Ang Pangmalas ng Bibliya
Talaga Bang Masama ang Labis na Pag-inom?
ANG palakaibigang lasing, na ang papel ay magpatawa sa mga tao, ay naging bahagi na ng mga dula at pelikula sa loob ng maraming taon. Bagaman ang mga gumaganap nito ay umaarte lamang, ipinakikita ng kanilang pagpapatawa ang nagkakasalungatang mga pananaw ng marami hinggil sa sobrang pag-inom, anupat itinuturing itong kahinaan, pero hindi naman talaga nakapipinsala.
Siyempre, hindi nakakatawa ang katotohanan. Itinuturing ng World Health Organization ang pag-abuso sa alkohol bilang isa sa pangunahing mga panganib sa kalusugan sa buong daigdig. Maliban sa pagkasugapa sa tabako, sinasabi na ang pag-abuso sa alkohol ang sanhi ng mas maraming kamatayan at sakit kaysa sa pag-abuso sa anumang substansiyang nakasusugapa, at mahigit sa $184 na bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng Estados Unidos lamang sa loob ng isang taon.
Sa kabila ng mga katotohanang ito, minamaliit ng marami ang kaselangan ng labis na pag-inom. Bagaman kinikilala nila ang nakapipinsalang mga epekto ng matagal na pag-abuso, wala silang nakikitang mali sa paminsan-minsang paglalasing. Sa mga kabataan sa ilang bahagi ng daigdig, ang paglalasing ay itinuturing na bahagi ng pagbibinata o pagdadalaga. At sa kabila ng matinding pagbababala ng mga organisasyon sa kalusugan, ang binge drinking, na binibigyang-katuturan na pag-inom ng lima o higit pang bote ng serbesa sa isang upuan, ay mabilis na nauuso sa lahat ng edad. Kaya naman, mauunawaan na marami ang nag-iisip kung talaga nga bang masama ang labis na pag-inom. Ano ba ang sinasabi ng Bibliya?
Alak at Matapang na Inumin—Mga Kaloob Mula sa Diyos
Maraming pagtukoy sa alak at matapang na inumin ang masusumpungan sa Bibliya. Sumulat si Eclesiastes 9:7) Kinilala ng salmista na ang Diyos na Jehova ang Tagapaglaan ng “alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal.” (Awit 104:14, 15) Lumilitaw na ang alak ay isa sa mga pagpapalang ibinigay ni Jehova sa sangkatauhan.
Haring Solomon: “Yumaon ka, kainin mo ang iyong pagkain nang may pagsasaya at inumin mo ang iyong alak nang may mabuting puso, sapagkat ang tunay na Diyos ay nakasumpong na ng kaluguran sa iyong mga gawa.” (Maliwanag na ang pag-inom ng alak ay katanggap-tanggap kay Jesus. Sa katunayan, sa kaniyang unang himala ay ginawa niyang de-kalidad na alak ang tubig sa isang piging ng kasalan. (Juan 2:3-10) Ginamit rin niya ang alak bilang angkop na sagisag ng kaniyang dugo nang pasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon. (Mateo 26:27-29) Binanggit pa nga ng Bibliya ang gamit ng alak bilang gamot, yamang pinasigla ni apostol Pablo si Timoteo na “gumamit . . . ng kaunting alak dahil sa [kaniyang] sikmura.”—1 Timoteo 5:23; Lucas 10:34.
Mahalaga ang Pagiging Katamtaman
Pansinin na iminungkahi ni Pablo ang pag-inom ng “kaunting alak” lamang. Maliwanag na hinahatulan ng Bibliya ang labis na pag-inom ng inuming de-alkohol. May kalayaan ang mga Judiong saserdote na uminom nang katamtaman kapag hindi sila gumaganap ng kanilang tungkulin. Gayunman, pinagbabawalan silang uminom ng anumang inuming de-alkohol habang isinasagawa nila ang kanilang tungkulin bilang saserdote. (Levitico 10:8-11) Maraming taon pagkalipas nito, binabalaan ang unang-siglong mga Kristiyano na ang mga lasenggo ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Karagdagan pa, sa kaniyang mga tagubilin kay Timoteo, sinabi ni Pablo na yaong mga nangunguna sa kongregasyon ay hindi dapat mga “lasenggong basag-ulero” o “mahilig sa maraming alak.” * (1 Timoteo 3:3, 8) Sa katunayan, iniuutos ng Bibliya na ang di-nagsisising mga lasenggo ay itiwalag sa kongregasyong Kristiyano. (1 Corinto 5:11-13) Angkop ang pagkakasabi ng Kasulatan na ang “alak ay manunuya.” (Kawikaan 20:1) Ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol ay nakapagpapahina sa kontrol ng manginginom at sa kaniyang pag-iisip.
Kung Bakit Hinahatulan ng Salita ng Diyos ang Labis na Pag-inom
Alam ni Jehova, ‘ang Isa na nagtuturo sa atin upang makinabang tayo,’ na kapag inabuso natin ang anumang bagay, tayo mismo ang nasasaktan at ang iba sa dakong huli. (Isaias 48:17, 18) Totoo ito pagdating sa pag-inom ng mga inuming de-alkohol. Itinatanong ng Salita ng Diyos: “Sino ang may kaabahan? Sino ang di-mapalagay? Sino ang may mga pakikipagtalo? Sino ang may pagkabahala? Sino ang may mga sugat nang walang dahilan? Sino ang may kalabuan ang mga mata?” Sumasagot ito: “Yaong mga nagbababad sa alak, yaong mga pumapasok upang maghanap ng hinaluang alak.”—Kawikaan 23:29, 30.
Sa ilalim ng impluwensiya ng labis na alkohol, maraming di-pinag-isipan at mapanganib na bagay ang nagagawa ng mga tao: pagmamaneho nang nakainom at paglalagay ng kanilang sarili at ng iba sa panganib, pagiging masyadong malambing sa asawa ng iba at malubhang pagsira sa mga ugnayan, mangmang o tiwali pa ngang pagsasalita o paggawi. (Kawikaan 23:33) Ang pag-abuso sa alkohol ay angkop na ituring na isa sa pinakanakapipinsalang sakit ng lipunan na sumasalot sa sangkatauhan sa ngayon. Hindi kataka-taka na nagtagubilin ang Diyos: “Huwag kang sumama sa mga labis uminom ng alak”!—Kawikaan 23:20.
Sa Galacia 5:19-21, itinala ni Pablo ang mga paglalasingan at walang-taros na pagsasaya bilang “mga gawa ng laman” na kabaligtaran ng mga bunga ng espiritu ng Diyos. Ang pagpapakalabis sa inuming de-alkohol ay nakasisira sa kaugnayan ng isa sa Diyos. Kung gayon, maliwanag na dapat iwasan ng mga Kristiyano ang anumang labis na pag-inom ng inuming de-alkohol.
[Talababa]
^ par. 11 Yamang ang mga tagapangasiwa ay dapat na maging mga halimbawa sa kawan sa kanilang pag-iisip at paggawi, anupat ipinamamalas ang matataas na pamantayan ni Jehova sa abot ng kanilang makakaya, makatuwirang ikapit din naman ang kahilingang ito sa ibang mga Kristiyano.