Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Otel na Nalalambungan ng Mabituing Kalangitan”

“Otel na Nalalambungan ng Mabituing Kalangitan”

“Otel na Nalalambungan ng Mabituing Kalangitan”

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

MARAMING gaya ko ang papayag na makipagpalit ng isang gabi sa isang primera-klaseng otel para magpalipas ng gabi sa disyerto, na nagmamasid sa kamangha-manghang mabituing kalangitan. Iyan ang aking nadama pagkatapos kong maglakbay sa kahanga-hangang lugar sa timog ng Tunisia, Hilagang Aprika. Doon ako nasiyahan sa mga paglalaan ng tinatawag na otel na nalalambungan ng mabituing kalangitan​—ang tolda sa disyerto ng isang pagala-galang pastol.

Sa buong kasaysayan ng tao, milyun-milyong tao mula sa magkakalayong lugar na gaya ng madamong lupain ng Asia, Sahara, at Hilagang Amerika ang nakatira sa gayong mga “otel na nalalambungan ng mabituing kalangitan.” Bagaman napilitang iwan ng maraming tribo ang kanilang mga tolda sa nakaraang siglo, libu-libong pagala-galang mga tao ang patuloy na naglilibot sa mga disyerto. Dahil kilala sila sa pagkamapagpatuloy, hindi mo malilimutan ang araw na nakasama mo sila.

“Mga Bahay ng Balahibo”

Para mapasyalan ang isang kampo ng pagala-galang mga tao​—o douar, gaya ng tawag dito sa Hilagang Aprika​—kami ng aking guide ay nagtungo sa disyerto sakay ng isang lumang Land Rover. Pagkatapos ipagtanung-tanong sa ilang pastol ang mga direksiyon, sa wakas ay nakita namin sa malayu-layo ang anino ng ilang maitim na kayumangging tolda. Nang makababa na kami sa sasakyan, talagang hinangaan namin ang nakabibinging katahimikan ng disyerto. Sinasabi ng Bedouin na nakapagpapaaliwalas ng kaisipan ang katahimikang ito. Mainit ang pagtanggap sa amin ng punong-abala namin, na nag-anyaya sa amin sa kaniyang tolda. Halos 12 metro ang haba nito, 5 metro ang lapad, at 2 metro ang taas. Pumasok kami sa isang bahagi ng tolda na nakalaan para sa kalalakihan at mga panauhin at naupo sa napakagandang mga alpombra. Ang kabilang bahagi naman ng tolda, na natatakpan ng kurtina kapag nag-iistima ng mga panauhin, ay nakalaan sa pamilya at sa pagluluto. Habang nag-uusap-usap kami, may-kabaitang naglabas sa amin ang babaing punong-abala namin ng tradisyonal na tsa na mula sa yerbabuena, samantala ang mga anak na babae, na nasa kusina ng tolda, ay nagmamasa naman para gumawa ng tinapay. Ang masasarap na tinapay na ito ay niluluto sa apuyan sa isang palayok.

Sa aming pag-uusap, tinanong ko ang aking punong-abala kung paano ginawa ang bubong at mga dingding. Sabik na sabik niyang ipinaliwanag ito sa amin. Ang totoo, ang mga panel ay binubuo, hindi ng isang buong piraso ng tela, kundi ilang piraso ng telang pinagtahi-tahi na humigit-kumulang 15 metro ang haba at 50 sentimetro ang lapad. Ang ilang mas malalaking tolda ay may 12 o 13 piraso ng tela. Paano ginagawa ang mga pirasong ito ng tela?

Isang maaliwalas na hapon, nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng aking punong-abala na nakaupo sa buhanginan sa harap ng tolda na may hawak na kidkiran, na may-kahusayang gumagawa ng makapal na estambre mula sa balahibo ng hayop. Ang estambreng ito ay nilalala para maging mahahabang piraso ng tela na nakalatag nang pahalang sa habihan. Makapapasok sa tolda ang hangin kapag hindi ito nilala nang masinsin. Ngunit, kapag umulan, ang mga sinulid ay umaalsa anupat nagiging masinsin ang habi at hindi tinatagos ng tubig ang tela. Walang alinlangan, angkop ang tawag sa wikang Arabe para sa tolda, bait esh-shaar, na nangangahulugang “bahay ng balahibo.”

