Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pagsalansang sa Pangalan ng Diyos

Ang Pagsalansang sa Pangalan ng Diyos

Ang Pagsalansang sa Pangalan ng Diyos

ANG pangalan niya ay Hananiah ben Teradion. Isa siyang Judiong iskolar noong ikalawang siglo C.E., at kilala siya sa pagdaraos ng pampublikong mga pagpupulong kung saan siya nagtuturo salig sa Sefer Torah, isang balumbon na naglalaman ng unang limang aklat ng Bibliya. Kilala rin si Ben Teradion sa paggamit ng personal na pangalan ng Diyos at sa pagtuturo nito sa iba. Yamang binabanggit ng unang limang aklat ng Bibliya ang pangalan ng Diyos nang mahigit 1,800 beses, paano niya maituturo ang Torah nang hindi itinuturo ang pangalan ng Diyos?

Subalit noong nabubuhay si Ben Teradion, nanganganib ang Judiong mga iskolar. Ayon sa Judiong mga istoryador, ipinagbawal ng emperador ng Roma at may pataw na parusang kamatayan ang pagtuturo o pagsasagawa ng Judaismo. Nang dakong huli, inaresto ng mga Romano si Ben Teradion. Nang siya’y arestuhin, hawak-hawak niya ang isang kopya ng Sefer Torah. Noong sinagot niya ang mga nag-akusa sa kaniya, tahasan niyang inamin na sa pagtuturo ng Bibliya, sinusunod lamang niya ang utos ng Diyos. Gayunpaman, sinentensiyahan pa rin siya ng kamatayan.

Sa araw ng pagpatay sa kaniya, ibinalot kay Ben Teradion ang mismong balumbon ng Bibliya na hawak-hawak niya noong siya ay inaresto. Pagkatapos ay sinunog siya sa tulos. Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica na “upang patagalin ang kaniyang paghihirap, ipinatong sa kaniyang dibdib ang mga bungkos ng lanang ibinabad sa tubig upang hindi siya mamatay kaagad.” Bilang bahagi ng kaniyang kaparusahan, ipinapatay rin ang kaniyang asawa at ipinagbili naman sa isang bahay-aliwan ang kaniyang anak na babae.

Bagaman ang mga Romano ang may pananagutan sa malupit na pagpatay na ito kay Ben Teradion, sinasabi ng Talmud * na “kaya sumapit ang kaparusahan na pagsunog sa kaniya ay dahil sa binigkas niya ang Pangalan nang buong-buo.” Oo, sa mga Judio, ang pagbigkas sa personal na pangalan ng Diyos ay tunay na isang malubhang pagkakasala.

Ang Ikatlong Utos

Salig sa ebidensiya, noong una at ikalawang siglo C.E., isang pamahiin hinggil sa paggamit ng pangalan ng Diyos ang nabuo sa mga Judio. Sinasabi ng Mishnah (isang koleksiyon ng rabinikong mga komentaryo na naging pinakasaligan ng Talmud) na ang “isa na bumigkas sa pangalan ng Diyos ayon sa pagkakabaybay nito” ay walang bahagi sa makalupang Paraiso sa hinaharap na ipinangangako ng Diyos.

Ano ba ang pinagmulan ng gayong pagbabawal? Inaangkin ng ilan na itinuturing ng mga Judio na ang pangalan ng Diyos ay napakasagrado para bigkasin ng di-sakdal na mga tao. Sa kalaunan, nagkaroon na ng pag-aatubili kahit sa pagsulat man lamang ng pangalang ito. Ayon sa isang reperensiya, lumitaw ang pagkatakot na iyan dahil sa pagkabahala na baka itapon lamang sa basurahan ang dokumento kung saan nakasulat ang pangalan, anupat nalalapastangan tuloy ang pangalan ng Diyos.

Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica na “ang pag-iwas sa pagbigkas sa pangalang YHWH . . . ay dahil sa maling pagkaunawa sa Ikatlong Utos.” Ganito ang sinasabi ng ikatlo sa Sampung Utos na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita: “Huwag mong gagamitin ang pangalan ni Jehova na iyong Diyos sa walang-kabuluhang paraan, sapagkat hindi hahayaan ni Jehova na di-naparurusahan ang gumagamit ng kaniyang pangalan sa walang-kabuluhang paraan.” (Exodo 20:7) Kaya ang batas ng Diyos laban sa maling paggamit sa kaniyang pangalan ay pinilipit at naging isang pamahiin.

