Nasa mga Repormador Ba ang Solusyon?
Nasa mga Repormador Ba ang Solusyon?
MADAYANG pagnenegosyo, di-makatarungang pagpapatupad ng batas, kawalang-katarungan sa lipunan, hindi mahusay na pangangalaga sa kalusugan, mababang-uri ng edukasyon, pinansiyal na pagsasamantala sa ngalan ng relihiyon, at ang pandarambong sa kapaligiran—ito ang mga isyu na nakasisiphayo. Ito rin ang mga isyung nag-uudyok sa mga repormador na kumilos.
Ang mga repormador ay matatagpuan sa halos lahat ng lipunan, kung saan sila ay humihimok ng pagbabago sa paraang maayos at naaayon sa konstitusyon. Karaniwan na, hindi sila mga anarkista o mga rebolusyonaryo, yamang ang karamihan sa mga repormador ay nananatili sa hangganan ng batas at umiiwas sa karahasan. Iilan ang repormador na nasa maimpluwensiyang mga posisyon sa lipunan at nangunguna sa paggawa ng pagbabago. Sinisikap naman ng iba na impluwensiyahan at himukin ang mga nasa kapangyarihan na kumilos.
Sinisikap ng mga repormador na ipaisip muli sa lipunan ang paraan ng paglutas nito sa mga isyu. Hindi lamang sila nagpoprotesta; may mga ideya sila kung paano pagbubutihin ang mga bagay-bagay. Upang itawag-pansin ang kanilang mga ikinababahala, maaaring magpetisyon ang mga repormador sa publiko, magprotesta sa mga lansangan, o gumawa ng publisidad sa media. Kabilang sa pinakamasamang mga bagay na maaaring mangyari sa isang repormador ay ang ipagwalang-bahala siya ng lipunan.
Mga Repormador sa Kasaysayan
Ang kasaysayan ay punô ng mga reporma. Sinasabi sa atin ng Bibliya na mga 2,000 taon na ang nakalipas, pinapurihan ng isang tagapagsalita sa madla si Felix, ang prokurador sa lalawigan ng Judea sa Roma, sa mga pananalitang ito: “May mga reporma na nagaganap sa bansang ito dahil sa iyong patiunang pagpaplano.” (Gawa 24:2) Mga 500 taon bago si Felix, itinaguyod ng Griegong mambabatas na si Solon ang mga reporma upang mapabuti ang mga kalagayan ng mahihirap. “Winakasan [ni Solon] ang napakasamang kalagayan ng karalitaan” sa sinaunang Atenas, ang paliwanag ng The Encyclopædia Britannica.
Maraming repormador sa kasaysayan ng relihiyon. Halimbawa, sinikap ni Martin Luther na repormahin ang Simbahang Romano Katoliko, at ang kaniyang pangunguna ay nagbukas ng daan para sa Protestantismo.
Ang Lawak ng Reporma
Maaari ring sikapin ng mga repormador na baguhin ang ordinaryo at ang pangkaraniwan. Itinataguyod ng ilang repormador ang isang naiibang istilo ng pamumuhay. Gayon ang naging kaso sa kilusang Lebensreform (reporma sa istilo ng pamumuhay) sa Alemanya noong maagang bahagi ng ika-20 siglo. Dahil sa pagsulong ng industriyalisasyon sa lipunan, nadama ng maraming tao na ang buhay ay salat sa damdamin at walang halaga. Iminungkahi ng mga repormador ang paraan ng pamumuhay na nagtataguyod sa kalikasan at simpleng buhay. Itinaguyod nila ang pagiging malusog, mga gawain sa labas ng bahay, natural na medisina, at pagkain lamang ng gulay.
Isiniwalat ng iba pang mga repormador ang kawalang-katarungan at ginipit ang pamahalaan na ituwid ang situwasyon. Mula noong unang mga taon ng dekada ng 1970, nagpoprotesta ang mga grupo ng mga aktibistang pangkapaligiran laban sa mga pag-abuso at pagsira sa kapaligiran. Ang ilan sa mga grupong ito nang maglaon ay naging pangglobong mga organisasyon. Hindi naman basta na lamang nagsasagawa ang mga aktibista ng demonstrasyon at protesta laban sa mga panganib sa kapaligiran. Nagbibigay rin sila ng mga mungkahi kung paano lulunasan ang kalagayan. Bukod sa iba pang bagay, nakatulong ang kanilang impluwensiya para baguhin ang batas tungkol sa pagtatambak ng nakalalasong basura sa dagat at panghuhuli ng mga balyena.
