Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tuklasin ang Minahan ng Alak sa Moldova

Tuklasin ang Minahan ng Alak sa Moldova

Tuklasin ang Minahan ng Alak sa Moldova

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA MOLDOVA

NAKATAGO sa halos 80 metro sa ilalim ng Cricova, isang karatig-pook ng Chişinău, na siyang kabisera ng Moldova, ang isang laberinto ng gawang-tao na mga tunel na 120 kilometro ang haba. Dati-rati’y minahan ng batong-apog ang madidilim na yungib na ito.

Gayunman, sa nakalipas na 50 taon, ang malalamig na taguan sa ilalim ng lupa ang naglaan ng tamang-tamang lugar para pag-imbakan ng ilan sa pinakamaiinam na alak sa Europa. Napakaraming hilera ng mga bariles at bote ang pumupuno sa mga tunel na umaabot ng mahigit sa 60 kilometro sa loob ng isang lumang minahan. Yamang maaari itong pag-imbakan ng 350,000,000 litro ng alak, sinasabing ito ang pinakamalaking bodega ng alak sa ilalim ng lupa sa timog-silangang Europa.

Ipinagpapatuloy ang Sinaunang Tradisyon

Ang Moldova ay isang bansa na tamang-tamang pagtamnan ng ubas. Nasa iisang latitud sa globo ang bansang ito at ang kilalang pagawaan ng alak sa lalawigan ng Burgundy sa Pransiya at mayroon itong katamtamang klima na nagpapainit sa matabang lupa nito. Matatalunton ang paggawa ng alak sa Moldova noon pang 300 B.C.E., nang unang dalhin ng mga mangangalakal na Griego ang mga puno ng ubas sa lupaing ito. Nang sumunod na mga siglo, nagpatuloy ang tradisyon sa paggawa ng alak, bagaman nasakop ang bansa ng mga Goth, Hun, at ng iba’t ibang panginoon ng mga piyudal.

Sinakop ng mga Imperyo ng Ottoman ang lupain noong ika-16 hanggang ika-18 siglo at sa ilang relihiyosong kadahilanan ay ipinahinto ang paggawa ng alak. Gayunman, noong ika-19 na siglo ay inangkin ng mga Rusong tsar ang lupain at puspusang itinaguyod ang industriya ng alak. Nag-angkat sila ng iba’t ibang uri ng ubas mula sa Pransiya, at dumami ang mga puno ng ubas. Pagkatapos ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang industriya ng alak ay ginawang sistematiko at makabago ng bagong tagapamahala sa Moldova, ang Unyong Sobyet. Sa katunayan, ginawa nito ang Moldova bilang sentro ng pagawaan ng alak at taniman ng prutas sa buong Unyong Sobyet. Ang mga Sobyet ang kauna-unahang nakapansin sa mga tunel na ito na tamang-tamang lugar para pag-imbakan ng alak. Sumama ka sa amin sa pamamasyal sa pambihirang bodegang ito sa ilalim ng lupa at alamin ang ilan sa mga sekreto nito.

Pagpunta sa Bayan na Nasa Ilalim ng Lupa

Habang papunta tayo sa pagawaan ng alak, napansin natin ang isang toreng pasukan, na bahagi ng gusaling tinabas sa batong-apog. Ang gusali ay nakakatulad ng isang tsalet sa bansang Pransiya. Gayunman, hindi ipinahihiwatig ng istrakturang ito ang napakalaking istraktura na nakatago sa ilalim ng lupa. Hindi kalayuan mula sa pangunahing pintuang-daan, tumambad sa atin ang pagkalaki-laking pasukan ng tunel at nagulat tayo sa laki nito. Puwede ritong magsalubungan nang maalwan ang dalawang trak.

Sakay ng kotse, bumaba tayo sa ilalim ng laberintong ito, at pagkaraan lamang ng ilang minutong pagmamaneho, nakasama na natin ang ating tour guide. Napag-isip-isip natin na madali tayong maliligaw rito kung hindi natin siya kasama dahil sa pagkarami-raming kurba sa pasikut-sikot na daang ito.

Isa sa atin ang nagtanong, “Ano na ang nangyari sa batong-apog na minimina noon dito?”

“Ginamit iyon sa mga proyekto ng pagtatayo sa Chişinău,” ang sagot niya. “Napakahusay na materyales sa pagtatayo ang batong-apog, yamang may mabuting insulasyon ito at nakababawas ng ingay.”

Habang bumababa tayo sa halos 70 metro ang lalim, unti-unting dumidilim sa tunel, anupat lumilikha ito ng nakapangingilabot na kapaligiran dahil sa bahagyang kadiliman. Huminto tayo sa isang krosing kung saan ang ilang daan, na may nakahanay na malalaking bariles ng alak sa magkabilang panig, ay patungo sa iba’t ibang direksiyon. Napansin natin na ang mga kalye ay pinanganlan ayon sa mga uri ng alak. Ang Pinot, Feteasca, at Cabernet ay ilan lamang sa mga pangalan na pumukaw sa ating imahinasyon.

Sinabi sa atin ng guide natin na ang mga bariles na gawa sa ensina ang pangunahing ginagamit sa paggawa ng hindi mabulang alak, samantalang ang mas maliliit na metal na bariles naman ang ginagamit sa paggawa ng mabulang alak. Kakaunting manggagawa ang nakikita natin, na nag-udyok sa atin na magtanong kung gaano karami ang nagtatrabaho roon. Sumagot siya: “Halos 300 katao ang nagtatrabaho rito sa amin. Sa buong taon, nagsusuot sila ng makakapal na damit dahil sa malamig na temperatura. Naniniwala ang mga manggagawa namin na hindi lamang ito mabuti para sa alak kundi nagpapabata rin ito sa mga tao, kaya hindi nila alintana ang lamig.”

