Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Alagang Hayop—Panatilihin ang Isang Timbang na Pangmalas sa mga Ito

Mga Alagang Hayop—Panatilihin ang Isang Timbang na Pangmalas sa mga Ito

Mga Alagang Hayop​—Panatilihin ang Isang Timbang na Pangmalas sa mga Ito

GAYA ng nabanggit sa naunang artikulo, inutusan ang tao na pangalagaan ang lupa at ang lahat ng hayop dito. Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay ay inilagay [ng Diyos] sa ilalim ng kaniyang mga paa: mga tupa at kambing at mga barakong baka, ang lahat ng mga ito, at gayundin ang mga hayop sa malawak na parang, ang mga ibon sa langit at ang isda sa dagat.”​—Awit 8:6-8; 115:16.

Mahalaga kung paano tinutupad ng mga tao ang kanilang pananagutan sa mga hayop. Ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Pinangangalagaan ng matuwid ang kaluluwa ng kaniyang alagang hayop.” (Kawikaan 12:10) Sa katunayan, paulit-ulit na idiniriin ng mga kautusan ng Diyos sa Israel ang pangangailangan na magpakita ng konsiderasyon sa mga hayop. (Deuteronomio 22:4, 10; 25:4) Sa pagtupad sa kanilang pananagutan, kadalasan nang ginagawang mga alagang hayop ang maaamong hayop, at pinaaamo nila maging ang maiilap na hayop at inaalagaan din ang mga ito.​—Genesis 1:24.

Subalit makabubuting tandaan na idiniriin ng Bibliya ang pagkakaiba ng mga tao sa mga hayop. Ang mga tao, hindi mga hayop, ang ginawa ayon ‘sa larawan at wangis ng Diyos.’ (Genesis 1:26) At samantalang nilalang ang mga hayop na may limitadong haba ng buhay, ang mga tao ay may pag-asa na mabuhay sa lupa magpakailanman. (Genesis 3:22, 23; Awit 37:29) Sinabi ni Jesu-Kristo na upang tamasahin ang “buhay na walang hanggan,” dapat tayong manampalataya at kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos​—mga bagay na hindi kayang gawin ng mga hayop. (Juan 3:36; 17:3) Karagdagan pa, inihahambing ng Bibliya ang mga di-nararapat sa pagkabuhay-muli sa “walang-katuwirang mga hayop na likas na ipinanganak upang hulihin at puksain.”​—2 Pedro 2:9-12.

Inilaan Para sa Kapakinabangan ng Tao

Nilalang ng Diyos ang mga hayop para sa mga tao. Ang mga hayop ay makatutulong sa mga tao sa kanilang trabaho at mapapakinabangan bilang kanilang mga kasama o mga alagang hayop. Dinadakila rin ng mga ito ang pag-ibig at karunungan ng Diyos. Tiyak na nakalulugod pagmasdan ang kagandahan ng mga hayop at matuto nang higit tungkol sa Maylalang mula sa pag-aaral ng kamangha-manghang likas na karunungan ng mga ito. (Awit 104:24; Kawikaan 30:24-28; Roma 1:20) Maraming halimbawa ng karunungang ito ang makikita sa daigdig ng mga insekto. Tunay na kamangha-mangha ang paraan ng mga bubuyog sa kanilang pakikipagtalastasan sa isa’t isa at sa pagtunton sa mga lugar na mapagkukunan ng pagkain​—idagdag pa rito ang paraan nila ng paggawa ng kanilang masasalimuot na bahay-pukyutan.

Maaari ring maging pagkain ng tao ang mga hayop. Noong una, mga pananim lamang ang inilaan ng Diyos bilang pagkain ng tao. Pero pagkalipas ng mahigit na 1,600 taon​—pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe​—sinabi ng Diyos: “Bawat gumagalang hayop na buháy ay magiging pagkain para sa inyo. Gaya ng luntiang pananim, ibinibigay kong lahat iyon sa inyo.” (Genesis 1:29; 9:3) Kaya pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na kumain ng mga hayop. Maliwanag, ang pagpapahintulot na ito ay para sa kapakinabangan ng tao, bagaman noong una ay hindi isinama ng Diyos ang karne sa pagkain ng tao.

Mga Problema sa mga Alagang Hayop sa Ngayon

Waring sa buong kasaysayan, bihirang alagaan ang mga hayop sa tahanan, at ganito pa rin ang kalagayan sa kalakhang bahagi ng daigdig. Subalit nitong kamakailan, habang lumilipat ang mga tao sa mga lunsod at nagiging mas mariwasa ang buhay, nagiging pangkaraniwan na ang pag-aalaga ng mga hayop sa bahay. Lumikha ito ng ilang problema sa papaunlad na mga bansa.

Sa tinatayang 500 milyong alagang hayop sa buong daigdig, nakagugulat na mga 40 porsiyento nito ang masusumpungan sa Estados Unidos. May mga 59 na milyong alagang aso at 75 milyong alagang pusa roon. Subalit mas maraming alagang hayop ang bawat sambahayan sa London at Paris kaysa sa mga sambahayan sa New York City!

