Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Sobrang Pag-aanunsiyo ng mga Sitsirya sa mga Bata
Inaakusahan ng dumaraming dalubhasa sa nutrisyon ang mga kompanya ng fast food dahil sa “puspusang pag-aanunsiyo na sumisira sa mga kaugalian ng mga bata sa pagkain at pagmumulat sa kanila sa mga kaugalian sa pagkain na umaakay sa sobrang katabaan,” ang sabi ng isang artikulo na inilathala sa pahayagang IHT Asahi Shimbun ng Tokyo. “Ang telebisyon pa rin ang pinakaepektibong paraan para makapagbenta sa mga bata,” ang sabi ng ulat, subalit bukod dito, “ginagawa [ng mga kompanya ng pagkain] ang lahat ng paraan para ianunsiyo ang kanilang mga produkto sa mga bata.” Ang mga pelikula, laro, Internet site, aklat sa aritmetika, at sari-saring manika at mga laruan ay nagtataglay ng anunsiyo ng kompanya ng pagkain. Bakit mag-aanunsiyo sa mga bata? “Iyon ang bumubuo sa pinakamaraming bilang ng mamimili,” ang sabi ng propesor sa marketing ng Texas A&M na si James McNeal. Gayunman, ganito ang sabi ni Propesor Walter Willet ng Harvard School of Public Health: “Ang napakarami sa itinitinda nila ay sitsirya. Gaano mo kadalas makitang ibinebenta ang mga prutas at gulay?”
Pagiging Ligtas ng Botelya ng Tubig
Natuklasan ng isang pag-aaral sa University of Calgary, Canada, ang napakaraming baktirya sa mga botelya ng tubig na ginagamit muli nang hindi hinuhugasan,” ang ulat ng magasing Better Homes & Gardens. Sa pag-aaral na iyon, mahigit sa 13 porsiyento ng mga botelyang ginagamit ng mga estudyante sa elementarya ang lumampas sa antas ng baktirya na itinuturing na ligtas. Kasama rito ang iba’t ibang uri ng mga baktiryang nanggagaling sa dumi—malamang dahil sa di-mabubuting kaugalian ng mga estudyante sa paghuhugas ng kamay. Iminungkahi ng isang mananaliksik na dapat palaging hugasan ng mainit na tubig at sabon ang mga botelya ng tubig at dapat lubusang tuyuin bago muling lagyan ng tubig.
Mga Leksiyon sa Musika at Memorya
Isinisiwalat ng isang bagong pananaliksik na ang “mga batang nag-aaral ng musika ay nagkakaroon ng mas mahusay na memorya at bokabularyo kaysa sa mga batang hindi nag-aaral ng musika,” ang ulat ng pahayagang Globe and Mail ng Canada. Ayon kay Dr. Agnes Chan ng Chinese University of Hong Kong, pinasisigla ng pag-aaral ng musika ang kaliwang panig ng utak, anupat pinahuhusay nito ang kabuuang gawain ng utak at mas pinasusulong ang utak sa paggawa ng iba pang mga atas—gaya ng pagkatuto ng mga salita. Nagsagawa ng mga pagsubok sa 90 estudyanteng nasa edad na 6 hanggang 15 hinggil sa kakayahang tandaan ang mga salita at mga bagay na nakita. Mas maraming salita ang naaalaala ng mga batang nag-aral ng musika kaysa sa mga di-nag-aral na mga estudyante. Miyentras patuloy silang nag-aaral ng musika, mas mahusay ang kakayahan nilang matuto ng mga salita. “Tulad iyon ng cross-training para sa utak,” sabi ni Dr. Chan. Naniniwala siya na ang mga nag-aaral ng musika ay “malamang na mas madaling matuto sa paaralan.”
Gaano Karaming Bituin?
Iniulat ng The Daily Telegraph ng London: “Tinaya ng mga astronomo na may 70 libong milyon milyon milyon—o pito na sinundan ng 22 zero—na mga bituin ang makikita mula sa Lupa” sa pamamagitan ng teleskopyo. “Binilang [ng mga astronomo mula sa Amerika, Australia, at Scotland] ang lahat ng mga galaksi sa isang maliit na rehiyon sa uniberso na malapit sa Lupa” at tinaya nila kung gaano karaming mga bituin ang nasa bawat galaksi. Pagkatapos, mula sa bilang na iyan ay tinaya nila ang bilang ng mga bituin sa natitira pang bahagi ng kalangitan. “Hindi ito ang kabuuang bilang ng mga bituin sa uniberso, subalit ito ang bilang na kaya naming makita sa pamamagitan ng aming mga teleskopyo,” ang sabi ni Dr. Simon Driver mula sa Australia, na nanguna sa pangkat. “Nakalilito ito maging sa isang propesyonal na astronomo na sanay magbilang ng napakalalaking numero.” Mga ilang libong bituin lamang ang nakikita ng ating mga mata mula sa pinakamadilim na dako sa lupa, at 100 lamang mula sa malaking lunsod.
