Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kakaibang mga Libingan ng Peru—Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula sa mga Ito

Kakaibang mga Libingan ng Peru—Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula sa mga Ito

Kakaibang mga Libingan ng Peru​—Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula sa mga Ito

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PERU

MARAMI kang matututuhan tungkol sa isang bayan mula sa paraan ng pagtrato nila sa mga patay. Ang katotohanang ito ay partikular na makikita sa Peru, isang lupain kung saan maraming kultura ang nag-iwan ng kanilang bakas​—ang mga Moche, Chimu, Nazca, Chachapoya, Colla, at mga Inca. Ang bawat kultura ay may kani-kaniyang mga kaugalian sa paglilibing, na nagpapamalas ng naiibang mga paniniwala tungkol sa kabilang-buhay.

Ang mga siyentipiko at maging ang mga nagnanakaw sa libingan ay nakapaghukay ng libu-libong libingan at nakatuklas ng mga labí na napreserbang mabuti at nababalutan ng ilang metro ng hinabing tela o di-hinabing algudon. Ang ilan sa mga tela ay may iba’t-ibang disenyo na maganda ang pagkakahabi. Nasumpungan sa mainit at tuyong buhangin ng disyerto na tumatakip sa kalakhang bahagi ng Baybaying Pasipiko ng Peru ang libu-libong momya na napreserbang mabuti.

Mga Libingan ng mga Makapangyarihan

Isiniwalat ng mga paghuhukay sa mga libingan ng mga Moche ang mga bangkay ng mga taong maharlika na inilibing kasama ang napakaraming kayamanan at mga tabak at maharlikang mga emblema ng tagapamahala. Nakalibing din doon ang ibang mga tao. Lumilitaw na inihain ang mga lingkod upang samahan ang kanilang mga pinuno sa kabilang-buhay. Pinutol pa nga ang mga paa ng ilang lingkod. Bakit kaya? Sinasabi ng isang teoriya na ang layunin nito ay upang hindi matakasan ng mga tagapaglingkod ang kanilang mga puwesto sa daigdig ng mga patay.

Malapit naman sa Lawa ng Titicaca, sa taas na 3,827 metro, ang naglalakihang mga libingan na tinatawag na mga chullpas, mga moog na bato na umaabot ng 12 metro ang taas at may mas malapad na taluktok kung ihahambing sa pinakapuno nito. Lumilitaw na ang mga ito ay naglalaman ng mga labí ng mga maharlika ng mga Colla, na nilupig naman ng mga Inca. Ang ilan sa mga libingan ay nagtataglay ng mga lilok ng mga serpiyente, pusa, at unggoy. Ang mga nilalang na ito ay sinasamba bilang mga tagapagbantay sa daigdig ng mga patay.

Sa Karajia, malapit sa bayan ng mga Chachapoya, may mga libingan doon na nakapupukaw ng imahinasyon. Ang dalawang-metrong-taas na mga sarkopago (kabaong na may kakaibang disenyo) na gawa sa pinatigas na luwad, na ang ilan sa mga ito ay may mga bakas pa rin ng orihinal na pintura noong lumipas na maraming siglo, ay nakatayo sa nakaungos na mga bato sa harap ng isang dalisdis. Ang mga mukhang nakaukit sa mga sarkopago ay waring may-karingalang nakasimangot habang nakatingin sa berdeng libis, habang namamanginoon sa lahat ng bagay na natatanaw ng kanilang di-nakakakitang mga mata.

Ebidensiya ng Masasaklap na Kamatayan

Sa isang karatig-pook sa Lima, natuklasan kamakailan ng mga arkeologo ang malalalim na libingang naglalaman ng mga 2,200 momya na nakabalot nang bungkus-bungkos. Lumilitaw na nagmula sa mga Inca ang mga bungkos, at mahusay pa rin ang hitsura ng mga ito. Napakalaki ng isa sa mga ito, na may timbang na 240 kilo at may 1.8 metro ang taas. Natuklasang naglalaman pala ito ng dalawang katawan​—isang maharlikang Inca na nakabalot sa 140 kilo ng di-naprosesong algudon at, katabi ng malaking bungkos, ang katawan ng isang bata na maaaring kamag-anak ng adulto. Hindi maubos maisip ng isa kung ano talaga ang dahilan ng pagkamatay ng mga ito matagal na panahon na ang nakalilipas.

