Digmaang Nuklear—Maiiwasan Kaya Ito?
Digmaang Nuklear—Maiiwasan Kaya Ito?
“Sila mismo ay kakain at hihigang nakaunat, at walang sinumang magpapanginig sa kanila.”—Zefanias 3:13.
HINAHANGAD ng lahat ang isang daigdig na malaya sa bantang nuklear. Gayunman, dahil sa nakikita ang totoong situwasyon ng daigdig na ito, marami ang nawawalan ng pag-asa. “Nawawala na sa plano ng Estados Unidos at ng mga bansa sa daigdig ang ideya ng pagkontrol, pagbabawas at lubusang pag-aalis ng mga sandatang nuklear,” ang sabi ng The Guardian Weekly.
Ngunit binabanggit ng ilan ang mga pagsisikap na ginawa ng mga bansa hinggil dito. Halimbawa, tinataya na ang Estados Unidos lamang ay gumugol ng $2.2 bilyon sa loob ng isang taon upang mahadlangan ang digmaang nuklear. Tiyak na hindi ito isang maliit na halaga. Subalit, nabalisa ang marami nang malaman nilang ang bansa mismong iyon ay gumugugol din ng halos $27 bilyon taun-taon para paghandaan ang isang digmaang nuklear.
Kumusta naman ang mga kasunduang pangkapayapaan? Maaari kayang magbigay ng pag-asa ang gayong mga pagsisikap?
Mga Kasunduan sa Pagkontrol ng Nuklear na mga Armas
Simula nang makagawa ng bombang nuklear, maraming kasunduan ang nabuo na may layuning kontrolin o limitahan ang mga sandatang nuklear. Kabilang dito ang Nuclear Non-Proliferation Treaty (NPT), Strategic Arms Limitation Talks, Strategic Arms Reduction Talks, at Comprehensive Test Ban Treaty. Naging mabisa ba ang mga ito sa pag-aalis ng bantang nuklear?
Ang anumang kasunduan ay nakadepende sa pangako sa isa’t isa ng mga partidong nasasangkot. Halimbawa, ang tagumpay ng NPT, na nilagdaan noong 1970 at nagkaroon ng 187 partido noong Disyembre 2000, ay nakadepende sa pagsisikap ng mga bansang nagtataglay at di-nagtataglay ng mga sandatang nuklear na lumagda sa kasunduan. Yamang ipinagbabawal sa kasunduan ang paggawa o pagtataglay ng nuklear na arsenal ng mga bansang walang sandatang nuklear, hinihilingan naman nito ang makapangyarihang
mga bansa na may mga nuklear na alisin ang kanila mismong mga sandatang nuklear. Naging mabisa ba ito? “Bagaman nagkakamali rin ang sistema ng NPT sa pagkontrol, naging mabisa ito upang hadlangan ang paggamit para sa ibang layunin ng nuklear na teknolohiya at pasilidad ng sibilyan na mahigpit na binabantayan,” ang paliwanag ni Carey Sublette sa dokumentong “Nuclear Weapons Frequently Asked Questions.”Bagaman sa paanuman ay naging matagumpay ang kasunduan, “hindi nito . . . nagawang pagbawalan ang ilang bansa sa patuloy na paggawa ng mga sandatang ito,” ang sabi ni Sublette. Gayunman, ang sabi niya, sa pamamagitan lamang ng mga lihim na mga programa na ginawa sa labas ng binabantayang mga pasilidad ng Non-Proliferation Treaty kung kaya nila nagawa iyon. Ang pagiging mabisa ng anumang kasunduan ay nakadepende sa pagiging mapagkakatiwalaan ng mga partidong nasasangkot. Paniniwalaan na lamang ba natin ang mga pangako ng mga tao? Maliwanag ang sagot ayon sa mga katotohanang nakikita natin sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Kung gayon, saan tayo maaaring umasa?
Isang Bagong Paraan ng Pag-iisip
Noong Disyembre 2001, ang halos 110 nagwagi ng Nobel prize ay sumang-ayon at lumagda sa isang kapahayagan na ganito ang mababasa: “Ang tanging pag-asa sa kinabukasan ay nakasalalay sa internasyonal na pagtutulungan na ginawang lehitimo ng demokrasya. . . . Para mabuhay sa daigdig na binago natin, dapat nating matutuhan ang isang bagong paraan ng pag-iisip.” Subalit, anong “bagong paraan” ng pag-iisip ang kailangan? Makatotohanan bang maniwala na ang mga nagbabanta sa kapayapaan ng daigdig taglay ang kanilang mga sandatang nuklear ay matututong mag-isip sa isang bagong paraan?
Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin: “Huwag ninyong ilagak ang inyong tiwala sa mga taong mahal, ni sa anak man ng makalupang tao, na sa kaniya ay walang pagliligtas.” (Awit 146:3) Bakit hindi? Ganito ang sagot ng Bibliya: “Ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Oo, ang pangunahing dahilan ay na hindi pinagkalooban ang mga tao ng kakayahang magpuno nang mapayapa sa lupa. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—Eclesiastes 8:9.
Kung hindi kayang pamunuan ng mga tao ang lupa, sino ang makagagawa nito? Ang Bibliya ay nangangako na magkakaroon ng kapayapaan sa ilalim ng mapagkakatiwalaan at may-kakayahang gobyerno. Ang pamamahalang ito ay tinutukoy sa Bibliya bilang Kaharian ng Diyos, at bagaman hindi ito natatanto, ipinapanalangin ng milyun-milyon ang gobyernong ito kapag sinasambit nila ang Panalangin ng Panginoon: “Ama namin na nasa langit, . . . dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang Hari sa Kahariang ito ay si Jesu-Kristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Bilang paglalarawan sa kaniyang pamamahala, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
Kahit na hindi matutuhan ng “mga taong mahal,” o ng mga pulitiko, at mga gobyerno ng tao ang bagong paraan ng pag-iisip na ito, maaari mo itong matutuhan. Natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang milyun-milyon na tanggapin ang mensahe ng Bibliya hinggil sa pag-asa sa pamamagitan ng isang libreng kurso sa pag-aaral ng Bibliya. Kung nais mo ng higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa mga tagapaglathala ng magasing ito, o maaari kang dumalaw sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa inyong lugar.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Sa ilalim ng gobyerno ng Kaharian ng Diyos, ang daigdig ay magiging malaya na sa bantang nuklear