Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit ba Natin Kailangan ang Pag-asa?

Bakit ba Natin Kailangan ang Pag-asa?

Bakit ba Natin Kailangan ang Pag-asa?

PAANO kung si Daniel, ang kabataang may kanser na inilarawan sa pambungad ng naunang artikulo, ay nanatiling may malaking pag-asa? Nadaig kaya niya ang kanser? Buháy pa kaya siya ngayon? Maging ang pinakamasigasig na tagapagtaguyod ng pag-asa ay malamang na hindi gagawa ng gayong mga pag-aangkin. At iyan ang isang mahalagang punto. Hindi dapat palabisin ang kapangyarihan ng pag-asa. Hindi ito isang lunas sa lahat ng bagay.

Sa isang panayam na ginawa ng CBS News, nagbabala si Dr. Nathan Cherney sa panganib ng pagpapalabis sa kapangyarihan ng pag-asa kapag nakikitungo sa mga pasyenteng may malubhang sakit: “May nasaksihan kaming mga situwasyon kung saan labis na pinagagalitan ng mga asawang lalaki ang kani-kanilang asawa dahil hindi raw sapat ang kanilang ginagawang pagbubulay-bulay, na kulang pa raw ang kanilang positibong pag-iisip.” Sinabi pa ni Dr. Cherney: “Ang ganitong kaisipan ay lumikha ng ilusyon ng pagsupil, at kapag lalong humina ang kalusugan ng mga tao, inaakala ng ilan na hindi nila nasupil nang mabuti ang kanilang tumor, at hindi ito makatuwiran.”

Ang totoo, yaong mga nakikipaglaban sa nakamamatay na sakit ay nakikipagbaka sa isang labanan na nakapapagod at nakasasaid ng lakas. Tiyak na hindi nanaisin ng kanilang mga mahal sa buhay na dagdagan pa ng paninisi ang kanilang mabigat nang pasanin. Kung gayon, dapat ba nating sabihin na walang halaga ang pag-asa?

Hindi. Halimbawa, ang nabanggit na doktor ay nagpapakadalubhasa sa palliative care​—samakatuwid nga, ang paggamot na nagtutuon ng pansin, hindi sa tuwirang paglaban sa sakit o maging sa pagpapahaba ng buhay, kundi sa pagsisikap na maging mas maalwan at kaayaaya ang buhay ng pasyente hangga’t nabubuhay pa ito. Matibay ang paniniwala ng gayong mga doktor sa kahalagahan ng mga paggamot na nagbubunga ng mas maligayang kalagayan ng isip, maging sa mga may malubhang sakit. May malaking katibayan na nagagawa ito ng pag-asa​—at higit pa roon.

Ang Kahalagahan ng Pag-asa

“Mabisang terapi ang pag-asa,” ang pahayag ng peryodista hinggil sa medisina na si Dr. W. Gifford-Jones. Nirepaso niya ang iba’t ibang pag-aaral na ginawa upang matiyak ang kahalagahan ng emosyonal na suporta sa mga pasyenteng may malubhang sakit. Ipinapalagay na tumutulong ang ganitong uri ng suporta upang mapanatili ng mga tao ang pangmalas na positibo at puno ng pag-asa. Natuklasan ng isang pag-aaral noong 1989 na nabuhay nang mas matagal ang mga pasyenteng nakatanggap ng gayong suporta, bagaman hindi gaanong nakatitiyak hinggil sa bagay na ito ang kamakailang pananaliksik. Gayunman, tiniyak ng mga pag-aaral na hindi gaanong nanlulumo at naghihirap ang mga pasyenteng nakatatanggap ng emosyonal na suporta kung ihahambing sa mga hindi nakatatanggap nito.

