Pamumuhay Nang May Mood Disorder
Pamumuhay Nang May Mood Disorder
NAKABABAHALA ang pagiging karaniwan ng mga mood disorder. Halimbawa, tinataya na mahigit na 330 milyon katao sa buong daigdig ang nakararanas ng malubhang depresyon, isang kondisyong nakikilala sa pamamagitan ng labis-labis na kalungkutan at kawalang-kasiyahan sa araw-araw na mga gawain. Tinataya na 20 taon mula ngayon, papangalawa ang depresyon sa sakit sa puso. Hindi nga kataka-takang sabihin ng iba na kasingkaraniwan ng sipon ang sakit sa isip na ito.
Nitong nakalipas na mga taon, higit na pinagtuunan ng pansin ng publiko ang bipolar disorder. Kasali sa mga sintomas ng sakit na ito ang labis na pagbabagu-bago ng damdamin anupat nagsasalitan ang depresyon at labis na kasiyahan. “Kapag nakararanas ng depresyon,” ang sabi ng aklat na American Medical Association na inilathala kamakailan, “maaari kang ligaligin ng pag-iisip na magpakamatay. Kapag ang sakit mo naman ay nasa yugto ng labis na kasiyahan, maaaring hindi ka makapagpasiya nang matino at baka hindi mo makita ang pinsalang maidudulot ng iyong ginagawa.”
Maaaring nararanasan ng 2 porsiyento ng populasyon sa Estados Unidos ang bipolar disorder, na nangangahulugang milyun-milyon na ang pinahihirapan ng sakit na ito sa bansa pa lamang na iyon. Subalit, hindi sapat ang mga estadistika upang mailarawan ang paghihirap na nararanasan ng mga namumuhay nang may mood disorder.
Depresyon—Labis-labis na Kalungkutan
Halos lahat sa atin ay nakaranas na ng pasumpung-sumpong na kalungkutan. Sa kalaunan—marahil sa loob lamang ng ilang oras o araw—lumilipas din ang damdaming iyon. Gayunman, mas malala ang clinical depression. Sa anong paraan? “Alam natin na mga walang depresyon na ang iba’t ibang emosyon na ating nararanasan ay lumilipas din sa dakong huli,” ang paliwanag ni Dr. Mitch Golant, “subalit para sa indibiduwal na may depresyon, ang damdamin ng kasiyahan at depresyon ay nagsasalitan, anupat nagbabagu-bago ang kaniyang emosyon na para bang nakasakay siya sa isang nadidiskaril na tren ngunit hindi niya alam kung paano at kailan siya tatalon mula roon—magawa man niya iyon.”
Iba’t iba ang uri ng clinical depression. Halimbawa, ang ilang tao ay may tinatawag na seasonal affective disorder (SAD), na lumilitaw sa isang partikular na panahon ng taon—karaniwan na kung taglamig. “Sinasabi ng mga taong may SAD na lumalala ang kanilang depresyon miyentras nakatira sila sa mas dulong hilaga at kapag mas makulimlim ang panahon,” sabi ng aklat na inilathala ng People’s Medical Society. “Bagaman ang SAD ay pangunahing nauugnay sa madidilim na araw kung taglamig, sa ilang kaso, iyon ay nauugnay sa madidilim na lugar ng pinagtatrabahuhan, pagkulimlim ng kalangitan na wala sa panahon at problema sa paningin.”