Noong dekada ng 1960, gumawa ng reporma ang Second Vatican Council sa Simbahang Romano Katoliko. Nasaksihan din noong dekada ng 1990 ang diumano’y mga repormador mula sa lego ng Simbahang Katoliko. Bilang halimbawa, iminungkahi nila ang isang pagbabago may kinalaman sa hindi pag-aasawa ng pari. Isinulong naman ng mga repormador sa Church of England ang isang pagbabago na nagpapahintulot sa ordinasyon ng mga babae sa pagkapari.
Hindi Gusto ng Lahat
Mayroon namang lubhang mabubuting bagay na nagawa ang ilang reporma. Halimbawa, masusumpungan natin sa Bibliya ang maraming halimbawa ng pambansang mga lider at ng iba pa na nagtaguyod ng kanais-nais na mga reporma. Ang mga pagsisikap na iyon ay nagdulot ng espirituwal na pagpapanumbalik, pagpapanibago sa lipunan, at pagsang-ayon ng Diyos. (2 Hari 22:3-20; 2 Cronica 33:14-17; Nehemias, kabanata 8 at 9) Nitong nakalipas na mga panahon lamang, malaki ang nagawa ng pinag-ibayong pagdiriin sa saligang kalayaan, mga karapatang sibil, at mga karapatang pantao upang ipagsanggalang at ipagtanggol ang mahihirap na minorya at mga indibiduwal na pinag-uusig.
Gayunman, ang mga reporma, pagkatapos na maiharap ay kadalasang nagbubunga ng di-inaasahang mga resulta. Si John W. Gardner, opisyal ng bayan noong ika-20 siglo, ay nagsabi: “Isa ito sa mga kabalintunaan ng kasaysayan anupat kadalasan ay nagkakamali ang mga repormador sa pagtantiya sa mga kahihinatnan ng kanilang mga reporma.” Isaalang-alang ang ilang halimbawa.
Simula noong unang mga taon ng dekada ng 1980, pinasimulan ng European Community ang mga reporma sa agrikultura na naglalayong gawing kapaki-pakinabang ang mga damuhang pastulan at iláng na tirahan. Dahil sa bagong mga patakaran sa agrikultura, ginawang mga damuhan ang mahigit na 300,000 ektarya ng mga lupang masasaka sa Alemanya at Italya. Sa kabila ng mabubuting intensiyon, may di-inaasahang mga panganib. “Bagaman sa pasimula ay nagbukas ito ng magandang pagkakataon upang dagdagan ang ekolohikal na kahalagahan ng mga lugar na iyon,” ang sabi ng United Nations Environment Programme, “ang mga hakbang na ginawa upang ‘itabi’ ang ilang dako bilang damuhang pastulan ay maaari ring magkaroon ng negatibong mga resulta—na maaaring maging dahilan para iwan ng mga tao ang tradisyonal na mga sistema ng pagsasaka at sundin ang di-angkop na mga anyo ng pangangasiwa sa kagubatan o paglilinang ng bagong kagubatan.”
May kinalaman naman sa mga pagsisikap na tulungan ang mahihirap, ganito ang sabi ng International Fund for Agricultural Development: “Ang lahat ng mga pagsisikap upang tulungan ang mahihirap
sa pamamagitan ng repormang pang-institusyon ay napapaharap sa napakalaking problema. Ang mga institusyon ay karaniwang nililikha at pinangangasiwaan para sa kapakanan ng mga taong makapangyarihan. . . . Ang ‘mga taong maimpluwensiya’ ay mahilig magpalakad ng lokal na mga institusyon para sa kanilang sariling kapakanan.”Ang isa pang halimbawa ay ang kilusang feminista, na bumago sa buhay ng kababaihan sa mga bansa sa Kanluran dahil sa pagtatamo nila ng mga bagay na gaya ng karapatang bumoto at higit na mga pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo at magtaguyod ng mga karera. Subalit inaamin kahit ng ilang tagapagtaguyod ng women’s liberation (kilusan ng kababaihan para sa pantay na karapatan) na nalutas ng feminismo ang ilang problema subalit pinalala naman ang iba pa. Ang manunulat na si Susan Van Scoyoc ay nagtanong: “Talaga bang napabuti natin ang kalagayan ng kababaihan o, naisadlak natin sila sa kahapisan dahil inaasahan nating ang kababaihan ay magiging kapantay sa dako ng trabaho subalit hindi man lamang tinutulungan sa mga gawain sa bahay?”
