Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Maulang Kagubatan Lubha akong nawili sa pagbabasa sa serye ninyo na “Sino ang Magliligtas sa Maulang Kagubatan?” (Hunyo 22, 2003) Hindi ako nagtaka nang itampok ninyo ang maulang kagubatan sa Timog Amerika. Yamang mas masama na ang kalagayan ng maulang kagubatan sa Aprika at Asia, sana naman ay mabago ang saloobin ng tao kahit man lamang sa kagubatan sa Timog Amerika. Inaasam-asam ko ang pagdating ng panahon kapag nakialam at winakasan na ng Diyos ang pagsira sa kagubatan sa ating lupa upang ang mga gawa ng kaniyang paglalang ay maibalik na sa dating karilagan nito.
G. R., Switzerland
Maraming salamat sa seryeng ito. Sa loob ng ilang panahon ay nagsasaliksik ako ng mga paksa tungkol sa kapaligiran, at bunga nito, nabago ang mga kaugalian ko sa pagbili at pagreresiklo. Nasasaktan ang aking damdamin kapag naiisip ko ang mga pananim na nalipol at mga hayop na nawalan ng tirahan o napatay dahil sa kasakiman ng tao. Nagbigay sa akin ng kaaliwan at pag-asa ang pagkaalam na batid ng Maylalang kung ano ang nangyayari at na malapit na siyang gumawa ng mga pagbabago. Salamat sa paglalathala ng gayong magagandang artikulo.
V. T., Canada
Napakahilig ko sa kalikasan, at maraming taon na akong nababahala sa kahihinatnan ng maulang kagubatan. Natutuwa akong malaman na nagmamalasakit ang mga Saksi ni Jehova sa nilalang ng Diyos. Napanatag ako nang malaman ko na balang araw ay magiging ligtas na ang maulang kagubatan.
T. H., Estados Unidos
Trahedya Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Makakayanan ang Isang Trahedya?” (Hunyo 22, 2003) Nang matapos kong basahin ang artikulong ito, nadama kong pinatnubayan ako ni Jehova hinggil sa isang problema na maraming taon ko nang dinadala. Bilang isang Kristiyano, nauunawaan ko na ang “mga huling araw” na ito ay “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Gayunpaman, sa tuwing nakakakita ako ng nakatatakot na balita sa telebisyon, kumakabog ang dibdib ko. Talagang nanghihina ang loob ko—hanggang sa punto na nanlulupaypay ako at, kung minsan, nagkukulong na lamang ako sa bahay sa halip na lumabas sa ministeryo. Nag-aalala ako sa mga bagay na maaaring mangyari o hindi mangyari sa hinaharap. Subalit ipinaalaala sa akin ng artikulong ito ang kahalagahan ng patuloy na paggawa ng ating espirituwal na rutin at pagbubuhos ng laman ng ating puso kay Jehova at lubusang pagtitiwala sa kaniya. Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso para sa inyong mga publikasyon.
E. K., Hapon
Noong Enero 2003, namatay ang aking lolo habang nasa ospital. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ko mismo ang pagkamatay ng isang malapit na kamag-anak. Taglay ng artikulong ito ang mga sagot sa aking mga katanungan. Lalong naantig ang puso ko ng subtitulong “Kung Bakit Nangyayari ang Masasamang Bagay.” Natulungan ako nitong maunawaan na ang nangyari sa aking pamilya ay dahil sa di-inaasahang pangyayari. Hindi ito nangangahulugang pinabayaan kami ni Jehova. Pagkatapos kong basahin ang artikulo, nawala ang takot ko na nagpapabigat sa aking dibdib.
M. O., Hapon
Espirituwal na Pagkauhaw Napaiyak ako sa artikulong “Kung Paano Nasapatan ang Aking Espirituwal na Pagkauhaw.” (Hunyo 22, 2003) Pinalaki ako sa isang Katolikong sambahayan at nag-aral ako sa isang Katolikong paaralan sa loob ng walong taon. Bagaman hindi namin kailanman binasa ang Bibliya sa paaralan o sa Misa, malaki ang paggalang ko sa Bibliya at binabasa ko ang aking kopya gabi-gabi. Tulad ni Lucia Moussanett, hinahangad kong gawin ang mga bagay na natutuhan ko sa Bibliya, pero hindi ko alam kung paano gawin ang mga iyon. Nang magsimula akong makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nasapatan ang aking espirituwalidad. Maraming salamat sa kahanga-hangang mga salaysay tulad nito!
K. F., Estados Unidos