Mga Hayop—Kaloob Mula sa Diyos
Mga Hayop—Kaloob Mula sa Diyos
NAKAPASYAL ka na ba sa isang zoo o sa isang sirkus? Hinangad mo bang mahawakan o mahaplos ang isa sa magagandang hayop—marahil isang maringal na leon o isang malaking Siberian tiger? Marahil ay tuwang-tuwa ka nang makita mong ginawa ito ng isang tagapagsanay o tagapag-alaga ng hayop. Sa katunayan, isang manunulat ng Bibliya ang nagsabi halos 2,000 taon na ang nakalilipas: “Ang bawat uri ng mailap na hayop at gayundin ng ibon at gumagapang na bagay at nilalang sa dagat ay pinaaamo at napaamo na ng tao.”—Santiago 3:7.
Ang lahat ng uri ng hayop ay tumutugon sa maibiging pangangalaga at atensiyon. Nakagagalak nga na makitang nakikipag-ugnayan sila sa mapagkalingang mga tao na nagpaamo sa kanila. Ang manunulat na Romano na si Pliny, na kontemporaryo ng manunulat ng Bibliya na si Santiago, ay bumanggit hinggil sa pagpapaamo sa mga elepante, leon, tigre, agila, buwaya, ahas, at maging mga isda.
Ang totoo, ang pagpapaamo sa mga hayop upang alagaan ang mga ito sa tahanan ay ginagawa na noon pa man. Bago pa sumulat sina Santiago at Pliny, pinaaamo na ng mga Ehipsiyo ang maiilap na hayop at ginagawang mga alaga ang mga ito sa tahanan. Sa ngayon, maraming hayop na makikita mo sa isang zoo ang masusumpungan na rin sa mga tahanan sa ilang lugar.
Unang Kaugnayan sa mga Tao
Ang Bibliya, ang pinakamaagang rekord ng kasaysayan ng tao, ay nag-ulat na binigyan ng unang tao, si Adan, ang mga hayop ng mga pangalan. “Anuman ang itawag doon ng lalaki,” ang sabi ng Bibliya, “sa bawat kaluluwang buháy, iyon ang naging pangalan niyaon. Kaya binigyan ng lalaki ng mga pangalan ang lahat ng maaamong hayop at ang mga lumilipad na nilalang sa langit at ang bawat mailap na hayop sa parang.” (Genesis 2:19, 20) Lumilitaw na lubhang naging pamilyar si Adan sa mga hayop upang mabigyan niya ng tamang pangalan ang mga ito. Pero hindi na niya kailangan ang proteksiyon—maging sa maiilap na hayop. Mapayapa sila, at tiyak na nasiyahan siya na makasama ang mga hayop!
Inatasan ng Diyos si Adan at ang kaniyang asawa, si Eva, na pangalagaan ang mga hayop. Ayon sa layunin ng Diyos na ipinahayag sa Bibliya, ang mga tao ay “[magkakaroon] ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat gumagalang hayop na gumagala sa ibabaw ng lupa.”—Genesis 1:26.
Namamalaging Malapít na Kaugnayan
Kapag wastong pinamumunuan ng mga tao ang mga hayop, lubhang kasiya-siya ang resulta nito. Ang isang minamahal na hayop ay maituturing na isang pinahahalagahang kasama, anupat bahagi pa nga ng pamilya. Ang katotohanan na libu-libong taon nang ginagawa ito ng tao ay makikita sa ulat ng Bibliya hinggil sa taong dukha na may “isang babaing kordero, na maliit.” Binanggit ni propeta Natan kay Haring David ang tungkol sa kordero at sa taong dukha: “Mula sa kaniyang subo ng pagkain ay kumakain [ang kordero], at mula sa kaniyang kopa ay umiinom ito, at 2 Samuel 12:1-3.
sa kaniyang dibdib ito humihiga, at ito ay naging parang anak niyang babae.”—Nauunawaan ng marami sa ngayon kung paano maaaring maging isang minamahal na kasama ang isang hayop, na parang kapamilya na rin. Isaalang-alang ang isang pamilyang nakatira malapit sa Harare, ang kabiserang lunsod ng Zimbabwe. Ibinili ng mga magulang ng tig-iisang aso ang bawat anak nila upang maging kasama nila. Nang ang isa sa mga anak na lalaki, mga walong taóng gulang noon, ay naglalakad kasama ang kaniyang aso, biglang bumagsak sa harapan niya mula sa isang punungkahoy ang isang malaki at makamandag na ahas na tinatawag na mamba. Manunuklaw na sana ang mamba, ngunit kagyat na sinangga ito ng aso, anupat nailigtas ang buhay ng bata. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ang asong iyon sa pamilya?
Partikular nang pinahahalagahan ng mga bingi ang mga asong sinanay upang tulungan sila. Inilahad ng isang babae: “Naririnig ni Twinkie ang timbre sa pintuan, at lalapit siya at tatapikin ang aking binti at saka ako aakayin sa pinto sa harapan ng bahay. Gayundin, kapag narinig ni Twinkie ang buzzer ng timer ng aking lutuan, tumatakbo siya sa akin, at sinusundan ko naman siya. Kapag may umusok o kapag umingay ang alarma sa sunog, sinanay si Twinkie na kunin ang aking atensiyon at pagkatapos ay dumadapa siya upang ipahiwatig ang potensiyal na panganib.”