Ano ba ang sanhi ng clinical depression? Hindi * Pero hindi ito nangangahulugan na hindi apektado ang kalalakihan. Sa kabaligtaran, tinataya na 5 hanggang 12 porsiyento ng kalalakihan ang magkakaroon ng clinical depression sa isang yugto ng kanilang buhay.
maliwanag ang sagot. Bagaman sa ilang kaso ay waring namamana ito, lumilitaw na madalas na may ginagampanang mahalagang papel ang mga karanasan sa buhay. Sinasabi rin na doble ang bilang ng mga babae kung ihahambing sa bilang ng mga lalaki na nasusuring mayroon nito.Kapag sinumpong ng uring ito ng depresyon, naaapektuhan nito ang lahat ng pitak ng buhay ng isang tao. “Ginugulo [nito] ang iyong buong pagkatao,” ang sabi ng isang pinahihirapan nito na nagngangalang Sheila, “anupat sinisira nito ang iyong kumpiyansa, pagtitiwala sa sarili, ang iyong kakayahang mag-isip nang matino at magpasiya, at
kapag talagang sagad na sagad ka na, pipigain ka pa rin nito para subukin kung makatatagal ka pa.”May mga pagkakataong labis na gumagaan ang kalooban ng maysakit kapag ipinakikipag-usap niya ang kaniyang nadarama sa isang madamaying tagapakinig. (Job 10:1) Magkagayunman, dapat tanggapin na kapag ang sanhi nito ay pagiging di-balanse ng mga kemikal sa iyong katawan, ang depresyon ay hindi maaalis ng basta pagkakaroon ng positibong pangmalas. Ang totoo, sa gayong kaso, hindi na kayang supilin ng maysakit ang labis na kapanglawan na dulot ng sakit na ito. Isa pa, maaaring ang kondisyon ay makalito sa maysakit gayundin sa mga kapamilya at kaibigan niya.
Isaalang-alang si Paula, * isang Kristiyano na nagtiis sa nakapanghihinang mga pagsumpong ng matinding kalungkutan bago nasuri ang kaniyang depresyon. “Kung minsan pagkatapos ng Kristiyanong mga pagpupulong,” ang sabi niya, “nagmamadali akong pumunta sa aking kotse at nag-iiiyak, nang wala namang dahilan. Basta na lamang ako nakadarama ng nakalilipos na kapanglawan at pagdadalamhati. Bagaman kitang-kita naman na marami akong kaibigan na nagmamahal sa akin, hindi ko napapansin iyon.”
Kahawig niyaon ang nangyari kay Ellen, na naospital dahil sa kaniyang depresyon. “May dalawa akong anak na lalaki, dalawang magagandang manugang, at asawa—alam kong mahal na mahal nila ako,” ang sabi niya. Waring makatuwiran na sabihing maganda ang buhay ni Ellen at na siya ay mahalaga sa kaniyang pamilya. Subalit kapag nakikipagpunyagi sa depresyon, ang malulungkot na kaisipan—gaano man ang pagkadi-makatuwiran niyaon—ay nakalilipos sa maysakit.
Hindi rin dapat isaisantabi ang malaking epekto na maaaring idulot ng depresyon ng isang tao sa kaniyang buong pamilya. “Kapag may depresyon ang isang mahal mo sa buhay,” ang sulat ni Dr. Golant, “palagi kang namumuhay na walang katiyakan ang mga bagay-bagay, anupat hindi mo talaga alam kung kailan gagaling mula sa pasumpung-sumpong na depresyon o kailan na naman susumpungin ang iyong mahal sa buhay. Nalulugmok ka sa matinding kapanglawan—pagdadalamhati at pagkagalit pa nga—dahil ang iyong buhay ay hindi na gaya ng dati, anupat baka permanente na itong magbago.
Kadalasan, nararamdaman ng mga anak ang depresyon ng isang magulang. “Nagiging malakas ang pakiramdam ng anak ng isang inang nakararanas ng depresyon sa emosyonal na kalagayan ng kaniyang ina, anupat maingat na inoobserbahan ang bawat nagbabagong damdamin,” ang sulat ni Dr. Golant. Sinabi ni Dr. Carol Watkins na ang mga anak ng isang magulang na may depresyon ay “mas malamang na magkaproblema sa pag-uugali, mahirapang matuto, at magkaroon ng suliranin sa mga kasama. Malamang na sila mismo ay magkaroon ng depresyon.”
