Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Paano Mo Makikilala ang Diyos sa Pangalan

Kung Paano Mo Makikilala ang Diyos sa Pangalan

Kung Paano Mo Makikilala ang Diyos sa Pangalan

ISANG kolumnista ng pahayagan ang nakatanggap ng sumusunod na liham mula sa isang mambabasa: “Buong buhay ko nang pinag-iisipang mabuti ang tanong na ito, at sana’y masagot ninyo ito. Ano ba ang pangalan ng Diyos? Sinasabi ng mga Judio na nawala na sa agos ng panahon ang tunay niyang pangalan. Jesus naman ang tawag sa Kaniya ng mga Kristiyano. Ang tawag sa Kaniya ng mga Muslim ay Allah. . . . Kaya, ano ba talaga?” Inilathala ng pahayagan ang tanong kasama ang sagot na ito: “Ayon sa sinaunang mga turo ng Hebreo, omnipotente ang Diyos, kaya hindi Siya maaaring tukuyin sa iisang pangalan lamang. Subalit tinitiyak ko sa iyo na sasagutin ka Niya, anumang kagalang-galang na pangalan ang itawag mo sa Kaniya.”

Ang gayong mapagwalang-bahalang saloobin sa pangalan ng Diyos ay karaniwan sa ngayon. Bagaman may pagkarelihiyoso, hindi masyadong pinag-iisipan ng maraming naniniwala sa Bibliya ang tungkol sa pangalan ng Diyos. Ngunit ano kaya ang nadarama ng Diyos hinggil dito? Ito ba’y isang maliit na bagay lamang sa kaniya?

Hindi Isang Maliit na Bagay

Isaalang-alang ang katotohanan na binabanggit ng Bibliya ang personal na pangalan ng Diyos na Jehova nang libu-libong ulit. Sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nang 7,210 beses! * Ang Diyos mismo ang kumasi sa mga manunulat ng Bibliya na gamitin ang kaniyang pangalan nang gayon kalaganap. Ang isa sa mga manunulat na ito, ang salmistang si Asap, ay sumulat: “Ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” (Awit 83:18) Sumulat din si David sa isang awit: “Tungkol sa pangalan ni Jehova na aming Diyos ang aming babanggitin.”​—Awit 20:7.

Ipinakikita ng Bibliya na sinusuri ng Diyos na Jehova ang ating puso upang malaman kung ano ang nadarama natin hinggil sa kaniyang pangalan. Sinabi ng salmista: “Kung nilimot namin ang pangalan ng aming Diyos, . . . hindi ba ito sisiyasatin ng Diyos? Sapagkat batid niya ang mga lihim ng puso.” (Awit 44:20, 21) Sumulat si propeta Isaias: “Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan. Ihayag ninyo sa gitna ng mga bayan ang kaniyang mga ginagawa. Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag.”​—Isaias 12:4.

Sinabi mismo ng Diyos: “Kanila ngang makikilala na ang aking pangalan ay Jehova.” (Jeremias 16:21) Sa isa pang okasyon ay ipinahayag niya: “Tiyak na pababanalin ko ang aking dakilang pangalan, na nilalapastangan sa gitna ng mga bansa, . . . at makikilala nga ng mga bansa na ako ay si Jehova.” (Ezekiel 36:23) Tinutukoy ng ilan sa mga pananalitang ito ang panahon na kikilos si Jehova taglay ang galit sa mga hindi gumagalang sa kaniyang pangalan. Ang usapin hinggil sa kaniyang personal na pangalan ay hindi isang maliit na bagay sa Diyos.

Hindi Malayo sa Iyo ang Diyos na Jehova

Paano mo makikilala ang Diyos sa pangalan? Ano ba ang ibig sabihin ng makilala ang Diyos sa pangalan? Sumasagot ang Bibliya: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo.” (Awit 9:10) Maliwanag, ang pagkilala sa Diyos sa pangalan ay nagsasangkot ng higit pa kaysa basta pag-alam sa pangalan niya. Dapat kang magtiwala sa kaniya. Nangangahulugan iyan ng pagkilala sa kung anong uri siya ng Diyos at pag-alam hinggil sa kaniyang mga katangian at mga kaisipan. Ito ang magpapakilos sa iyo na magtiwala sa kaniya.

Tanging ang masusing pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya ang makapaglalaan sa iyo ng kaunawaan hinggil sa kung anong uri ng Diyos si Jehova. Ipinangangako niya na ipagsasanggalang niya ang mga nagmamahal sa kaniya at sa kaniyang pangalan. Ganito ang sinabi ng Diyos hinggil sa isa na gumagawa nito: “Dahil iniukol niya sa akin ang kaniyang pagmamahal, paglalaanan ko rin siya ng pagtakas. Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan. Tatawag siya sa akin, at sasagutin ko siya. Ako ay sasakaniya sa kabagabagan. Ililigtas ko siya at luluwalhatiin siya. Bubusugin ko siya ng kahabaan ng mga araw, at ipakikita ko sa kaniya ang aking pagliligtas.”​—Awit 91:14-16.

