Nagpapaganda Lamang?
Nagpapaganda Lamang?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
NAPANSIN mo bang waring gumugugol ng maraming panahon ang mga ibon sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang balahibo? Tila maraming oras ang kanilang ginugugol araw-araw na walang ginagawa kundi kuskusin ang kanilang mga balahibo. Ito man ay mga loro o pelikano, maya o flamingo, ginagawa nilang lahat ang araw-araw na ritwal na ito. Bakit kaya? Nagpapaganda lamang ba sila?
Higit pa riyan ang tunay na dahilan. Kailangan ng mga ibon na gumugol ng panahon sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang mga balahibo kung paanong kailangan ng eroplano ang isang lubusang pagmamantini. Sa katunayan, ang pagpapanatiling nasa mahusay na kondisyon ang mga balahibo ay nangangahulugan ng buhay at kamatayan sa mga ibon. Lubhang napipinsala ang kanilang mga balahibo sa kalilipad, at ang paglilinis at pag-aayos ng balahibo ay hindi lamang nagpapanatili sa kanila na malinis at walang mga parasito kundi pinananatili rin nito ang kanilang mahusay na paglipad.
Kasali sa araw-araw na rutin ang pagkakabit-kabit ng anumang barb ng mga balahibo ng ibon na maaaring nagkahiwa-hiwalay. Kapag naikabit nang wasto ang mga barb,
nagiging mas mahusay at mas mataas ang paglipad ng mga ibon. “Dalawang grupo ng mga balahibo ang nangangailangan ng pantanging pansin,” ang paliwanag ng Book of British Birds, “ang mga balahibong panlipad na nasa mga pakpak at ang mga balahibo sa buntot na umuugit sa direksiyon ng paglipad.”Palagi ring may pakikipagpunyagi ang mga ibon upang makontrol ang mga parasito. Bukod pa sa pagiging panganib sa kalusugan ng ibon, aktuwal na kinakain ng maliliit na parasito ang mga balahibo. Napansin ng mga naturalista na hindi nalilinis at naaayos nang wasto ng mga ibong napinsala ang mga tuka ang kanilang sarili at, bunga nito, mas marami silang mga parasito sa balahibo kaysa sa normal na mga ibon. Upang mabilis na maalis ang mga parasito, nilalagyan ng ilang uri ng ibon ang kanilang sarili ng maraming langgam, na ang formic acid ay nagiging mabisang pamatay-insekto.
Sa wakas, kailangang langisan ang mga balahibo. Para sa mga ibong nabubuhay sa matutubig na lugar, ang langis sa mga balahibo ay nagbibigay ng proteksiyon sa tubig, at lahat ng ibon ay nabibigyan ng mas mainam na proteksiyon mula sa lagay ng panahon dahil sa mga balahibong malangis. Saan nanggagaling ang langis? Isang pantanging glandula na tinatawag na preen gland, na nasa itaas lamang ng buntot, ang naglalabas ng mga langis at pagkit, na matiyaga namang inililipat ng ibon sa mga balahibo nito. Minsan pa, pinag-uukulan ng pantanging pansin sa proseso ang mga balahibong panlipad.
Kaya hindi natin dapat ipalagay na nag-aaksaya lamang ng panahon ang ibon kapag nililinis at inaayos nito ang kaniyang mga balahibo. Totoo, ang prosesong ito ay nakatutulong upang mapaganda ang ibon, subalit pinananatili rin nito ang kalusugan ng ibon. Sa daigdig ng mga ibon, ang paglilinis at pag-aayos ng balahibo ay mahalaga sa kanilang kaligtasan.
[Dayagram/Larawan sa pahina 24]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Shaft
Mga barb
Mga barbule
Mga barbicel
[Larawan]
Sa pamamagitan ng paglilinis at pag-aayos ng kanilang mga balahibo, naikakawit ng mga ibon ang maliliit na bahagi ng kanilang mga balahibo, sa gayo’y napagkakabit-kabit ang mga “barb”
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Cortesía del Zoo de la Casa de Campo, Madrid
[Picture Credit Line sa pahina 24]
Pelikano: Foto: Loro Parque, Puerto de la Cruz, Tenerife; loro: Cortesía del Zoo de la Casa de Campo, Madrid