Tiyak na walang sinuman sa ngayon ang mag-aangkin na gugustuhin ng Diyos na ang isa ay sunugin sa tulos dahil sa pagbigkas sa Kaniyang pangalan! Subalit ang Judiong mga pamahiin tungkol sa personal na pangalan ng Diyos ay umiiral pa rin. Itinuturing pa rin ng marami ang Tetragrammaton bilang ang “Di-masambit na Pangalan” at ang “Di-mabigkas na Pangalan.” Sa ilang grupo ng mga tao, ang lahat ng pagbanggit sa Diyos ay sadyang binibigkas sa maling paraan upang maiwasang labagin ang tradisyon. Halimbawa, ang Jah, o Yah, isang pagpapaikli sa personal na pangalan ng Diyos, ay binibigkas na Kah. Ang Hallelujah ay binibigkas na Hallelukah. Iniiwasan pa nga ng iba na isulat ang terminong “Diyos,” anupat pinapalitan ng gatlang ang isa o dalawang titik. Halimbawa, kapag nais nilang isulat ang salitang Ingles na “God,” aktuwal nilang isinusulat ang “G-d.”

Karagdagang mga Pagsisikap na Itago ang Pangalan

Hindi lamang Judaismo ang relihiyong umiiwas sa paggamit sa pangalan ng Diyos. Isaalang-alang ang kaso ni Jerome, isang paring Katoliko at kalihim ni Pope Damasus I. Noong taóng 405 C.E., natapos isalin ni Jerome ang buong Bibliya sa wikang Latin, na nakilala bilang ang Latin na Vulgate. Hindi isinama ni Jerome ang pangalan ng Diyos sa kaniyang salin. Sa halip ay sinunod niya ang ginagawa noong panahon niya, hinalinhan niya ng mga salitang “Panginoon” at “Diyos” ang pangalan ng Diyos. Ang Latin na Vulgate ang naging unang awtorisadong salin ng Bibliya ng Katoliko at naging saligan ng maraming iba pang salin sa ilang wika.

Halimbawa, ang Douay Version, isang Katolikong salin noong 1610, ay talagang isang Latin na Vulgate na isinalin sa Ingles. Hindi kataka-taka kung gayon, na hindi isama ng Bibliyang ito ang personal na pangalan ng Diyos. Gayunman, ang Douay Version ay hindi lamang basta isang salin ng Bibliya. Ito ang naging tanging awtorisadong Bibliya para sa mga Katolikong nagsasalita ng Ingles hanggang noong dekada ng 1940. Oo, sa loob ng daan-daang taon, ang pangalan ng Diyos ay ikinubli mula sa milyun-milyong debotong Katoliko.

Isaalang-alang din ang King James Version. Noong 1604, ang hari ng Inglatera, si James I, ay nag-atas ng isang pangkat ng mga iskolar upang bumuo ng bersiyong Ingles ng Bibliya. Pagkalipas ng mga pitong taon, inilabas nila ang King James Version, na kilala rin bilang ang Authorized Version.

Sa kasong ito, iniwasan din ng mga tagapagsalin ang pangalan ng Diyos, anupat ginamit ito sa iilang talata lamang. Sa maraming pagkakataon, ang pangalan ng Diyos ay pinalitan ng salitang “PANGINOON” o “DIYOS” upang kumatawan sa Tetragrammaton. Ang bersiyong ito ang naging karaniwang Bibliya para sa milyun-milyon. Sinasabi ng World Book Encyclopedia na “walang ibang importanteng salin ng Bibliya sa Ingles ang lumitaw sa loob ng 200 taon pagkatapos ilathala ang King James Version. Noong panahong iyon, ang King James Version ang pinakamalaganap na saling ginagamit sa daigdig ng mga nagsasalita ng Ingles.”

