Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paggalugad sa Mariringal na Talon

Paggalugad sa Mariringal na Talon

Paggalugad sa Mariringal na Talon

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ZAMBIA

PAGSAPIT ng 1855, maraming taon na ang ginugol ng misyonero at manggagalugad na taga-Scotland na si David Livingstone sa paglalakbay sa Aprika​—isang kontinente na hindi pa kilala noon ng ibang bansa sa daigdig. Habang naglalakbay siya patungong silangan sa kahabaan ng napakalaking Ilog Zambezi, may-pagkasindak na ikinuwento ng mga katutubo ang isang pagkalaki-laking talon sa bandang unahan. Dahil sa napakalakas na ingay at ambon na nalilikha nito, tinawag ito ng mga katutubo na Mosi-oa-Tunya, na nangangahulugang “Ang Usok na Dumadagundong.”

Ipinasiya ni Livingstone na tingnan nang malapitan ang mga talon, na tinatawag ngayong Victoria Falls. Bilang paglalarawan sa kaniyang unang nakita, ganito ang isinulat niya: “Habang kinikilabutan ako sa pagkamangha sa gilid ng bangin, tumingin ako sa ibaba ng pagkalaki-laking bangin na umaabot sa magkabilang pampang ng napakalawak na ilog ng Zambezi, at nakita ko ang agos ng tubig na libu-libong metro ang lapad na humuhugos nang tatlumpung metro at pagkatapos aybigla na lamang natipon sa isang lugar na labintatlo hanggang labingwalong metro ang lapad.”

Kapag umaapaw ito, ang Victoria Falls, na pinaghahatian ng Zambia at Zimbabwe, ay itinuturing sa ngayon bilang siyang pinakamalawak na lumalagaslas na tubig sa planeta! Sa mga pagkakataong gaya niyaon, ang malakas na agos na nagbubuhos ng 545,000,000  litro bawat minuto ay bumubulusok sa napakalaking bangin na 108 metro ang lalim. Pagkatapos, ang buong katubigan ng Zambezi ay rumaragasa sa malalim at sigsag na bangin na wala pang 65 metro ang lapad. Ang kakaibang heograpikong mga katangiang ito ang dahilan kung bakit tunay na isang kagila-gilalas na tanawin ang Victoria Falls.

Kamangha-mangha rin ang kagandahan ng lugar na nakapalibot sa talon. Itinalaga bilang isang pambansang parke, tirahan ito ng kahanga-hanga at sari-saring mga puno at halaman, bukod pa sa kawili-wiling mga hayop​—kasali na ang mga hipopotamus, elepante, giraffe, wildebeest, sebra, at maging ang mga leon. Naninirahan naman sa mabatong gilid ng bangin ang magagandang ibon na gaya ng mga agila at pambihirang mga halkon na taita.

Sa mga pananalita ni Livingstone, “walang sinabi ang magagandang tanawin sa Inglatera. Hindi pa ito kailanman nakita ng mga Europeo; subalit ang napakarilag na mga tanawin ay tiyak na pinagmasdan ng mga anghel habang sila’y lumilipad.” Sa ngayon, halos 150 taon pagkatapos na unang makita ni Livingstone ang lugar at tawagin itong Victoria Falls na isinunod sa pangalan ni Reyna Victoria ng Inglatera, daan-daang libong tao sa buong daigdig ang nagpupunta rito taun-taon para masaksihan nila mismo ang karingalan nito.

Angkop lamang na tawagin ang Victoria Falls bilang isa sa kababalaghan sa daigdig ng kalikasan. Subalit maraming di-gaanong kilalang talon sa napakaraming malalaking ilog sa Zambia ang makapigil-hininga rin sa kagandahan. Pakisuyong samahan mo kami sa guniguning paglalakbay sa ilan sa mga ito.

Ang Ngonye Falls

Sa isang mainit at tuyong araw ng Nobyembre, halos dalawang taon bago nakita sa kauna-unahang pagkakataon ang Victoria Falls, narating ni Livingstone ang Ngonye Falls, na kilala rin bilang Sioma Falls. Sumulat siya: “Ang mga isla sa ibabaw ng talon ay nababalutan ng mga dahon na pagkaganda-ganda saan mo man ipaling ang iyong tingin. Kung pagmamasdan mula sa malaking batuhan na nakalukob sa talon, ang tanawing iyon ang pinakamagandang nakita ko.” Talagang sasang-ayon ang mga pumapasyal sa Ngonye Falls sa ngayon sa sinabi ni Livingstone.

Isinaysay ni Livingstone: “Kilu-kilometro sa bandang ibaba, ang ilog ay natitipon sa isang makipot na lugar na wala pang sandaang metro ang lapad. Bumubulubok ang tubig, at para bang patuloy na umaalimbukay ang katubigan, anupat maging ang pinakamahusay na manlalangoy ay mahihirapang lumutang.”

