Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Anong Masama sa Telephone Sex?
“ANG phone sex,” ayon sa isang kilalang magasin sa Amerika, “ang humalili sa mga liham ng pag-ibig bilang ang nagugustuhang paraan para sa romantikong pag-uusap ng mga magkasintahan na magkalayo.”
Ano ba ang phone sex? Ito ay lantarang pakikipag-usap o pakikinig hinggil sa erotikong mga bagay sa telepono. * Kadalasan, ang mga gumagawa nito ay nagsasagawa ng masturbasyon para mabigyang-kasiyahan ang kanilang seksuwal na pagnanasa. Nagaganap man ang malaswang pag-uusap sa pagitan ng nagliligawang lalaki’t babae o dalawang di-magkakilala, nakababahala ang pagiging popular ng phone sex. Sa katunayan, hayagan pa nga itong tinatangkilik ng ilan.
“Iyon ang pinakaligtas na pakikipagtalik na magagawa mo,” ang sabi ng isang babae. Maliwanag na may ilan na sumasang-ayon sa kaniya. Halimbawa, noong Oktubre 2000, bilang pagtugon sa dumaraming impeksiyon sa HIV, isang grupo ng Rusong mga dalubhasa sa kalusugan ang nag-anunsiyo sa diyaryo para itaguyod ang telephone sex.
Ngunit itinataguyod naman ng ibang tao ang telephone sex para pagkakitaan ito. Ang mga serbisyo sa phone sex—kung saan nagbabayad ang mga tao para makapakinig ng malalaswang bagay—ay naging bilyong-dolyar na negosyo sa Estados Unidos.
Bakit nga ba naging napakapopular ng gawaing ito? Ganito ang sabi ng aklat na The Fantasy Factory: “Ang matalik na ugnayan sa pisikal at emosyonal na paraan ay mapanganib. Nariyan ang mga panganib sa pisikal gaya ng sakit na naililipat sa pagtatalik, pagkasira ng personal na buhay/propesyon dahil sa pagkahantad, pagkatakot na tuligsain at mga kahihinatnan ng ‘abnormal’ na pagnanasa. Binabawasan ng phone sex ang mga panganib.”
Sabihin pa, hindi naman aktuwal na nakikipagtalik ang isa sa ibang tao sa phone sex. Pero ibig bang sabihin nito na walang masama rito o wala nang mga panganib ito?
Talaga Bang Hindi Nakapipinsala ang Telephone Sex?
Ang seksuwal na pagnanasa ay lalo nang napakalakas kapag nasa kabataan. Tinatawag ng Bibliya ang panahong ito kapag nasa karurukan ang seksuwal na mga pagnanasa bilang “kasibulan ng kabataan.” (1 Corinto 7:36) Sa delikadong panahong ito sa buhay, dapat malaman ng isang kabataang Kristiyano “kung paano susupilin ang kaniyang sariling sisidlan sa pagpapabanal at karangalan.” (1 Tesalonica 4:4) Samakatuwid, dapat mong malaman kung paano haharapin at susupilin ang iyong seksuwal na damdamin. Napakahalaga nito sa pagkakaroon ng mabuti at timbang na pangmalas sa sekso.
Gayunman, itinuturo ng telephone sex sa isa na magpakasasa sa simbuyo ng sekso sa halip na supilin ito. Bukod pa riyan, itinataguyod nito ang kasuklam-suklam at pilipit na pangmalas sa di-kasekso. Itinuturo ng Bibliya na ang matalik na ugnayan sa sekso ay dapat tamasahin ng mag-asawa lamang. (Hebreo 13:4) Subalit hinihikayat ng phone sex ang mga kabataan na maranasan ang seksuwal na kaluguran kahit hindi sila kasal. Itinuturo ng Bibliya na ang tunay na kaligayahan ay nagmumula sa pagbibigay—hindi sa pagtanggap. (Gawa 20:35) Subalit itinuturo naman ng phone sex sa isa na gamitin ang iba para mabigyang-kaluguran ang kaniyang sakim na pagnanasa. Itinuturo ng Bibliya sa mga mag-asawa na linangin ang tunay at matalik na ugnayan sa pamamagitan ng pag-ibig at pagtitiwala sa isa’t isa. (Efeso 5:22, 33) Ngunit itinataguyod ng telephone sex ang pagiging manhid sa damdamin at paglilihim.
