Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Ako Naniniwala sa Bibliya—Inilahad ng Isang Nuklear na Siyentipiko ang Kaniyang Kuwento

Kung Bakit Ako Naniniwala sa Bibliya—Inilahad ng Isang Nuklear na Siyentipiko ang Kaniyang Kuwento

Kung Bakit Ako Naniniwala sa Bibliya​—Inilahad ng Isang Nuklear na Siyentipiko ang Kaniyang Kuwento

AYON SA SALAYSAY NI ALTON WILLIAMS

DALAWANG mahahalagang pangyayari ang naganap sa buhay ko noong 1978. Noong Setyembre, tinanggap ko ang aking titulo bilang isang nuklear na pisiko (nuclear physicist), at noong Disyembre, ako’y naging ordenadong ministro ng mga Saksi ni Jehova.

Kapag nalalaman ng mga tao na ako’y isang siyentipiko at isa ring Saksi, karaniwang nagtatanong sila kung paano ko napagtutugma ang aking kaalaman sa siyensiya at ang aking paniniwala sa Bibliya. Inaamin ko, ako man ay nag-isip din kung maaari nga bang pagtugmain ang kaalaman sa siyensiya at ang paniniwala sa Bibliya. Gayunman nang maglaon, lubusan akong nakumbinsi na ang Bibliya ay kasuwato ng katotohanan sa siyensiya. Paano ko narating ang konklusyong iyan? Pakisuyong hayaan mo munang ilahad ko kung paano ako naging isang siyentipiko.

Isang 19-na-Taóng Proyekto

Ipinanganak ako noong 1953 sa Jackson, Mississippi, E.U.A., ang ikatlo sa 11 anak. Mahirap ang aming pamilya. Madalas na palipat-lipat kami ng bahay sapagkat hindi makabayad ng upa ang aking mga magulang. Ang kalakhang bahagi ng aming kinakain ay nagmula sa tulong na salapi ng pamahalaan, at ang segunda manong damit na isinusuot namin ay bigay naman sa amin ng mga taong ang mga bahay at opisina ay nililinis ng aking nanay.

Madalas na ipaalaala ng mga magulang namin sa aming mga bata na ang tanging paraan upang makaahon sa karalitaan ay ang magkaroon ng magandang edukasyon. Bunga nito, sa murang gulang, ginawa kong tunguhin ang makapagtapos sa kolehiyo. Nag-aral ako sa edad na anim na taon, at tuluy-tuloy akong nag-aral sa sumunod na 19 na taon. Mahilig ako sa siyensiya at matematika, kaya nang mag-aral ako sa kolehiyo, itinaguyod ko ang isang karera bilang isang siyentipiko.

Samantalang nasa kolehiyo, nakilala ko ang isang dalagang nagngangalang Del. Pinapunta siya sa akin ng isang propesor sa siyensiya upang si Del ay matulungan sa isang kurso sa siyensiya na kinukuha niya. Subalit di-nagtagal, ang aming mga pag-uusap ay hindi lamang tungkol sa siyensiya, at nauwi ito sa pag-iibigan. Nagpakasal kami noong Enero 10, 1974​—noong dalawang oras na pagitan ng aming mga klase! Pagkalipas ng apat na taon, noong 1978, sa wakas ay natanggap ko ang aking doktorado.

Natamo ko ang aking inaakalang susi sa tagumpay. Hindi lamang ako isang siyentipiko​—kundi isang nuklear na pisiko pa nga! Yamang natamo ko ang aking bagong titulo sa theoretical nuclear physics, matatamasa ko na ang mga pakinabang ng aking matagal na pag-aaral. Sabik na akong gumawa ng pangalan para sa aking sarili sa larangan ng siyensiya. Bukod pa riyan, makapipili na ako ngayon ng trabaho sa mga pribadong kompanya at mga institusyon ng gobyerno na nag-aalok ng malaking suweldo.

Gayunman, pagkalipas ng ilang buwan, noong Disyembre 30, 1978, gumawa ako ng isang hakbang na di-nagtagal ay napatunayang higit na nakaimpluwensiya sa aking buhay at kinabukasan kaysa sa aking natamong bagong titulo. Sa petsang iyon, sinagisagan ko ang aking pag-aalay sa Diyos na Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig at sa gayon ay naging isang Saksi ni Jehova. Paano nangyari ang hakbang na iyon?

Isang Aklat na Pumukaw ng Aking Interes

Noong mga huling buwan ng 1977, samantalang ako’y nag-aaral sa University of Massachusetts sa Amherst, dalawang Saksi ang kumatok sa pinto ng aking apartment. Wala ako roon, subalit nasa bahay ang aking asawa kasama ang aming mga anak, isang tatlong-taóng-gulang at isang bagong-silang. Pinapasok ni Del ang mga Saksi. Pagkatapos ng isang kaayaayang pag-uusap, pumayag siyang dalawin ng mga Saksi minsan sa isang linggo upang pagdausan ng isang pag-aaral sa Bibliya.