Ang hindi gaanong misteryoso​—ngunit masaklap din ang kinahinatnan​—ay ang mga katawan ng mga batang inihain sa mga diyos ng kabundukan ng Andes. Marahil ay itinuturing ng mga magulang ng mga batang iyon na isang karangalan ang ipadala ang kanilang mga anak sa “kabilang daigdig,” marahil ay bilang mga sugo sa mga diyos. Karaniwan nang inililibing ang mga bata sa taluktok ng isang bundok o sa lugar na malapit dito. Ang katawan ng isang dalagita, na nakakubli sa loob ng maraming siglo, ay nasumpungan sa natatabunan-ng-niyebeng Sara Sara sa Ayacucho, sa taas na mga 5,000 metro. Ang gayong mga bata na inihain ay binabalutan ng mahahabang damit, kung minsan ay kasama ng mga kaloob at sinaunang mga bagay, gaya ng maliliit na estatuwa ng mga llama na gawa sa ginto o pilak.

Mga Pag-asa ng mga Patay​—Ano ang Saligan?

Hindi lamang ang lumipas na mga sibilisasyong ito sa Peru ang may mga ritwal sa paglilibing na nakasalig sa paniniwala na may mahiwagang kabilang-buhay. Maging ang makabagong mga kultura ay nagpapamalas ng masidhing pagkabahala sa buhay pagkatapos ng kamatayan sa iba’t-ibang paraan.

Lubhang magkakaiba ang mga paniniwala sa kabilang-buhay sa ngayon. Halimbawa, ang reinkarnasyon, paglipat ng mga kaluluwa sa ibang katawan, purgatoryo, apoy ng impiyerno, at ang konsepto ng pakikipagtalastasan sa mga patay ay mga paniniwalang pinahahalagahan ng marami. Ang gayong mga doktrina ay nakasalig lahat sa iisang turo​—na sa kamatayan, ang katawan lamang ang namamatay at may isang bagay na imortal na patuloy na nabubuhay. Hindi sinusuportahan ng Bibliya ang alinman sa mga ideyang ito.​—Eclesiastes 3:18-20; 9:5, 10; Ezekiel 18:4.

Sa halip, itinuturo ng Bibliya na ang tao mismo ay isang kaluluwa, isang buháy at mortal na nilalang. (Genesis 2:7) Gayunman, nagbibigay rin ang Salita ng Diyos ng isang kamangha-manghang pag-asa para sa mga patay. Itinuturo nito na magkakaroon ng “pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.” (Gawa 24:15) Hindi lamang basta inaangkin ng Bibliya ang gayong pag-asa. Naglalaman ito ng nasusulat na mga ulat tungkol sa mga nakasaksi sa ilang pagkabuhay-muli. (Juan 11:17-47; 1 Corinto 15:3-6) Kung gayon, tunay na kamangha-mangha ang pag-asa ng milyun-milyong nabuhay at namatay sa buong kasaysayan!

[Larawan sa pahina 13]

Mga sarkopago sa Karajia (sa itaas)

[Credit Line]

© Mylene D’Auriol/PromPerú

[Larawan sa pahina 13]

Mga moog na libingan na 12 metro ang taas, malapit sa Lawa ng Titicaca

[Credit Line]

© Carlos Sala/PromPerú

[Larawan sa pahina 14]

Nasumpungan ang nagyelong katawan ng isang dalagita sa itaas ng Andes

Natuklasan ng mga arkeologo ang mga 2,200 momya malapit sa Lima

[Credit Lines]

Kaliwa sa itaas: © Alejandro Balaguer/PromPerú; inset: Ira Block/NGS Image Collection