Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pasyalan ang Pinakamalaking Pamilihan ng Isda sa Buong Daigdig

Pasyalan ang Pinakamalaking Pamilihan ng Isda sa Buong Daigdig

Pasyalan ang Pinakamalaking Pamilihan ng Isda sa Buong Daigdig

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON

NASISIYAHAN ka ba sa pagmamadalian sa pamilihan? Ang isang pamilihan na maaaring panabikan mo at tiyak na nakaaakit ng mga turista mula sa buong daigdig ay ang Tsukiji, ang pamilihan ng isda na mga ilang minuto lamang ang layo kung ito’y lalakarin mula sa sentro ng Tokyo. Ipinagmamalaki na ito raw ang pinakamalaking pamilihan ng isda sa buong daigdig.

Ang pinakamagandang oras na magpunta roon ay sa madaling-araw. Habang natutulog pa ang kalakhang bahagi ng Tokyo, unti-unting nabubuhay ang pamilihan. Naghahatid ang mga trak ng hanggang dalawang tonelada ng isda sa isang araw, at ang lahat ng ito ay kailangang maagang idiskarga dahil pagsapit ng alas 3:00 n.u., nagdadagsaan na ang mga mámimili. Nagmamadaling inaayos ng mga tindera at tindero ang kanilang mga kahon ng isda, at nilalagyan ang mga ito ng etiketang nagsasaad ng lot number, timbang ng isda, at ng lugar kung saan nahuli ang isda. Madaling makilala ang mga mámimili. Nakasuot sila ng mga gomang bota at mga gora na nagpapakita ng mga numero ng kanilang lisensiya. Di-tulad ng mga turistang mababagal kumilos, mabilis na nagpaparoo’t parito ang mga mámimili at sinusuri ang kalidad ng isda at nag-iisip kung magkano ang itatawad nila sa isda. Yaong may mga dala-dalang kalawit, flashlight, at tuwalya ay mga mámimili ng tuna. Kailangang-kailangan nila ang mga kagamitan upang masuri ang kalidad ng napakaraming tuna, at ang tuwalya ay ginagamit na pamunas ng kanilang mga kamay pagkatapos na hawakan ang mga isda.

Nagkakagulo na pagsapit ng alas 5:30 n.u. Maririnig sa lahat ng direksiyon ang pagkuliling ng mga kampanilya habang tinatawag ng mga tagasubasta ang mga mámimili upang simulan ang tawaran. Waring nagkalat ang mga tagasubasta. Sa totoo lang, may pitong nagbebenta nang pakyawan na nagsusubasta nang sabay-sabay, ngunit ang ilan naman ay may dalawa o higit pang tagasubasta na nagtitinda rin ng ibang produkto. May kani-kaniyang tono ng boses ang lahat ng tagasubasta habang isinisigaw nila ang mga lot number, at ang mga awtorisadong mámimili naman ay nakikipagtawaran at nakikipagkompetensiya sa isa’t isa na ginagamit ang kakaibang mga senyas ng kamay. Napakabilis ng tawaran anupat nalalaman ang presyo ng bawat bulto ng isda sa loob lamang ng ilang segundo. Ang ilang mámimili ay sabay na nakikipagtawaran sa dalawang tagasubasta. Isang mámimili lamang ang maaaring bumili sa bawat tindahan, kaya dapat na magmadali ang mga mámimili mula sa isang seksiyon tungo sa ibang seksiyon upang makuha ang isdang gusto nila. Marahil, yaong mga bumibili nang maramihan at napakaraming uri ng isda para itinda muli sa ilang tindahan ang pinakanagmamadali sa lahat.

Kapag napagpasiyahan na kung ano ang presyo, sabik nang maihatid ng mga mámimili ang mga isda sa destinasyon nito sa pinakamabilis na panahon. Ang mga kargador na gumagamit ng mga karetilya at maliliit na trak ay mabilis na bumabagtas sa makikitid na daan dala-dala ang mga isda. Kahit saan ay mapapansin ang pagsisiksikan, pagmamadali, at pagkakaingay. Sa tagamasid, waring nagkakagulo ang karamihan. Sa katunayan, kontrolado at organisado ito sa detalyadong paraan. Sa loob ng ilang oras, mahigit sa isang libong tonelada ng isda ang ibinibenta at inilalabas. Ang ilang isda ay dinadala sa maliliit na tindahang masusumpungan sa ibang bahagi ng pamilihan at saka itinitinda sa libu-libong sabik na mámimili sa mga oras ng umaga.