Isang Nakapipinsalang Pagkasugapa
Ang sinaunang Corinto ay kilala sa pagiging isang lunsod ng imoral na mga ugali. Kaya naman may mabuting dahilan si apostol Pablo na sumulat sa mga Kristiyano roon: “Natatakot ako na sa paanuman, kung paanong dinaya ng serpiyente si Eva sa pamamagitan ng katusuhan nito, ang inyong mga pag-iisip ay mapasamâ nang palayo sa kataimtiman at sa kalinisan na nauukol sa Kristo.” (2 Corinto 11:3) Ang telephone sex ay isa sa mga paraang ginagamit ni Satanas na Diyablo para pasamain ang mga kabataan sa ngayon.
Para sa ilang kabataan, ang pagtawag sa mga linya ng telephone sex ay nagiging isang di-masupil na pagkasugapa. Ipinakita ng isang kabataang lalaki na tatawagin natin sa pangalang Jim kung paano maaaring maging “sugapa” ang ilan. Nakita ni Jim ang isang numero para sa telephone sex sa isang paskilan. Isinaulo niya ang numero ng telepono at pagkatapos ay tinawagan niya ito para mag-usisa. Naging madalas ang pagtawag niya rito. Hindi nagtagal, umabot ng $600 ang bayarin niya sa telepono!
Ang pagpukaw sa seksuwal na mga pagnanasa kapag wala ka pang asawa ay salungat sa payo ng Salita ng Diyos. Ganito ang paghimok nito: “Patayin ninyo, kung gayon, ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa may kinalaman sa pakikiapid, karumihan, pita sa sekso.”—Colosas 3:5.
Ang mga Panganib sa Pagliligawan
Kumusta naman ang mga kabataang adulto na nagkasundo nang magpakasal? Sabihin pa, natural lamang para sa mga nagmamahalan na ipahayag ang kanilang damdamin sa isa’t isa. Noong panahon ng Bibliya, isang kabataang babae na may takot sa Diyos ang nagsabi hinggil sa kaniyang nobyo: “Ako ay sa mahal ko, at ako ang kaniyang hinahangad.” (Awit ni Solomon 7:10) Habang papalapit ang araw ng kasal, tama at angkop lamang na pag-usapan ng magkatipan ang maseselan na bagay. Gayunman, ang phone sex ba ay isang ligtas na paraan para ipahayag ang romantikong damdamin?
Hindi. Maging ang magkasintahan na nagkasundo nang magpakasal ay kailangang sumunod sa payo ni apostol Pablo: “Ang pakikiapid at bawat uri ng karumihan o kasakiman ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo, gaya ng angkop sa mga taong banal; ni ang kahiya-hiyang paggawi ni ang mangmang na usapan ni ang malaswang pagbibiro, mga bagay na hindi nararapat, kundi sa halip ay ang pagpapasalamat. Sapagkat alam ninyo ito, natatalos ninyo mismo, na walang sinumang mapakiapid o taong marumi o taong sakim—na nangangahulugan ng pagiging isang mananamba sa idolo—ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.”—Efeso 5:3-5; Colosas 3:8.
Ang pag-uusap na pumupukaw ng imoral na mga kaisipan o nagbubuyo sa masturbasyon ay maliwanag na masama sa paningin ni Jehova. At maaaring humantong ito sa mas
malubhang paglabag sa makadiyos na mga simulain. Halimbawa, isang magkasintahan na nasa magkalayong lugar ang nagliligawan. Noong una, ang kanilang madalas na pagtatawagan sa telepono ang naging paraan nila para makilala ang isa’t isa. Gayunman, hindi nagtagal, sinimulan nilang pag-usapan ang imoral na mga paksa. Lalong naging mahalay ang kanilang pag-uusap. Kaya hindi nakapagtatakang madali silang nakagawa ng mahalay na paggawi nang ipahintulot ng mga pagkakataon na magkasarilinan sila.Yamang ibig nating paluguran ang Diyos, tiyak na gagawin natin ang ating buong makakaya para maiwasan ang bitag ng telephone sex. Paano natin ito magagawa nang matagumpay?