Bipolar Disorder—Palaging Pabagu-bago
Talagang mahirap na problema ang clinical depression. Subalit kung may kasama pa itong labis na kasiglahan o kasiyahan (mania), ang resulta ay tinatawag na bipolar disorder. * “Ang bagay lamang na tiyak sa bipolar disorder ay ang pagiging pabagu-bago nito,” ang sabi ng isang maysakit na si Lucia. Kapag nasa yugto ng labis na kasiglahan o kasiyahan, ang sabi ng The Harvard Mental Health Letter, “maaaring nakaiinis ang pagiging mapanghimasok at dominante [ng mga maysakit ng bipolar], at ang kanilang pagiging padalus-dalos at di-mapakali dahil sa sobrang tuwa ay maaaring biglang mauwi sa pagkayamot o pagngangalit.”
Naalaala ni Lenore ang naranasan niyang labis-labis na kasiglahan. “Talagang nag-uumapaw ang sigla ko,” ang sabi niya. “Superwoman ang tawag ng marami sa akin. Sinasabi ng mga tao, ‘Sana maging gaya kita.’ Madalas na nadarama kong napakalakas ko, na para bang kaya kong gawin ang lahat ng bagay. Puspusan akong nag-eehersisyo. Nakapagtatrabaho ako kahit kakaunti ang tulog ko—dalawa o tatlong oras sa gabi. Pero gayon pa rin ang aking lakas pagkagising ko.”
Subalit sa kalaunan, biglang malulungkot si Lenore. “Sa karurukan ng aking labis na kasiyahan,”
ang sabi niya, “bigla akong makadarama ng kaligaligan sa loob ko, tulad ng isang motor na umaandar na hindi mapahinto. Sa isang saglit, ang kaayaaya kong damdamin ay nauuwi sa pagiging agresibo at mapaminsala. Bigla kong pagsasalitaan nang masakit ang kapamilya ko nang wala namang dahilan. Galít na galít ako, poot na poot, at talagang hindi maawat. Pagkatapos ng nakatatakot na paggawing ito, bigla akong mapapagod, mag-iiiyak, at labis na manlulumo. Pakiramdam ko’y wala akong halaga at balakyot. Sa kabilang dako naman, maaaring magbalik ang labis na kasiyahan ko, na para bang walang nangyari.”Ang pabagu-bagong paggawi ng may bipolar disorder ay pinagmumulan ng kalituhan sa mga kapamilya. Sinabi ni Mary, na ang asawa ay pinahihirapan ng bipolar disorder: “Nakalilitong makita ang aking asawa na masaya at madaldal at pagkatapos ay biglang malulumbay at ayaw makipag-usap. Hirap na hirap ang aming kalooban na tanggapin ang katotohanan na wala siyang magawa para makontrol ito.”
Balintuna naman, ang bipolar disorder ay kadalasang nakaiigting sa pinahihirapan mismo nito—anupat baka mas matindi pa nga ang kanilang pagkalito at kaigtingan hinggil sa sakit nila. “Naiinggit ako sa mga taong balanse at may katatagan sa kanilang buhay,” ang sabi ng isang maysakit ng bipolar na nagngangalang Gloria. “Bihirang maranasan ng mga taong may bipolar disorder ang katatagan sa emosyon. Wala talaga sa bokabularyo namin ang salitang katatagan.”
Ano ba ang sanhi ng bipolar disorder? Isang salik ang henetikong kayarian—isang salik na mas matindi pa sa depresyon. “Ayon sa makasiyensiyang mga pag-aaral,” ang sabi ng American Medical Association, “ang pinakamalapit na mga kapamilya—mga magulang, mga kapatid, o mga anak—ng mga taong may bipolar disorder ay 8 hanggang 18 ulit na mas malamang na magkaroon ng sakit na iyon kaysa sa malalapit na kamag-anak ng malulusog na tao. Karagdagan pa, maaaring mas madali kang makaranas ng matinding depresyon dahil sa pagkakaroon ng isang malapit na kapamilya na may bipolar depression.”