Gaya ng maguguniguni mo, napakalaki ng Pamilihan ng Tsukiji. Ang pitong malalaking kompanyang nagbebenta nang pakyawan na nagsasagawa ng mga subasta at ang mahigit sa isang libong maliliit na tindahan ay nakarehistro na magnegosyo rito. Sa buong taon, abala sila sa pagsisilbi sa di-kukulangin 40,000 kostumer na pumapasyal sa pamilihan araw-araw.

Sino ba ang mga kostumer? Kasama rito ang mga bumibili nang maramihan para sa malalaking otel, restawran, department store, at supermarket. Nariyan din ang mga may-ari ng maliliit na tindahan ng pagkain, katabing mga pamilihan ng isda, at siya nga pala, mga may-ari ng maliliit ngunit kumikitang mga tindahan ng sushi. Ang lahat ng kostumer na ito ay nakikipagkompetensiya sa isa’t isa para makakuha ng pinakamagagandang produkto. Tinataya na lahat-lahat, bumibili sila ng mga 600,000 tonelada ng pagkaing-dagat taun-taon, anupat gumagastos ng mahigit $5 bilyon.

Sa katunayan, hindi lamang isang pamilihan ng isda ang Tsukiji. Isa itong palengkeng nagbebenta nang pakyawan na nagtitinda rin ng mga prutas at gulay. Isa ito sa 11 sentral na pamilihang nagbebenta nang pakyawan sa Tokyo na tumatakbo sa ilalim ng pangangasiwa ng pamahalaang lunsod ng Tokyo. Ang kasaysayan ng mga palengkeng nagtitinda ng sariwang pagkain ay matutunton sa taóng 1603. Upang matiyak ang mas mainam na kalinisan at kalidad, noong 1877, pinangasiwaan ng pamahalaan ang mga pamilihang ito. Ang lindol sa Tokyo noong 1923 ang sumira sa mga pamilihan ng Tokyo, kung kaya nabuo ang Pamilihan ng Tsukiji, na nagsimulang tumakbo noong 1935.

Mula noon, lumaki nang husto ang pamilihan. Saang bahagi ng daigdig ka pa ba makakakita ng ganito kasagana at karaming uri ng isdang ipinagbibili? Tinataya na ang mga isdang gaya ng salmon, gindara, sea bream, mackerel, isdang lapad, at herring gayundin ang sea urchin, sea cucumber, at kabibi​—kasindami ng 450 uri mula sa buong daigdig​—​ang itinitinda rito. Ang ilang maliliit na tindahan sa pamilihan ay nagbebenta lamang ng iisang uri ng pagkaing-dagat, gaya ng pugita o hipon.

Gayunman, isang isda ang naghahari rito. Ito ay ang malaking tuna, na dinadala sakay ng eroplano mula sa malalayong lugar gaya ng Dagat Mediteraneo at Hilagang Amerika. Walang ibang isda ang maihahambing dito sa laki o presyo. Ang isang malaking tuna ay maaaring magkahalaga ng ilang libong dolyar. Daan-daang sariwa at iladong tuna ang ipinagbibili rito araw-araw. Hihiwain ng mga mámimili ang magagandang parte ng tuna para sa lokal na mga negosyante. Ang pilî at matatabang bahagi na tinatawag na toro, na nakukuha sa palibot ng mga tadyang, ay marahil gagawing masarap na pang-ibabaw sa sushi.

Hindi kataka-taka na masumpungan sa Hapon ang pinakamalaking pamilihan ng isda sa buong daigdig. Napalilibutan ng mga karagatan ang bansa, at matagal nang mahilig ang mga Hapones sa mga produkto ng dagat. Madalas na isda ang pangunahing putahe ng masarap na pagkain ng mga Hapones. Taun-taon, sa katamtaman, ang isang Hapones ay kumakain ng mga 70 kilo ng isda at pagkaing-dagat, at karamihan sa mga ito ay mula sa Pamilihan ng Tsukiji. Kaya kung mapadaan ka sa Tokyo, bakit hindi sumama sa dumaraming turista na pumapasyal sa pinakamalaking pamilihan ng isda sa buong daigdig?

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Fish artwork: From the book L’Art Pour Tous, Encyclopedie de l’Art Industriel et Decoratif, Vol. 31, 1861-1906

[Picture Credit Line sa pahina 17]

James L. Stanfield/NGS Image Collection

[Picture Credit Line sa pahina 17]

© Jeff Rotman/www.JeffRotman.com

[Picture Credit Line sa pahina 18]

Courtesy of Tokyo Metropolitan Central Wholesale Market