Ang mga nasa itaas ay tatlo lamang sa maraming salin ng Bibliya na inilathala sa nakalipas na maraming siglo na nag-alis o nagwalang-bahala sa pangalan ng Diyos. Hindi kataka-taka na ang nakararami sa mga nag-aangking Kristiyano sa ngayon ay nag-aatubiling gamitin ang pangalan ng Diyos o wala man lamang kaalam-alam hinggil dito. Sabihin pa, sa loob ng maraming taon ay isinama ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos sa kanilang mga bersiyon. Gayunman, ang karamihan sa mga ito ay inilathala nitong kamakailan lamang at walang gaanong epekto sa pangkalahatang mga saloobin hinggil sa pangalan ng Diyos.

Isang Kaugaliang Salungat sa Kalooban ng Diyos

Ang laganap na di-paggamit sa pangalan ng Diyos ay bukod-tanging nakasalig sa tradisyon ng tao at hindi sa mga turo ng Bibliya. “Walang mababasa sa Torah na nagbabawal sa isang tao na bigkasin ang Pangalan ng Diyos. Ang totoo, maliwanag mula sa kasulatan na ang Pangalan ng Diyos ay karaniwan nang binibigkas,” ang paliwanag ng Judiong mananaliksik na si Tracey R. Rich, awtor ng site sa Internet na Judaism 101. Oo, noong panahon ng Bibliya, ginagamit ng mga mananamba ng Diyos ang kaniyang pangalan.

Maliwanag, ang pag-alam sa pangalan ng Diyos at paggamit nito ay nagpapangyari sa atin na maging higit na kasuwato ng sinang-ayunang paraan ng pagsamba sa kaniya, ang paraan ng pagsamba sa kaniya noong panahon ng Bibliya. Ito ang maaaring maging unang hakbang natin upang makapagtatag ng personal na kaugnayan sa kaniya, na higit na mabuti kaysa sa pag-alam lamang sa kung ano ang kaniyang pangalan. Aktuwal na inaanyayahan tayo ng Diyos na Jehova na magkaroon ng gayong kaugnayan sa kaniya. Kinasihan niya ang magiliw na paanyaya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:8) Gayunman, baka itanong mo, ‘Paano makapagtatamasa ang taong mortal ng gayong matalik na kaugnayan sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat?’ Ipaliliwanag ng susunod na artikulo kung paano mo malilinang ang isang kaugnayan kay Jehova.

[Talababa]

^ par. 5 Ang Talmud ay isang kalipunan ng sinaunang tradisyong Judio at itinuturing na isa sa pinakasagrado at pinakamaimpluwensiyang nasusulat na mga akda ng relihiyong Judio.

[Kahon sa pahina 6]

Hallelujah

Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang terminong “Hallelujah”? Marahil ay maaalaala mo ang “Messiah” ni Handel, isang obra maestra sa musika noong ika-18 siglo na nagtatampok sa dramatikong koro na Hallelujah. O baka maisip mo ang tanyag na makabayang awitin ng mga Amerikano na “The Battle Hymn of the Republic,” na kilala rin bilang “Glory, Hallelujah.” Tiyak na sa paanuman ay narinig mo na ang salitang “Hallelujah.” Marahil ay ginagamit mo pa nga ito paminsan-minsan. Pero alam mo ba kung ano ang ibig sabihin nito?

Hallelujah​—Ang transliterasyon sa Ingles ng Hebreong pananalita na ha·lelu-Yahʹ, na nangangahulugang “purihin si Jah,” o “purihin ninyo si Jah.”

Jah​—Isang patula at pinaikling anyo ng pangalan ng Diyos na Jehova. Lumilitaw ito sa Bibliya nang mahigit 50 beses, karaniwan bilang bahagi ng pananalitang “Hallelujah.”

[Kahon sa pahina 7]

Nasa Pangalan Mo ang Pangalan ng Diyos?

Maraming pangalan sa Bibliya ang popular pa rin sa ngayon. Sa ilang kaso, aktuwal na kasama sa orihinal na kahulugan ng mga pangalang ito sa Hebreo ang personal na pangalan ng Diyos. Narito ang ilang halimbawa ng gayong mga pangalan at ang kani-kanilang kahulugan. Baka pangalan mo pa nga ang isa sa mga ito.