Ang Lumangwe Falls

Ang marami sa iba pang talon sa Zambia ay nasa liblib na lugar at hindi pa nagagalugad. Iba’t iba ang laki ng mga ito. Mistulang maliit na Victoria Falls ang Lumangwe Falls. Pero hindi maliit ang mga talon. Ang isang talon doon ay humuhugos sa taas na 30 metro at mahigit na 100 metro ang lapad. Natutustusan pa nga ng mahinang ambon mula sa talon ang isang maliit na maulang gubat.

Ang Kalambo Falls

Ang Kalambo Falls, ang pinakamataas na talon sa Zambia, ay humuhugos mula sa mataas na talampas at umaagos patungo sa Great Rift Valley ng Aprika. Bumubulusok ito sa matatarik na dalisdis na mahigit na 200 metro ang taas, kung saan nagpaparami ang pambihira at malalaking marabou na siguana kapag tag-init.

“Kaya ang Kalambo ang pangalawa sa pinakamataas na talon sa Aprika na tuluy-tuloy ang agos [kasunod ng Tugela Falls sa Timog Aprika] at ikalabindalawa sa pinakamataas sa daigdig​—dalawang beses na mas mataas kaysa sa Victoria Falls,” ang sabi ng publikasyong National Monuments of Zambia.

Bagaman mahirap puntahan ang talon na ito, inilarawan ng lokal na manunulat na si C. A. Quarmby ang Kalambo bilang “isa sa di-malilimutang tanawin sa Aprika.” Inihula pa niya: “Matatagalan pa bago ito maging isang regular na pasyalan ng mga turista. . . . Iilan lamang ang mapalad na nakararating sa Kalambo.”

Sa katunayan, maraming talon at iba pang likas na magagandang lugar sa Zambia ang nasa liblib na lugar. Sinabi ng National Monuments of Zambia na ang ilan “sa mahirap puntahang lupain ng bansa ay mararating lamang ng isang Land-rover, ang iba naman ay nilalakad lamang.” Siyempre pa, bahagi iyan ng pagiging natatangi ng mga lugar na ito. Sa kabila nito, malugod na tinatanggap ang mga bisita. Si Ginoong Kagosi Mwamulowe, isang heologo sa pangangalaga ng kagubatan ng National Heritage Conservation Commission sa Zambia, ay nagpaliwanag na ang kanilang tunguhin ay masiyahan ang mga tao sa kamangha-manghang mga lugar na ito at kasabay nito, maingatan ang walang-bahid na kagandahan nito.

Ang Pinakamalaking Kayamanan ng Zambia

Sa kaniyang aklat na Zambia, ganito ang sabi ng manunulat na si Richard Vaughan: “Ang Zambia ay nananatiling isang lupain na may dakilang likas na kagandahan, na ang kalakhan nito ay hindi pa natutuklasan kapuwa ng mga bisita at ng mga taga-Zambia. . . . Ang bansa ay pinagpala rin ng mga lawa, ilog, kagubatan at kabundukan na kahanga-hanga ang pagkasari-sari.” Subalit ang pinakamahalagang kayamanan ng bansa ay nasa ibang mga lugar.

“Ang mga mamamayan nito ay kilala sa kanilang pagiging mapagmahal at masayahin at sa kanilang kalakasan,” ang sabi ni Vaughan. Gaya ng sabi ng isa pang manunulat na si David Bristow, “ang pinakamahalagang bahagi ng Zambia ay ang mga mamamayan nito, na napakababait at palakaibigan.” Kung sakaling makapunta ka sa magandang sulok na ito ng daigdig, tiyak namin na sasang-ayon ka.

[Mapa/Mga larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

TANZANIA

DEMOCRATIC REPUBLIC OF CONGO

ANGOLA

ZAMBIA

KALAMBO FALLS

LUMANGWE FALLS

Lusaka

NGONYE FALLS

VICTORIA FALLS

ZIMBABWE

MOZAMBIQUE

INDIAN OCEAN

[Mga larawan]

Lumangwe Falls​—parang maliit na Victoria Falls

Kalambo Falls​—dalawang beses na mas mataas kaysa sa Victoria Falls

Ngonye Falls​—“kadalasan nang solong-solo mo ang buong lugar”

[Credit Lines]

Lumangwe at Ngonye Falls: Marek Patzer/www.zambiatourism.com; mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.

[Larawan sa pahina 16, 17]

Victoria Falls​—“Ang Usok na Dumadagundong”

[Credit Line]

Marek Patzer/www.zambiatourism.com