Hindi Mabisang mga Reporma
Ang ilang repormista ay inakusahang nagtataguyod ng reporma para lamang masabing mayroon silang binago. Sa paglalarawan sa tinatawag niyang hindi mabisang reporma, ganito ang sinabi ni Frederick Hess, na nagsuri sa reporma sa paaralan: “Ang problema sa masasamang resulta ng malawakan at isinusulong na reporma ay nasa katangian ng pagsasagawa ng reporma mismo. Sa halip na lutasin ang mga problema, ang mga pagsisikap na ito sa reporma ay umaagaw lamang ng eksena na talagang nagpalubha pa” sa mga problema na dapat sana’y nalutas ng mga ito. Sabi pa niya: “Dahil sa ang bawat rehimen ay may hilig na magsimula ng bagong mga reporma, ang buong proseso ay muling nagsisimula tuwing ilang taon.”
Ang mga reporma ay maaari ring gamitin sa wakas upang itaguyod ang naiiba at kung minsa’y may nakapipinsalang layunin. Ang kilusang Lebensreform sa Alemanya ay tumulong sa pagkakaroon ng teoriyang eugenics, ang pagsusuri kung paano pagbubutihin ang lahi ng tao sa pamamagitan ng pagpili ng mga magulang na makapagluluwal ng mas mahuhusay na anak. Gayunman, ginamit ng mga taong radikal sa maling paraan ang kaalamang ito upang suportahan ang mga National Socialist dahil sa ipinakikipaglaban nilang ideolohiya na lumikha ng isang nakahihigit na lahi.
Kahit na ang masisigasig na tagapagtaguyod ng reporma ay nasisiphayo paminsan-minsan sa mga resulta. Ganito ang panangis ng kalihim-panlahat ng United Nations na si Kofi Annan: “Sa palagay ko ang pinakamalungkot na bahagi ay na alam nating lahat kung ano ang mali at kung ano ang kailangang gawin, subalit kadalasang wala naman tayong ginagawa. Kung minsan, ang isang tanggapang pampangasiwaan na pinangungunahan ng kalihim-panlahat ay inuutusang gumawa ng paraan sa isang kalagayan na kailangang baguhin, subalit wala namang salapi na magugugol para maisakatuparan ang mga pasiya. Paminsan-minsan, kapag may nangyayaring di-kapani-paniwalang mga bagay at nais nating gisingin ang konsiyensiya ng daigdig,
wala namang gustong kumilos dahil sa nadalâ na sila sa masasamang karanasan noon.”Hindi maaasahan ng mga repormador na sila’y magugustuhan, dahil ginagawa nilang di-komportable ang buhay ng iba kapag itinatawag-pansin nila ang kanilang layunin. “Ang repormador ay laging isang tinik sa laman,” ang sabi ni Jürgen Reulecke, isang propesor ng makabagong kasaysayan at isang espesyalista hinggil sa mga repormador na sinipi sa pahayagang Die Zeit. Bukod diyan, bagaman ang karamihan ng mga repormador ay sumusunod sa batas at umiiwas sa karahasan, ang ilan ay nagiging mainipin kapag walang gaanong nangyayari. Sa ilalim ng gayong mga kalagayan, maaaring maging mga militanteng lumalabag sa batas ang mga kabilang sa isang kilusan ukol sa reporma.
Mas nasisiyahan ba sa buhay ang mga tao sa pangkalahatan nitong nakalipas na mga taon dahil sa malawakang mga reporma? Tila hindi gayon ang kalagayan. Bilang halimbawa, ipinakikita ng sinurbey na mga opinyon sa Alemanya na sa nakalipas na 35 taon o higit pa, ang antas ng kasiyahan sa buhay ay parang walang ipinagbago. Kumusta naman ang tungkol sa relihiyon? Nakaakit ba ng mas maraming mananamba ang mga reporma sa relihiyon? Mas nasisiyahan ba sa relihiyon ang mga mananamba? Hindi, gaya ng makikita, ang mga bansa sa Kanluran ay nagiging higit at higit na sekular at hindi na gaanong naaakit ang mga tao sa tradisyonal na relihiyon.
