Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos”

“Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos”

“Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos”

Ang pahayagang Excelsior ng Mexico City noong Setyembre 25, 2002, ay naglathala ng isang editoryal na ang pamagat ay ang nasa itaas. Isinulat iyon ni Carlo Coccioli, isang kilalang iskolar at manunulat sa Mexico. Ganito ang pambukas na pananalita ng kaniyang artikulo.

“Kababasa ko pa lang​—o ang ibig kong sabihin ay katatapos ko pa lang basahing muli o, mas tamang sabihin na paulit-ulit kong binasa​—​ang isang pambihirang maliit na pulang aklat​—​hindi iyong napakabantog na aklat noong kapanahunan ni Mao Tse-tung. Ito [Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos *] ay hindi basta isang pambihirang aklat kundi, di-tulad ng ‘Little Red Book’ ni Mao Tse-tung na lipás na, baka hindi na ito mawala sa sirkulasyon. Sa simpleng pananalita, ang aklat na ito ay isang regalo ng mga Saksi ni Jehova sa daigdig. Kung ihahambing sa karamihan ng mga aklat, maliit nga ito, pero di-mapapantayan ang kahalagahan nito. Puwede itong ilagay sa bulsa, subalit kung makakasama ito ng 90,000 iba’t ibang aklat sa isang aklatan, malamang na ito ang pinakamahalaga sa lahat ng aklat.”

Pagkatapos ay ikinuwento ni Ginoong Coccioli ang tungkol sa kaniyang kabataan nang magdesisyon siya kung anong karera ang kukunin niya. “Ang pinili kong kurso sa unibersidad na doo’y magpapakadalubhasa ako,” ang paliwanag niya, “ay yaong lubos na makapupukaw ng aking kaisipan at interes: mga relihiyon, lalo na ang mga relihiyon sa Silangan.” Sinabi niya na naakit siyang pag-aralan ang mga relihiyon at noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, natamo niya ang doctorate degree sa mga asignaturang may kaugnayan sa relihiyon.

“Kaya,” ang paliwanag niya, “talagang may karapatan akong sabihin na ang maliit na pulang aklat na natanggap ko ay isang kahanga-hangang akda na tumatalakay sa napakalalim at napakalawak na paksa tungkol sa kamangha-manghang mga bagay ng relihiyon. . . . Ang lahat ng tahanan ay dapat magkaroon [ng aklat na ito] para kanilang buklatin, basahin, at paulit-ulit na basahin sa pana-panahon. Hindi ito nagtataguyod ng anupamang uri ng relihiyon kundi, sa halip, isa itong malalim na pangkulturang akda ng tao, na nakahilig sa pagsusuri ng masalimuot na kahiwagaan tungkol sa Diyos.”

Sa pagtatapos ng kaniyang artikulo, ibinigay ni Ginoong Coccioli ang numero ng telepono ng Saksing nagbigay sa kaniya ng aklat. Mula noon, maraming tawag sa telepono ang tinanggap ng Saksi na humihiling ng aklat, kaya tiniyak ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mexico na ang lahat ng nagpakita ng interes sa Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos ay nakatanggap ng isang kopya. Isang tao na humiling ng 20 aklat para sa kaniyang pamilya at mga kaibigan ang sumusulong na ngayong mabuti sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya.

[Talababa]

^ par. 3 Ang karamihan sa kalilimbag na mga aklat na ito ay may malambot na pabalat at hindi pula ang pabalat.