Tunay ngang kamangha-mangha ang kaugnayang taglay ng Diyos na Jehova sa mga nakakakilala sa kaniya sa pangalan! Matatamasa mo rin ang gayong kaugnayan. Sa iyong taos-pusong mga panalangin, huwag kailanman mag-atubiling tumawag sa kaniya sa pangalan. Sasagutin ka niya sapagkat, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.”​—Gawa 17:27.

[Talababa]

^ par. 5 Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ay isang salin ng Bibliya na gumagamit ng modernong pananalita sa halip na ang sinaunang wika ng unang mga salin. Ang pinakatampok na katangian ng saling ito ay ang pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa tamang dako nito sa teksto ng Bibliya. Sa kasalukuyan, mahigit sa 122 milyong kopya na ang nailimbag, buo man o bahagi nito, sa 45 wika.

[Kahon/Larawan sa pahina 11]

Kilala Ka ng Diyos sa Pangalan

Sinabi ng Diyos kay Moises: “Nakikilala kita sa pangalan.” (Exodo 33:12) Pinatutunayan ito ng kilalang ulat hinggil sa nagniningas na palumpong. Sinasabi ng Bibliya na “tinawag [siya] ng Diyos mula sa gitna ng tinikang-palumpong at sinabi: ‘Moises! Moises!’ ” (Exodo 3:4) Isang halimbawa lamang ito ng maraming pangyayari kung saan tinawag ng Diyos ang mga tao sa kanilang personal na pangalan. Maliwanag, interesado sa atin bilang mga indibiduwal ang Maylalang ng sansinukob.

Sinasabi ng Bibliya na alam ng Diyos ang pangalan ng bawat isa sa bilyun-bilyong bituin. (Isaias 40:26) Tiyak na higit siyang nagmamalasakit sa mga taong sumasamba sa kaniya! Sumulat si apostol Pablo na “kilala ni Jehova yaong mga nauukol sa kaniya.” (2 Timoteo 2:19) Ipinahihiwatig nito ang higit pa sa pagsasaulo ng mga pangalan. Kilalang-kilala ng Diyos ang kaniyang mga mananamba. Dapat din naman nating makilala ang Diyos sa pangalan at kilalaning mabuti ang kaniyang mga katangian.

Inilalarawan ng huling aklat ng Bibliya ang isang makasagisag na aklat kung saan isinusulat ng Diyos ang mga pangalan ng lahat ng sumamba sa kaniya sa buong kasaysayan. Tinatawag ang aklat na ito na “balumbon ng buhay” dahil pagkakalooban ng Diyos na Jehova ng buhay na walang hanggan ang mga indibiduwal na ang pangalan ay nakasulat sa aklat na iyon. (Apocalipsis 17:8) Ito ay isang magandang pag-asa para sa mga nakakakilala sa Diyos sa pangalan.

[Kahon/Larawan sa pahina 12]

Ipinahayag Nila ang Pangalan ng Diyos

● Awit ni Moises noon mismong bago pumasok ang Israel sa Lupang Pangako: “Ipahahayag ko ang pangalan ni Jehova.”​Deuteronomio 32:3.

● Pananalita ni David sa higanteng si Goliat: “Ako ay pumaparito sa iyo taglay ang pangalan ni Jehova ng mga hukbo.”​1 Samuel 17:45.

● Pananalita ni Job nang mawala ang lahat ng kaniyang ari-arian at nang biglang mamatay ang lahat ng kaniyang anak: “Patuloy na pagpalain ang pangalan ni Jehova.”​Job 1:21.

● Si apostol Pedro na sinisipi ang Hebreong Kasulatan sa isang pahayag: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​Gawa 2:21.

● Si propeta Isaias: “Magpasalamat kayo kay Jehova! Tumawag kayo sa kaniyang pangalan. . . . Banggitin ninyo na ang kaniyang pangalan ay natanyag.”​Isaias 12:4.

● Si Jesu-Kristo na itinuturo sa kaniyang mga alagad kung paano manalangin: “Manalangin kayo, kung gayon, sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.’ ”​Mateo 6:9, 10.

● Si Jesu-Kristo na nananalangin sa Diyos: “Inihayag ko ang iyong pangalan.”​Juan 17:6.

● Ang Diyos na nagsasalita sa kaniyang bayan: “Ako ay si Jehova. Iyan ang pangalan ko; at sa kaninuman ay hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian.”​Isaias 42:8.