Isa Bang Repormador si Jesu-Kristo?
Maaaring sabihin ng ilan na repormador si Jesu-Kristo. Totoo ba iyon? Mahalaga ang tanong na ito sa sinumang nagnanais na maging isang tunay na lingkod ng Diyos, yamang may kaugnayan iyan sa pagiging maingat na tagasunod-yapak ni Kristo.—1 Pedro 2:21.
Walang-alinlangang may kakayahan si Jesus na gumawa ng reporma. Bilang isang sakdal na tao, maaari sana siyang manguna sa paggawa ng isang bagay na may malawakan at bagong mga pamamaraan. Gayunman, hindi sinimulan ni Kristo ang isang kampanya upang alisin sa daigdig ang tiwaling mga opisyal o ang di-matapat na mga negosyante. Hindi siya nanguna sa mga demonstrasyon sa lansangan laban sa kawalang-katarungan, bagaman siya mismo ay magiging inosenteng biktima ng isang nakapangingilabot na kawalan ng hustisya. Kung minsan, si Jesus ay “walang dakong mahihigan ng kaniyang ulo.” Gayunman, hindi siya bumuo ng pangkat ng mga nagpoprotesta upang itawag-pansin ang mga pangangailangan ng mga walang tirahan. “Lagi ninyong kasama ang mga dukha,” ang paliwanag niya nang may ilang dumaing hinggil sa pananalapi. Nanatiling neutral si Jesus sa mga labanan ng daigdig.—Mateo 8:20; 20:28; 26:11; Lucas 12:13, 14; Juan 6:14, 15; 18:36.
Sabihin pa, nabagbag din ang damdamin ni Kristo sa mga problemang gaya ng karalitaan, katiwalian, at kawalang-katarungan. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na lubha siyang nabagabag sa kahabag-habag na kalagayan ng sangkatauhan. (Marcos 1:40, 41; 6:33, 34; 8:1, 2; Lucas 7:13) Subalit isang natatanging solusyon ang inialok niya. Ang solusyon na inialok ni Kristo ay, hindi isang simpleng reporma, kundi isang ganap na pagbabago sa paraan ng pamamahala sa mga gawain ng sangkatauhan. Ang pagbabagong ito ay isasagawa ng makalangit na Kahariang itinatag ng Maylalang ng sangkatauhan, ang Diyos na Jehova, at pangangasiwaan ni Jesu-Kristo bilang Hari. Ito ang tatalakayin sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
“Isa ito sa mga kabalintunaan ng kasaysayan anupat kadalasan ay nagkakamali ang mga repormador sa pagtantiya sa mga kahihinatnan ng kanilang mga reporma.”—John W. Gardner
[Blurb sa pahina 7]
“Sa palagay ko ang pinakamalungkot na bahagi ay na alam nating lahat kung ano ang mali at kung ano ang kailangang gawin, subalit kadalasang wala naman tayong ginagawa.”—Kalihim-panlahat ng United Nations na si Kofi Annan
[Kahon/Mga larawan sa pahina 8, 9]
“Isinapanganib Ko ang Aking Buhay Upang Protektahan ang Kapaligiran”
Si Hans ay isang marino sa loob ng 48 taon, kasama na rito ang pagiging isang kapitan ng barko sa loob ng mahigit na 35 taon. Sa pagtatapos ng kaniyang karera, naglingkod siya bilang kapitan sa barko na ginagamit ng isang organisasyong pangkapaligiran. Ganito ang paliwanag niya:
“Sa tuwina’y naniniwala ako na kailangang igalang ng sangkatauhan ang kapaligiran at pakitunguhan ang kalikasan nang may dignidad. Kaya nang ako ay alukin na maging kapitan sa barko ng isang pangkat ng mga nangangalaga sa kapaligiran, agad ko itong tinanggap. Ang trabaho namin ay ilantad ang mga nagsasapanganib sa kapaligiran. Kapag nagplano kami ng isang kampanya sa dagat, isinasangkot namin ang media upang matawag ang pansin ng publiko. Naglalayag kami palaot at pinahihinto namin ang pagtatambak ng radyoaktibong basura at nakalalasong mga substansiya. Sa iba namang kampanya, sinikap naming patigilin ang lansakang pagpatay sa mga poka (seal) at sa mga anak nito.