Sa Paris, ilang taon na ang nakalipas, mga 70 motor scooter na tinatawag na caninettes ang inarkila upang linisin ang dumi ng aso sa mga bangketa. Tinatayang mga 250,000 aso sa Paris ang naglalabas ng 25 tonelada ng dumi araw-araw at wala pa sa kalahati nito ang nalinis ng caninettes. Taun-taon, daan-daang tao ang iniuulat na nasasaktan at naoospital dahil nadulas sila sa dumi ng aso.

Pagkatapos ay nariyan ang problema sa ingay. Kinukunsinti ng ilang may-ari ng aso ang paggawi ng kanilang alagang hayop na hindi nila kailanman papayagan sa mga tao. Ayon sa The Pet Care Forum, “ang mga may-ari ng mga asong di-makontrol ang pagtahol ay waring nakakayanan nang bale-walain ang ingay.” Halimbawa, walang ginagawa ang iba para pahintuin ang kanilang aso sa pagtahol, kahit hindi na magkarinigan ang mga tao sa isang mahalagang pag-uusap.

Sa kabilang dako naman, ang isang aso ay maaaring tahimik kapag kasama ang may-ari nito ngunit nakayayamot naman sa mga kapitbahay kapag wala ang may-ari. Totoo, maaaring mahal pa rin ng mga may-ari ng alagang hayop ang kanilang mga alaga sa kabila ng gayong mga kapintasan, ngunit baka hindi iyon mapagtiisan ng isang kapitbahay na nagtatrabaho sa gabi o ng isang ina sa katabing pinto na nagpapatulog ng kaniyang sanggol. Karagdagan pa, ang nababagot na mga hayop ay maaaring magkaroon ng mapaminsalang mga pagkilos, anupat maging maligalig at agresibo pa nga.

Ang bilis ng pagdami ng mga alagang hayop ay isang problemang nakikita lalo na sa mga lunsod. Tinataya na mga 17 milyong aso at 30 milyong pusa ang isinisilang sa Estados Unidos taun-taon. Milyun-milyon sa mga ito ang napupunta sa mga animal shelter (lugar para sa mga hayop na walang nagmamay-ari), kung saan sa bansang iyon lamang, tinatayang apat na milyon hanggang anim na milyong hayop ang pinapatay taun-taon.

Bakit napakaraming hayop ang dinadala sa mga shelter? Kadalasan nang dahil sa madaling pagsawaan ang isang alagang hayop. Ang isang kaibig-ibig na tuta o isang nakatutuwang maliit na kuting ay nagiging malaking hayop na nangangailangan ng pangangalaga. Pero walang sinuman sa sambahayan ang may panahon o pagtitiis na makipaglaro o magsanay sa alagang hayop. Ganito ang sinabi ng awtor at eksperto sa hayop na si Dr. Jonica Newby: “Kabaligtaran sa inaakala ng marami, patuloy na ipinakikita ng mga pagsusuri sa buong daigdig na kalahati sa mga asong ibinibigay sa mga animal welfare shelter ay hindi pinabayaan, kundi dinala roon dahil ang pagtahol, pamiminsala, o lakas ng mga ito ay hindi na kayang kontrolin ng kanilang mga amo.”

Isang web site hinggil sa labis na populasyon ng mga alagang hayop ang bumubuod sa situwasyon sa ganitong paraan: “Ang mga buháy na nilalang ay nagiging mga bagay na itinatapon, na niyayakap kapag nakatutuwa at pinababayaan kapag mahirap na itong alagaan. Ang gayong kawalan ng pagmamalasakit sa buhay ng mga hayop ay lumalaganap at nakasisira sa ating kultura.”

Mahahalagang Salik na Kailangang Pag-isipan

Lalo nang kailangang pag-isipang mabuti ng isang taga-lunsod ang pag-aalaga ng hayop. Ang mga aktibong alagang hayop ay nangangailangan ng araw-araw na pisikal na ehersisyo para manatili silang malusog. Ganito ang sinabi ng “National People and Pets Survey” sa Australia: “Ang paglalakad at pag-eehersisyo ay kapuwa isang pisikal na pangangailangan at mental na pampasigla sa aso. Nagiging mahirap kontrolin ang mga aso na kulang sa ehersisyo.” Subalit, maraming amo ang pagod na pagod na pagkatapos ng maghapong pagtatrabaho para paglakarin pa ang kanilang aso upang ilabas ang naipong lakas nito.

Kaya makabubuting itanong ng mga nag-iisip na mag-alaga ng hayop ang mga bagay na ito: ‘Mabibigyan ko ba ng sapat na atensiyon ang aking alagang hayop? Mapapabayaan bang mag-isa sa buong maghapon ang aking alagang hayop dahil sa istilo ng pamumuhay ko? Magkakaroon ba ako ng panahon upang paglakarin ang aking alagang hayop o makipaglaro kasama nito? Kung kailangan ng aking aso ang pagsasanay, handa ko bang ilaan ang pagsasanay na iyon o dalhin ito sa isang institusyong nagsasanay ng mga hayop? Ang pagkakaroon ba ng alagang hayop ay makakakuha ng panahon mula sa mas mahahalagang gawain?’

