Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Pilyong mga Unggoy
May palagay ang ilan na sa dakong huli ay maisusulat ng napakaraming unggoy na nagmamakinilya ang buong akda ni Shakespeare. Kaya binigyan ng mga mananaliksik sa Plymouth University sa Inglatera ang anim na unggoy ng isang computer sa loob ng isang buwan. “Hindi nakabuo ng kahit man lamang isang salita” ang mga unggoy, ang ulat ng The New York Times. Ang anim na unggoy sa Paignton Zoo sa timog-kanlurang Inglatera ay “nakapagmakinilya lamang ng limang pahina,” na pangunahin nang napuno ng napakaraming titik s. Sa katapusan ng dokumento, nakapagmakinilya ang mga unggoy ng ilang titik na j, a, l, at m. Ginamit din ng mga unggoy ang keyboard bilang kanilang palikuran.
Nanganganib na mga Paruparong Monarch
Noong Enero 13, 2002, isang bagyo ang humampas sa kabundukan ng Mexico kung saan nagpapalipas ng taglamig ang mga paruparong monarch sa mga puno ng pino at abeto. Bumaba ang temperatura, at ang magkasamang ulan at lamig ang naging dahilan ng pagkamatay ng tinatayang 500 milyong paruparo, na umabot sa isang metro ang mga bunton nito sa ilalim ng mga punungkahoy. “Noong isang araw na napakasungit ng panahon, namatay ang 70 hanggang 80 porsiyento ng lahat ng mga monarch na pabalik sana sa Silangang Estados Unidos noong tagsibol,” ang sabi ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Subalit may isa na namang nagbabantang panganib. Sa kabila ng pagtatayo ng gobyerno ng Mexico ng Monarch Butterfly Biosphere Reserve, ang tirahan ng paruparo ay sinisira ng ilegal na pagtotroso. Mga 44 na porsiyento ng reserbadong lugar ang apektado na. Bagaman nakatatagal ang matitibay na nilalang na ito sa 4,000-kilometrong pandarayuhan, panahon lamang ang makapagsasabi kung talagang mabubuhay sila sa unti-unting pagkawala ng mga lugar na pinagpapalipasan nila ng taglamig.
Nagpupunyaging mga Magsasaka
Ayon sa isang ulat, “ang green revolution na nagparami sa ani sa kalakhang bahagi ng daigdig ay umani ng kapalit: milyun-milyon sa pinakamahihirap na magsasaka sa daigdig na nasa Aprika ang lalong naghirap,” ang sabi ng magasing New Scientist. Paano nangyari iyon? Mula noong huling mga taon ng dekada ng 1950 patuloy, ang mga uri ng trigo at bigas na nagbibigay ng maraming ani ay sinimulang itanim upang maiwasan ang inaasahang taggutom na dulot ng pagdami ng populasyon sa daigdig. Ngunit, sumobra ang mga binutil na nagbibigay ng maraming ani anupat ito ang naging dahilan ng pagbagsak ng presyo. “Ang mga magsasaka na kayang bumili ng bagong mga uri ng binutil ay kumita sa mas mababang presyo at dumami pa ang ani, subalit nalugi ang mga hindi makabili ng uring ito,” ang sabi ng New Scientist. Isa pa, ang bagong mga uri ng binutil ay hindi nabubuhay sa lupa sa Aprika dahil ang mga binutil ay angkop lamang na itanim sa Asia at Latin Amerika.
Mag-ingat! Inaantok na mga Drayber
“Ang pagkapagod o pag-aantok ng nagmamaneho ay isang laganap at malubhang problema sa ating lipunan,” ang sabi ng isang pag-aaral na iniulat ng Medical Journal of Australia (MJA). Ayon sa mga mananaliksik, “nasumpungan sa mga pag-aaral na ang dahilan ng mahigit sa 20% ng mga aksidente sa daan ay ang pag-aantok ng nagmamaneho.” Sinabi ng ulat ng pag-aaral sa MJA: “Ang karaniwang aksidente na sanhi ng pagkakatulog habang nagmamaneho ay nauugnay sa drayber na nagmamanehong mag-isa at medyo mabilis sa gabi o sa bandang ala una at alas dos ng hapon na karaniwang mga oras ng pag-idlip. May kinalaman sa iba pang sanhi ng mga MVA [motor vehicle accident], ang mga aksidenteng sanhi ng pagkakatulog habang nagmamaneho ay mas karaniwan sa mga lalaking wala pang 30 anyos.” Ang mga taong nanganganib na makatulog habang nagmamaneho ay yaong nakararanas ng karaniwang sakit sa pagtulog na kilala bilang obstructive sleep apnea (OSA). Sinabi ng babasahin na ang OSA ay nararanasan ng “halos 25% ng kalalakihan na nasa katanghaliang gulang.” Maaaring hindi namamalayan ng mga taong may OSA na halos nakakatulog na sila kapag nagmamaneho.