Nang ipaalam sa akin ng asawa ko ang tungkol sa kaayusang ito, agad akong tumutol. Ayos lang naman sa akin kung gusto niyang sumali sa isang relihiyon​—pero hindi sa mga Saksi ni Jehova! Wala naman talaga akong gaanong nalalaman tungkol sa mga Saksi, subalit inaakala ko noon na sila ay isang kakatwang grupo na ginagamit ang Bibliya upang dayain ang mga tao. Kaya, sa pagsisikap kong palayain ang aking asawa mula sa inaakala kong pagkontrol ng mga Saksi, naisip kong gamitin ang kaalaman ko sa siyensiya upang pabulaanan ang kanilang mga turo.

Minsan, nagbakasyon ako mula sa aking gawaing pananaliksik sa unibersidad at umuwi upang maabutan ko sa bahay ang pag-aaral sa Bibliya ng aking asawa. Subalit huli na akong dumating ng bahay kaysa sa plano ko, at papaalis na ang babaing nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Binigyan niya ako ng isang aklat na pinamagatang Did Man Get Here by Evolution or by Creation? * At sinabi rin niya sa aking asawa na sa iskedyul na pag-aaral sa Bibliya sa susunod na linggo, tatalakayin nila ang isang hula sa Bibliya na nagpapakitang isang mahalagang taon ang 1914. Iyan nga ang pagkakataon na hinihintay ko! Sinabi ko sa Saksi na nasa bahay ako para sa susunod na pagtalakay sa Bibliya. Gusto kong masuri ang matematikal na katumpakan ng sinasabi niyang tatalakayin tungkol sa taóng 1914.

Nang gabi ring iyon, sinimulan kong basahin ang aklat na iniwan sa akin ng Saksi. Sa totoo lang, hanga ako sa nilalaman nito. Isinulat ito sa lohikal na paraan, at naglalaman ito ng maraming makasiyensiyang reperensiya may kinalaman sa paksang ebolusyon. Laking gulat ko, nalaman ko na ang Bibliya ay naglalaman pala ng mas tumpak na impormasyon tungkol sa paglalang kaysa sa dati kong nalalaman. Natapos kong suriin ang aklat sa loob ng ilang araw at aaminin ko na ang aktuwal na sinasabi ng Bibliya tungkol sa paglalang ay hindi sumasalungat sa napatunayang mga katotohanan sa siyensiya tungkol sa buhay sa lupa.

Determinadong Hanapin ang mga Di-pagkakasuwato

Sa kabila nito, nag-aalinlangan pa rin ako sa mga turo ng mga Saksi, at inaasam-asam ko ang paggawa ng matematikal na pagsusuri sa hula ng Bibliya tungkol sa taóng 1914. Inaakala ko na ang pamamaraang ito ay tiyak na tatakot sa Saksi, at baka sakaling matulungan ko ang aking asawa na makita ang kamalian sa mga paniniwalang itinuturo ng mga Saksi.

Nang sumunod na linggo, nagbalik ang Saksi kasama ang isang lalaki na isa sa mga elder sa lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ang elder ang nagdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Isinaalang-alang niya ang mga hulang masusumpungan sa kabanata 4 at 9 ng aklat ng Bibliya na Daniel, may kinalaman sa paglitaw ni Jesus bilang Mesiyas at Hari. Determinado akong makasumpong ng mga di-pagkakasuwato sa matematika sa presentasyon, subalit wala akong nasumpungan. Sa kabaligtaran, muli akong humanga sa lohika ng impormasyon na nasa Bibliya.

Hanggang sa puntong iyon, akala ko ang pananampalataya sa Diyos ay higit na nasasalig sa emosyon kaysa sa katuwiran. Maling-mali pala ako! Pinasalamatan ko ang mga Saksi sa nakapagtuturong pagtalakay at sinabi ko na gusto kong ipagpatuloy ang pakikibahagi sa lingguhang pag-aaral. Kaya mula noon, nagpatuloy ako sa aking pag-aaral sa unibersidad at, kasama ng aking asawa, sa aking pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Kaming mag-asawa ay nagsimula ring dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi na idinaraos sa Kingdom Hall.

