsen

Ayon sa kaugalian, ang pagsasabon at paghuhugas ay ginagawa sa labas ng maiinit na bukal, na sinusundan ng lubusang pagbabanlaw ng katawan. Pagkatapos ay panahon na para lumubog sa malinaw na mineral na tubig. * Ang pinakamabuting gawin ay unti-unting lumubog ang isa, yamang ang temperatura ng ilang bukal ay napakainit. Kapag tapos ka na, huwag banlawan ang tubig na mayaman sa mineral. Punasan mo lamang ang iyong sarili ng isang tuwalya. Sinasabing ang mga mineral na pumasok sa iyong balat ay tumutulong para mapalambot ito.

[Talababa]

^ par. 22 Ang isa pang kakaibang katangian ng onsen ay na sa pampublikong mga paliguan nito, magkabukod ang paliguan ng lalaki at babae.

[Larawan sa pahina 17]

Ang maiinit na tubig ay natatamasa sa buong taon

[Credit Lines]

Taglagas: Yubara, Okayama Prefecture; taglamig: The Mainichi Newspapers

[Picture Credit Line sa pahina 15]

Hakkoda Onsen Yusen