Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mga Pamantayang Moral Nagulat ako sa sinabi sa pambungad na parapo sa ikalawang artikulo ng seryeng “Ano Na ang Nangyari sa mga Pamantayang Moral?” (Hunyo 8, 2003) Sinabi nito: “Kabilang sa pinakamahahalagang regalo na maibibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak ay ang kanilang lubusang pag-ibig at isang kalipunan ng mga pamantayang moral na ipinakikita ng mga magulang.” Kapag kumilos ang mga bata at mga adulto na para bang nararapat sila sa pag-ibig ng isa’t isa, palaging bababa ang mga pamantayang moral.

K. B., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Ginamit ang pariralang “lubusang pag-ibig” upang ipakita na hindi dapat ipahiwatig ng mga magulang na ang pag-ibig nila sa kanilang mga anak ay madaling mawala o di-tiyak​—na maaaring mawala sa sandaling magkamali ang bata o na kailangang tama ang lahat ng ginagawa ng bata para ibigin siya ng kaniyang mga magulang.​—Efeso 6:4; Colosas 3:21.

Nasumpungan kong napakahusay ng pagkakasulat ng huling artikulo ng seryeng ito. Napakasimple, napakalohikal, at lubhang nakapagpapasigla ang materyal. Maganda ang larawan. Salamat sa gayong nakaaaliw na mga artikulo.

M. P., Estados Unidos

Tubig Salamat sa artikulong “Ang Mahalagang Likido sa Buhay​—Tubig.” (Hunyo 8, 2003) Sinipi ng artikulong ito ang isang espesyalista sa obesity (labis na katabaan) na nagpahiwatig na dapat uminom ang malulusog na tao ng walo hanggang sampung baso ng tubig araw-araw. Subalit kung ang isang tao ay may diperensiya sa puso o sa bato, pinapayuhan ng mga doktor ang mga pasyente na huwag masyadong uminom ng tubig.

T. A., Hapon

Sagot ng “Gumising!”: May tendensiyang magkaiba-iba ang mga mungkahi sa bagay na ito. Sinasabi ng ilang eksperto na sa ilang kaso, dapat limitahan ang tubig na iniinom. Matalinong konsultahin ang doktor ng isa para sa karagdagang payo.

Postpartum Depression Ako’y isang ina, at mayroon akong pinakamamahal na anak na batang babae na isang taóng gulang lamang. Ngayon ko pa lamang nadama ang kamay ni Jehova nang gayon kapersonal noong mabuksan ko ang Gumising! at mabasa ang artikulong “Pag-unawa sa Postpartum Depression.” (Hunyo 8, 2003) Kulang ang mga salita upang ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong ito. Lubha kong pinahahalagahan ang pagiging kabilang sa isang grupo na magiliw na nagmamalasakit sa bawat miyembro nito. Salamat, salamat!

M. G., Espanya

Crossword Puzzle Salamat sa Hunyo 8, 2003, Awake! Nasumpungan ko ang aking hinahanap-hanap​—ang crossword puzzle! Ako’y isa nang Saksi ni Jehova sa loob ng mga apat na taon, at sinagutan ko na ang halos lahat ng puzzle na inilathala sa panahong iyon. Ito’y isang napakagandang paraan upang maging pamilyar sa Kasulatan. Ipagpatuloy ninyo ang mahusay na gawain. Pinananabikan ko ang pagsagot sa higit pang mga puzzle ninyo sa hinaharap!

K. G., Estados Unidos

Sagot ng “Gumising!”: Sa ilang wika, ang maikling pagsusulit na “Alam Mo Ba?” ang inihahalili sa “crossword puzzle.”

Mga Pandamdam Salamat sa seryeng “Ang Kahanga-hangang mga Pandamdam sa Buhay​—Pinahahalagahan Mo ba ang mga Ito?” (Marso 8, 2003) Talagang tinutulungan tayo ng ating mga pandamdam na pahalagahan ang buhay at ang kapaligiran natin. Ang mga artikulong gaya nito ay nagpapatibay ng ating pag-ibig sa Diyos. Salamat sa paglalathala ng mga ito.

J. N., Burundi

Materyalismo Nais ko kayong pasalamatan sa artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Ano ang Materyalismo?” (Abril 8, 2003) Totoo na maraming tao sa ngayon ang lubhang nahuhumaling sa pagiging mayaman, at nakalulungkot, nakaaapekto rin ang problemang ito sa mga Kristiyano. Tinulungan ako ng artikulong ito na maunawaan kung ano ang materyalismo at kung paano ito maiiwasan. Gagawin ko ngayon ang lahat ng aking magagawa upang magtuon ng pansin sa espirituwal na mga bagay at hindi sa materyal na mga bagay. Maraming salamat sa paglalathala ng gayong nakapagtuturong artikulo!

Z. K., Russia