Sa loob ng ilang buwan, nalaman ko ang maraming bagong mga katotohanan sa Bibliya at di-nagtagal ay naging kuwalipikadong sumama sa mga Saksi sa bahay-bahay na ministeryo. Ginawa ko ito kahit na ako ay nasa huling yugto na ng pagkuha ko ng aking doktorado sa unibersidad, na umuubos ng malaking panahon. Natapos ko ang aking disertasyon noong tag-araw ng 1978 at lumipat ako sa estado ng Alabama, kung saan nagturo ako ng pisika sa Alabama A. & M. University sa Huntsville. Agad kaming nakipag-ugnayan sa mga Saksi sa aming bagong lugar, at isang elder at ang kaniyang asawa ang nagpatuloy ng pakikipag-aral sa amin ng Bibliya. Pagkaraan ng ilang buwan, kaming mag-asawa ay sabay na nabautismuhan.

Aktibo Bilang Siyentipiko at Ministro

Para sa akin, ang pagiging siyentipiko ay naging katugma ng aking pagiging Saksi ni Jehova. Noong 1983, nagtrabaho ako bilang isang astropisiko sa George C. Marshall Space Flight Center ng NASA (National Aeronautics and Space Administration), na nasa Huntsville din. * Nagsasagawa ako ng pag-eeksperimento at pananaliksik may kinalaman sa isang teleskopyong X-ray. (Noong 1999 ang teleskopyong iyon​—ang Chandra X-ray Observatory​—ay matagumpay na inilunsad sa kalawakan ng sasakyang pangkalawakan na Columbia.) Nasisiyahan ako sa pagtatrabaho sa proyektong iyon, na nagsasangkot ng pag-aanalisa sa mga X-ray na ibinibigay ng iba’t ibang bituin at mga galaksi sa pagsisikap na higit na maunawaan ang pisikal na uniberso.

Dobleng kasiyahan ang dulot ng aking trabaho dahil hindi lamang ako nagtatrabaho sa isang mapanghamong problema sa siyensiya kundi nagkaroon din ako ng mas masidhing pagpapahalaga sa kapangyarihan at karunungan ng Maylalang. Sa katunayan, nagkaroon ng pantanging kahulugan sa akin ang mga salita ni Jehova sa pamamagitan ng sinaunang propetang si Isaias. Sinabi ng Maylalang: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan. Dahil sa kasaganaan ng dinamikong lakas, palibhasa’y malakas din ang kaniyang kapangyarihan, walang isa man sa kanila ang nawawala.” (Isaias 40:26) Habang higit kong ‘itinitingin ang aking mga mata sa itaas’ upang magmasid sa napakalawak, napakasalimuot, at napakagandang uniberso, lalo akong humahanga sa gawa ng matalinong Disenyador na lumalang ng lahat ng ito at nagtatag ng mga batas na maayos na nagpapatakbo rito.

Nang panahong iyon, naging abala ako sa paglalathala ng bagong impormasyon sa makasiyensiyang mga babasahin batay sa aking pananaliksik sa X-ray ng astropisika. Gayunman, aktibo rin ako sa kongregasyong Kristiyano. Naglilingkod ako bilang isang elder at gumugugol ng mga 20 oras buwan-buwan sa gawaing pangangaral sa madla. Samantala, ang aking asawa naman ay nakikibahagi sa gawaing pagtuturo ng Bibliya nang buong-panahon.

Pagkaraang magtrabaho nang apat na taon sa NASA, higit kong nadama ang pangangailangang magboluntaryo ng higit na panahon upang tulungan ang iba na matuto ng kamangha-manghang mga katotohanang masusumpungan sa Bibliya. Ngunit paano ko magagawa iyon? Pagkatapos ipakipag-usap ang hangarin ko sa aking asawa at idulog ang bagay na ito kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin, natanto ko na kailangan kong gumawa ng ilang mahahalagang pasiya.

Mabibigat na Pasiya

Nilapitan ko ang aking superbisor sa NASA at sinabi ko sa kaniya na gusto kong baguhin ang aking pagtatrabaho sa isang linggo mula sa limang araw tungo sa apat na araw. Sabihin pa, tatanggapin ko ang mas mababang suweldo. Ipinaliwanag ko sa aking superbisor na gusto kong gugulin ang tatlong araw ng sanlinggo sa aking ministeryo. Pumayag ang aking superbisor, bagaman hindi pa ito ginawa noon para sa mga siyentipiko sa NASA. Gayunman, sinabihan niya ako na kailangan kong kausapin ang kaniyang superbisor. Ginawa ko iyon at nagulat nga ako at natuwa na pumayag din ang nakatataas na superbisor na ito sa aking kahilingan. Kaya noong Setyembre 1987, sinimulan ko ang aking karera bilang isang buong-panahong ministro, na gumugugol ng mga 90 oras sa isang buwan sa pangangaral sa bahay-bahay at sa iba pang mga bahagi ng ministeryo.