Juana​—“Si Jehova ay Nagmagandang-loob”

Joel​—“Si Jehova ay Diyos”

Juan​—“Si Jehova ay Nagpakita ng Lingap”

Jonatan​—“Si Jehova ay Nagbigay”

Jose​—“Dagdagan Nawa ni Jah” *

Josue​—“Si Jehova ay Kaligtasan”

[Talababa]

^ par. 34 Ang “Jah” ay isang pinaikling anyo ng “Jehova.”

[Kahon sa pahina 8]

Mga Termino ng Bibliya Para sa Diyos

Ang Hebreong teksto ng Banal na Kasulatan ay gumagamit ng maraming termino para sa Diyos, kagaya ng Makapangyarihan-sa-lahat, Maylalang, Ama, at Panginoon. Subalit, di-hamak na mas marami ang pagtukoy sa kaniya sa personal na pangalan niya kahit na pagsamahin pa ang lahat ng ibang mga termino. Maliwanag na kalooban ng Diyos na gamitin natin ang kaniyang pangalan. Isaalang-alang ang sumusunod na listahan ng mga termino kung paano lumilitaw ang mga ito sa Hebreong Kasulatan. *

Jehova​—6,973 beses

Diyos​—2,605 beses

Makapangyarihan-sa-lahat​—48 beses

Panginoon​—40 beses

Maylikha​—25 beses

Maylalang​—7 beses

Ama​—7 beses

Sinauna sa mga Araw​—3 beses

Dakilang Tagapagturo​—2 beses

[Talababa]

^ par. 40 Tantiyang bilang ng mga paglitaw salig sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon sa pahina 9]

Isang Diyos na Nagpapangyaring Maganap ang mga Bagay-bagay

Hindi lubusang nagkakasundo ang mga iskolar pagdating sa kahulugan ng pangalan ng Diyos na Jehova. Gayunman, pagkatapos ng malawakang pagsasaliksik hinggil sa paksang ito, marami ang naniniwala na ang pangalang ito ay isang anyo ng pandiwang Hebreo na ha·wahʹ (magkagayon), na nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.”

Kaya, sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, * ang ulat sa Exodo 3:14, kung saan tinanong ni Moises sa Diyos ang Kaniyang pangalan, ay isinalin sa ganitong paraan: “At sinabi ng Diyos kay Moises: ‘Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.’ At isinusog niya: ‘Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, “Isinugo ako sa inyo ni Ako ay magiging gayon.”’”

Naaangkop ang saling iyan sapagkat napangyayari ng Diyos na siya ay maging anuman na kailangan niyang maging. Walang sinuman ang makapipigil sa kaniya na gampanan ang anumang papel na kailangang gawin upang isakatuparan ang kalooban niya. Ang kaniyang mga layunin at pangako ay palaging nagkakatotoo. Namumukod-tangi ang Diyos bilang ang Maylalang, ang isa na nagtataglay ng walang-hanggang kakayahan na maganap ang mga bagay-bagay. Pinairal niya ang pisikal na uniberso. Nilalang din niya ang laksa-laksang espiritung nilalang. Tunay na isa siyang Diyos na nagpapangyaring maganap ang mga bagay-bagay!

[Talababa]

^ par. 55 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 5]

Isang relyebeng naglalarawan sa pagpatay kay Hananiah ben Teradion

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Mga Lugar Kung Saan Kitang-kita ang Pangalan ng Diyos

1. Isang simbahan sa Lomborg, Denmark, ika-17 siglo

2. Dinisenyuhang salamin ng bintana, katedral ng Bern, Switzerland

3. Dead Sea Scroll, sa sinaunang sulat sa Hebreo, Israel, c. 30-50 C.E.

[Credit Line]

Shrine of the Book, Israel Museum, Jerusalem

4. Barya sa Sweden, 1600

[Credit Line]

Kungl. Myntkabinettet, Sveriges Ekonomiska Museum

5. Aklat-dasalan sa Alemanya, 1770

[Credit Line]

From the book Die Lust der Heiligen an Jehova. Oder: Gebaet-Buch, 1770

6. Inskripsiyon sa bato, Bavaria, Alemanya

7. Batong Moabita, Paris, Pransiya, 830 B.C.E.

[Credit Line]

Musée du Louvre, Paris

8. Ipinintang larawan sa bobida ng simbahan, Olten, Switzerland