Pamumuhay sa Ibabaw ng mga Ulap
Pamumuhay sa Ibabaw ng mga Ulap
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BOLIVIA
ANG pag-iisa, maringal na tanawin, at mga pagkakataong maglakad-lakad, umakyat, at mag-ski ang umaakit sa maraming bakasyunista na magtungo sa kabundukan. Karagdagan pa, milyun-milyong tao ang permanenteng naninirahan sa mga libis at sa mga talampas na mas mataas pa kaysa sa mga ulap. Gayunman, ang pamumuhay sa napakatataas na lugar ay maaaring magdulot ng kakaibang mga epekto sa kalusugan ng mga tao o sa kanilang mga sasakyan at maaari ring maapektuhan nito ang kanilang pagluluto. Ano ba ang pinagmumulan ng ganitong mga problema, at ano ang maaari mong gawin? Pero teka muna, talaga nga bang napakaraming tao ang naninirahan sa kabundukan?
Nagiging maunlad ang kabuhayan sa maraming bulubunduking lupain. Napakaraming tao sa Mexico City ang nakatira sa mga lugar na mahigit na 2,000 metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Ang Denver, Colorado, E.U.A.; Nairobi, Kenya; at ang Johannesburg, Timog Aprika ay nasa taas na mahigit na 1,500 metro. Ang milyun-milyong tao sa kabundukan ng Himalaya ay nakatira sa mahigit na 3,000 metro ang taas. Sa Andes
naman, ang ilang malalaking lunsod ay mahigit na 3,300 metro ang taas mula sa kapantayan ng dagat, at nagtatrabaho ang mga tao roon sa mga minahan na 6,000 metro ang taas. Sa dami ng mga naninirahan sa bulubunduking mga lupain, nagkaroon ng masidhing interes sa pag-aaral kung paano nakikibagay ang katawan para mabuhay roon. Ang mga bagay na napag-alaman ay maaaring magpasidhi sa pagpapahalaga mo sa kamangha-manghang pagkadisenyo ng iyong katawan.Kung Ano ang Maaasahan
Pangkaraniwan lamang ang naramdaman ni Doug nang makarating siya sa kabundukan ng Andes. Ang sabi niya: “Sa paliparan, bigla akong nahilo at halos himatayin nang bitbitin ko ang mga maleta namin. Bagaman lumipas naman agad iyon, sa unang dalawang linggo, sumakit ang ulo ko at nasira ang aking tulog. Bigla akong naaalimpungatan na para bang hinahabol ko ang aking hininga. Pagkatapos, sa loob ng dalawang buwan, nawalan ako ng gana sa pagkain, madaling mapagod, at kailangang matulog nang matulog.” Sinabi pa ni Katty: “Ang akala ko dati’y nasa isip lang ng mga tao ang pinag-uusapang mga problema sa matataas na lugar. Ngayon, alam ko nang hindi pala gayon.”
Tinatawag ng mga doktor ang naranasan ni Doug na problema sa pagtulog bilang periodic breathing. Pangkaraniwan ito sa mga taong kararating lamang sa isang mataas na lugar. Pero kung sakaling mangyari ito sa iyo, baka matakot ka. Sa pana-panahon, habang natutulog ka, talagang hihinto ang iyong paghinga sa loob ng ilang segundo. Kung minsan, maaalimpungatan ka dahil dito, habang nangangapos ang hininga.
May ilang tao na hindi naman nagkakaproblema kapag nakarating sa matataas na lugar. Ang ilang tao ay nakararanas ng di-magandang reaksiyon kapag nasa taas na 2,000 metro, katulad ng halos kalahati sa mga bagong dating kapag sila’y nasa taas na 3,000 metro. Kapansin-pansin, kadalasang gayundin ang nararamdamang sintomas ng mga katutubong nakatira sa matataas na lugar kapag umuwi na sila pagkalipas ng isa o dalawang linggong pamamalagi sa kapatagan. Bakit kaya?