Ang isa pang salik na dapat pag-isipan ay na magastos ang pag-aalaga ng hayop. Nasumpungan sa isang surbey sa mga nagmamay-ari ng alagang hayop na ang katamtamang gastusin taun-taon sa pagpapagamot ng aso sa Estados Unidos ay $196, at $104 naman para sa pusa. Siyempre, hindi pa kasama riyan ang kinakailangang pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan. Karagdagan pa, may mga bayarin sa pagpaparehistro ng mga alagang hayop sa ilang komunidad.

Isang Hamon ang Pagkakaroon ng Timbang na Pangmalas

Tiyak na nalulugod ang ating Maylalang kapag nasisiyahan tayo sa kaniyang mga nilalang na hayop at nagpapakita ng maibiging konsiderasyon sa mga ito. Samakatuwid, hindi ka ba sasang-ayon na hindi tama na pagmalupitan ang mga hayop? Gayunman, bilang libangan, karaniwan nang pinahihintulutan ng mga tao ang mga hayop, kagaya ng mga toro, aso, at manok, na pagmalupitan, abusuhin at patayin sa mga labanan. Nakalulungkot, hindi palaging tinatrato ng mga tao ang mga hayop nang may pagkamahabagin na gaya ng nilayon ng Diyos.

Sa kabilang dako naman, ang pagmamalasakit ng ilang tao para sa mga alagang hayop ay nauuna sa mas mahahalagang bagay. Sa katunayan, kapag hindi nasupil ng pagkamakatuwiran ang pagmamahal sa mga hayop, ang buhay ng mga alagang hayop ay maaaring maging mas mahalaga pa sa buhay ng mga tao. Halimbawa, nang magkasunog sa isang ospital ng mga hayop, at ang mga may-ari ng alagang hayop ay natipon sa labas ng ospital, iniulat na ang ilan ay “nagpumilit na makalusot sa harang ng mga bombero, anupat umiiyak dahil gusto nilang mamatay kasama ng kanilang mga alagang hayop.”

Siyempre pa, talagang nakalulungkot, kalunus-lunos pa nga, na makitang mamatay ang isang minamahal na alagang hayop. Pero kahit sa gayong kalagayan, dapat na maging timbang. Gaya ng nabanggit kanina, ang mga hayop ay hindi nilalang sa larawan ng Diyos, ni nilayon man silang mabuhay magpakailanman kagaya ng mga tao. Ganito ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa kung paano ginawa ng Diyos ang mga tao: “Maging ang kawalang-hanggan ay inilagay niya sa kanilang isip.” Subalit walang ganiyang sinabi tungkol sa mga hayop.​—Eclesiastes 3:11, Byington.

Kaya hindi sinasabi ng Bibliya na mali ang pumatay ng mga hayop​—sa katunayan, ang mga ito ang karaniwang pinagkukunan ng pagkain ng milyun-milyon. Pero kumusta naman ang pagpatay sa isang alagang hayop​—halimbawa, yaong may sakit o nagdurusa? Napakahirap at napakasakit na desisyon iyan! Gayunman, maaaring maghinuha ang isang nagmamahal sa alagang hayop na ang paggawa nito sa mabilis at di-masakit na paraan ay mas mabuti kaysa sa gastusan nang napakamahal ang pagpapagamot sa kaniyang matapat na alaga na magpapahaba lamang sa pagdurusa nito​—at maaari pa ngang maging pabigat sa pananalapi ng pamilya.

Iniibig ng Diyos ang kaniyang mga nilalang na tao; kaya, hindi ba dapat na magpakita rin naman tayo ng konsiderasyon at pagmamahal sa mga hayop na ipinagkatiwala niya sa atin upang pangalagaan at pangasiwaan? Yaong nagtataglay ng gayong pag-ibig ay madalas na naaakit sa kamangha-manghang pag-asa na masiyahan sa mga hayop gaya ng unang nilayon ng ating Maylalang. Tatalakayin ng huling artikulo sa seryeng ito ang pitak na ito hinggil sa paksa sa mga alagang hayop.

[Larawan sa pahina 7]

Bakit milyun-milyong alagang hayop sa mga “shelter” ang pinapatay taun-taon?

[Credit Line]

© Hulton-Deutsch Collection/CORBIS

[Larawan sa pahina 89]

Partikular na sa mga naninirahan sa lunsod, ang pagkakaroon ng isang alagang hayop ay maaaring nagsasangkot ng mas maraming bagay kaysa sa natatanto ng marami

[Larawan sa pahina 9]

Ang ating Maylalang ay nalulugod kapag pinakikitunguhan natin nang may kabaitan ang mga hayop