Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Sigaw Para sa Reporma

Ang Sigaw Para sa Reporma

Ang Sigaw Para sa Reporma

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“Kung bata-bata lamang ako, pasisimulan ko ang isang kilusan para sa reporma!” ang bulalas ni Anna, isang 80-taóng-gulang na babae sa Alemanya. “Ano po ang babaguhin ninyo?” ang tanong ni Robert. “Lahat!” ang tugon ni Anna.

MARAMI ang sasang-ayon kay Anna. Isiniwalat ng isang surbey, na isinagawa sa Alemanya noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, na 2 sa bawat 3 kataong tinanong ang may palagay na kailangan ang ‘malawakang mga reporma at mahahalagang pagbabago sa lipunan.’ Marahil ganiyan din ang kalagayan sa bansang tinitirhan mo.

Kapag ang taong-bayan ay nagpupumilit na humingi ng pagbabago, karaniwan nang pinangangakuan sila ng reporma. May kinalaman sa reporma sa edukasyon, ganito ang sulat ni Frederick Hess, isang pangalawang propesor ng edukasyon at pamahalaan: “Ang reporma ay pangunahin nang isang pahapyaw na pagbibigay ng katiyakan sa mainiping mga komunidad.” Nababasa natin sa mga ulong balita sa pahayagan ang tungkol sa mga plano para sa reporma ukol sa pananalapi ng pamahalaan, reporma para sa pangangalaga sa kalusugan, reporma sa agrikultura, at reporma sa batas. Nababalitaan natin ang tungkol sa panukalang mga reporma sa mga sistema ng edukasyon, pangangalaga sa kapakanan ng mamamayan, at pagpaparusa. * Nababasa rin natin na humihiling ng reporma sa doktrina ang mga miyembro ng ilang simbahan.

Reporma Laban sa Kasalukuyang mga Kalagayan

Ano ba ang nasa likuran ng kahilingang iyon para sa pagbabago? Patuloy na sinisikap ng tao na pagbutihin ang lipunan na pinamumuhayan niya. Tinangka niyang gawin ito sa pamamagitan ng eleksiyon, sa pamamagitan ng paggugol ng salapi, sa pamamagitan ng batas, o sa pamamagitan ng dahas. Ito ang resulta ng masidhing hangarin ng tao na pagbutihin ang kaniyang kalagayan sa buhay, tiyakin ang mas mabuting kinabukasan para sa kaniyang mga anak, o abutin ng lipunan ang antas ng kaniyang idealistikong mga ideya sa pangangalaga ng kapakanan ng mamamayan, moralidad, at katarungan. Hangga’t may mga taong nagpupumiglas na makatakas sa pamiminsala ng kawalang-alam, karamdaman, karalitaan, at gutom, magkakaroon ng sigaw para sa reporma.

Bagaman marami ang may gusto ng reporma, iba naman ang iniisip ng iba pa tungkol sa mga repormador at sa sinisikap nilang matamo. Mas gusto ng ilan na panatilihin na lamang na ganito ang lipunan, upang maingatan ang kasalukuyang kalagayan. Ang tingin nila sa mga repormador ay mga taong di-praktikal na nagnanais baguhin ang daigdig subalit walang kabatiran sa kung ano ang talagang nangyayari. Binabanggit ng Handbuch der deutschen Reformbewegungen 1880-​1933 (Manwal ng mga Kilusan ng Reporma sa Alemanya 1880-1933) na ang mga repormador ay “napakadaling gawing tampulan ng pagbatikos, gawan ng katawa-tawang mga drowing, karikatura at kabalintunaan na may pasaring sa pulitika.” Ganito ang minsang sinabi ng Pranses na manunulat ng dula na si Molière: “Sa lahat ng mangmang na mga ideya, wala nang hihigit pa sa paghahangad na gawing mas mabuting dako ang daigdig.”

Ano ang masasabi mo? Mapabubuti ba ng reporma ang daigdig? O ang mga repormador ba ay di-praktikal na mga taong nangangarap lamang nang gising? Ano na ang nangyari sa mga repormang pinasimulan noon? Naabot na ba ng mga nasa likod nito ang kanilang mga tunguhin? Tatalakayin ng susunod na mga artikulo ang mga isyung ito.

[Talababa]

^ par. 5 Tapat sa binabanggit na layunin nito, ang Gumising! ay ‘laging neutral sa pulitika.’ Nilalayon ng pagtalakay na ito hinggil sa reporma na ipabatid at ipakita sa aming mga mambabasa ang tanging tunay na solusyon sa mga pangangailangan ng tao.