Kung Bakit Nakaaapekto sa Iyong Katawan ang Matataas na Lugar
Ang karamihan sa mga problema ay dulot ng kawalan ng oksiheno. Dahil mas mababa ang atmosperikong presyon miyentras mas mataas ang inaakyat mo, halos wala pang 20 porsiyento ang taglay na oksiheno ng isang tiyak na volume ng hangin sa taas na 2,000 metro mula sa kapantayan ng dagat, at sa taas naman na 4,000 metro, wala pang 40 porsiyento ang taglay na oksiheno ng hangin. Ang kawalan ng oksiheno ay nakaaapekto sa kalakhang ginagawa ng iyong katawan. Di-gaanong makapagtrabaho ang mga kalamnan mo, di-gaanong makayanan ng iyong sistema ng nerbiyo ang kaigtingan, at di-gaanong makatunaw ng taba ang iyong sistema ng panunaw. Karaniwan na, kapag kailangan ng iyong katawan ang mas maraming oksiheno, kusang bumibilis ang paghinga mo at sinasapatan nito ang pangangailangan. Kung gayon, bakit hindi ito ang nangyayari kapag nakarating ka sa mataas na lugar?
Talagang kahit ang pagkontrol lamang ng iyong katawan sa dalas ng paghinga mo ay isa nang kababalaghang hindi lubusang maunawaan. Subalit kapag gumagamit ka ng lakas, ang mabilis na paghinga ay hindi lamang sanhi ng kawalan ng oksiheno. Sa halip, ang carbon dioxide na natitipon sa dugo dulot ng pagkilos ng kalamnan ang tila pangunahing dahilan kung bakit mas mabilis ang iyong paghinga. Mas mabilis ang iyong paghinga kapag nasa mas mataas na lugar ka subalit hindi nito nasasapatan ang patuloy na kakulangan sa oksiheno.
Ano ang sanhi ng pagsakit ng ulo? Ipinaliwanag ng isang tagapagsalita sa First World Congress of High Altitude Medicine and Physiology, na ginanap sa La Paz, Bolivia, na ang marami sa sintomas ng pagkalula ay resulta ng pagkaipon ng likido sa utak. Sa ilang tao, ito ay nagdudulot ng presyon sa loob ng ulo. Lumilitaw na dahil sa sukat ng kanilang bungo, hindi nakararanas ng ganitong mga epekto ang ilang tao. Gayunpaman, baka magdulot ng sakit na nagsasapanganib ng buhay ang ilang pambihirang kaso. Ang kawalan ng kontrol sa kalamnan, malabong paningin, mga halusinasyon, at kalituhan ay mga palatandaang nagbababala sa iyo na magpatingin ka kaagad sa doktor at magtungo sa mas mababang lugar.
Matatalinong Hakbang sa Pag-iingat
Ang mga epekto ng mataas na lugar ay umaabot sa sukdulan nito sa ikalawa o ikatlong araw, kaya ilang araw bago at pagkatapos makarating sa lugar, ang pinakamabuting gawin ay kumain ng kaunti lamang, lalo na sa gabi. Pagdating mo, dapat kang kumain ng mga carbohydrate, gaya ng kanin, oat, at patatas, sa halip na matatabang pagkain. Makabubuting sundin mo ang payong, “Mag-almusal na parang hari, subalit maghapunan na parang pulubi.” Isa pa, iwasan mong magpakapagod, yamang maaari itong maging dahilan ng malubhang pagsumpong ng pagkalula. Marahil dahil may tendensiya
ang mga kabataan na ipagwalang-bahala ang payong ito, sila ang kadalasang pinakamalubhang nakararanas nito.Isang mabuting payo rin dito ang “magsumbrero at maglagay ng sunblock cream,” yamang walang gaanong atmospera para magsanggalang sa iyo mula sa mapanganib na sinag ng araw. Maaaring mangati o masira pa nga ang iyong mga mata dahil sa mga sinag na iyon, kaya magsuot ng pananggalang na sunglass. Ang hangin sa kabundukan na kulang sa oksiheno ay nakatutuyo rin sa iyong mga luha, na nagdudulot ng lalong pangangati ng mata. Ang payo ay uminom ng maraming likido.