Pagmamantini

Gaano kahabang panahon ang itinatagal ng tolda? Pinakaiingat-ingatan ng pagala-galang mga tao ang kanilang mga tirahan sa disyerto. Sinabi sa akin ng punong-abala ko na ang kababaihan sa kaniyang sambahayan ay naglalala ng kahit man lamang isang piraso ng tela taun-taon. Karaniwan na, pinapalitan ng bago taun-taon ang sirang-sira nang piraso. Kaya, ang isang panel ng tolda na may walong piraso ng tela ay lubusang napalitan sa loob ng walong taon. Sa ilang lugar, ang mga piraso ng tela ay tinatastas at binabaligtad para ang mas maganda at nasa loob na bahagi ng tela naman ang inilalabas.

Paano sinusuhayan ang tolda? Ang pinakagitna ng tolda ay tinutukuran ng apat na poste ng kahoy na apricot, bagaman ginagamit din kung minsan ang ibang mga kahoy. Ang dalawang panggitnang poste ay halos dalawa at kalahating metro ang haba. Ang dulo ng bawat poste ay ibinabaon sa lupa, samantalang ang kabilang dulo naman ng bawat poste ay ikinakabit sa isang may-palamuti at matigas na kahoy na palupong poste na 45-60 sentimetro ang haba. Ang palupong poste ay bahagyang nakabaluktot, anupat nagiging hugis ng likod ng kamelyo ang tuktok ng tolda. Ang gilid at likuran ng tolda ay sinusuhayan ng ilang mas maliliit na poste. Para makita kung paano ikinakabit ang tolda, lumabas kami. Makikita natin na ang mga lubid sa tolda, na yari sa balahibo ng kambing, ay ginagamit para maitali ang mga panel sa lupa.

Sa bandang likuran ng tolda, ang makapal na bakod ng tuyong mga palumpong ay nagsisilbing pananggalang mula sa mababangis na hayop. Hindi kalayuan mula sa tolda, ang asno ng pamilya ay nakatali sa istaka. Makikita naman sa banda pa roon, sa isang pabilog na kulungan, ang kawan ng mga tupa at kambing na inaalagaang mabuti ng mga anak na babae ng aming punong-abala.

Isang Simpleng Istilo ng Pamumuhay

Nakahanda na ngayon ang mga tinapay, at pagkatapos isawsaw ito sa malaprutas na langis ng olibo, napakasarap kainin niyaon. Habang pinagmamasdan ko ang paligid, namangha ako sa pagiging simple ng buhay ng pagala-galang mga tao. Ang kanilang muwebles ay isa lamang kahoy na kaban at may ilang nilala na bag, alpombra, at mga kumot. Tuwang-tuwang ipinakita sa akin ng mga anak na babae ng aking punong-abala ang kanilang simpleng kagamitan na pangkalag ng buhol at pang-ikid ng lana. Subalit bukod pa riyan, may ilan silang ari-arian. Ipinaalaala nito sa akin ang matalinong sinabi ng makata at pastol na si David, na sandaling nanirahan sa mga tolda: “Ang isa ay nag-iimbak ng mga bagay at hindi niya alam kung sino ang kukuha ng mga iyon.”​—Awit 39:6.

Marami sa pagala-galang mga tao ay mga makata, at mahilig silang sumali sa mga paligsahan sa tula​—marahil ay nagkakaroon ng inspirasyon dahil sa kanilang kapaligiran. Napakahilig din nila sa mga kuwento at mga kawikaan. Sinipi ko naman mismo ang ilang kawikaan mula sa Banal na Kasulatan na punô ng sakdal na karunungan ng “Isa na nag-uunat ng langit na gaya ng manipis na gasa, na naglaladlad nito na parang isang toldang matatahanan.” (Isaias 40:22) Panahon na para magpaalam sa aking mga punong-abala. Pinasalamatan ko silang mabuti sa kanilang pagkamapagpatuloy at nag-isip-isip ako kung kailan uli ako makatutuloy sa isa sa napakagandang mga “otel na nalalambungan ng mabituing kalangitan.”

[Larawan sa pahina 26]

Mga tinapay na niluluto sa isang apuyan

[Picture Credit Line sa pahina 26]

Musée du Sahara à Douz, avec l’aimable autorisation de l’Agence de mise en valeur du patrimoine et de promotion culturelle de Tunisie; camels: ZEFA/ROBERTSTOCK.COM