Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Matematika Nasiyahan ako sa pagbabasa ng artikulong “Ang Matematika ay Para sa Lahat.” (Mayo 22, 2003) Noon pa ma’y gustung-gusto ko na ang mga numero. Gaya ng sinabi ninyo, si Jehova ang Dakilang Matematiko, at walang alinlangan na sa bagong sanlibutan, lahat tayo ay higit na matututo tungkol sa lohika ng mga numero. Maraming salamat sa praktikal na impormasyon.
G. C., Britanya
Nakatulong po talaga sa akin ang artikulong ito. Sa paaralan, ang matematika ang subject na kinayayamutan ko sa lahat. Kahit na nakikinig ako at kumukuha ng nota, hindi ko ito maintindihan. Subalit pagkatapos na mabasa ko ang artikulong ito, sa palagay ko po’y makakasanayan ko ito. Nagpapasalamat ako dahil sa inilathala ninyo ang artikulong ito. Ako po ay 13 taóng gulang.
Y. I., Hapon
Tamang-tama ang artikulong ito para sa akin! Ako po ay 15 taóng gulang at hindi po ako magaling sa matematika. Kapag pinag-iisipan ko ang mga problema sa matematika, sinasabi ko sa aking sarili, ‘Hindi naman ito magagamit kapag lumaki na ako, kaya walang saysay na matutuhan pa ito.’ Gayunman, dahil sa artikulong ito, naunawaan ko na kapaki-pakinabang ang matematika sa maraming paraan. Kaya ipinasiya ko ngayon na lalong magsikap at huwag sumuko. Pakisuyong magpatuloy kayo sa paglalathala ng mas marami pang artikulong gaya nito!
M. N., Hapon
Mga Bulati Tuwang-tuwa ako sa nakatatawang mga cartoon na naglarawan sa artikulong “Ang Kawili-wiling Daigdig ng mga Bulati.” (Mayo 8, 2003) Lalo kong pinahalagahan ang mga ito bilang pantulong sa memorya. Dahil sa mga drowing na ito, madali kong matatandaan ang mga nilalaman ng artikulo.
M. Z., Italya
Ako po ay 11 taóng gulang, at matagal ko nang iniisip kung bakit madulas ang mga bulati, pero ngayon ay alam ko na kung bakit. At ang akala ko noon ay iisa lamang ang uri ng bulati. Hindi ko po sukat akalain na may mahigit na 1,800 uri pala ng mga bulati! Patuloy po sana kayong magsulat ng nakapagtuturong mga artikulong gaya nito.
T. C., Estados Unidos
Pinsala Salamat sa artikulong “Kung Paano Binago ng Isang Pinsala ang Aking Buhay.” (Abril 22, 2003) Nasabi mismo ni Brother Ombeva ang aking nararamdaman. Ako’y nakararanas ng fibromyalgia at iba pang sakit, at kung minsan ay napakatindi ng kirot anupat wala akong ibang magawa kundi umiyak. Kailangan kong lubusang magtiwala kay Jehova para bigyan ako ng lakas upang makapagtiis. Gaya ng sinabi ni Brother Ombeva, napakalaking tulong ang pagbubulay-bulay sa nakaaaliw na mga kasulatan. Isa pa, ang aking asawa ay isang matibay na suporta sa panahon ng aking kabagabagan. Salamat sa gayong mga artikulo.
C. F., Estados Unidos
Ang asawa ko ay may slipped disk dahil sa isang aksidente sa trabaho. Alam na alam namin ang pakikipagpunyagi ni Brother Ombeva sa negatibong damdamin. Naghihirap ang aming kalooban sa kalagayang hindi namin makontrol. Nadudurog ang puso ko na makita ang aking asawa na hirap na hirap dahil sa kirot at malaman na wala na kaming magagawa pa upang maibsan ito. Dalawang taon na ang nakalilipas, at tinitiis pa rin niya ang pasumpung-sumpong na kirot pero hindi na gaya ng dati. Noong pinakamahirap na panahon, inaliw kami ni Jehova, at patuloy niyang ipinakikita ang kaniyang mapagmahal na pagmamalasakit sa pamamagitan ng mga artikulong gaya nito. Maraming salamat!
A. S., Estados Unidos
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong Ako po ay 16 na taóng gulang at nasa unang taon ng haiskul. Napapaharap ako sa mga hamon at panggigipit na hindi ko pa naranasan kailanman. Damang-dama ko ang mga epekto ng panggigipit ng kasamahan. Nakatutulong sa akin ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong” para matanto ko ang kahalagahan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya. Talagang pinasasalamatan ko ang pagmamalasakit na ipinakikita ninyo sa mga tin-edyer, na kadalasang nararamdaman ko na patungkol mismo sa akin!
S. R., Estados Unidos