“Hindi para sa mga matatakutin ang trabahong ito. Isinapanganib ko ang aking buhay upang protektahan ang kapaligiran. Sa isang kilos protesta, ipinosas ko ang aking sarili sa angkla ng barko at kinaladkad ako nito hanggang sa pinakasahig ng dagat. Noong minsan naman, nakasakay ako sa isang lantsang goma habang sinasabayan ko ang takbo ng isang malaking barko. May naghulog ng isang mabigat at metal na dram sa aming lantsang goma, anupat ito ay tumaob. Ako’y malubhang nasaktan.”
Nang maglaon, natanto ni Hans na bagaman mabuti ang mga intensiyon ng organisasyon, isinasapanganib niya ang kaniyang buhay gayong wala namang gaanong tsansa na magbubunga ito ng namamalaging epekto sa kapaligiran. (Eclesiastes 1:9) Di-nagtagal pagkatapos niyang umalis sa pangkat na nangangalaga sa kapaligiran, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at naging isang bautisadong Saksi. Siya ngayon ay isang buong-panahong ministro. “Tinulungan ako ng Bibliya na matanto na tanging ang Mesiyanikong Kaharian lamang ng Diyos ang makatotohanang pag-asa na makapangangalaga sa kapaligiran.”
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
Nakipaglaban Siya Para sa Reporma
Si Sara (hindi niya tunay na pangalan) ay isinilang sa Asia noong kalagitnaan ng dekada ng 1960. Tin-edyer siya noon nang maluklok sa kapangyarihan ang isang bagong rehimen, na nangako ng pulitikal at sosyal na reporma, dahil sa isang rebolusyon sa kaniyang bansa. Sa pasimula, maligaya ang mga mamamayan ng kaniyang bansa dahil sa mga pagbabago, subalit sa loob ng isang taon, pinasimulang usigin ng bagong pamahalaan ang mga sumasalansang, katulad ng ginawa ng dating pamahalaan. Nasiphayo ang maraming tao, at si Sara ay nasangkot sa organisadong oposisyon sa bagong pamahalaan. Ganito ang paliwanag niya:
“Nagdaos ng mga pulong ang aming grupo ng oposisyon, at nagprotesta kami nang hayagan. Nagdirikit ako ng mga poster sa mga lansangan ng kabiserang lunsod at namamahagi ng mga pulyeto nang arestuhin ako ng milisya. Nang bandang huli ay pinalaya nila ako. Ang iba sa aming grupo ay hindi naging mapalad. Inaresto at pinatay ang dalawa sa aking mga kaibigang babae. Nanganganib ang buhay ko, kaya hinimok ako ng aking tatay na umalis ng bansa.”
Pagdating sa Europa, nag-aral si Sara ng Bibliya at nabautismuhan bilang isang Saksi ni Jehova. Sa ngayon, siya ay isang buong-panahong ministro. Sa paggunita sa nakaraan, sinabi ni Sara:
“Minimithi ko ang katarungan at isang solusyon sa ating mga problemang panlipunan. Nakita ko na may gayunding mga tunguhin ang bagong pamahalaan sa aming bansa nang magsimula ito subalit naging labis-labis naman ito anupat naiwala nito ang kaniyang mga tunguhin at nagsimulang siilin ang mga tao. Natanto ko rin na hindi taglay ng grupong nagpoprotesta na sinalihan ko ang mga solusyon sa mga problema ng aming bansa. (Awit 146:3, 4) Natanto ko ngayon na ang solusyon sa lahat ng mga problema ng sangkatauhan ay ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos.”
[Larawan sa pahina 7]
Bumagsak ang Berlin Wall noong 1989
[Larawan sa pahina 8]
Nakaakit ba ng mas maraming mananamba ang mga reporma sa relihiyon?
[Picture Credit Line sa pahina 5]
Kanan sa itaas: U.S. Information Agency photo
[Picture Credit Line sa pahina 7]
Kofi Annan: UN/DPI photo by Evan Schneider (Feb97); background: WHO/OXFAM