Pagkahumaling sa mga Kuwitis
Pagkahumaling sa mga Kuwitis
ITO man ay sa panahon ng mga pista o sa Palarong Olympic, naging kaakibat na ng pagdiriwang ang mga kuwitis. Ginagamit ang mga pagsabog ng liwanag upang gunitain ang Araw ng Kalayaan sa Estados Unidos, ipagdiwang ang Araw ng Bastille sa Pransiya, at paliwanagin ang kalangitan ng halos bawat malaking lunsod sa daigdig tuwing Bisperas ng Bagong Taon.
Kailan nga ba nagsimula ang pagkahumaling ng tao sa mga kuwitis? At anong pagkamalikhain ang nasasangkot sa paggawa ng kahanga-hangang mga palabas na ito?
Isang Tradisyon sa Silangan
Sumasang-ayon ang karamihan sa mga istoryador na inimbento ng mga Tsino ang mga kuwitis noong mga ikasampung siglo ng ating Karaniwang Panahon, nang matuklasan ng mga kimiko sa Silangan na kapag inihalo ang saltpeter (potassium nitrate) sa asupre at uling, mabubuo ang isang sumasabog na sangkap. Ang mga manggagalugad sa Kanluran, gaya ni Marco Polo, o posibleng mga mangangalakal na Arabe ang siyang nagdala ng madaling-sumabog na substansiyang ito sa Europa, at pagsapit ng ika-14 na siglo, ang kagila-gilalas na mga pagtatanghal ng kuwitis ay nagbigay ng kaluguran sa mga manonood na Europeo.
Ngunit ang sangkap na nagbigay ng magandang libangan na ito ang siya ring bumago sa kasaysayan ng Europa. Ginamit ng militar ang substansiya na nakilala bilang pulbura upang paputukin ang mga bala ng baril, pasabugin ang mga pader ng kastilyo, at pabagsakin ang pulitikal na mga kapangyarihan. “Noong Edad Medya sa Europa,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, “habang lumalaganap ang mga pampasabog ng militar, lumalaganap din ang mga kuwitis sa kanluran, at sa Europa, ang eksperto sa mga pampasabog ng militar ay hinilingang magdaos ng mga pagdiriwang ng tagumpay at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga kuwitis.”
Samantala, waring hindi pinansin ng mga Tsino ang pagiging mapaminsala ng pulbura. Noong ika-16 na siglo, si Matteo Ricci, isang Italyanong Jesuitang misyonero sa Tsina, ay sumulat: “Hindi eksperto ang mga Tsino sa paggamit ng mga baril at mga kanyon at bihira nilang gamitin ang mga ito sa digmaan. Subalit napakaraming saltpeter ang ginagamit sa paggawa ng mga kuwitis na ipinalalabas sa pampublikong mga palaro at mga araw ng pista. Tuwang-tuwa ang mga Tsino sa gayong mga eksibisyon . . . Ang kanilang kasanayan sa paggawa ng mga kuwitis ay talagang pambihira.”
Ang Sekreto ng mga Palabas na Kuwitis
Tiyak na kailangan ng sinaunang mga manggagawa ng kuwitis ang kasanayan at katapangan sa paggawa ng iba’t ibang ipinalalabas na mga kuwitis. Natuklasan nila na mabagal palang masunog ang malalaking butil ng pulbura, samantalang sumasabog naman ang pinong mga butil kapag sinindihan ito. Ginawa ang mga rocket sa pamamagitan ng pagsasara sa isang dulo ng kawayan o tubo na gawa sa papel at pagsisiksik ng malalaking butil ng pulbura sa ibabang bahagi nito. Kapag sinindihan ang pulbura, ang mabilis-kumalat na mga gas ay itinutulak palabas sa bukás na dulo ng tubo at inihahagis ang rocket sa himpapawid. (Ang saligang prinsipyong ito ay ginagamit ngayon upang ipadala ang mga astronot sa kalawakan.) Ang pinakadulo ng rocket ay sinisiksikan ng pinong pulbura upang sumabog ang rocket kapag malapit na itong makarating sa pinakatugatog ng paglipad nito, kung magiging maayos ang lahat.