Lalong kapansin-pansin ang kapaki-pakinabang na ugnayan ng mga bulag at ng kanilang mga asong tagaakay. Si Michael Tucker, isang tagapagsanay ng mga asong tagaakay at awtor ng The Eyes That Lead, ay naniniwala na sa tulong ng isang asong tagaakay, nagiging posible para sa bulag na magkaroon ng “kalayaan, kasarinlan, kakayahang pumunta sa iba’t ibang lugar at pakikipagsamahan.” Tunay na madalas na nakatutuwang makita ang ugnayan ng mga aso at ng kanilang mga amo!
Gayundin ang kalagayan ng mga taong nagtataglay ng iba namang kapansanan at may kasamang aso. Isang aso na pagmamay-ari ng isang babae na kailangang gumamit ng silyang de-gulong ang tinuruang mag-angat ng kaniyang telepono at himurin ang mga selyo para sa mga sulat! Isa namang aso ang tumutugon sa 120 utos, at kumukuha pa nga ng mga de-lata at pakete mula sa mga istante sa supermarket. Isang may-kapansanan na nagmamay-ari ng isang aso ang gumagamit ng laser dot upang ituro ang mga bagay na gusto niyang bilhin, at dinadala naman ng kaniyang aso ang mga bagay na ito sa kaniya.
Nakikinabang din ang mga may-edad sa mga alagang hayop. Sinabi ng isang beterinaryo na ang mga alagang hayop, kasama ang mga aso, “ay nagbibigay ng layunin at kahulugan sa buhay kapag madalas na nadarama ng mga may-edad na sila ay ibinubukod mula sa lipunan.” Iniulat ng The Toronto Star: “Ang mga kasamang hayop ay madalas na nakababawas sa kaigtingan, mga pagpapatingin sa mga doktor at nagpapataas pa nga sa posibilidad na mabuhay pagkatapos ng mga atake sa puso.”
Kapansin-pansin ang sinabi ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pag-aalaga ng hayop ay nagbibigay ng pagkakataon upang turuan ang mga bata hinggil sa malapít na kaugnayan ng pribilehiyo at pananagutan at gayundin sa sekso. Di-magtatagal
at mapapansin ang proseso ng pagtatalik, kasunod ng mga bagay gaya ng mga yugto ng pagbubuntis at ang iba’t ibang problema hinggil sa pagsilang at pag-aalaga sa mga supling.”Pagmamahal sa mga Alagang Hayop
Ang kahanga-hangang pagkamatapat ng mga hayop ay aktuwal na nagpapakilos sa ilang tao na magkaroon ng mas masidhing pag-ibig sa kanilang mga alagang hayop kaysa sa kanilang mga kapamilya. Sa mga kaso ng diborsiyo, kung minsan ay bahagi ng kasunduan hinggil sa mga ari-arian ang pagpapasiya kung kanino mapupunta ang isang alagang hayop. At inilalagay ng mga tao ang mga pangalan ng kanilang mga alagang hayop sa kanilang huling habilin at testamento bilang mga tagapagmana ng malaking kayamanan.
Di-kataka-taka na malaking negosyo ang mga alagang hayop! May mga aklat at mga magasin na nagpapayo tungkol sa lahat ng bagay may kaugnayan sa mga alagang hayop. Palibhasa’y natatanto na ang ilang may-ari ng alagang hayop ay handang magbigay ng mga karangyaan sa kanilang mga alaga, iniaalok ng mga negosyo ang anumang serbisyong gusto ng mga amo.
Halimbawa, maaaring konsultahin ang isang doktor na espesyalista sa lahat ng sakit na nakaaapekto sa mga alagang hayop. May mga saykayatris ng mga alagang hayop na nagrereseta ng antidepressant para sa isang alaga. Karagdagan pa, may mga
abogado para sa alagang hayop at mga ahente ng seguro, gayundin may mga serbisyong nagpapaligo at nag-aayos ng alagang hayop at mga institusyong nagsasanay sa mga ito. Nagdaraos ng mga libing para sa mga alagang hayop. At may mga nag-aalok pa nga na i-clone ang mga alagang hayop—siyempre, sa malaking halaga!Maliwanag na laganap ang pagmamahal sa mga alagang hayop. Sa kaniyang aklat na The Animal Attraction, ganito ang konklusyon ni Dr. Jonica Newby: “Kapag sinasalubong tayo ng isang aso, iwinawagayway nito ang kaniyang buntot at dinidilaan tayo na para bang ang pag-uwi natin ang pinakamagandang bagay na nangyari sa buong araw niya, waring makatuwiran lamang na tawagin itong ‘pag-ibig.’ ” Tiyak na mauunawaan naman kung bakit maraming may-ari ng alagang hayop ang napakikilos na gantihan ang “pag-ibig” na iyon.
Gayunman, ang pagsisikap na ituring na parang tao ang alagang hayop ay nakapipinsala. Tutal, hindi masasapatan ng isang alagang hayop ang pangangailangan ng isang tao gaya ng magagawa ng mga kapuwa-tao. Karagdagan pa, ang urbanisasyon ng mga alagang hayop—iyon ay ang pakikibagay nila sa kapaligiran ng lunsod—ay naghaharap ng mga problema para sa ilang alagang hayop at sa kanilang mga amo. Susuriin natin ang gayong mga bagay sa susunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 3]
Ang pagpapaamo sa maiilap na hayop ay may mahabang kasaysayan
[Credit Line]
Larawan mula sa The Great King of the Parthians Hunts With His Tame Panthers by Giovanni Stradanno: © Stapleton Collection/CORBIS
[Larawan sa pahina 4]
Trinato ng mga pastol na Israelita ang mga kordero nang may magiliw na pagkamahabagin
[Larawan sa pahina 5]
Nakatutulong ang mga alagang hayop sa mga may-kapansanan at may-edad