Nagbababala ang mga doktor sa mga taong sobra ang katabaan o may mga karamdaman na gaya ng alta presyon, sickle-cell anemia, o may sakit sa puso o baga na magpasuri munang mabuti sa doktor bago magpasiyang maglakbay sa itaas ng ulap. * Kung ikaw ay may malalang sipon, brongkitis, o pulmonya, makabubuting ipagpaliban muna ang iyong paglalakbay, yamang ang matataas na lugar at ang pagkakaroon ng impeksiyon sa palahingahan o mabigat na pag-eehersisyo ay maaaring maging sanhi kung minsan ng mapanganib na pagkaipon ng likido sa mga baga. Ang mga sakit sa palahingahan ay maaaring maging sanhi ng kakulangan sa oksiheno at malulubhang pagkakasakit maging ng matatagal nang nakatira sa matataas na lugar. Sa kabilang dako naman, kadalasang mas bumubuti ang pakiramdam ng mga may hika kapag nakatira sila sa mas mataas na lugar. Sa katunayan, iniulat ng isang grupo ng Rusong mga doktor sa First World Congress of High Altitude Medicine and Physiology na ang mga pasyenteng may partikular na mga sakit ay dinadala nila sa isang klinikang nasa mataas na lugar bilang terapi sa kanila.
Paninirahan sa Matataas na Lugar
Hindi naman nakatatakot tumira sa matataas na lugar. Sa katunayan, ang ilang bulubunduking lupain gaya ng Kabundukan ng Caucasus ay bantog sa maraming katutubo na di-pangkaraniwan ang haba ng buhay. At ang ilang tao ay nakapagtiis sa ubod-taas na mga lugar sa loob ng maraming taon. Isang mambabasa ng Gumising! na nakatira sa kabundukan ng Andes ang naglahad: “Tumira at nagtrabaho ako sa loob ng 13 taon sa isang minahan na 6,000 metro ang taas, malapit sa taluktok ng bulkan. Napakahirap na trabaho ang pagtitibag ng mga bloke ng asupre gamit ang isang maso. Pero, pagkatapos ng buong maghapon, naglalaro pa kami noon ng soccer!” Ang katawan ng tao ay pinagkalooban ng kamangha-manghang mga kakayahan para makibagay sa bagong mga kapaligiran na dahilan naman ng pagkamangha natin sa karunungan ng Maylalang. Paano nakakayanan ng iyong katawan ang kawalan ng oksiheno sa matataas na lugar?
Ang unang reaksiyon ng iyong katawan sa pagkahantad sa mataas na lugar ay ang pabilisin ang pagkilos ng iyong puso at mga baga. Pagkatapos ay naglalabas ka ng plasma mula sa iyong dugo, kung kaya dumarami ang mga pulang selula na nagdadala ng oksiheno. Sa maikling panahon lamang, ang sobrang dugo ay napupunta sa iyong utak, kung saan ito pinakakailangan. At sa loob lamang ng ilang
oras, gumagawa na ang iyong utak sa buto ng karagdagang pulang selula ng dugo, na maaaring mas mahusay para sa oksiheno. Ang lahat ng ito ay nangangahulugan na bagaman maaaring gumugol ng ilang buwan para lubusang makasanayan ang mataas na lugar, sa loob lamang ng ilang araw, maaari nang bumalik sa normal ang tibok ng iyong puso at ang iyong paghinga.Mga Problema sa Sasakyan at Pagluluto
Ngunit hindi lamang ang iyong katawan ang nagkukulang sa oksiheno. Maaari ring bumagal ang iyong sasakyan. Bagaman maaaring inayos na ng mekaniko sa inyong lugar ang timpla ng gasolina (o krudo) at hangin, at binago ang iyong ignition timing, magiging mahina pa rin ang iyong makina. Pero ano naman ang mga problemang mararanasan mo sa pagluluto?
Ang di-umalsang keyk, madaling madurog na tinapay, di-lumambot na balatong, at malasadong itlog ay ilan lamang sa mga problema na nagpapalungkot sa isang nagluluto. Bakit nangyayari ang mga ito, at ano ang maaari mong gawin hinggil dito?