Gulong na Kulang sa Hangin
“Ang isa sa 17 nakamamatay na aksidente sa haywey ay tuwirang may kinalaman sa kondisyon ng mga gulong,” ang sabi ng maikling ulat sa magasing Valeurs actuelles ng Pransiya. Ipinakita ng mga pag-aaral ng kompanya ng gulong na Michelin na “noong 2002, 2 sa 3 sasakyan ang may di-kukulangin sa isang gulong na laging kulang sa hangin.” Ayon kay Pierre Menendes, direktor ng technical communication para sa Michelin, “may-kamaliang ipinapalagay ng mga drayber na maaaring sumabog ang kanilang mga gulong kapag sobra sa hangin ang mga ito at na mas delikado ito kaysa kung kulang na kulang sa hangin. Ang kabaligtaran niyan ang totoo.” Kapag bumaba nang husto sa normal ang presyon ng hangin ng gulong, mas matagal magpreno, hindi kumakapit sa daan ang mga gulong maging sa mga kurbada at, sabi ng ulat, “maaaring mawalan ng kontrol ang sasakyan dahil sa biglang pagkabig ng manibela.” Isa pa, habang nababawasan ang hangin, nag-iiba ang hugis ng gulong. Ito ang dahilan ng pag-iinit ng mga bahagi sa loob ng gulong, na maaaring mauwi sa biglang pagputok ng gulong.
Humihina ang Pananampalataya sa Pransiya
“Nababawasan ang pagiging relihiyoso” sa Pransiya, ang ulat ng pahayagang Le Monde ng Pransiya. Bagaman inaangkin ng 73 porsiyento ng mga Pranses na sila ay relihiyoso, 24 na porsiyento lamang ang naniniwalang “tiyak” na umiiral ang Diyos. Sinabi naman ng 34 na porsiyento na “malamang” na umiiral ang Diyos, samantalang ang 19 na porsiyento ay nagsabi na “malayong mangyari” na umiiral ang Diyos at 22 porsiyento ang nagsabi na “imposibleng” umiiral ang Diyos. Labindalawang porsiyento lamang sa mga tinanong ang nagsisimba nang di-kukulangin sa isang beses sa isang linggo, at 25 porsiyento ang nananalangin “araw-araw” o nang “madalas.” Sinabi ng sosyologong si Régis Debray na ang mga tao ay umaanib sa relihiyon hindi dahil sa pananampalataya kundi ang kanilang habol lamang ay ang pagiging miyembro nila. “Ang relihiyon ay nagiging identity card,” ang sabi niya.
Mga Trumpetang Kabibi
“Ang sinaunang mga trumpeta ng mga taga-Peru na yari sa Strombus conch na mga kabibi ay maaaring ginamit sa pagbibigay ng hudyat kapag nasa malalayong lugar,” ang ulat ng magasing New Scientist. Natuklasan ng mga mananaliksik ang 20 may-dekorasyong trumpeta na yari sa conch na kabibi sa Peru, na ang bawat isa ay binago upang maiporma ang ihipan. Sa laboratoryo, ang mga trumpeta ay nakapaglabas ng 111 decibel na antas ng tunog—katumbas ng antas na inilalabas ng isang makinang ginagamit sa pagbabaon ng pilote. “Sa tahimik na mga burol ng Andes, umaalingawngaw ang matinis na tunog ng mga trumpeta na umaabot hanggang sa layo na di-kukulangin sa apat na kilometro,” ang sabi ng New Scientist.
Pagreregalo sa Kasal Gamit ang mga Credit Card
Sa tradisyonal na mga kasalan sa Turkey, ang mga nakikigalak sa kasalan ay nagsasabit ng alahas sa nobya at pera naman sa nobyo. Subalit sa Turkey, gaya sa iba pang mga lupain, nagiging popular sa lipunan ang mga credit card. Sa isang kasalan kamakailan sa Antalya, nagdala ang mga bagong kasal ng isang nabibitbit na credit card scanner sa kasalan, ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Pinadaraan ng mga kaibigan at mga kamag-anak ang kanilang mga credit card sa makina para magdeposito ng pera sa bangko ng bagong mag-asawa at pagkatapos ay isinasabit nila sa bagong mag-asawa ang mga resibo ng deposito.
Sistema sa Pagpapainit sa Bahay-Pukyutan
Para makaligtas sa ginaw ng taglamig, nagpapainit ang mga pukyutan “sa pamamagitan ng pagpapangaligkig sa kanilang mga kalamnan na ginagamit sa paglipad,” ang ulat ng Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ngunit hindi pare-pareho ang temperatura sa loob ng bahay-pukyutan. Bumababa ang karaniwang temperatura sa katawan ng mga pukyutan mula sa 30 digri Celsius kapag nasa gitna ng bahay-pukyutan hanggang sa 12 digri Celsius o mas mababa pa kapag malapit sa bandang labas. Natuklasan ng mga siyentipiko sa University of Graz, Austria, na ang mga pukyutang nasa gitna ng bahay-pukyutan ay mas nangangaligkig kaysa sa mga pukyutang malapit sa bandang labas. Sa ganitong paraan, nababawasan ng mga pukyutan ang paglabas ng init sa bahay-pukyutan at sa gayo’y umuunti ang mga pangangailangan para sa pagkain kung taglamig. Subalit nananatili pa rin ang katanungan: Paano nalalaman ng mga pukyutan na nasa mainit at komportableng lugar ng bahay-pukyutan na dapat silang maglabas ng higit na init kaysa sa mga pukyutan na mas malapit sa labas?