Natutunaw na mga Glacier
Nang bumaba ang antas ng tubig sa mga imbakan sa Punjab sa India dahil sa naantalang pag-ulan dala ng habagat, ang tubig naman sa Bhakra Dam sa Ilog Sutlej ay halos dumoble na ang antas kung ihahambing sa nakaraang taon. Bakit? Ang pinakamalaking sanga ng Sutlej ay dumaraan sa isang lugar na may 89 na glacier, ang sabi ng magasing Down to Earth. “Lalong natutunaw ang mga glacier dahil sa pagkaantala ng ulan na dala ng habagat. Yamang walang ulap, mas matindi ang tama ng sikat ng araw sa mga glacier. Humahantong ito, pati na ang napakataas na temperatura, sa mabilis na pagkatunaw,” ang paliwanag ng espesyalista sa glacier na si Syed Iqbal Hasnain ng Jawaharlal Nehru University. Ipinapalagay ng mga eksperto na ang pagkatunaw ay maaaring humantong sa pag-apaw ng mga lawa ng glacier. Isa pa, mangangahulugan ito na mas uunti ang suplay ng tubig sa hinaharap kapag mas lumiit ang mga glacier, na lubhang makaaapekto sa produksiyon ng enerhiya at agrikultura.
Gustong Gumanda ang Hitsura
Sa estado ng Australia na New South Wales, “2850 bagong kaso ng kanser sa balat ang nasusuri taun-taon, at 340 katao ang namamatay dahil sa kanser sa balat,” ang ulat ng The Sydney Morning Herald. Isiniwalat ng isang pag-aaral ng Victorian Cancer Council na sa pagsisikap na gumanda ang hitsura, ang sangkapat ng populasyon sa Australia ay sadyang nagbibilad sa araw—isang 10-porsiyentong pagtaas sa loob ng tatlong taon. Ganito pa ang patuloy ng pahayagan: “Nakapangangamba, natuklasan ng mga mananaliksik na mahigit sa 60 porsiyento ng mga tin-edyer ang sadyang nagpapaitim, anupat sangkatlo ng mga tao ang nagsasabing mas nakapagpalusog sa kanila ang pagbibilad sa araw.” Tumaas nang 18 porsiyento noong nakaraang taon ang naibenta ng mga supermarket na pampaitim na mga losyon, samantalang hindi naging mabenta ang mga sunscreen. Sinabi ni Dr. Robin Marks ng Australasian College of Dermatology na naniniwala ang ilang tao na hindi naman mapanganib ang unti-unting pagpapaitim. Gayunman, “sinasabi ng mga eksperto sa kanser sa balat na isang napakalaking pagkakamali na isiping ligtas ang pagbibilad sa araw, kasali na ang kaunting pagpapaitim nang hindi naman sunog sa araw,” ang sabi ng pahayagan. Nagbabala si Dr. Marks: “Ang pagpapaitim ng balat ay tulad ng pagkakaroon ng kalyo—ipinakikita niyaon na may problema.”
Nanganganib ang Wikang Hapones
Dumaragsa ang pagkarami-raming banyagang salita sa Hapon, anupat nalilito tuloy lalo na ang mga may-edad nang Hapones sa kanilang katutubong wika, ang ulat ng The Japan Times. Ang banyagang mga termino, na karamihan ay mga salitang Ingles, ang bumubuo ngayon sa 10 porsiyento ng mga salitang nasa ilang diksyunaryo. “Nagiging mahirap unawain ang [wikang Hapones],” ang malungkot na sinabi ng isang 60-taóng-gulang na babae. “Kung minsan ay nadarama ko na para bang kailangan ko ang isang tagapagsalin para maintindihan ko ang aking sariling wika.” Sabik na ginagamit ng mga kabataan, pulitiko, ng mga taga-media, at mga taong nasa industriya ng isport, moda, at makabagong teknolohiya ang banyagang mga salita, na “pumupukaw ng damdamin na sila’y nasa uso at sopistikado.” Gayunman, ang bagong mga salitang ito ay naisusulat sa katakana, isang anyo ng pagsulat na pangunahing ginagamit para sa transliterasyon ng banyagang mga salita. Kaya naman, ang mga terminong ito ay “mananatiling ‘banyaga,’ na maaaring tumagal sa mahabang panahon,” ang sabi ng pahayagan. Ayon sa The New York Times, ang ilang Hapones ay “nagagalit dahil sa maaaring buuin ang mga pangungusap sa kontemporaryong wikang Hapones na ang pawang ginagamit ay mga salitang halaw sa wika ng Kanluran, maliban sa paminsan-minsang paggamit ng pandiwa o katagang Hapones.” Ang isa sa epekto nito sa lipunan ay ang lumalawak na problema sa komunikasyon sa ilang sambahayan.