Kabaligtaran ng depresyon, waring magkapantay ang dami ng mga lalaki at babae na nakararanas ng bipolar disorder. Kadalasan, nagsisimula ito sa pagkaadulto, subalit may mga kaso ng bipolar disorder na nasusuri sa mga tin-edyer at maging sa mga bata. Gayunman, ang pag-aanalisa sa mga sintomas at pagkakaroon ng tamang konklusyon ay maaaring napakalaking hamon maging sa mga dalubhasa sa medisina. “Ang bipolar disorder ay parang hunyango sa uri ng mga sakit sa isip, anupat nagbabagu-bago ang sintomas sa bawat pasyente, at nagkakaiba-iba ang mga sintomas sa tuwing susumpungin ang pasyente ring iyon,” ang sulat ni Dr. Francis Mark Mondimore ng Johns Hopkins University School of Medicine. “Bigla itong lumilitaw at saka nito nililipos ng matinding kapanglawan ang biktima subalit naglalaho naman sa loob ng maraming taon—at pagkatapos ay nagbabalik na may damdamin ng labis na kasiyahan at napakatinding kasiglahan.”
Maliwanag, ang mga mood disorder ay mahirap suriin at mas mahirap pa ngang mamuhay na taglay ito. Subalit may pag-asa para sa mga pinahihirapan nito.
[Mga talababa]
^ par. 8 Sa paanuman, maaaring ang dahilan nito’y ang kanilang pagiging madaling dapuan ng postpartum depression at mga pagbabago sa hormon kapag nagmemenopos. Isa pa, ang mga babae ay karaniwang mas nagpapatingin sa doktor kung kaya nasusuri sila.
^ par. 11 Pinalitan ang ilang pangalan na lumitaw sa seryeng ito.
^ par. 16 Iniuulat ng mga doktor na kadalasan, ang damdamin ng isa ay tumatagal nang maraming buwan. Gayunman, ang sabi nila, ang ilang “rapid cycler” (taong mabilis magbago ang damdamin) ay ilang beses na nakararanas ng depresyon at labis na kasiglahan o kasiyahan sa bawat taon. Sa pambihirang mga kaso, biglang nagbabago ang damdamin ng maysakit sa loob ng 24 na oras.
[Blurb sa pahina 6]
“Bihirang maranasan ng mga taong may ‘bipolar disorder’ ang katatagan sa emosyon. Wala talaga sa bokabularyo namin ang salitang katatagan.”—GLORIA
[Kahon/Larawan sa pahina 5]
Mga Sintomas ng Matinding Depresyon *
● Nanlulumo, halos sa buong araw, halos araw-araw, sa loob ng di-kukulangin sa dalawang linggo
● Kawalan ng interes sa mga gawain na dating kinagigiliwan
● Kapansin-pansing pagpayat o pagtaba
● Sobra ang haba ng tulog o ang kabaligtaran nito, ang insomniya
● Hindi normal ang pagiging mabilis o mabagal ng pagkilos ng katawan
● Pagod na pagod, na wala namang nakikitang dahilan ng pagkahapo
● Damdamin ng kawalang-halaga at/o di-makatuwirang pagkadama ng pagkakasala
● Humihina ang kakayahang magtuon ng pansin sa isang bagay
● Paulit-ulit na nag-iisip na magpakamatay
Ang ilan sa mga sintomas na ito ay maaaring magpahiwatig ng dysthymia—di-gaanong malala subalit nagtatagal na uri ng depresyon
[Talababa]
^ par. 31 Ipinakita ang talaang ito upang magkaroon ng pangkalahatang kaunawaan sa sakit at hindi para maglaan ng saligan para sa pagsusuri sa sarili. Isa pa, ang ilan sa sintomas ay maaaring sintomas ng iba pang sakit bukod sa depresyon.