Ang susunod na tampok na bahagi ng ating paglilibot ay ang pagawaan ng mabulang alak. Nakikita natin ang daan-daang bote na nakabaligtad at nakatagilid sa anggulong 30 digri. Sinabi sa atin: “Kapag itinagilid sa ganitong anggulo ang mga bote, naiipon ang mga latak sa itaas ng tapón. Kapag nangyari ito, mabilis na pinagyeyelo ang tapón. Ngayon ay madali nang kunin ang tapón kasama ang latak, at maaari nang gawin ang panghuling paglalagay ng tapón.”

Hindi nagtagal, narating natin ang bodega ng primera-klaseng mga alak. Ganito ang panimulang sinabi ng ating guide tungkol dito: “Mahigit na isang milyong bote ng primera-klaseng alak ang itinatago rito. Halos lahat ng mga bansa sa Europa na gumagawa ng alak ay naglalagay ng ilan sa kanilang de-kalidad na mga produkto sa aming taguan na nasa ilalim ng lupa. Ang pinakalaon na alak ay 1902 pa ginawa, isang bote ng alak na ginagamit sa Paskuwa ng mga Judio mula sa Jerusalem. Mga ilang taon na ang nakararaan, isang subastador ang nag-alok ng $100,000 para sa alak na ito. Ngunit tinanggihan ang alok na ito. Maliwanag na di-matutumbasan ang halaga ng alak na ito.”

Sinabi rin sa atin na ang mga bote ng alak sa lugar na ito ay karaniwang itinatago sa pusikit na kadiliman, maliban sa ilang minuto kapag may namamasyal na mga grupo ng bisita. Habang mabilisan nating sinusuri ang mga etiketa ng mga bote na puno ng alikabok, natanto natin na ang karamihan sa mga alak ay mas matanda pa kaysa sa atin!

Nagtatapos ang paglilibot natin sa mga silid na para sa pagtikim ng alak. Ang pinakamalaki ay tinatawag na Presidential Banquet Hall. Makikita rito ang isang mahaba at solidong ensinang mesa na may katernong mga silya, na maaaring upuan ng 65 katao. Noong panahon ng Sobyet, ginamit ang silid na ito para sa opisyal na mga bangkete ng Estado. Sa ngayon, ang naiilawang-mabuti at napakaaliwalas na bulwagang ito ay angkop na lugar pa rin para sa mga pagtitipon ng mga opisyal ng Estado.

Makauupo ang 15 katao sa Sala Casa Mare (ang Silid ng Panauhin) at nilagyan ito ng mga muwebles na may tradisyonal na istilo ng Moldova, samantalang makatitikim at makakakain naman ang 10 katao sa isang pabilog na mesa sa Bottom of the Sarmatic Sea Banquet Hall. Ang kisame nito ang pinakakapansin-pansing bahagi ng silid na ito. Dati-rati, ang silid na ito ay isang yungib sa ilalim ng tubig, at kitang-kita rito ang mga kabibi at iba pang labí ng mga hayop sa tubig na naging fosil. Ipinaalaala sa atin ng tour guide na, sa katunayan, may isang panahon na ang buong makabagong Moldova ay nasa “ilalim ng Sarmatic Sea.”

Ang lokal na itinatanim na mga puno ng ensina ang pinagkukunan ng kahoy para sa mga muwebles sa lahat ng silid na ito, kasali na ang Yury Gagarin Banquet Hall. Bumisita ang kilalang astronot na Sobyet na ito sa Cricova noong Oktubre 8-9, 1966. Sumulat siya ng isang liham ng pasasalamat, na nagsasabing dito ‘matatagpuan maging ng eksperto sa alak ang alak na magugustuhan niya.’

Sinabi ng ating guide: “Nagkaroon kami ng mga bisita na nagmula sa mahigit na sandaang iba’t ibang bansa sa loob ng 50 taon ng pag-iral ng mga bodega ng alak na ito. Noong panahon ng Sobyet, ang aming bumubulang alak ay dating kilala bilang Soviet champagne. Iilang tao ang nakaaalam na nagmula ang mga ito sa Moldova. Sa ngayon, ipinagbibili namin ang aming bumubulang mga alak sa ilalim ng tatak na Cricova, at mayroon kaming iba’t ibang klase ng red at white wine.” Pinahahalagahan natin ang maraming detalye na sinabi niya sa atin at pinasalamatan natin siya sa napakahusay na pagpasyal sa atin.

Habang papalabas tayo sa laberinto na nasa ilalim ng lupa, ang pakiramdam natin ay galing tayo sa ibang daigdig. Mainit at maaraw naman sa labas. Walang kaulap-ulap sa kalangitan. Nang pabalik na tayo sa Chişinău, dumaan tayo sa tila walang-katapusang mga hilera ng alagang-alagang ubasan na hitik sa mga ubas na halos puwede nang anihin.

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

UKRAINE

ROMANIA

MOLDOVA

Chişinău

[Larawan sa pahina 24]

Cricova Winery, at ang toreng pasukan nito

[Larawan sa pahina 24]

Isa sa mga karatula ng kalye sa 120-kilometrong laberinto ng mga tunel na nasa ilalim ng lupa

[Larawan sa pahina 24]

Tunel na pasukan ng sasakyan patungo sa mga bodega ng alak

[Larawan sa pahina 24]

Mahigit na isang milyong bote ng primera-klaseng alak ang itinatago rito