‘Bugbugin ang Iyong Katawan’
Maaaring makasugapa ang telephone sex. Kailangan nating ‘bugbugin ang ating katawan at gawin itong alipin’ upang makamit ang pagsang-ayon ni Jehova. (1 Corinto 9:27) Kung kasalukuyan kang nakikipag-telephone sex, bakit hindi humingi ng tulong? Matutulungan ka kung sasabihin mo ito sa iyong Kristiyanong mga magulang. Totoo, malamang na magalit sila sa iyo. Pero maaaring sila ang nasa pinakamabuting kalagayan para subaybayan ang iyong paggawi upang hindi ka muling magkasala. Ang mga elder sa inyong lokal na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay nakahanda rin at makatutulong.
Kung ikaw ay nakikipagligawan, maging determinado na manatiling malinis, maging sa pakikipag-usap sa telepono. Ganito ang sinabi ng isang babaing Kristiyano na nakipagkasundong magpakasal na nagngangalang Leticia: “Magkasama naming binabasa ng aking nobyo ang mga artikulong salig sa Bibliya hinggil sa pananatiling malinis. Ipinagpapasalamat namin ang paraan ng pagtulong sa amin ng mga ito para mapanatili ang isang malinis na budhi.” Magkaroon ng lakas ng loob na baguhin ang paksa kung nagiging mahalay na ang inyong usapan. Pag-usapan ninyong dalawa ang tungkol sa pangangailangang mapanatiling malinis ang inyong pag-uusap.
Sa ilang lupain, ang mga anunsiyo para sa telephone sex ay ipinapalabas sa telebisyon kapag gabing-gabi na. Marahil ang pinakamabuti mong gawin ay basta iwasang manood ng TV kapag gabing-gabi na. Yamang pupukawin din ng masturbasyon ang imoral na mga kaisipan, sa halip na patayin ito, mahalagang iwasan mo ang masamang gawaing ito. * Matagumpay mong maaalis ang masasamang kaisipan sa pamamagitan ng pag-iisip sa matuwid na mga bagay. (Filipos 4:8) Makisama ka sa mga kaibigan na may kaayaayang pananalita, at magbasa ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong Kristiyano araw-araw para mapatibay ang iyong paninindigan. Sa ganitong paraan, hindi mo pinahihintulutang maglaro at makasira sa iyong isipan ang imoral na mga imahinasyon. Higit sa lahat, humingi ng tulong sa Diyos sa panalangin. Si apostol Pedro ay sumulat: ‘Ihagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa iyo.’—1 Pedro 5:6, 7.
“Napakalakas ng panggigipit sa mga kabataan na gumawa ng imoral na pakikipagtalik,” ang sabi ng isang kabataang Kristiyanong babae sa Brazil. Gayunman, alam ni Jehova ang mga hamon na iyong kinakaharap. Makatitiyak ka na ibibigay niya ang lahat ng tulong na kailangan mo upang manatili kang malinis sa kaniyang paningin.—Efeso 6:14-18.
[Mga talababa]
^ par. 4 Kasali sa nakakatulad na imoral na ugali, na tinatawag kung minsan bilang cybersex, ang erotikong pakikipag-usap sa mga chat room sa Internet.
^ par. 24 Para sa mga mungkahi kung paano mapagtatagumpayan ang masturbasyon, tingnan ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, pahina 198-211, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 20, 21]
Nagiging popular ang “telephone sex” at “cybersex”
[Larawan sa pahina 20, 21]
Dapat ingatan ng magkasintahan na ang kanilang pag-uusap ay hindi mauwi sa kahalayan
[Larawan sa pahina 22]
Ang pagbabasa ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyong Kristiyano ay makapagpapatibay sa iyong paninindigan na manatiling malinis