Isaalang-alang ang isa pang pag-aaral na nagtuon ng pansin sa nagagawa ng pagiging optimistiko at pesimistiko sa coronary heart disease (CHD). Isang grupo ng mahigit na 1,300 lalaki ang maingat na sinuri kung mayroon silang optimistiko o pesimistikong pangmalas sa buhay. Natuklasan ng ginawang pagsubaybay pagkalipas ng sampung taon na mahigit sa 12 porsiyento ng mga lalaking iyon ang nagkaroon ng isang anyo ng CHD. Sa mga ito, halos doble ang dami ng mga pesimistiko kaysa sa mga optimistiko. Si Laura Kubzansky, katulong na propesor sa kalusugan at panlipunang paggawi sa Harvard School of Public Health, ay nagkomento: “Ang karamihan sa mga katibayan para sa opinyon na nakabubuti sa iyong kalusugan ang ‘positibong pag-iisip’ ay kuwento lamang​—inilalaan ng pag-aaral na ito ang ilan sa kauna-unahang tunay na medikal na katibayan para sa ideyang ito sa larangan ng sakit sa puso.”

Natuklasan ng ilang pag-aaral na mas mabagal gumaling ang mga naoperahan na nagtuturing na mahina ang kanilang sariling kalusugan kaysa sa mga naoperahan na nagtuturing na napakahusay ng kanilang kalusugan. Maging ang haba ng buhay ay iniuugnay sa pagiging optimistiko. Sinuri ng isang pag-aaral kung paano nakaaapekto sa mga may-edad na ang positibo at negatibong mga pangmalas sa pagtanda. Nang hayaang mabasa ng mas matatandang tao ang saglit na mga mensahe na iniuugnay ang pagtanda sa paglago ng karunungan at karanasan, natuklasan na nakapaglakad sila nang may ibayong lakas at sigla. Sa katunayan, ang pagsulong ay katumbas ng mga resulta ng 12-linggong programa sa pag-eehersisyo!

Bakit waring kapaki-pakinabang sa kalusugan ang mga emosyon na gaya ng pag-asa, pagiging optimistiko, at positibong pangmalas? Marahil ay hindi pa lubusang nauunawaan ng mga siyentipiko at mga doktor ang isip at katawan ng tao upang makapagbigay ng tiyakang mga sagot. Gayunman, makapagbibigay ng pinag-aralang mga opinyon ang mga eksperto na nagsisikap na pag-aralan ang bagay na ito. Halimbawa, sinabi ng isang propesor sa neurolohiya: “Ang sarap ng pakiramdam ng maging maligaya at mapuno ng pag-asa. Ito ay isang kasiya-siyang kalagayan na nagdudulot ng kakaunting kaigtingan, at lumulusog ang katawan sa gayong mga kalagayan. Isa pa itong bagay na magagawa ng mga tao para sa kanilang sarili upang sikaping manatiling malusog.”

Maaaring waring bago ang opinyong ito sa ilang doktor, sikologo, at siyentipiko, ngunit hindi ito bago sa mga estudyante ng Bibliya. Halos 3,000 taon na ang nakalilipas, kinasihan ang marunong na si Haring Solomon upang isulat ang kaisipang ito: “Ang masayang puso ay nakabubuti bilang pampagaling, ngunit ang bagbag na espiritu ay tumutuyo ng mga buto.” (Kawikaan 17:22) Pansinin ang pagkatimbang na ipinakita rito. Hindi sinasabi ng talatang ito na pagagalingin ng masayang puso ang anumang karamdaman kundi “nakabubuti [lamang ito] bilang pampagaling.”

Sa katunayan, makatuwirang itanong, Kung ang pag-asa ay isang gamot, sinong doktor ang hindi magrereseta nito? Bukod diyan, hindi lamang sa larangan ng kalusugan nagdudulot ng mga kapakinabangan ang pag-asa.