Nang maglaon, tinawagan ako sa telepono ng isang superbisor mula sa Alabama A. & M. University sa Huntsville. Inalukan niya ako ng isang posisyon sa pagtuturo ng pisika. Tumugon ako na tatanggapin ko ang trabaho kung magagamit ko ang kalakhang bahagi ng aking panahon sa ministeryo. Gayunman, tiniyak ko sa kaniya na hindi makaaapekto ang aking mga gawain sa ministeryo sa kalidad ng pagtuturo ko sa mga klase. Pumayag ang superbisor. Sa ngayon, nagtuturo pa rin ako sa unibersidad na iyon at naglilingkod din bilang buong-panahong ministro. May panahon pa nga akong mag-aral ng Kastila. Sa kasalukuyan, kaming mag-asawa ay naglilingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Huntsville na nagsasalita ng Kastila.

Siyensiya at Pananampalataya

Sa mga taon ng pananaliksik ko sa siyensiya, wala pa akong nakitang pagkakasalungatan sa pagitan ng napatunayang katotohanan sa siyensiya at ng turo sa Bibliya. Kadalasan, ang waring pagkakasalungatan ay dahil sa kakulangan ng kaalaman​—tungkol sa isang makasiyensiyang turo o sa kung ano talaga ang sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, may-kamaliang inaakala ng ilang siyentipiko at ng iba pa na itinuturo ng Bibliya na ang mga halaman, mga hayop, at mga tao ay pawang lumitaw sa lupa sa loob ng anim na literal na mga araw na may 24 na oras. Magiging salungat ito sa napatunayang mga katotohanan sa siyensiya. Pero hindi iyan itinuturo ng Bibliya. Sa halip, isinisiwalat nito na ang “mga araw” ng paglalang ay sumasaklaw ng libu-libong taon. *

Bumangon din ang kalituhan mula sa maling ideya na ang pananampalataya sa Diyos ay isa lamang emosyonal na karanasan. Sa kabaligtaran, ang pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya ay nakasalig sa mga katotohanan na maaaring patunayan. Ayon sa pagbibigay-kahulugan ng Bibliya, “ang pananampalataya ay ang mapananaligang paghihintay sa mga bagay na inaasahan, ang malinaw na pagtatanghal [o, “nakakukumbinsing katibayan,” talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References] ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Oo, ang pananampalataya ay salig sa katibayan. Daan-daang hula ang natupad na noon at sa ating panahon. Kaya, kahit na ikapit pa ang makasiyensiyang pamamaraan na ginamit ng lahat ng siyentipiko upang itatag ang isang makasiyensiyang teoriya, lubusan tayong makapagtitiwala sa katuparan ng mga hula ng Bibliya may kaugnayan sa mga pangyayari sa hinaharap.

Kasali sa gayong hula ang pangako na maaari tayong magtamasa ng Paraisong mga kalagayan sa lupa sa malapit na hinaharap. Mawawala na ang kapaha-pahamak na mga epekto ng pagtanda, sakit, kamatayan, mga digmaan, at kawalang-katarungan. (Apocalipsis 21:3, 4) Pagkatapos, magkakaroon tayo ng panahon upang galugarin at pag-aralan nang detalyado ang kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos na Jehova at ang maraming batas na itinatag niya upang ugitan ang kasindak-sindak na pisikal na unibersong ito.

Nagpapasalamat ako sa Diyos na Jehova sa pagtulong sa akin na masumpungan ang susi sa pagkakamit ng tunay na kaligayahan​—ang kamangha-manghang mga katotohanang masusumpungan sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Dalangin ko na masumpungan sana ng marami pang iba, pati na ng mga siyentipiko, ang mahalagang susing ito.

[Mga talababa]

^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova subalit hindi na inililimbag ngayon.

^ par. 22 Ang NASA ay isang organisasyon ng pamahalaan ng Estados Unidos na hindi saklaw ng ibang ahensiya ng gobyerno.

^ par. 30 Tingnan ang kabanata 6, “An Ancient Creation Record​—Can You Trust It?,” sa aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 20]

Akala ko ang pananampalataya sa Diyos ay higit na nasasalig sa emosyon kaysa sa katuwiran

[Blurb sa pahina 22]

Wala pa akong nakitang pagkakasalungatan sa pagitan ng napatunayang katotohanan sa siyensiya at ng turo sa Bibliya

[Larawan sa pahina 21]

Sinusuportahan ko ang aking pamilya sa pamamagitan ng pagtuturo nang “part-time”

[Mga larawan sa pahina 23]

Ang Chandra X-ray Observatory ng NASA na nasa orbit at isang larawang X-ray ng “binary star system black hole”

[Credit Lines]

NASA Photo

NASA/CfA/J. McClintock et al.

[Larawan sa pahina 23]

Kaming mag-asawa ay nasisiyahan sa buong-panahong ministeryo