Kaunti lamang ang ipinagbago ng teknolohiya ng mga kuwitis sa paglipas ng mga siglo. Subalit may mga pagsulong naman. Ang dating alam lamang ng mga taga-Silangan ay kung paano magpasabog ng mga puti o kulay-gintong kuwitis. Ang mga Italyano ang nagdagdag ng kulay. Noong pasimula ng ika-19 na siglo, natuklasan ng mga Italyano na kapag dinagdagan nila ng potassium
chlorate ang pulbura, ang mga metal sa halong ito ay nagiging gas kapag sinunog nang may sapat na init, na siyang nagbibigay ng kulay sa ibinubugang apoy. Sa ngayon, ang strontium carbonate ay idinaragdag upang makagawa ng pulang apoy. Ang maningning at puting apoy naman ay nagagawa sa pamamagitan ng titanium, aluminyo, at magnesyo; ang asul ay nagagawa ng mga sangkap ng tanso; ang berde ay naipalalabas ng mga barium nitrate; at ang dilaw ay sa pamamagitan ng isang halo na may sodium oxalate.Nakaragdag sa pagsulong ng mga palabas na kuwitis ang mga computer. Sa halip na sindihan ang mga kuwitis nang manu-mano, maaaring may-katumpakang orasan ng mga teknisyan ang kanilang mga palabas sa pamamagitan ng pagpoprograma sa mga computer anupat de-kuryente ang pagsisindi ng mga kuwitis upang sumabog ang mga ito sa tiyempo ng musikang itinutugtog sa madla.
Relihiyosong Kaugnayan
Gaya ng napansin ng Jesuitang misyonero na si Ricci, malaki ang bahagi ng mga kuwitis sa relihiyosong mga pagdiriwang ng mga Tsino. Ipinaliwanag ng magasing Popular Mechanics na ang mga kuwitis ay “inimbento ng mga Tsino upang itaboy ang mga demonyo sa Bagong Taon at sa iba pang seremonyal na mga okasyon.” Sa kaniyang aklat na Days and Customs of All Faiths, sinabi ni Howard V. Harper: “Mula pa sa sinaunang panahon ng mga pagano, ang mga tao ay nagdadala na ng mga sulo at gumagawa ng mga sigâ sa kanilang malalaking relihiyosong okasyon. Hindi nga kataka-takang idagdag sa mga kapistahan ang kahanga-hanga, makukulay at kusang gumagalaw na liwanag ng mga kuwitis.”
Di-nagtagal matapos tanggapin ng mga naturingang Kristiyano ang mga kuwitis, ang mga manggagawa ng kuwitis ay binigyan ng santong patron. Ganito ang sinabi ng The Columbia Encyclopedia: “Sinasabing ang ama [ni Sta. Barbara] ang nagkulong sa kaniya sa isang tore at pagkatapos ay ipinapatay siya dahil sa pagiging isang Kristiyano. Tinamaan ng kidlat ang ama, at dahil namatay siya sa ganitong paraan, si Sta. Barbara ang naging patrona ng mga gumagawa at gumagamit ng mga armas at kuwitis.”
Hindi Iniintindi ang Gastusin
Ito man ay para sa relihiyoso o sekular na mga pagdiriwang, waring walang katapusan ang paghahangad ng publiko na magkaroon ng mas malalaki at mas magagandang palabas na kuwitis. Bilang paglalarawan sa isa sa mga palabas na kuwitis ng mga Tsino noong ika-16 na siglo, sumulat si Ricci: “Noong ako’y nasa Nankin, nasaksihan ko ang isang palabas na kuwitis upang ipagdiwang ang unang buwan ng taon, na siyang pinakamalaking kapistahan nila, at sa okasyong ito, tinataya ko na umubos sila ng sapat na pulburang magagamit sa isang malaki-laking digmaan na tatagal sa loob ng ilang taon.” Ganito naman ang sinabi niya hinggil sa gastusin ng ganitong palabas: “Waring hindi nila iniintindi ang gastusin pagdating sa mga kuwitis.”
Kakaunti ang ipinagbago sa lumipas na mga siglo. Noong taóng 2000, sa isa lamang pagdiriwang na isinagawa sa Sydney Harbour Bridge, 20 tonelada ng kuwitis ang pinasabog para libangin ang isang milyon o higit pang manonood na nagtipon sa mga daungan ng baybayin. Sa taon ding iyon, sa Estados Unidos, $625 milyon ang ginastos sa halos 70 milyong kilo ng kuwitis. Tiyak na maraming kultura ang patuloy na nahuhumaling sa mga kuwitis, at masasabi pa rin: “Waring hindi nila iniintindi ang gastusin pagdating sa mga kuwitis.”
[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]