Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Lagay ng Panahon Sumulat ako upang pasalamatan kayo sa seryeng “Ano Na ang Nangyayari sa Lagay ng Panahon?” (Agosto 8, 2003) Nang mabasa ko ang pananalitang, “Sa kabila ng lahat ng panganib na idinudulot ng gayong mga trahedya, ang mga ito’y maaaring may kapaki-pakinabang na epekto naman,” nagulat ako. Pero nang mabasa ko naman ang sumunod na pangungusap, “Nauudyukan nito ang mga tao na magpakita ng pag-ibig at pagmamalasakit sa kanilang kapuwa,” napasang-ayon ako. Araw-araw tayong napapaharap sa lahat ng uri ng kabagabagan—at hindi lamang sa mga trahedya. Gusto kong palaging isaisip na anuman ang mangyari, maaaring may kapaki-pakinabang na epekto rin naman ito.
S. T., Hapon
Tulong sa Panahon ng Sakuna Nabasa ko na ang artikulong “Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo.” (Agosto 8, 2003) Dahil sa paraan ng pagharap ng mga Saksi ni Jehova sa mga kagipitan na sanhi ng likas na mga kasakunaan, higit kong napahalagahan ang pagiging bahagi ng organisasyong ito. Salamat sa paglalathala ng mga artikulong kagaya nito, na tumutulong sa atin na ipamalas ang mga katangiang hindi matatangay ng bagyo.
M. P., Italya
Naranasan ko mismo ang ilang kasakunaan, kasama na ang mga pagbaha at lindol. Nangangaral ako sa bahay-bahay nang lumindol noong 1989. Isang 14-na-taóng-gulang na kabataang lalaki na kasama ko ang nagtatakbo dahil sa pagkataranta! Hinawakan ko ang kamay niya at nanalangin upang huminahon siya. Sa loob ng ilang segundo, nagbagsakan sa palibot namin ang mga naputol na linya ng kuryente. Takot na takot ang mga tao! Ang bahay ko mismo ay nagkaroon ng malaking bitak sa sementong sahig nito. Pero noon mismong hapon na iyon, nagbahay-bahay uli kami, anupat tinulungan ang iba na makayanan ang trahedya. Tunay na ipinaalaala sa akin ng artikulong ito ang mga karanasan ko!
B. S., Estados Unidos
Maraming salamat sa paglalathala ng nakapagpapatibay na mga artikulong kagaya ng “Isang Bagay na Hindi Matatangay ng Bagyo.” Napaiyak ako nang binabasa ko ito. Tiyak na walang bagyo ang makatatangay sa pag-ibig natin para sa ating mga kapuwa Kristiyano at sa walang pag-iimbot na pag-ibig natin para sa ating kapuwa.
I. A., Hapon
Pag-abuso sa Droga Maraming salamat sa seryeng “Pag-abuso sa Droga sa Loob ng Pamilya—Ano ang Maaari Mong Gawin?” (Abril 8, 2003) Matagal-tagal na rin akong nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, pero hindi pa ako sumusulong sa espirituwal dahil sa problemang ito. Nang mabasa ko ang kahong “Tulong Para sa Pagalíng Nang mga Nag-aabuso sa Droga,” natanto ko na ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw at pagkakapit ng mga simulain nito ay tutulong sa aking mga pagsisikap na gumaling. Gayundin, malaking bagay ang pagkaalam na talagang nagmamalasakit sa akin ang Diyos.
R.S. A., Brazil
Maiigting na Bata Nais kong ipahayag ang aking taos-pusong pagpapahalaga sa seryeng “Mga Bata—Napakabilis ba Nilang Lumaki?” (Abril 22, 2003) Iyan mismo ang hinahanap ko. Bilang nagsosolong ina at buong-panahong ebanghelisador, napakahirap ng iskedyul ko. Madalas akong nag-iisip, ‘Mabuti ba akong ina? Masyado ba akong mapaghanap sa aking anak na babae?’ Nakaaaliw malaman kung saan ako maaaring sumulong. Sa kasalukuyan, nais kong masiyahan sa panahon ng pagkabata ng aking anak na babae, at nais ko rin namang masiyahan siya rito. Bagaman nakapagpapatibay ang lahat ng artikulo ninyo, ang mga artikulong gaya nito ang lubhang nakapagpapasigla sa akin.
M.D.E., Mexico
Hinanap ng Isang Bata ang Diyos Labing-isang taóng gulang po ako. Nabasa ko ang artikulong “Gusto Kong Makaalam Nang Higit Pa Tungkol kay Jehova.” (Abril 22, 2003) Napasigla po akong malaman na isang batang babae na mas matanda lamang sa akin nang isang taon ang nagsisikap na mag-aral hinggil kay Jehova. Ngayon ay gusto ko na pong lumabas at magpatotoo sa iba.
Y. T., Hapon