Ang Pagiging Optimistiko, Pagiging Pesimistiko, at ang Iyong Buhay

Natuklasan ng mga mananaliksik na nakikinabang sa maraming paraan ang mga optimistiko sa kanilang positibong pangmalas. May tendensiya silang maging mas mahusay sa paaralan, sa trabaho, at maging sa larangan ng palakasan. Halimbawa, pinag-aralan ang isang koponan ng mga babaing nakikipagpaligsahan sa pagtakbo. Nagbigay ang mga tagapagsanay ng lubusang pagtasa sa mga kakayahan ng mga babae sa palakasan lamang. Kasabay nito, sinuri mismo ang mga babae at maingat na inalam ang antas ng kanilang pag-asa. Ipinakita ng mga resulta na ang antas ng pag-asa ng mga babae ay lubhang mas tumpak na batayan ng kanilang maisasagawa kaysa sa lahat ng estadistikang sinuri ng kanilang mga tagapagsanay. Bakit gayon na lamang kalakas ang impluwensiya ng pag-asa?

Marami ang natutuhan sa pag-aaral hinggil sa kabaligtaran ng pagiging optimistiko​—ang pagiging pesimistiko. Noong dekada ng 1960, nagbunga ng di-inaasahang resulta ang mga eksperimento hinggil sa paggawi ng mga hayop, na naging dahilan upang imbentuhin ng mga mananaliksik ang pariralang “nalinang na kawalang-kakayahan.” Natuklasan nila na maaari ring magkaroon ng isang uri ng ganitong sindrom ang mga tao. Halimbawa, ang mga taong ineksperimento ay inihantad sa nakayayamot na ingay at sinabihan na matututuhan nilang pahintuin ito sa pamamagitan ng pagpindot sa sunud-sunod na mga buton. Napahinto nila ang ingay.

Gayundin ang sinabi sa ikalawang grupo​—ngunit walang epekto ang pagpindot sa mga buton. Gaya ng maguguniguni mo, marami sa ikalawang grupong iyon ang nakadama ng kawalang-kakayahan. Sa sumunod na eksperimento, atubili na silang gumawa ng anumang hakbang. Nakumbinsi sila na wala silang magagawa para baguhin ang mga bagay-bagay. Subalit maging sa ikalawang grupong iyon, ang mga optimistiko ay tumangging magpadaig sa gayong kaisipan na wala na silang magagawa.

Si Dr. Martin Seligman, na tumulong sa pagdisenyo sa ilan sa naunang mga eksperimentong iyon, ay naudyukang gawing karera ang pag-aaral hinggil sa pagiging optimistiko at pesimistiko. Masusi niyang sinuri ang uri ng pag-iisip na ipinakikita ng mga taong may tendensiyang malasin ang kanilang sarili na walang kakayahan. Naging konklusyon niya na ang gayong pesimistikong pag-iisip ay nakahahadlang sa mga tao sa maraming gawain sa buhay o nakapipigil pa nga sa kanila na kumilos. Ganito binuod ni Seligman ang pesimistikong pag-iisip at ang mga epekto nito: “Ang dalawampu’t limang taóng pag-aaral ay kumumbinsi sa akin na kung makakaugalian nating paniwalaan, gaya ng pesimistiko, na ang kasawian ay bunga ng ating pagkakamali, na magtatagal ito, at sisirain nito ang lahat ng gagawin natin, mas maraming kasawian ang sasapit sa atin kaysa kung hindi gayon ang paniniwalaan natin.”

Muli, maaaring waring bago sa ilan sa ngayon ang gayong mga konklusyon, ngunit pamilyar ito sa mga estudyante ng Bibliya. Pansinin ang kawikaang ito: “Nanghihina ba ang iyong loob sa araw ng kabagabagan? Ang iyong kalakasan ay magiging kaunti.” (Kawikaan 24:10) Oo, malinaw na ipinaliliwanag ng Bibliya na ang panghihina ng loob, lakip na ang kaakibat nitong negatibong kaisipan, ay uubos ng iyong lakas sa pagkilos. Subalit ano ang magagawa mo upang mapaglabanan ang pagiging pesimistiko at maging higit na optimistiko at puno ng pag-asa ang iyong buhay?

[Larawan sa pahina 4, 5]

Malaking kabutihan ang maidudulot ng pag-asa