Ang mga problema sa pagluluto ay mas madalas at kapansin-pansin kapag naghuhurno ka. Ang mas mababang presyon ng hangin ang dahilan ng pag-alsa ng gas na nagpapalambot sa mga tinapay at keyk kaysa kapag nasa kapantayan ng dagat. Ang maliliit na bula sa masa ay lumalaki, na dahilan ng pagiging madaling madurog ng produkto, o mas masahol pa, maaaring pumutok ang mga bula na nagpapabagsak sa keyk. Pero hindi naman mahirap lutasin ang problema. Kung ang keyk ay pinaaalsa ng binating mga itlog, huwag gaanong batihin ang mga ito. O kung kasali sa resipe ang pampaalsa, kaunti lamang ang gamitin. Inirerekomenda ng The New High Altitude Cookbook ang pagbabawas ng 25 porsiyento sa pampaalsa na ginagamit kapag nasa taas na 600 metro hanggang sa 75 porsiyentong pagbabawas kapag nasa taas na 2,000 metro.
Kapag gumagawa ng mga tinapay na may yeast, tiyakin na ang masa ay hindi aalsa nang mas mataas sa dobleng laki nito. Yamang ang mga itlog ang nakabubuo sa keyk, gumamit ng mas malalaking itlog kapag ibinabagay mo sa kapaligiran ang iyong resipe. Sa kabilang dako naman, ang napakaraming asukal ay nagpapahina sa pagbuo ng keyk, kaya gumamit lamang ng kaunti, yamang ang mababang presyon ng hangin ang dahilan din ng pamumuo ng asukal sa iyong masa na dulot ng mas mabilis na pagsingaw ng tubig. Ang totoo, ang karamihan ng resipe ay nangangailangan ng mas maraming likido dahil ang hangin sa kabundukan na kulang sa oksiheno at tuyo ay nag-aalis ng halumigmig sa pagkain.
Halos lahat ng pagkain ay mas matagal lutuin kapag nasa mataas na lugar. Halimbawa, ang nilagang itlog ay nangangailangan ng karagdagang isang minuto kapag nasa taas na 1,500 metro at tatlong minuto pa kapag nasa taas na 3,000 metro. Napakahalaga ng pressure cooker sa iyong pagluluto. Sa katunayan, hindi mo maluluto ang balatong at gisantes kung wala nito kapag nasa mataas na lugar ka.
Kaya huwag kang matakot na maglakbay sa bulubunduking mga lupain. Maaari ka ngang hingalin sandali, baka mas magmistulang pancake ang iyong sponge cake, at ang kotse na iyong minamaneho ay maaaring maging gaya ng pagong na may rayuma, subalit kung mabuti naman ang iyong kalusugan, marahil ay masisiyahan ka sa karanasang ito.
[Talababa]
^ par. 16 Inirereseta ng ilang doktor ang acetazolamide para pasiglahin ang paghinga sa napakatataas na lugar. Ang iba pang gamot para sa mountain sickness ay iniaanunsiyo, subalit hindi ito inirerekomenda ng lahat ng doktor.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 12, 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ilang Matataas na Lunsod at Kabundukan sa Buong Daigdig
—9,000 metro—
Bundok Everest, Nepal at Tsina
8,850 metro
—7,500 metro—
—6,000 metro—
Bundok Kilimanjaro, Tanzania
5,895 metro
Aucanquilcha, Chile
5,346 na metro
Mont Blanc, Pransiya
4,807 metro
—4,500 metro—
Potosí, Bolivia
4,180 metro
Puno, Peru
3,826 na metro
Bundok Fuji, Hapon
3,776 na metro
La Paz, Bolivia
3,625
—3,000 metro—
Trongsa Dzong, Bhutan
2,398 metro
Mexico City, Mexico
2,239 na metro
Bundok Washington, New
Hampshire, Estados Unidos
1,917 metro
Nairobi, Kenya
1,675 metro
Denver, Colorado, Estados Unidos
1,609 na metro
——1,500 metro—
—Kapantayan ng dagat—
[Larawan sa pahina 10]
La Paz, Bolivia 3,625 metro
[Larawan sa pahina 10]
Johannesburg, Timog Aprika 1,750 metro